|
payong likha ni: shelly
|
|
|
|
Bakit ba sa tuwing maglalakad ako, bigla na lang kitang maaalala? Saan mang lupalop ako mapunta, malayo na sa kinatatayuan mo, masid ko pa rin ang mga alaala mo. Minsan mahirap pala maglakad nang mag-isa, di dahil sa pangambang mananakawan ka ng polseras o ng relo kundi, nakakatakot din palang manakawan ng mga sandali at magbabalik sa iyo ang kahapon.
“Time can heal the wounds.” Yan ang madalas na pampalubag-loob sa mga taong nasasawi sa pag-ibig. Ilang beses ko din yan naging quote of the day. Sa katunayan, quote of the century pa nga eh. Kulang na lang eh lamunin ko yang mga salitang yan araw-araw at itatak sa puso’t utak kong makakahanap pa ako ng iba bukod sa iyo. Inaamin kong dumating sa punto ng buhay kong nagbalik ang mga tanong na ‘bakit’ at ‘paano’. Nangahas akong balikan ka sa nakalipas na siya namang nilisan mo na pala. Minsan din akong naghanap ng mga sagot sa sanlibong tanong ko at nagtagal ding lumalim ang pag-iisip ko tungkol sa akin at sa iyo.
Dati nga’y napalinga pa ako sa isang lalaking masikap na ipinag-papayong ang kanyang girlfriend. Kainitan ng araw nun at kailangan kong ihabol ang mga requirements kong ipapa-photocopy ko pa. Sa kabila ng hectic hours ika nga, tila baga nag-pagong ang mga paa ko habang nakatitig sa magkasintahang yun. Napakasaya kasi nilang titigan, magkaakbay, at magkahawak ang kamay. Alam mo, naalala kita. Di kailang minsang na-miss kita. Di ko maitangging hinanap ko ang mga pagkakataong may kasama akong maglakad sa labas at saka maghahabol sa tumatakbong oras.
Noon, gusto kong ungkatin muli ang lahat. Ngunit, palagi ko ring naiisip, eh ano pang silbi ng mga yun gayong tapos na ang lahat sa atin? Tapos na ang pamamasyal natin tuwing hapon. Tapos na ang panonood natin ng basketball games o ang pakiki-party natin kapag gabi. Sarado na ang mga pintuan, pati ang pintuan ng mga puso natin siguro. Sa katunayan, inalis ko na ang lahat ng mga bagay na magpapaalala sa iyo. Letraro, liham, mga regalo at kahit friendster account mo, binura ko na din sa friend list ko. Oo, sabi natin noon na magiging “friends” pa rin tayo pero na-realize kong ang hirap palang isiping magiging kaibigan na lang ako para sa iyo kaya mas pinili kong tuluyan nang lumayo para kalimutan ka.
Dumikit ako sa paniniwalang “The past may bring you happiness in the present.” Di ako naubusan ng lakas nang iwan mo ko. Nagpatuloy ako sa buhay ko. Ika nga, umiikot ang mundo at hindi titigil ang mundo para lang sa isang katulad ko kung kaya’t kailangang mag-move on. Nagsulat pa rin ako, naging mabuting estudyante at kahit puro sawing tema na lang ang mga inilalathala ko, hala sige, nagpakalunod pa rin ako sa mga trabaho. Akalain mo, sa paglalakad kong yun habang nakatingin sa magkasintahan at inaalala kita, nakabangga ko naman ang isang maginoong estudyante. Isang tipikal na eksena ang pagkalaglag ng mga papel ko at saka pinulot niya isa-isa ang mga yun ngunit, napatunayan kong totoo din pala ang mga ganung mala-pantasyang istorya. Nalaman kong student volunteer pala siya dun sa library kung saan ako magpapa-photocopy. Dun kami unang nagkakilala.
Inaamin kong matagal na panahong ikaw pa rin ang iniisip ko kahit nandiyan na siya. Nung una, di ko makuha kung bakit palagi niya kong sinasamahang maglakad at magliwaliw sa park. Nagtataka ako kung bakit binibilhan pa niya ko ng kape kapag nagsusulat ako. Pero sabi nga, “time can heal the wounds” at dagdag ko pa, “…but you must take your time letting go and love will bring you to a lesser sorrow"
Ngayon, nakakatuwang isiping kung di dahil sa pag-iisip ko sa nakalipas, di ko makikilala ang kasalukuyan. Ilang months ko na rin siyang kasama at masaya naman ako. Minsan pala, di rin naman masamang isipin ang dating kasawian sapagkat, baka nandun ang mga kasagutan. At higit sa lahat, mahalagang bigyan ng sapat na panahon ang pusong muling bumangon. Matagal man akong naglakad nang mag-isa noon, di ako napagod maghintay sa taong susunod na makikisukob sa payong ko. |