MAY PAG-ASA PANG NASA KARIMLAN

by: shelly06

 

Mga Tauhan:

1. Renato – padre de pamilya ; mahirap lamang sila ; pilit na binubuhay ang 5 anak at asawang may malubhang sakit

2. Milagros – asawa ni Renato ; may sakit sa bato at kailangang ipagamot

3. Mga Anak – di na nakakapag-aral ; laging gutom at palabuy-laboy ; may pagmamahal sa mga magulang

4. Sixto – kaibigan ni Renato ; sumapi sa isang sindikato

5. Boss Chito – pinuno ng sindikatong nang-uumit ng cellphone sa may Recto

6. Ka Paeng – kaibigan din ni Renato ; may katandaan na ; masikap at may malinis na puso

 

Matagal ng naghihikahos ang pamilya ni Renato. Nasunugan sila noon kung kaya’t di na sila nakabangong muli sa kahirapan. Ngayo’y nakatira na lamang sila sa isang karitong bigay ni Ka Paeng, sa sulok ng Ever Gotesco Mall ng Recto, Manila. Kakatapos pa lamang ng kontrata ni Renato bilang construction worker sa isang gusali kung kaya’t wala na siyang trabahong muli. Bagama’t nakakaramdam ng gutom ang kanyang pamilya, patuloy na nagbibigay-lakas ng loob ang mga ito kay Renato. Nais ni Renatong ipagamot si Milagros ngunit dahil kapos sa  pera, di niya ito magawa. Kahit ganoon ang sitwasyon, ngiti pa rin ang nakabatid sa maamong mukha ng kanyang asawa. Sa tuwing uuwi si Renato mula sa paghahanap ng trabaho, tila natutunaw ang kanyang puso sa tuwa sa tuwing yayakap ang limang supling na puno ng galak.

Nalalapit na ang Pasko. Nais niyang bigyan ng kaginhawaan ang kanyang pamilya, ngunit wala pa rin siyang trabaho. Problema niya ang mapagkukuhanang-pera para sa munting pang-Noche Buena nila at ang pambili ng gamot para sa kanyang asawa. Isang gabi, nasalubong niya si Sixto. Dati rati’y kapos sa pera ang lalaking ito ngunit, inilahad niya kay Renato na sumali siya sa sindikatong nagnanakaw ng cellphone at kumita siya ng limpak-limpak na salapi. Hawak si Sixto ng tinatawag nilang si “Boss” Chito, na may tagong kuta sa likod ng pabrika. Kung nais diumano ni Renatong sumapi, ay tumungo lamang siya dun.   

Nagtatalo ang isip ni Renato. Dahil sa udyok ng kahirapan, mapipilitan siyang kumapit sa patalim upang maisalba ang pamilya. Kinabukasan, lumapit din si Ka Paeng sa kanya upang sabihing maaari siyang umekstra sa isang vulcanizing shop ngunit mababa lamang ang suweldo sapagkat medyo matumal pa ang kita. Subalit, kung magsisikap siya’y lalaki rin balang-araw ang kita niya. Maaari na sanang trabaho yun para kay Renato ngunit, kailangan niya ng madaliang kita.

Napagdesisyunang sumapi ni Renato kina Boss Chito at nabigyan na siya ng paunang bayad. Isang gabing maluwalhati ang pamilya niya dahil nakapagdala siya agad ng limang-libong piso. Ngunit, isang araw nang magnakaw siya, nahuli siya ng mga pulis. Dinala siya sa presinto at kinalimutan na siya ni Boss Chito. Labis ang pagsisisi niya. Sana hindi na lang siya gumawa ng isang masamang gawain at sa halip, nagsikap nang maigi upang kumita ng salapi. Nahihiya siya sa kanyang pamilya at di niya alam kung paano na ang buhay nila. Dumating sa presinto si Ka Paeng upang magbigay ng isang mahalagang bagay. Isang lumang krusipihong bigay ng kaibigan niyang pari. Simbolo ito ng pagbabago at pagbabalik-loob sa Diyos. Kinabukasa’y Araw ng Kapaskuhan. Dumalaw si Milagros, kasama ang limang anak nila pati na rin si Ka Paeng. Ipinangako ni Renato na siya’y magbabagong-buhay na at kapag nakalabas na siya sa kulungan, maghahanap na siya ng marangal na trabaho. Ibabangon niya ang pamilya mula sa kasadlakan sa malinis na pamamaraan. Saksi ang mga tala nang kinagabihang iyon, umaasa siyang may pag-asa pang mamumutawing muli.

leave a comment about this

Hosted by www.Geocities.ws

1