sheila !
Back to homepage
Back to homepage
email me!
ngitian blues
ilang araw mula ngayon
sa muli nating pagkikita
sana nakangiti na ako,
sanay at masayang mag-isa,
walang takot na muli kang maaabala.

simula ngayon
iiwasan kong huwag masaktan
tuwing maiisip kong wala kang panahon
na pansining mahal na kita.

kailanman mula nang makilala ka
di ko naman ginustong makaramdam
dahil mas madaling mag-isa
at walang kahit anong dala.

pero nariyan ka
at nagpakitang di ka mahirap kasama;
mga ugali natin di nagsasalungat,
mga nakasanayang gawain natatanggap.

hayaan mo,
naiintindihan ko
noong makalawa lang sinabi mo
na di mo kayang mag-alaga ng relasyon ngayon.

huwag ka ding mag-alala,
napagdaanan ko na rin ang ganito noon.
masakit at mahirap sa umpisa,
pero gagaan din sa pagdaan ng araw.

kaya ngayon,
aalis na muna ako,
magtatago at magpapakalayo
mula sa iyo, para sa sarili ko.

mag-iingat ka.
lagi.
hanggang sa muling
palitan ng ngiti.

20jun04, 1245h, dvo airport
Hosted by www.Geocities.ws

1