isangkwentongsawi likha ni: shelly

 

 

“Dumating sa punto ng buhay kong akala ko gusto mo ko. May nakita kasi akong mga dahilan para mahulog sa iyo. Tapos nalaman kong ganun ka din pala sa iba. Mabait ka lang talaga, akala ko gusto mo ko!”

 

Ang dami kong inakala tungkol sa iyo. Mga bagay na kailan ko lang nalaman. Minsan pala, sa huling sandali mo lang makikita ang hubad na katotohanan. Mahirap maniwala agad. Masakit umasa.

 

Nang makilala kita, nahulog na agad ang loob ko sa iyo. Napakabait mo kasi, di lang sa akin, kundi sa lahat. Kahit ang taas mong tignan dahil sa dami ng kakilala mo, “down to earth” ka pa rin kasi may panahon ka palagi para sa lahat ng kaibigan mo. Di na ko magtatakang crush ka ng bayan. Actually, sa tuwing lalapit ako sa iyo, ilang beses ko pang pag-iisipan kung lalapit na nga ba ko – nahihiya talaga ko sa iyo noon. Pero sa kabila ng ugaling mahiyain ko, ikaw ang nagpawala nun. Para bang lagi akong tanggap sa tuwing kakausapin o lalapitan kita. Minsan nga kapag nagkakasalubong tayo, ikaw pa ang unang bumabati. Bihira lang yun mangyaring na-aapreciate ng mga tao yung presence ko. Kaya nung isang beses na kinailangan mo ng tulong, di na ako nag-atubili pang tulungan ka. Maliit na sukli yun sa nakahihigit na ngiting binibigay mo sa akin. Simula noon, lalo pa kong napalapit ang loob ko sa iyo. Dumating pa nga yung pagkakataong nag-alok ka ng tulong nung panahong naghahanap ako ng kaagapay. Laking gulat ko nun. Di ko kasi inasahang ang isang tulad mo, gagawa ng pabor para sa isang katulad ko. Para bang umabot ang langit sa lupa at bumaba ang bituin mula sa mga ulap. Sa tuwing nangyayari yun, nag-uumapaw ang galak sa puso ko. Hindi mo lang alam, kung paano mo pinawi ang lahat ng pag-aalinlangan ko sa buhay. Dahil sa iyo, mas natutunan kong magpahalaga. Binawi mo ang mga lungkot sa damdamin ko at pinalitan mo ng bagong pag-asa.

 

Nasanay na tuloy akong palagi kang nandyan. Nalunod ako sa pag-asa. Pag-asang di ko naman dapat sinimulan pero nagtuluy-tuloy sa damdamin ko. Lagi na kitang hinahanap. Lagi na kitang gustong makausap. Nawala sa isipan kong di lang ako ang iniikutan ng mundo mo. “All-around” ka nga pala. Friends lang tayo. Ano nga namang karapatan kong magtampo kung minsang nawawala ka na sa tabi ko. Sinusubukan ko minsang magparamdam para lang mapansin mo ko ulit. Para na nga kong tanga minsan eh. Nalulungkot na lang ako palagi sa tuwing nararamdaman kong pinagsasawalang-bahala mo na ko. Nangarap kasi ako ng gising eh. Gusto sana kitang sisihin sa lahat ng pagluha ko pero… ano naman ang ibubunton ko sa iyo, eh ako lang naman ang umasa simula pa noon!

 

Sana dumating na yung panahong makalimutan ko ng umasa. Misinterpreted feeling lang siguro yun. Na-sobrahan ako sa pantasyang inalok sa akin ng pagkakataon. Di ko naman pinagsisihang dumating ka, pero sana di ka dumating nang ganoong katindi sa puso ko. Sa kabila ng lahat, nagpapasalamat pa rin akong nakilala kita. Iba ka sa lahat, yan ang tatandaan mo.

 

“Minsan naiisip kong sana di na lang kita nakilala, masaya naman ako noon eh kahit nung wala ka pa! Di tulad ngayon, pinahihirapan mo lang ako. Alam kong di mo sinasadyang makilala mo ako. Ako ren eh, di ko sinadyang mahalin ka nang ganito!”

leave a comment

Hosted by www.Geocities.ws

1