pers lab

 

Masarap ang umibig sa unang pagkakataon. Pakiramdam mo, nasa alapaap ka na. Ang isipan mo lumilipad. Ang puso mo ay parang martilyo dahil sa lakas ng tibok ng iyong puso. Kakaiba nga talaga kung unang pagkakataon mo sa pag-ibig. 

 

Pero paano kung ang unang pag-ibig mo ay ang unang pagkakataon mo rin na masaktan? Kung sino pa ang taong mapag-tuunan mo ng pansin ng buong puso mo, siya rin pala ang makakasakit sayo na higit pa sa ibang sakit na naranasan mo. Nakikita mo siya pero hindi ikaw ang kanyang nakikita. Iba pa pala. Paggising mo pa lang siya na agad ang usal ng iyong bibig. Pero siya, paggising pa lang niya ibang pangalan na ang naka-rehistro sa utak niya. Hindi ikaw, kundi iba.

 

Iisipin mo, ikaw na ang pinakapangit sa buong mundo. Sa pagharap mo ng salamin, gusto mo nang burahin ang repleksyon na nakikita ng iyong mga mata. Buong magdamag kang iiyak sa may unan mo hanggang sa mag-umaga na ang mga mata mo’y namamaga sa kaka-iyak. Ang sasabihin naman ng kaibigan mo, martyr ka. Ang iba naman ay sasabihin na tanga ka. Maguguluhan ka. Hanggang sa gusto mo nang mawala sa mundong iniikutan mo. Ayaw mo na siyang makita at magtatago ka. Tinatakasan mo ang lahat. Lahat ng bagay ay sinira mo nang dahil lang sakanya.

 

Kung iisipin mo sa lahat-lahat ng nangyari wala ka rin palang napala. Oo, siya ang naging unang pag-ibig mo. Pero hindi siya ang unang tao na nagbigay sayo ng kaligayahan. Hindi siya ang nagbigay ng buhay para sa iyo. At higit sa lahat, hindi siya ang una at ang huling mamahalin mo.

Meron nga bang unang pag-ibig na nauwi sa happily ever after? Kung meron man, siguro ipupukpok ko na ang ulo ko sa bato. Ang unang pag-ibig ay hindi nauuwi sa walang hanggang pag-ibig, ito lang ang nagpapakita sa atin kung gaano kasarap magmahal. Ito lang ang nagbigay satin ng sneak peek ng pag-ibig. Kung sa pagkain na exotic ay papatikimin ka, sa unang pag-ibig ay patitikimin ka rin. Sa mga unang kagat mo nito, nasasarapan ka dahil iba ito sa panlasa mo. Pero sa huli, iluluwa mo rin ito. Mapapaitan ka o maanghangan. Ganyan ang unang pag-ibig.

Pero hindi ibig sabihin na matatakot tayong umibig muli dahil lamang sa unang pagkabigo natin sa pag-ibig. Ang buhay ay nagpapatuloy. Kung baga sa kasabihang “habang may buhay may pag-asa,” ganoon din naman sa pag-ibig. Habang tayo’y buhay at nagmamahal, ang pag-ibig ay hindi matatapos. Darating din ang mamahal sayo balang araw. Mamahalin ka niya habang buhay. Huwag kang mawalan ng pag-asa, malay mo, nandiyan lang siya sa paligid at naghihintay para mapansin mo ang kanyang pag-ibig na walang kupas. At sa banding huli, mararamdaman mo na naman muli ang damdaming unang pag-ibig at higit pa sa naramdaman mo noon.

Walang kupas ang pag-ibig. Magmahal ka habang buhay at may magmamahal din sayo…

 

>>go back

 

©November 2003 by Vanya Robiso

respect, do not steal.

 
Hosted by www.Geocities.ws

1