|
SI DRAN Unang araw ng klase, nasa ika-apat na taon na ako sa hayskul! Ang bilis ng araw, parang dati lang, naliligo pa ako ng hubo't hubad sa ulan. Ngayon, malapit na akong magtapos, kandidato pa ako sa pagiging balediktoryan, kahit walang mahalagang insprasyon sa buhay. Ngayon, simula na namn ng mga halu-halong tanong at pagkocompute ng mga galaw na paikot (uniform circular motion) at ang banggaan (collision) sa pisika, mga patalon-sayaw sa P.E., mga gapang sa military training at kung ano ano pang mga kailangang makumpleto bago ako makatapos sa ikaapat na taon. Maraming mga bagong estudyante, kasama na ang mga freshmen sa kolehiyo. Minsan nang wala kaming guro sa English, gilid ng bintana ang tinatambayan ng mga kaklase ko. Nakita ko, try-out pala ng mga manlalaro sa basketball. Paglingon ko, may parang gumulantang sa akin dun sa baba. Nang makita ko siya, pakiramdam ko parang kami lang ang tao sa mundo. Ang guwapo niya talaga. Bago lang ata siya sa aming paaralan, noon ko pa lang siya nakita. Parang mayaman ang tindig, tantiya ko mga 6 footer ang taas. Kalbo. May brace ang maputi niyang ngipin. Maputi. Makinis pa ang balat kaysa sa akin! Sabi ng kaklase ko, Dran daw ang pangalan. Dran... Dran... Parang extra terrestrial yung pangalan pero bagay sa kanya! Simula noon ay lagi ko na siyang pinapanood, mapa laro man o kahit pagsasanay lang. Pero siguro hanggang doon nalang. Hanggang tingin, sulyap, tili at pangarap nalang ako. Kahit ang buhay pag-ibig niya ay hindi nakaligtas sa akin. May dumating na isa, nasaktan ako. Nawala yung isa, natuwa ako. Nakailan ba siya? Isa? Dalawa? Tatlo? Ewan, hindi ko na mabilang. Naalala ko tuloy noong hindi siya nagkaroon ng nobya ng matagal. Nagsawa narin siguro. Siguro naawa ang tadhana sa akin, dahil ang kuya ko pala ay naging kaibigan niya! Mabuti nga't nakilala niya ako. Yun nga lang, kilala niya ako bilang kapatid ni Jek. Sister ni Jek. Okay lang, kahit pakiradam ko wala akong sariling personalidad kung hindi kapatid lang ako ng kuya ko. Isang araw, may nangyaring aksidente. Asa elevator ako noon, susunduin ko ang kaklase kong may praktis ng sayaw sa gym. Tiyempo naman na nakasabay ko si Dran! Ang saya saya ko talaga. Tapos, biglang nagbrown out! Hindi ko alam ang gagawin ko. Kinuha ko nalang yung cellphone ko, kunwari may kausap ako. Nagulat ako noong nagtanong siya. "You're Jek's sister, right?" Ano ba yun, nag-english. Wala akong nasabi sa sobrang kaba at kilig kung hindi, "Yup." Tapos sabay naman nagkailaw. Hindi ko ata makakalimutan yon, puwedeng gawing pelikula, "A brownout to remember." Simula noon ay naging magkaibigan na kami. Hindi ata lumilipas ang isang araw na hindi ako napapatalon sa tuwa tuwing nakakatanggap ako ng message mula sa kanya o di kaya ay kung nagkakasalubong kami sa school. Sa tinagal ay hindi ko inaasahan na talagang magkakatotoo ang mga pantasya ko. Ngayon ay nasa kolehiyo na ako. At masaya na ako. Dahil si Dran, na minsang isang pangarap, ay nagkaroon na ng kaganapan sa aking buhay. ni Karen Denise Reyes
|