|
hulingdismissal likha ni: shelly
|
|
|
|
Lagas na ang mga dahon Sumasabay ang paglipas ng panahon Wala ng makapal na libro.. Wala ng magulong sulat sa kwaderno.. “The End” na ang lahat ng kwento, Tapos na ang pinagpuyatang report ko. Maraming ng nalustay na papel, At patapong basyo ng bolpen Natutunan ko na ang lahat ng dapat malaman Narinig ko na ang mga leksyong di ko malilimutan Malaya na ko sa mga patakarang kinaisan Wala ng sisigaw, di na ko pangangaralan Bakante na ang silid-aralang minsang tinuring kong tahanan. Ang laman ng silid, unti-unti ng nagsi-lisan Binura na ang marka ng tsalk sa maalikabok na blackboard Winalis na ang mga hiyawang batid sa bawat sulok. “Goodbye and thank you” na kay sir at kay ma’am, “See you soon” na lang kahit masakit mamaalam. Ubos na ang chichiryang patago pang nilunok, Puno na ang scratch paper na nabuo sa pagkabagot Wala na ang tawanan, pawisan at mga iyakan. Gunita na lamang ng kamusmusang kay sarap balikan. Sarado na ang pasilyang nakagawiang daanan, Heto’t nagyayaya na ng isang bagong pintuan. Maliwanag na bintana, maaliwalas na silya. Bagong mundo, bagong mukha Masarap sa pakiramdam pero bakit parang may kulang? Lungkot ng miminsang samahang ngayo’y hinahanap-hanap Tinig at tanaw sa kahapong muli kong pinapangarap Mga bagay na dapat kong ginawa Mga pangungusap na dapat winika Mga paa ko’y pilit na bumabalik Mga mata’y ko’y nagpupumiglas, nagpupumilit Damdaming nangungulila, pusong lumuluha Bakit nga ba ganito na, totoong nakaka-miss… Huling dismissal na, ayoko pang umalis… |