magmulat

BAHAY NA PULA>>PULANG SILID



Ang Naghubad, Ang Hinubaran, at Ang Nahubaran sa Proseso


BALIKTANAW: June 20 Sa pitong salita, maikukuwento ang mga pangyayari sa naganap na UP Foundation day nitong Miyerkules: may naghubad, magbabagong-bihis, at hinuhubad sa proseso.

May naghubad. Tumakbo ang may limampung miyembro ng Alpha Phi Omega Fraternity para sa tinawag nilang "Centennial Run." Nakakapagtakang ngayon taon, hindi nagbitbit ng anumang panawagan ang mga tumakbo, nabigatan marahil sa tangan nilang mga rosas at bayag. Pero para saan pa ang paghuhubad kung hindi na ito naka-ankla sa tradisyon, sa esensya ng kung bakit talaga ito ginagawa? Nakakatakot lang na baka maging taunang aliwan na lang na hihiyawan ng mga pa-birheng kolehiyala ang sinasabing "The Great Oblation Run.”

May magbabagong bihis: ang Vinzons Hall. Ayon kay Third Bagro ng University Student Council, inaasahang makakolekta ng walong milyong piso para "pagandahin" ang makasaysayang Student Center. Kasama na rin marahil na makakaskas at mapapatungan ay ang mapulang tradisyon ng pakikipaglaban ng mga kabataan, mula pa sa panahon ng Unang Kwartong Sigwa (FQS). Magigiba na ang nararapat na katangian ng Student Center ayon sa yumaong Wenceslao Vinzons: isang lugar ng mga estudyante, para sa estudyante. Eksaherasyon man, pero baka gumising na lang ang isang Iskolar ng Bayan na nag-ibang-bihis na nga ang Vinzons--at may dalawang malaking titik sa gilid: “S” at “M”.

Ang magarbong Pamantasang Hirang

At may hinuhubaran sa proseso. Ordinaryo man ang dating ng programa sa umaga, binawi naman ito ng magarbong palabas sa gabi, at mas gagarbo pa sa pagtitipon ng alumni sa Sabado. Kung matatandaan, sa mga nobela ni Rizal, inilarawan ang hilig ng mga Pilipino sa pagpipiging. Sa araw ng pista, abala ang lahat sa pagpapalit ng kurtina, paglalabas ng mga nagkikintabang kubyertos at mga dalisay na porselana. Bubunutin buong umaga ang sahig para kumintab na wari'y pwede ka nang manalamin. Maghahanda ng dalawang baboy para sa lechon. Pinagpakitang gilas ang mga batang anak at apo para aliwin ang bisita. Kung hindi naman maghahanda, nakakahiya naman sa kanila. Nasaid ang bulsa kinabukasan kaya kakayod muli hanggang sa susunod na piyesta.

Pabalik sa hinaharap: mahigit isandaang taong nakalipas. Nagpintura ng mga kalsada at mga gusali, pinagpakitang gilas ang mga bagong anak ng UP sa CCP, maghahanda ng litson at samu't sari pang iba para sa alumni homecoming sa Araneta. Gumastos ng limang milyon para sa CCP at may limampung milyon diumano para sa buong selebrasyon ng sentenaryo. Maghahanda dahil kung hindi, nakakahiya kay Kiko, kay Herbert, at sa iba pang mga bisita. Nasaid ang bulsa kaya balik trabaho ang kinauukulan bukas, tutulak ng Amerika para umano huminging muli ng tulong sa mga alumni na napagtapos ng Unibersidad sa mababang matrikula at mataas na subsidyo.

Sa ginawang pagtatanghal sa CCP, nagsalita ang Presidente Roman. Ayon sa kanya, hindi na mahalaga ang minsan pang pagyakap sa nakaraan. Harapin natin ang bukas at salubungin ang laghat ng mga pinto ng oportunidad na magbubukas. Ang mga salitang iyon na ang nakapagbigay ng paliwanag, kung bakit may pinayagang maghubad, at may magbabagong-bihis: sa ika-100 taon, opisyal nang hinuhubad ng UP ang mahabang kasaysayan ng pakikipagtunggali sa naghaharing sistema at pagkiling sa oryentasyon ng paglilingkod ng mga tao, para sa mga tao.

Siguro nga’y mas may mapapala ang mga estudyante sa pagbabagong-mukha ng Vinzons kaysa paglalaan ng perang gugugulin para dito sa pagpapagaan ng mga bayaring pinapasan ng mga estudyante. Baka nga naman mas nakakapagpahiyaw ang pagtakbo ng hubad kaysa ang mga naghuhumiyaw na panawagang pag-ampat sa nagtatasang presyo ng bilihin at edukasyon. Baka nga naman killjoy ang taong magsasabing kalabisan na ang magtapon ng limampung milyon para sa selebrasyon ng sentenaryo. Baka nga naman mag KJ at kontrabida lang ang mag-iisip na sa ika-isandaang taon ba ng UP, hindi yata ito tumanda ng may pinagkatandaan.

MAARI RING SILIPIN:
Bukana

©2009, RUPERT FRANCIS MANGILIT. All Rights Reserved
Hosted by www.Geocities.ws

1