|
afterthirtyyears likha ni: shelly
|
|
|
|
“Hanggang may pagkakataon, iparamdam mo na mahalaga siya. Baka lumipas ang panahon, maghiwalay na lang bigla ang landas niyo. Paano mo pa maipaparamdam yun kung wala na siya?…”
Makausap pa kaya kita sa paglipas ng panahon?
Di ko na alam ang bago mong telephone o cellphone number. Di na ko nakakapag-email sa iyo. Ang friendster laos na. Di naman kita masulatan dahil di ko na alam ang home address mo. Napakalayo na natin sa isa’t isa, paano pa kaya yun? Mga simpleng komunikasyon natin sa isa’t isa unti-unting naputol na.
Magkakilanlan pa kaya tayo sa kabila ng unti-unting pagbabago?
Tignan mo nga naman ang panahon, parang kailan lang talaga. Alam mo, pumayat na ako. Lagi mo pa kong pinagsasabihan, “mag-ghetta ka na, tabachoy!” Naalala ko noon, pinagtatanggol mo ko palagi. Miss na miss ko na yun… Siguro ikaw rin nakahanap ka na ng daan para tumangkad ka. Hehe. Sabi mo kasi, darating din ang araw na titingalain ka ng lahat. Dumating na siguro yun sa buhay mo… Sayang wala ako nun…
Makamusta ko pa kaya ang buhay mo?
Sino ng asawa mo? Siguro dami mong naging ex noh. Ilan na anak mo? Siguro sa sobrang gwapo ng asawa mo, higit sa tatlo ang anak mo noh. Hehe. Madalas nating pagbiruan yan noon, naalala mo pa kaya yun? Saan ka na nakatira? Naipatayo mo na siguro yung dream house na madalas mong iguhit sa likod ng notebook mo. Ano ng trabaho mo? Siguro ang dami mo ng business deals dala ng pagsisikap mo. Alam ko namang kayang-kayang mo yun. Ang tibay ng pagtitiwala natin sa isa’t isa, alala mo pa ba yun?
Makaayon pa kaya ako sa takbo ng buhay mo?
Naisip ko yung paborito nating tambayan. Yung sa gilid ng iskul, dun sa konti lang ang tao. Sa napakahalagang lugar na yun, napakarami nating napag-usapan. Doon tayo nagkakilala nang husto, nabuo ang tunay na pagkakaibigang hinahanap-hanap ko ngayon. Sabay tayong pumapasok at umuuwi noon. Kahit saan magkakambal ang landas na tinatahak natin. Eh ngayon, sino na kayang kaakibat mo sa bawat yugto ng buhay mo?
Maalala mo pa kaya ang mga kalokohan at problemang nalagpasan nating dalawa?
Ang mga hagik-gikan, harutan at kaugaliang bakas ng kamusmusan. Siguro ang laki na ng pinagbago mo noh, ako rin naman eh. Pero minsan, sumasagi sa isipan ko ang mga oras ng kabataan natin. Mga simpleng alitan, “ka-kornihan” kung tatawagin. Hindi pa kumplikado noon, di tulad ngayon. Tama nga siguro si Peter Pan, ang sarap maging bata. Nakakalungkot palang tumawa mag-isa o di kaya’y makipag-away sa sarili. Wala ka na kasi eh. Yun yung mga panahong ang sarap balik-balikan, nung nasa tabi pa kita…
Ang pinagsamahang itinuring nating napakatibay, naaalala mo pa kaya?
Yung pangako natin sa isa’t isang kailanman di tayo maghihiwalay, tila napaglipasan na ng panahon. Di mo nga naman makokontrol ang takbo ng bawat sandali. Ang oras napakabilis, di mo mahagilap, di mo mapigil ang mga sandali. Pasensya ka na, nawala na ko sa buhay mo. Oo, naiintindihan ko rin na nawala ka na rin sa buhay ko. Siguro ganun lang talaga, kelangan nating maghiwalay para magkasubukan.
Pero naisip ko, sana nakibalita pa rin ako sa iyo. Sana nagsikap akong hanapin ang cellphone number o landline mo. Sana nakahingi ako ng mga letrato’t liham nang sa gayo’y di ka mawaglit sa isipan ko. Sana tinuloy ko ang pag-email sa iyo, kahit busy na ako. Sana nagkaroon ako ng pagkakataong makita ka, ang bahay mo, ang pamilya mo. Nakita ko rin sana ang unti-unting pag-abot mo sa mga pangarap mo. Yung tawa mo at ngiti mo, sana hinanap ko. Sana nagkaroon ako ng panahong pagtibayin ang samahan nating di matutumbasan ng anumang tinatamasa ko ngayon. Sa kabila ng kabuuan, parang may kulang. Ikaw pala yun.
Sorry ha, sana ginawa ko tong mga ito. Pinaramdam ko sana sa iyong mahalaga ka pa rin. Na-realize ko sana yung mga pagkukulang ko. Nag-keep in touch pa rin sana ako kahit malayo na sa isa’t isa. Na-miss talaga kita. Sorry... Sana di pa huli ang lahat… kahit… THIRTY YEARS NA ANG LUMILIPAS… E di sana hindi ganito ang nilalaman ng kuwentong ito.. |