| Nabuo ang site na ito para maging simbolo ng pagkakaibigan. At sila, ang aking mga kaibigan ang naging inspirasyon ko upang makagawa ako ng ganitong bagay. Higit sa lahat, gusto kong ipahatid at iparamdam sa kanila na nandito lang ang isa nilang kaibigan na handang tumulong ano mang oras. Tunay ngang masaya ang buhay. Ngunit hindi ko inaasahan na mas magiging masaya at makabuluhan ang buhay ko sa pagkakaroon ko ng mga kaibigang tulad nila. Ang IV-Diamond ng St. John Institute, ang binansagang "worst section" na sa kabila ng mga pagsubok at mga hirap sa aming mga buhay, narito pa rin kami at lumabalaban. Iba man ang tingin sa amin ng iba, alam ko na kung makikilala nila kami, tiyak na magbabago ang kanilang pananaw pagkat sa likod ng saya at ngiti, naroon ang katatagan ng bawat isa na kailanma'y hindi mawawala. Inaalay ko sa kanila ang ng site na ito. At sa wakas, natupad na rin ang wish ko, Thank You. Natapos na ang opisyal na site ng IV-Diamond batch 2004 ng St. John Institute. Ayoko mang aminin, unti-unti ng bumibilis ang tibok ng aking puso dahil sa kaba at takot. Mahirap mang isipin at masakit man sa aking kalooban, alam ko na darating ang panahon na maghihiwa-hiwalay rin kaming magkakaklase. Kaya inaalay ko ang site na ito sa kanila upang magsilbing alaala na minsan sa aming mga buhay, kami ay naging isa at naging tunay na magkakaibigan. Hindi ko sila makakalimutan. Nakakatawa, Oo. Pagkat kahit ako ay hindi naging ma-emote tulad nito. Pero gusto kong samantalahin ang pagkakataon para masabi ko at malaman ng mga kaklase ko na sila'y mahal ko. Halos apat na taon ko na silang nakasama, tinuring na parang isang tunay kapatid at minahal ng walang halong pagkukunwari. Napakarami kong gustong sabihin. Sana nga, huwag na lang lumipas ang panahon. Pero kailangan, kailangan naming iyapak ang aming mga paa patungo sa aming tagumpay. Sundin ang aming mga pangarap at tuluyang ayusin ang aming mga buhay. Dahil alam ko, kahit bumaliktad pa ang mundo, dumaan man ang bagyo at kahit lumipas pa ang higit sandaang libong sabado, hindi mababago ng kahit sino ang nabuong pagtitinginan at pagmamahalan namin sa isa't isa. At sa puso ko, mananatili sila.. Mga kapatid ko, maraming maraming salamat sa pagmamahal na ibinigay nyo sakin! Para sa inyo ang site na 'to. Huwag nyo kong kalilimutan ha, makakapatid parin Tayo!!! |