|
silid-ARALANpaba? likha ni: shelly |
|
|
|
Malumanay kong dinikit ang manila paper sa malapad na pisara. Kinuha sa daliri ang binilot na masking tape. Inilapag ang kinompyuter na ulat sa lamesang naka-puwesto sa gitna ng berdeng silid at saka dun ipinatong ang “reference book” ko (sakaling may malimutang datos sa pag-uulat). Huminga ng malalim. Humingi ng katahimikan. Nang di ko nakuha ang atensyon ng nag-iingay na klase, sinabi ko kay titser na nangangaral pa rin sa di ko alam na kadahilanan dun sa estudyanteng mula sa kabilang klase. Maya-maya’y umupo na siya sa dulong “arm chair”, patuloy ang pag-aabaniko kahit nasa tapat na siya ng bentilador. Ilang minuto pa ang tinagal bago ko nagsimula. Ang haba pa ng sinermon ni titser, eh katahimikan lang naman ang hinihingi ko. Inungkat nanaman niya ang lahat ng tipikal na bintang sa estudyante – maingay, tamad, delingkwente, iresponsable, walang modo, at marami pang sumbat na halos araw-araw na naming nasasaulo. Sa bawat pagkikita, ganun na lamang ang senaryo. Umabot pa nga noon ang sermon tungkol sa buhay-kabataan niya. Napanganga na lang kaming lahat. Sa 40 minutong nakalaan para sa asignaturang iyon, 20 minuto na lang ang nalabi dahil sa paunang salita ng aming guro. Nangalay na ang aking mga binti sa pagtayo, uupo na sana ko nang sabihin niyang, “Sige iha, simulan mo na.” Sinimulan ko naman ang pagtatalakay. Ilang pangugusap pa lamang ang aking nabibigkas nang biglang sumingit si titser. Pinuna pa niya kasi ang paulit-ulit kong pagbigkas ng “po”, dapat daw kasi sa mga kamag-aral ko sasabihin ang ulat at hindi sa kanya. Agad nanamang naging dahilan ng ingay ito. Di daw kasi nila naintindihan kung bakit bawal mango-po kapag nag-uulat. 5 minuto pa ang lumipas. Medyo napakunot-ulo na ako ngunit tuloy pa rin ang pagsasalita ko. Lumapit pa ako sa manila paper kung saan tinuro-turo ko ang ilang naka-bullet na parirala. Parang traffic enforcer ang hitsura ni titser nang itaas niya ang kanyang kamay at sinabing “teka teka lang iha.” Tuluy-tuloy ang kanyang pagsasalita. Nung una’y sinusubukan ko siyang unawain. Ako rin ang sumuko sa huli. 5 minuto muli ang nabawas. Namasid kong ang klase ay nag-hahagikgikan na lamang habang nakatingin (kunwari) sa akin. Mayroong nakadungaw sa labas. Nakatingalang nag-aabang ng milagrong sana mag-timbre na. Nakayukong ngumunguya ng chichiryang patago pang inuubos. At may mga naka-tagilid habang nag-guguri ng kung anu-ano sa kwaderno nila. Tumayo si titser. Inusisa ang mga kamag-aral kong nasa sulok (na nagpapasahan ng sulat dahil bagot na bagot na). At siyempre, maabilidad ang mga estudyante, sinuksok sa medyas ang muntik ng makuhang sulat. Nagalit muli si titser. Sasampung minuto na nga lang ang natira, naubos pa dahil sa pag-aalboroto niya. Tumunog na ang timbre, lumalabas na ang mga guro, at naglalakad na ang mga estudyante. Di pa rin kami tapos. Wala naman kaming sinimulan pero di pa rin kami tapos – ang sermon ni titser na kumain sa buong oras namin. 40 na minuto ngunit wala akong bagong natutunan.
Interesante pa man din ang aralin ngunit nanatiling malamig ang libro’t kwaderno. Tulog ang chalk. Balot sa kumot ang pisarang naghihintay masulatan o madumihan man lang ng kahit sino. Puno pa ang tinta ng bolpen. Puro guhit lang ang nasa papel, sa halip na leksyong nagmula kay titser. Tuyo sa kaalaman ang laway ng mga mag-aaral. Pumasok. Lumabas – nang walang bagong nalaman. Nangulila sa tunay na silid-aralan ang mga batang uhaw sana sa karunungan. Binusog na lamang sila ng hagikgikan. Marami pa sana silang nalaman. Umapaw sana ang tigang na sulatan. Ito ang nagaganap sa loob ng “ikalawang tahanan” ika nga. Institusyong pumupukaw sana sa murang isipan ng mga kabataan. Lugar sana kung saan ang mga pangarap ay namumutawi ngunit ngayo’y napakaliit ng tiyansang ihayag ang sarili.
Madalas nila itanong nasaan na ang mga batang may dedikasyong mag-aral? Sagot naman namin, paano kami magkakaroon ng inspirasyon kung bulok ang sistema ng pagtuturo? Nasaan ang kalidad ng edukasyon? Minsan, di lang sa estudyante nararapat ibunton ang paninisi. Tignan ang kabilang anggulo. Di lang kami ang rason sa problema ng buong nayon. Sabi ng DECS, bumobobo na raw ang ilang kabataan. Iba na raw ang henerasyon. Di nila maungkat ang kaisipang may mga pagkukulang din sa sistema. Sistemang sana’y mabigyan din ng pansin lalo na sa mga pampublikong paaralan. Naroon ang libu-libong sagot kung bakit wala ng gana sina Nene at Totoy mag-aral ng leksyon. |