|
kaibigan lang pala
Ika-19 ng Oktubre 2002.
Napabalikwas ako sa aking kama, napangiti at umunat sabay bangon. Sa simula ay nagtataka pa ako kung bakit kakaiba ang araw ko ngayon. Para bang ang gaan-gaan ng loob ko kahit na alam ko marami pa akong problema na dapat harapin. Hindi tulad ng ibang araw na lagi na lang ako buringot at nakapalumbaba kahit umaga pa lang. Ngunit iba ngayon, ako'y masaya.
At ngayon ko lang naalala na mahalaga pala ang araw na ito dahil ngayon ang kaarawan mo.
Nang maalala kita, natawa ako sa sarili ko. Sa dami ba namang pwedeng kalimutan, bakit pa ang kaarawan mo ang malilimutan ko? Kahit na ngayong hindi na tayo nagkakasama tulad ng dati, hindi na siguro maaalissa aking isipan ang mga alaala mo. Oo, corny pero totoo ang mga sinasabi ko.
Sa tagal ng ating pinagsamahan, siguro'y masasabi kong isa kang manhid. Masisisi ba kita kung ganoon ka? Ako nga pala ang may mali. Itinago ko ang lahat sayo pati na rin ang nararamdaman ko sayo. Akala ko, kaibigan lamang ang tingin ko sayo. Ngunit hindi nagtagal, unti-unti akong nahuhulog. Nahuhulog, na alam ko namang hindi mo ako sasaluhin...
Minsan, tinanong kita ng isang tanong na alam ko'y hindi mo makakalimutan. Natatandaan mo pa ba? Napakunot pa nga ang noo mo at tila ang mga mata mo'y naghahanap ng mga sagot sa aking mga mata. Hanggang ngayon, sariwa pa rin ang mga alaalang iyon.
"Mahal mo ba ako?"
Napangiti ka lang sa aking tanong. Habang ang mga noo mo'y nakakunot at ang mga mata mo'y malalim na nakatitig sa akin, tila bang nag-iisip ka pa sa sasagutin mo.
"Oo naman, kaibigan kita eh."
Oo nga pala, kaibigan lang pala ang tingin mo sa akin. Kaibigan lang...
Wala akong karapatang magalit, Wala rin akong karapatang magselos kung sino man ang mahal mo. Tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam kung sino ang nilalaman ng puso ko. At ikaw yon, ang kaibigan kong tinuturing na minamahal ko rin ng lubusan.
Masakit man tanggapin, kaibigan mo lang ako. Kasama mo sa lahat ng kasiyahan at kalungkutan, gumagabay kapag ikaw ay nawawalan ng landas, nagpapayo kung ikaw ay may problema... Ngunit hindi ako ang nasa puso mo. Tanggap ko na, ako ay isang kaibigan mo lamang. At wala nang hihigit pa doon...
>>go back
ŠNovember 2003 by Vanya Robiso respect, do not steal. |