larawan likha ni: shelly

 

 

Sa larawan mamasid, matutunghay

Alaala ng panahong sagad nang humimlay

Hiwagang maliksi, dala ng isang larawan

Pamukaw sa miminsang pighati at kasaganaan

 

Mga guhit na taglay, isang yugto ang animo’y katumbas

Pagtahak sa mga kurbadang batid ay pagpupumiglas

Pagguhit sa katuwiran, pag-asang nasa karimlan

Kulay ng kahapon, huhusga sa obra ng sa ngayon

 

Kulay na nakatatak, sadyang may pahiwatig

Ang buhay nga naman, isang larawang nakasabit

Madidilim na sulok, nagpaalala ng sigalot at problema

Nakaumang na bumubuhay sa obra, sa liwanag ng pag-asa

 

Di makakailang buhay na alay ay isang larawan

Letratong hubog ng alaala’t taong nakasalamuha

piraso’y iba’t iba ang hulma at pagkakalagay

Ukit at pagbuo ay sa "maestro" nakasalalay

 

Di lamang sa mababaw na tingin ang ibanta sa larawan

Itangi bilang inspirasyon ang mga landas na pinagdaanan

Nang sa tuwina’y matuwid, ang guhit ng pagkakamali

At makamatang muli, ang tagumpay na kay tamis

leave a comment about this

Hosted by www.Geocities.ws

1