Mga Pagdiriwang
Disyembre 16-24 - Ipinagdiriwang ang pagsisiyam para sa pagdiriwang ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria kay Kristo na siyang ating tagapagligtas. Ang mga misa ay ginaganap sa ganap na ika-4 ng umaga.

Disyembre 25 - Pagdiriwang ng Pagsilang ng tagapagligtas nating si Hesukristo.

Disyembre 28 - Umpisa ng Nobena sa Mahal na Patrong Santo Nino de Ternate.

Disyembre 31 - Ginaganap ang taunang Pagpapabihis at Pagpapaligo sa Imahen ng Mahal na Poong Santo Nino de Ternate.  Bago ang Paligo, ipinagdiriwang ang Banal na Misa.

Disyembre 28 - Enero 5 - Nobena sa Mahal na Patrong Santo Nino de Ternate. Isang misa ang ginaganap araw-araw pagkatapos ng Nobena.

Enero 5 - Simula ng Pagdiriwang ng Kapistahan ng Mahal na Patrong Santo Nino de Ternate.  Ang orihinal na Imahen ng Santo Nino de Ternate ay inilalabas sa ganap na ika - 1 ng hapon para sa Karakol na magtatapos sa ganap na ika - 5 hanggang ika - 6 ng hapon. Pagkatapos ng Karakol, isusunod ang Huling Araw Nobena sa Mahal na Patron.  Matapos ang Nobena, isusunod ang Pagdiwiwang ng Banal na Misa.  At pagkatapos ng Banal na Misa ay isusunod ang Pagpapabihis sa Mahal na Patrong Santo Nino.

Enero 6 - Ito ang araw ng Kapistahan ng Mahal na Patrong Santo Nino de Ternate.  May mga Banal na Misa na ipinagdiriwang simula ika - 4 ng umaga susundan ng mga Banal na Misa sa ika - 5, ika - 6, ika - 7 at ika - 8 ng umaga.  Ang Misa Konselebrada ay ipinagdiriwang sa ganap na ika - 9 at kalahati ng umaga na pinamumunuan ng Mahal na Obispo ng Diyosesis ng Imus kasama ang mga kaparian ng Diyosesis.  Sa ganap na ika - 6 ng hapon, ipinagdiriwang ang Banal na Misa.  Matapos ang Banal na Misa, isusunod ang Prusisyon ng mga Imahen ng Mahal na Birheng Maria at ng Mahal na Patrong Santo Nino de Ternate.  Pagpasok ng prusisyon, ginaganap ang
fireworks display na karaniwang ipinagkakaloob ng mga Parokyano at Deboto ng Mahal na Patrong Santo Nino.

Ika - 3 linggo ng Enero - Ipinagdiriwang ang kapistahan ng Santo Nino sa pamamagitan ng isang misa sa kanyang karangalan.  Taun-taon, isang batang lalaki ang gumaganap bilang Hermano Mayor.  Isang misa para sa pamilya ng Hermano Mayor ang ginaganap sa umaga at isang misa naman sa dapit hapon bago lumabas ang prusisyon.  Ang Hermano Mayor ay karaniwang nakasuot ng barong sa misa sa umaga at damit katulad ng damit ng Imahen ng Santo Nino de Ternate sa misa at prusisyon sa dapit hapon.  Pagkatapos ng prusisyon, ginaganap ang pagsasalin ng Bara Alta sa susunod na Hermano Mayor na pinamumunuan ng kura paroko.

Marso 19 - Ipinagdiriwang ang Kapistahan ni San Jose, Ama ni Hesus at Ama ng Pandaigdigang Simbahan.  Ang Nobena kay San Jose ay nagsisimula sa ika-10 ng Marso.  Isang misa ang ipinagdiriwang sa kanyang karangalan sa dapit hapon bago lumabas ang prusisyon.

Buwan ng Mayo - Ipinagdiriwang ang Flores de Mayo.  Araw-araw, may mga grupo ng pamilyang nakatalagang mag-alay ng bulaklak at misa.

Hunyo - Ipinagdiriwang ang kapistahan ng Mahal na Puso ni Hesus at Kalinis-linisang Puso ni Maria.  Isang misa ang ginaganap sa kanilang karangalan sa araw ng kanilang kapistahan at pagkatapos ng banal na misa isinusunod ang prusisyon.

Setyembre 8 - Ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Pagsilang ni Santa Ana sa Mahal na Birheng Maria.  Isang misa ang ginaganap sa dapit hapon sa kanyang karangalan.  Pagkatapos ng Banal na Misa, isinusunod ang prusisyon at Salve Regina.

Oktubre - Sa buong buwan na ito ipinagdiriwang ang Buwan ng Santo Rosario.  Isinasagawa ang
Block Rosary sa mga bahay-bahay kung saan ipinapalipat-lipat ang Imahen ng Mahal na Birheng Maria.  Bilang pagtatapos ng Buwan ng Santo Rosario, isang misa ang ginaganap sa kanyang karangalan sa ika-31 ng Oktubre, pagkatapos ng Banal na Misa ay ang prusisyon at ang Living Rosary.

Kapistahan ng Kristong Hari - Ipinagdiriwang ito bilang tanda ng pagtatapos ng taong liturhikal at ang pag-upo ng Panginoong Hesukristo sa kanan ng Ama sa Langit.


Ang Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria kay Hesus sa isang sabsaban.
San Jose
Kamahal-mahalang Puso ni Hesus at Kalinis-linisang Puso ni Maria
Isang Imahen ng Nuestra Senora del Santo Rosario
Kristong Hari
HOME
Hosted by www.Geocities.ws

1