|
anghulingliham likha ni: shelly
|
|
|
|
Madalas nilang sabihin makakahanap pa ko ng iba. Marami pa daw diyan. Di ka daw para sa akin kasi ang taong totoong mamahalin ako, di ako paluluhain. Ewan ko ba. Napakalumang linya na yan sa akin. Namamanhid na ko sa gasgas na linyang yan. Pero nakapagtataka, yung iniwan mong sakit, ang tagal kong dinama – dun ako di namanhid. Nainis ako noon at inisip na minsan ka na nga lang magmahal, eh nasaktan ka pa. Kung sino pa ang nagmamahal ng tapat, siya pa ang naiisahan ng pag-ibig. Nakakainis. Pero sa huli, luluha ka pa din.
Alam ko ang isa’t isa may pagkakamali. Di kita sinisi pero gusto kong malaman mong minsan lang ako nagmahal ng ganun. Sana di mo hinayaang ganun na lang. Sana naramdaman mo ang pagsisikap kong ayusin ang lahat. Sana man lang tinext mo ko, tumawag ka o dinalaw mo ko. Ikaw kasi eh, ang bilis mong bumigay. Pero para malaman mo, sa kabila ng lahat mahal na mahal kita. Mali lang siguro yung pagkakataon kaya di tayo nagtagal. Akala ko noon ikaw na nga. Ang tagal-tagal kong inisip na ganoon. Ilang linggo akong naging tuliro. Sa kabila ng napaka-libreng panahon, mas pinili kong gugulin ang araw ko nang mag-isa. Maya’t maya ang tawag ng barkada’t kaibigan, gimik doon, mall dito. Pero mas pinili kong mamalagi sa kuwarto ko. Ang alam ng iba okay na ko, pero sa likod ng nakangiting maskara ay ang nagngingit sa lungkot na mukha. Panay pa rin ang pag-iisip, pagtatanong ng kung anu-ano. Tapos na ang lahat pero matagal din akong napag-iiwanan ng panahon. Ngayon, pinipilit kong bumangon. Humaharap sa panibagong hamon. Ang bilis kasi ng pangyayari, di pa rin ako makapaniwala. Dati rati pa-sweet pa tayo. Porma ka, pa-cute ako. Simpleng tawanan. Masayang samahan. Nakilala kita. Minahal kita. At ngayon, limot ko na ang mapait na alaala.
Minsan siguro kelangan lang talaga masaktan, para malaman mong mali ka. Di ko pinagsisisihang nakilala kita at inaamin ko, minsan ko ding pinangarap na makasama ka. Tapos na ang madilim na sandali. Natutunan kong sa bawat unos ay may liwanag din. Na-let go na kita. Nakapag-move ka na. Malayo ka man, malapit ka rin. Alam mo kung bakit? Kasi nandito ka… nandito ka sa alaala kong nagbibigay ng isang munting ngiti.
Ito na siguro ang huling liham na iaalay ko para sa iyo. Salamat. |