magmulat

ABOUT>>SA AKING PAGLAYA MULA SA LIP BALM



Sa Aking Paglaya mula sa Lip Balm



Matagl-tagal na rin nang huli itong dumampi sa labi ko, pero hindi ko na rin namanhinahanap-hanap. Nandiyan naman ang dila ko para basain ang labi ko pag natutuyo. isa pa, sa kalagayan ko ngayon, hindi na praktikal ang pagbili ng Chapstick, Blistex o Body Shop Lip Balm, lalo na Kiehl's. Sa tuwing natatapos ang isang araw, nasasaid ang bulsa ko kaya wala akong maipambili--o maipon para maipambili--ng lip balm. O petroleum jelly man lang. O Star Margarine man lang.


lip balm

Edible lip balm. Hindi naman sa namamangha ako.



Hindi naman sa isa lang itong defense mechanism, ano, pero naisip ko, ano ba'ng naibigay sa 'kin ng lip balm?

Siguro naging daan ang lip balm upang palayain ko ang sarili ko. Sa unang pagkakataon kong sumubok na magpahid ng lip balm (first year college, The Body Shop lip balm, melon-scented) ay naramdaman kong kumawala ng tuluyan ang nagkukubling kabaklaan sa aking katawan.
Pero ang kalayaan ko ba, bilang bakla at bilang tao, ay idinidikta lamang ng aking paggamit ng lip balm?

Ang kalayaan ko bilang tao at bilang bakla, ay minsan na ring itinakda ng isang ilusyon na may kalayaan akong pumili. May kalayaan akong pumili dahil base sa purchasing power ko. Hindi ko na namamalayang ang usapin ng kalayaan ay kolektibong usapin, at sa proseso, natali ako sa kalayaang indibidwal at makasarili, at economic at selective.

Naiiba na nga ang konsepto ng kalayaan ngayon. Ayon kay Prop. Lani Abad, may huwad na kalayaan na dala ang illusion of choice. Oo nga't may kalayaan akong pumili ng subject, oras at guro, hindi ko namamalayang may "filter" na sumasala sa aking mga pagpipilian. Sinala na ang choices ng mga proponent ng RGEP--nag-aanak ng mga bagong subject na may sangkap na usaping seks, postmodernismo at mga sirena habang natatabunan (o tinatabunan?) ang pag-aaral sa wika at kasaysayan ng bansa. Sinasala na rin ito ng salik (factor ng "commercial viability" na walang pagkukunwarng ibinabandila ng bagong charter. Sinasala ito maging ng pangangailangan kong kumita pagkatapos ng graduation, at maging ng mismong kakayahan kong magbayad para sa pag-aaral. Walang libreng kalayaan, ika nga ng isang kanta.

Kung may pera ka namang pambili ng Kiehl's lip balm, at ng edukasyon, for that matter; o kung nakasukbit na naman ang I-pod sa magkabilang tenga mo (dahil may pambili ka nga naman nito) medyo mahirap intindihin ang pinagsasasabi ko.

Mas madali pala itong intindihin (at oo, mas madaling matamo ang kalayaan kunong dala ng pagiging "autonomous chooser") kung nasasaid ang pera mo sa pagpapa-photocopy ng mga pulyetos na iniisnab lang ng mga may pambili ng lip balm (at ng edukasyon, for that matter).

©2009, RUPERT FRANCIS MANGILIT. All Rights Reserved
Hosted by www.Geocities.ws

1