manggagawa likha ni: shelly

 

Sadlak sa paghihikahos ang mga manggagawang kontrolado at hawak ng makakapangyarihang salarin ng inhustisya. Nakaririmarim kung titignan ang sitwasyong naghahalo ang pawis at dugo, ang luha at halakhak ng luho. Animo’y mga manikang pinapagalaw ng mga kamay na bakal na imahe ng kawalan ng pag-asa at pagkalugmok nang tuluyan sa kasawian. Puno ng pighati habang patuloy na palaisipan sa isip ng mga manggagawa, “nasaan na nga ba ang hustisya at liwanag ng pagmamahalan?”

 

            Sa paglikwad ng mga sandaling puspos ang pag-iisip, napagnilay nilang “paanong mararating ang daang waksi kung sa tuwina’y walang pagkilos at patuloy lamang na pagtangis?” Napagtanto na ang pagmamahalan ang siyang daan sa tunay na katarungan at ang bawat isa ang siyang susi tungo sa katuparan.

 

            Unti-unting mamumulat mula sa pagka-iglip ng pananahimik ang mga manggagawa. Katanghalian na ng pagbangon tungo sa pagbabago. Nais nila’y katarungan at karuwaga’y pilit na maiiluwal mula sa pusod ng kaibuturan. Sama-samang magkakaisa—isang lahi, isang puso para sa iisang hangarin. Para sa kanila, tapos na ang dilim sapagkat sinag ng katarungan at pagmamahalan ay isang dipang langit sa tuwina. Panahon na ng paglaya at isigaw sa lahat ang halaga ng manggagawa sa ating lipunan. Alam nilang ang Diyos ay nasa pagpupuri nila at bawat gawai’y alay sa nag-iisang Poong lumikha. Bukas ay darating din na lilingapin ng Diyos ang Kanyang mga nilikha, nang pantay-pantay, walang sinisino sapagkat sa pag-ibig lang Niya, matatamo ang isang makatarungan at nagmamahalang salinlahi.

   

leave a comment about this

Hosted by www.Geocities.ws

1