Nakatingin lang siya sa kawalan. Ang buong katawan niya ay nanghihina at
walang sigla. Bagamat ang mga luha niya ay patuloy na pumapatak hindi man
lamang niya maipahid ito dahil sa pamamanhid ng kanyang mga kamay. Wala
siyang maisip na gawin ng mga oras na iyon. Kung sa bagay, naisip niya,
wala na ring patutunguhan ang kanyang buhay.
Doon lamang niya napansin na marami na palang tao sa kanyang paligid.
Lahat ay nakatingin lamang din sa kabaong nasa harapan niya. Mga mukha’y
parang nawalan ng pag-asa; parang wala na ring bukas na haharapin tulad
niya. Narinig din niya ang iyak ng aleng katabi niya. Ang mga mata nito’y
namumugto at halos mawalan na ng hininga sa lakas ng pag-iyak. Hinawakan
niya ang kamay nito, at saka namang tumingin sa mga mata niya.
“Wala na si Aileen, hindi niya na maibubuo ang mga pangarap niya,” ito ang
mahinang usal na kanyang narinig sa matandang babae.
Tuluyang umiyak ito sa kanyang dibdib. Yakap-yakap niya ito sa kanyang mga
bisig at saka din na pumatak ang kanyang mga luha. Muli siyang napatingin
sa kabaong na kinaroroonan ng kanyang kaibigan, si Aileen.
Limang taon siya noon nang makilala niya si Aileen. Si Aileen ang batang
mahilig sa fishballs at ice cream. Siya ang batang mahilig mamigay ng
kanyang tsinelas sa mga batang lansangan at naglalakad ng nakayapak at
tutulong sa matandang tumatawid sa kalsada. Mabait at masunuring anak si
Aileen. Naulila siya sa gulang na sampu. At sa gulang na labing dalawa ay
siya ang tumayong magulang sa kanyang limang kapatid.
Para sa kanya si Aileen ay maituturing na bayani. Sa gulang na labing walo
ay pinadala siya sa Hong Kong para mamasukan bilang katulong. Pitong taon
siyang naghirap sa ibang bansa para maipaaral lang niya ang kanyang mga
kapatid. Pitong taon siyang hindi umuwi para lang maitustos ang mga
pangangailangan nila. Pitong taon niyang ipinagkait ang sarili sa
kaligayahan na dapat ay maitamasa niya man lang. At sa pagtapos ng pitong
taon na iyon, umuwi siyang nasa kabaong na lang. Malamig na ang kanyang
katawan at hindi na makakapiling pa muli. Patay na ang kilala niyang si
Aileen.
Lumapit siya sa kabaong ni Aileen para muling masilayan ang mukha nito
bago siya umalis. Tumulo ang mga luha sa kabaong na kinaroroonan ni
Aileen. Pinikit niya ang kanyang mga mata.
"Lahat ng paghihirap na ito ay matatapos din. At kapag tapos na ito ay
magiging matagumpay ako. Doon ko mapapatunayan na hindi ako naging talunan.
Tagumpay ako dahil sa bawat dapa na naranasan ko sa aking paglalakbay,
bumangon ako at nagsumikap ng husto. At doon ko na masasabing tapos na ang
misyon ko sa mundong ito.”
Ito ang huling sinabi sa kanya ni Aileen sa liham na kanyang pinadala bago
siya namatay.
Pinahid niya ang kanyang mga luha. Napatunayan niya na hindi luha ang
dapat niyang ipabaon kay Aileen sa paglisan nito. Lumisan si Aileen sa
mundo na may baong tagumpay sa sarili. Nabuo niya ang kanyang mga pangarap,
hindi siya nawalan ng pag-asa at sa kanyang huling hininga ay nagsumikap
siya. Pinatunayan niya na babangon at babangon siya hanggang magtagumpay
siya. At sa kanyang paglisan, tinapos niya ang lahat ng pagsubok na dumaan
sa kanyang buhay. Pagkatapos ng lahat ng kanyang pag-iiyak, napangiti siya.
Masaya na siya tulad ni Aileen. Dahil saan man naroon ngayon si Aileen,
alam niyang masaya at tagumpay na ito. Sa paglisan ni Aileen ay maraming
tao siyang napahanga. Isa na siya doon sa mga taong iyon. Nagpaalam siya
kay Aileen nakangiti at ang kanyang kamay ay kumakaway sa kabaong nito.
Paalam Aileen, ang kanyang mahinang usal. Hindi kita malilimutan...