auto
Problema nga ba ang Sobrang Katabaan?
“Ang sobrang katabaan ng mga kabataan ay tulad ng isang epidemya.”—S. K. Wangnoo, “senior consultant endocrinologist,” Indraprastha Apollo Hospital, Delhi, India.
GAYA ng ipinakikita ng nabanggit na komento, maraming may-kayang pamilya sa India ang nagbago ng istilo ng pamumuhay na nagbubunga ng sobrang katabaan sa mga tin-edyer. Nagiging palasak na ang epidemyang ito sa maraming bansa habang dumarami ang mga taong hindi na gaanong nag-eehersisyo at nahuhumaling pa sa mga sitsirya. Sinabi ng isang kasangguni sa paggamot sa mga kabataan: “Ang susunod na henerasyon [sa Britanya] ay magiging . . . siyang pinakamataba sa kasaysayan ng sangkatauhan.” Nag-ulat ang Guardian Weekly: “Dati ay problema lamang ng mga adulto ang sobrang katabaan. Ngayon, may isang salinlahi ng mga kabataan sa Britanya na ang kaugalian sa pagkain at ang hindi aktibong istilo ng pamumuhay ay umaakay sa kanila sa mga problemang unang naranasan sa Estados Unidos. Malamang na magkaroon sila ng mga karamdamang tulad ng diyabetis, sakit sa puso at kanser dahil sa tumatagal na sobrang katabaan.”
Sinasabi ng mga manunulat ng aklat na Food Fight: “Labis na pagkain at pag-inom ang pumalit sa malnutrisyon bilang pangunahing problema ng daigdig sa pagkain.” Ganito naman ang isinulat ni Don Peck sa The Atlantic Monthly: “Mga siyam na milyong Amerikano ang ngayo’y ‘nanganganib sa sobrang katabaan,’ na nangangahulugang sobra ng halos 45 kilo o higit pa ang timbang nila.” Mga 300,000 ang namamatay nang wala sa panahon sa loob ng isang taon sa bansang iyan dahil sa mga karamdamang nauugnay sa timbang, “higit sa anupaman maliban sa paninigarilyo.” Bilang panghuli ay sinabi ni Peck: “Di-magtatagal at baka mahigitan na ng sobrang katabaan kapuwa ang pagkagutom at nakahahawang sakit bilang pinakakritikal na suliranin ng daigdig may kinalaman sa kalusugang pambayan.” Kung gayon, mayroon nga kayang puwedeng magkibit-balikat sa panganib ng sobrang katabaan? Isinulat ni Dr. Walter C. Willett sa aklat na Eat, Drink, and Be Healthy na “kasunod ng paninigarilyo, ang numerong makikita mo kapag nagtimbang ka ang siyang pinakamahalagang sukatan kung ano ang magiging kalusugan mo sa hinaharap.” Ang susing salita rito ay ang kalusugan sa hinaharap.
Paano Mo Bibigyang-Katuturan ang Sobrang Katabaan?
Kailan maituturing na sobra ang taba ng isang tao at hindi lamang basta sobra ang timbang niya? Ganito ang sabi ng Mayo Clinic sa Rochester, Minnesota, E.U.A.: “Sa simpleng pananalita, ang sobrang katabaan ay isang kalagayan ng mapanganib na sobrang timbang dahil sa labis na taba sa katawan.” Pero paano mo malalaman kung mataba na ang isang tao? Makapagbibigay ng panuntunan ang mga tsart tungkol sa kaugnayan ng taas at timbang upang malaman kung ang isa ay mataba lamang o umabot na sa sobrang katabaan. (Tingnan ang tsart sa pahina 5.) Subalit hindi isinasaalang-alang sa mga tsart na ito ang pagkakaiba-iba ng kayarian ng katawan. Sinasabi ng Mayo Clinic: “Sa halip na ang timbang, ang taba sa katawan ang siyang higit na nagpapahiwatig ng kalagayan ng kalusugan.” Halimbawa, malamang na mas mabigat ang isang atleta dahil siksik ang kaniyang mga kalamnan o malalaki ang kaniyang mga buto. Ano ba ang mga pangunahing sanhi ng sobrang timbang o sobrang katabaan? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang tanong na ito.
Ano ang mga Sanhi Nito?
“Nasa gitna tayo ng isang epidemya na maaaring magkaroon ng matinding epekto sa kalusugan ng ating mga anak. Kung hindi gagawa ng mga hakbang ngayon ang lipunan upang hadlangan ito, hindi titigil ang pagdami ng mga taong sobra ang katabaan.”—William J. Klish, propesor ng “pediatrics.”
HILIG ng ilang walang problema sa timbang na hatulan yaong mga taong matataba at sobrang taba at ituring sila na mga taong mahihina ang loob at kulang sa determinasyon. Ngunit ganiyan nga ba kasimple ang problemang ito? Talaga nga bang tamad lamang ang mga taong sobrang taba, anupat umiiwas sa anumang pisikal na ehersisyo? O sa maraming kalagayan ay may iba pang malalalim na dahilan na mas mahirap kontrolin?
Namamana? Kapaligiran? O Pareho?
Sinasabi ng aklat na Food Fight: “Matagal nang pinagtatalunan kung alin nga ba sa pagitan ng henetika o ng kapaligiran ang siyang ugat ng sobrang katabaan.” Ano ba ang kahulugan ng henetika sa kontekstong ito? Nanghahawakan ang ilan sa teoriya na ang katawan ng tao ay likas lamang na nag-iimbak ng labis na kalori para sa posibleng pangangailangan sa hinaharap. Sinasabi pa ng aklat ding ito: “Ilang dekada nang pinag-aaralan ang henetika tungkol sa sobrang katabaan. . . . Marami nang pagsasaliksik ang ginagawa ngayon tungkol sa mga gene at sobrang katabaan ng tao. Gumagamit ng masalimuot na mga pamamaraan upang matukoy ang mga gene na nagiging sanhi ng sobrang timbang ng mga tao at ng mga sakit tulad ng diyabetis. Sa pananalitang siyentipiko, ang 25 porsiyento hanggang 40 porsiyento ng pagkakaiba sa timbang ng katawan ng mga tao sa pangkalahatan ay dahil sa mga gene.” Nagpatuloy pa ang aklat: “Sabihin na nating karaniwan nang maisisisi sa isang tao ang kaniyang sobrang katabaan, idiniriin ng mga numerong ito ang kahalagahan ng biyolohiya, subalit magkagayunman, 60 porsiyento o higit pa ng sanhi ng pagkakaiba sa timbang ng mga tao ay may kaugnayan sa kapaligiran.” Nangangahulugan ito na ang istilo ng pamumuhay ng isang tao ang pangunahin pa ring dahilan ng sobrang katabaan. Mas marami bang kalori ang nakukuha ng isang tao kaysa sa nagagamit niya bawat araw? Mali ba ang uri ng mga pagkain na lagi niyang kinakain? May inilalaan bang panahon bawat araw para sa katamtamang ehersisyo?
Sa simpleng pananalita, ipinaliwanag ng Mayo Clinic ang sanhi ng sobrang katabaan: “Ang mga gene ay maaaring isang salik na nagiging sanhi ng sobrang timbang o sobrang katabaan, ngunit ang iyong kinakain at pisikal na mga gawain ang siyang talagang dahilan ng iyong timbang. Sa kalaunan, ang sobrang kalori sa pagkain, pagkakaroon ng palaupong istilo ng pamumuhay, o ang kombinasyon ng dalawang ito ay humahantong sa sobrang katabaan.” (Amin ang italiko.) Sinabi pa ng klinika ring ito: “Hindi nangangahulugang namamana ang pagiging mataba. . . . Anuman ang kayarian ng mga gene mo, ang mga pinipili mong kainin at gawin ang talagang sanhi ng iyong timbang.”
Milyun-milyong dolyar ang kinikita ng mga negosyo na nilayong tulungan ang mga tao na magpapayat yamang hinahangad ng desperadong mga tao na maibalik ang kanilang dating pigura. Gayunman, ano ba ang sinasabi ng mga eksperto tungkol sa mga programang ito? “Napakahirap gamutin ang sobrang katabaan, at muling tumataba ang karamihan sa mga taong nagpapayat,” sabi ng aklat na Food Fight. “Ang pinakapositibong mga pagtaya ay na 25 porsiyento [isa sa apat] ang pumapayat at napananatili ito, na kadalasa’y resulta na ng maraming pagtatangka.”
Mga Panganib ng Sobrang Katabaan
Maaaring humantong sa malulubhang karamdaman ang sobrang katabaan. Si Dr. Scott Loren-Selco, isang neurologo sa University of Southern California Medical Center, ay nagbabala tungkol sa panganib ng Type 2 diabetes maging sa mga kabataang sobra ang katabaan. (Tingnan ang Gumising! ng Mayo 8, 2003.) Sinabi niya: “Palagi na kaming nakakakita ng ganitong kaso ngayon, at maniwala kayo, talagang nakatatakot ito. Sinasabi ko [sa mga pasyenteng sobrang taba] na puwede ko silang dalhin sa silid-pagamutan para sa mga may diyabetis at ipakita sa kanila ang posibleng kinabukasan nila: mga nabulag, pinutulan ng mga bahagi ng katawan, napakaraming tao na lubusang nabaldado dahil sa type 2 [diabetes]—at ang lahat ay dahil sa sobrang taba.” Ano ang isang pangunahing dahilan? “Kaya nilang bumili ng dambuhalang mga burger at fries—kaya bumibili sila nito,” ang sabi ni Loren-Selco. “Walang nagsasabi sa kanila na mali iyon—lalo nang hindi sasabihin iyon ng mga kompanya ng fast-food, at, sa totoo lang, tiyak na hindi rin iyon sasabihin ng karamihan sa mga manggagamot, na wala pa ring pagsasanay tungkol sa nutrisyon.”
Ganito naman ang sabi ni Dr. Edward Taub, isang kilaláng manunulat tungkol sa nutrisyon: “Nauso kamakailan, at hindi pa nga itinuturing na masama, ang paniniwala na ang pagiging mataba ay normal lamang at tinatanggap na bahagi ng modernong pamumuhay. Ito ay tunay na isang kahanga-hangang tagumpay sa ugnayang pampubliko na nakamit ng mga negosyong kumikita habang pinatataba nila tayo.”
Sinasabi ng mga eksperto na ang mga taong “hugis-peras,” may labis na taba sa balakang, ay baka mas malusog pa sa mga “hugis-mansanas,” may labis na taba sa tiyan (lalo na kung lampas sa 35 hanggang 40 pulgada ang sukat ng baywang). Bakit? Sapagkat “pinalalaki ng taba sa iyong tiyan ang panganib na magkaroon ka ng alta presyon, sakit sa puso, diyabetis, atake serebral at ilang uri ng kanser,” sabi ng aklat na Mayo Clinic on Healthy Weight. “Kung ikaw ay hugis peras—may malaking balakang, hita at pigi—hindi gayon kalaki ang panganib sa iyong kalusugan.”
Kaya ano ba ang solusyon para sa milyun-milyong adulto at mga bata sa buong daigdig na sobra sa timbang at nanganganib na magkaroon ng malulubhang komplikasyon sa kalusugan? Mayroon bang mabisang lunas?
Ano ang kalori?
Paano binibigyang-katuturan ang kalori para sa mga nagdidiyeta? Ito ay isang pamantayang panukat ng enerhiyang init. Kaya naman, kapag pinapawisan ka, nagagamit mo ang kalori, o ang enerhiyang init. “Ang isang kalori ay ang init na kailangan upang itaas nang eksaktong isang digri sentigrado ang temperatura ng isang kilo ng tubig.” (Balance Your Body, Balance Your Life) Iba-iba ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga tao sa kalori, o enerhiya, depende sa mga salik gaya ng taas, timbang, edad, at antas ng gawain.
Ikaw ay di-aktibo kung
Ginugugol mo ang halos buong maghapon na nakaupo—nanonood ng TV o nasa mesa o nasa sasakyan—sa ibang salita, hindi ka gumagalaw
Bihira kang maglakad nang mahigit sa 90 metro
Ang trabaho mo ay hindi gaanong nangangailangan ng lakas ng katawan
Hindi ka gumugugol ng 20 hanggang 30 minuto upang mag-ehersisyo kahit minsan sa isang linggo
Batay sa Mayo Clinic on Healthy Weight
Ano ang BMI? Ano ang sinasabi nito sa iyo?
Ang BMI (body mass index) ay isang proporsiyon ng taas at timbang na makatutulong upang malaman kung ang isang tao ay mataba o sobra na sa katabaan. Ayon sa Mayo Clinic, ang proporsiyon na 18.5 hanggang 24.9 ang siyang itinuturing na pinakamalusog. Kung ang iyong BMI ay nasa pagitan ng 25 at 29.9, ikaw ay mataba. Anumang higit sa BMI na 30 ay itinuturing nang sobrang taba. Kumusta ka naman kung ihahambing sa tsart? Kailangan mo na kayang magpatingin sa iyong doktor upang humingi ng mga mungkahi o ng katiyakan kung ano ang iyong kalagayan?
Upang makalkula ang iyong BMI, paramihin ang iyong timbang nang 705 ulit, hatiin ang resulta sa pamamagitan ng iyong taas sa pulgada, saka hatiing muli ang resulta sa pamamagitan ng iyong taas sa pulgada. Halimbawa, kung ang timbang mo ay 200 libra at anim na piye ang taas mo, ang iyong BMI ay 27 (200×705÷72÷72=27).
Malusog Mataba Sobra sa Katabaan
BMI18.5-24.925-29.930 o higit pa
TaasTimbang sa libra
- 4’10”118 o mas mababa119-142143 o higit pa
- 4’11”123 o mas mababa124-147148 o higit pa
- 5’0”127 o mas mababa128-152153 o higit pa
- 5’1”131 o mas mababa132-157158 o higit pa
- 5’2”135 o mas mababa136-163164 o higit pa
- 5’3”140 o mas mababa141-168169 o higit pa
- 5’4”144 o mas mababa145-173174 o higit pa
- 5’5”149 o mas mababa150-179180 o higit pa
- 5’6”154 o mas mababa155-185186 o higit pa
- 5’7”158 o mas mababa159-190191 o higit pa
- 5’8”163 o mas mababa164-196197 o higit pa
- 5’9”168 o mas mababa169-202203 o higit pa
>LI> 5’10”173 o mas mababa174-208209 o higit pa
- 5’11”178 o mas mababa179-214215 o higit pa
- 6’0”183 o mas mababa184-220221 o higit pa
- 6’1”188 o mas mababa189-226227 o higit pa
- 6’2”193 o mas mababa194-232233 o higit pa
- 6’3”199 o mas mababa200-239240 o higit pa
Halaw sa Mayo Clinic on Healthy Weight
Ano ba ang solusyon?
KINAPANAYAM ng Gumising! si Diane, isang dalubhasa sa pagkain, at si Ellen, isang rehistradong nars, na kapuwa nagpakadalubhasa sa paggamot sa mga pasyenteng mataba at sobrang taba. Sila ay sumang-ayon na ang ilang diyeta na nakatuon sa pag-aalis ng mga carbohydrate at pagdaragdag ng kinakaing protina (mga karne) ay maaaring makapagpababa ng timbang. Gayunman, sinasabi nila na sa kalaunan, maaari itong magkaroon ng kasunod na negatibong mga epekto. Pinatunayan ito ng isang medikal na tsart na tinatawag na Maintaining a Healthy Weight. Ganito ang sabi: “Maaaring maging mapanganib ang mga diyetang mababa sa mga carbohydrate, lalo na kung gagawin nang walang superbisyon ng manggagamot.” Sinabi pa nito: “Dinisenyo [ang mga ito] upang mabilis na mapababa ang timbang sa pamamagitan ng pagpapasigla sa di-kanais-nais na pagdami ng mga ketone body (isang kakambal na produkto ng metabolismo ng taba).” Kung pinag-iisipan mo ang isang diyetang mababa sa carbohydrate, tiyaking kumonsulta muna sa isang doktor.
Kasali rito ang labis-labis na antas ng iron sa dugo, sakit sa bato, at pagtitibi.
Kung nais mong magpapayat, huwag kang mawalan ng pag-asa. “Maaaring kontrolin ang timbang, at hindi ito nangangahulugan ng pagkakait sa sarili o ng isang nakasusuya at paulit-ulit na diyeta,” ang sabi ni Dr. Walter C. Willett. “Sa pamamagitan ng alistong pagsisikap at pagiging mapamaraan, matagumpay na makokontrol ng karamihan sa mga tao ang kanilang timbang sa loob ng mahabang panahon kalakip ang isang kasiya-siya ngunit makatuwirang diyeta at halos araw-araw na pag-eehersisyo. Talaga namang sulit ang pagsisikap para sa mas mahaba at mas malusog na buhay.”—Amin ang italiko.
Ang nakaalay na mga Kristiyanong nagnanais gamitin sa kasiya-siyang paraan ang kanilang buhay sa sagradong paglilingkod sa Diyos ay may higit na dahilan upang magbawas ng timbang at maging malusog. Kaya sa halip na mamatay nang wala sa panahon, nakapaghahandog sila ng mas marami pang taon ng makabuluhang buhay sa paglilingkod sa Diyos.—Roma 12:1.
Gaano Kahalaga ang Ehersisyo?
Sinabi ni Dr. Willett: “Bukod sa hindi paninigarilyo, ehersisyo ang nag-iisang pinakamainam na magagawa mo upang maging malusog o manatiling malusog at malayo sa malulubhang sakit.” Gaano kadalas dapat mag-ehersisyo ang isang tao? Anu-ano ang mga pakinabang sa pisikal na pagsisikap na ito?
Sinasabi ng ilang eksperto na lubhang kapaki-pakinabang ang araw-araw na pag-eehersisyo kung sa loob lamang ng 30 minuto. Subalit sinasabi rin na kahit ang pag-eehersisyo nang tatlong beses sa loob ng isang linggo ay makatutulong sa isa na makaiwas sa malulubhang suliranin sa hinaharap. Sinusunog ng pag-eehersisyo ang mga kalori, at ang mahalagang tanong para sa isa na nagsisikap magpapayat ay ito, Sa bawat araw, mas marami ba akong sinusunog na kalori kaysa sa nakukuha ko? Kung ang sagot ay hindi, tiyak na tataba ka. Kaya maglakad o magbisikleta sa halip na sumakay sa sasakyan. Umakyat sa hagdan sa halip na sumakay ng elebeytor. Mag-ehersisyo! Sunugin ang mga kalori!
Nagpaliwanag si Dr. Willett: “Para sa maraming tao, ang paglalakad ay isang ekselenteng kahalili ng ibang pisikal na gawain dahil hindi ito nangangailangan ng anumang pantanging kagamitan, maaari itong gawin anumang oras at sa anumang lugar, at karaniwan nang ligtas.” Siyempre pa, ang tinutukoy niya sa kaniyang payo ay ang paglalakad nang mabilis, hindi lamang basta paglalakad na parang namamasyal. Inirerekomenda niya ang 30 minutong pisikal na aktibidad araw-araw hangga’t maaari.
Operasyon ba ang Pinakamabuting Solusyon?
Sa pagsisikap na pumayat at maiwasang tumaba sa hinaharap, sinunod ng ilang pasyenteng sobrang taba ang payo ng mga espesyalista sa bariatric (sobrang katabaan) na nagrerekomenda ng iba’t ibang operasyon. Sino ba ang puwede sa ganitong mga operasyon? Iminumungkahi ng mga manunulat ng aklat na Mayo Clinic on Healthy Weight ang sumusunod: “Maaaring isaalang-alang ng iyong doktor ang operasyon kung ang iyong body mass index ay mahigit na 40, isang pahiwatig na sobra-sobra na ang katabaan mo.” (Tingnan ang tsart sa pahina 5.) Sinasabi ng Mayo Clinic Health Letter: “Karaniwan nang inirerekomenda lamang ang operasyon sa mga taong sobrang taba kung ang edad ay nasa pagitan ng 18 at 65 na may body mass index na mahigit na 40 anupat nagiging sanhi na ng malubhang sakit ang sobrang katabaan.”—Amin ang italiko.
Ano ang ilan sa mga operasyong ito? Kabilang sa mga ito ang small-bowel bypass, gastric partitioning, gastroplasty, at gastric bypass. Sa huling nabanggit na operasyon, itutupi at pagdidikitin ang itaas na bahagi ng sikmura, anupat mag-iiwan ng maliit na pinakasupot na maglalaman lamang ng mga kalahating onsa ng pagkain. Pagkatapos ay puputulin ang maliit na bituka at ikakabit sa pinakasupot na ito. Sa gayon, ang malaking bahagi ng sikmura ay hindi daraanan ng pagkain pati na ang duodenum (unang bahagi ng maliit na bituka).
Ngayon, kumusta naman ang mga taong nagbawas ng sobrang timbang? Sulit ba ang pagsisikap?
Mungkahing Piramide ng Nakapagpapalusog na Pagkain
Batay sa mga mungkahi ng Mayo Clinic
Hindi iminumungkahi ng Gumising! ang anumang partikular na paraan ng pagdidiyeta at pagkontrol sa timbang. Ipinababatid lamang nito sa mga mambabasa ang ilan sa mga mapagpipilian nila ngayon. Dapat munang sumangguni ang mga indibiduwal sa kanilang manggagamot bago sundin ang anumang programa sa ehersisyo o diyeta.
- Mag-ehersisyo!
- Matamis Puro o mga minatamis (bihira; limitahan sa 75 kalori araw-araw)
- Taba Langis ng olibo, nuwes, langis ng canola, abokado (3-5 hain araw-araw; ang isang hain ay 1 kutsarita ng langis o 2 kutsara ng nuwes)
- Protina at Pagkaing Gawa sa Gatas
Balatong, isda, karneng walang taba, itlog, low-fat na pagkain na gawa sa gatas, keso (3-7 hain araw-araw; ang isang hain ay 3 onsa ng lutong karne o isda)
- Mga Carbohydrate
Lalo na ang buong binutil—pasta, tinapay, kanin, binutil (4-8 hain araw-araw; ang isang hain ay isang piraso ng tinapay)
- Prutas at Gulay
Maraming iba’t ibang uri ng bawat isa (walang-takdang hain araw-araw; hindi bababa sa 3 bawat isa)
Upang pumayat, sinubukanng ilan ang mga mungkahing ito:
- Alamin kung ilan ang kalori ng mga kinakain at iniinom mo. Pansinin: Ang mga inumin ay isang panguna-
hing pinagmumulan ng kalori, lalo na ang pinatamis na mga katas. Mataas din ang kalori ng mga inuming de-alkohol. At mag-ingat sa mga soft drink na napakadalas ianunsiyo. Suriin ang bilang ng kalori sa etiketa. Baka magulat ka.
- Iwasan ang tukso. Kung palaging may mga chip, tsokolate, o mga cookie, sa malao’t madali ay kakainin mo ang mga ito! Palitan ang mga ito ng mga meryendang mababa sa kalori, gaya ng mansanas, karot, at mga apa na gawa sa binutil.
- Magmeryenda o uminom nang kaunti bago kumain. Mababawasan ang iyong gana at kaunti na lamang ang makakain mo.
- Huwag kainin ang lahat ng inihahain sa iyo. Maging pihikan. Tanggihan ang alam mong pagkain na maraming kalori.
- Magdahan-dahan.Bakit ka magma-madali? Masiyahan sa iyong pagkain sa pamamagitan ng pagpansin sa iyong kinakain—ang mga kulay, ang mga timpla, ang lasa kapag pinaghalo-halo ang mga pagkain. Pakinggan ang pahiwatig ng katawan na nagsasabing, “Busog na ako. Ayoko na.”
- Huminto sa pagkain bago mo madamang busog ka na.
- Kilalang-kilala ang mga restawran sa ilang bansa sa pagsi-silbi ng labis-labis na putahe. Kalahati lamang ng ulam ang kainin mo, o ibahagi mo sa ibang tao ang kalahati ng pagkain sa iyong plato.
- Hindi naman kailangan ang panghimagas para makumpleto ang pagkain. Mas ma-
buting tapusin ang pagkain sa pamamagitan ng isang prutas o ibang pagkain na mababa sa kalori.
- Gusto ng mga gumagawa ng pagkain na kumain ka nang marami. Ang pangunahin nilang hangad ay ang kumita. Sisikapin nilang samantalahin ang iyong mga kahinaan. Huwag kang padala sa kanilang tusong pag-aanunsiyo at kaakit-akit na mga larawan. Puwede kang tumanggi!
Ang talaan ay halaw sa aklat na Eat, Drink, and Be Healthy, ni Dr. Walter C. Willett
Pakikipagpunyagi sa Sobrang Katabaan
Sulit ba?
KINAPANAYAM ng Gumising! ang ilang tao na nakipagpunyagi sa mga problema ng sobrang katabaan. Nagtamo ba sila ng mabubuting resulta? Ano ang iminumungkahi nila para sa iba pang mga biktima ng epidemyang ito?
Tanungin natin si Mike, edad 46, anim na piye ang taas at kasalukuyang tumitimbang nang 285 libra. Ang naging pinakamabigat na timbang niya ay 347 libra.
Mike: “Kahit na noong bata pa ako, mataba na ako. Nasa lahi namin—ang kuya ko at mga kapatid na babae ay pawang matataba. Ugali na naming huwag magtira ng anuman sa aming plato, kahit na punung-puno iyon. Ano ang nagpabago ng ugali ko sa pagkain? Nang sabihin sa akin ng doktor na nanganganib akong magkadiyabetis! Maisip ko lamang na tuturukan ako ng insulin habambuhay, kinikilabutan na ako. Mataas din ang aking kolesterol at umiinom na ako ng gamot.
“Lagi akong nakaupo sa aking trabaho, at hindi ito nagbago. Kaya upang makabawi, regular akong nag-eehersisyo, kasali na ang paggamit ng treadmill sa loob ng kalahating oras nang hindi kukulangin sa tatlong beses sa isang linggo. Ang sumunod na mahalagang hakbang ay ang paglilista ng kinain ko bawat araw. Dahil alam kong titingnan ng isang dalubhasa sa pagkain ang aking listahan linggu-linggo, nakatulong ito upang makapagpigil ako. Naisip ko, ‘Kung hindi ko kakainin, hindi ko na kailangang isulat!’
“Dahil dito, nabawasan ako ng 62 libra sa nakalipas na 15 buwan, bagaman kailangan ko pang bawasan ito, yamang 225 libra lamang ang gusto kong timbang. Upang maabot ito, hindi na ako nagmeryenda, kumain ng potato chip, at masasarsang pagkain. Mas maraming ensalada at gulay ang kinain ko sa nakaraang mga buwan kaysa sa nakain ko na noon sa buong buhay ko!
“Ang isa pang bagay kaya ako kumilos ay dahil bilang isang tsuper ng trak, kailangan kong magpa-eksamen sa doktor taun-taon upang makakuha ng panibagong lisensiya. Baka mawalan ako ng lisensiya dahil sa panganib na magkaroon ng diyabetis. Nagbago na ang lahat ngayon. Hindi ko na kailangang uminom ng gamot para kontrolin ang aking kolesterol. Bumaba na rin ang presyon ng dugo ko kaya hindi na ako gaanong umiinom ng gamot para rito. Mas malakas ako ngayon, at naibsan din ang matinding pananakit ng aking likod. Unti-unti na akong nakakawala sa kategorya ng sobrang katabaan!”
Gumising!: “Maaari bang gumanap ng positibong papel sa pagpapayat ang asawang babae?”
Mike: “Kapag nakikipagpunyagi ka sa katabaan, kailangan mo ng isang aalalay sa iyo. Inakala noon ng aking asawa na ang pagpapakain sa akin nang husto ay pagpapakita ng pagmamahal. Pero ngayon ay tinutulungan niya akong kontrolin ang aking pagkain. Hindi ako puwedeng maging kampante, dahil baka tumaba na lamang ako nang hindi ko namamalayan.”
Tingnan ang isa pang lalaki na nagngangalan ding Mike, mula sa Kansas, E.U.A. Siya ay 43 anyos at may taas na limang piye at walong pulgada. Tinanong namin siya kung ano ang naging pinakamabigat niyang timbang at ang sanhi nito.
Mike: “Ang pinakamabigat kong timbang ay 300 libra. Lagi akong pagod at wala nang lakas na gumawa ng anuman. Hindi ako makatulog dahil nahihirapan akong huminga. Kaya nagpatingin ako sa isang doktor, at nasuri niyang isa sa mga sanhi ng aking katabaan ay ang obstructive sleep apnea. Napansin din niya na may alta presyon ako.”
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa sleep apnea, tingnan ang Gumising! ng Pebrero 8, 2004, pahina 10-12.
Gumising!: “Ano ang naging solusyon sa mga problema mo?”
Mike: “Nagrekomenda ang doktor ng isang aparato na tumutulong upang maging tuluy-tuloy ang presyon sa daanan ng hangin kapag natutulog ako. Sa ganitong paraan, ang aking lalamunan ay hindi nababarahan at nakahihinga ako nang normal. Dahil dito, naging mas aktibo ako sa araw at nagsimulang bumaba ang aking timbang. Nagsimula rin akong gumamit ng treadmill nang tatlong beses sa isang linggo. Nagdiyeta ako, anupat binawasan ang aking kinakain at iniiwasang kumuha ng ikalawang hain ng pagkain. Nabawasan na ang timbang ko ng 50 libra sa loob lamang ng mahigit isang taon, at kailangan ko pang magbawas ng 50 libra. Mabagal ito, pero alam kong kakayanin ko.”
Gumising!: “Ano pa ang gumanyak sa iyo na magpapayat?”
Mike: “Nakakainis kasi kapag nakaririnig ako ng mapanuya at masasakit na puna tungkol sa aking hitsura. Iniisip ng mga tao na tamad lamang ako. Hindi nila natatanto na maraming dahilan ang sobrang katabaan. Naniniwala ako na sa aking kalagayan, namana ko ang problemang ito, yamang ang karamihan sa aking mga kapamilya ay matataba.
“Pero inaamin ko na dapat akong manatiling aktibo at mahigpit na kontrolin ang aking pagkain para pumayat ako.”
Kinapanayam din ng Gumising! si Wayne na taga-Oregon, edad 38. Nang siya ay 31 anyos, tumitimbang siya ng 246 na libra.
Wayne: Palagi akong nakaupo sa aking trabaho at hindi ako nag-eehersisyo. Nang magpatingin ako sa doktor, nagimbal ako nang malaman kong may alta presyon ako at nanganganib na magkasakit sa puso. Pinapunta niya ako sa isang dalubhasa sa pagkain. Ipinasunod nito sa akin ang isang mahigpit na programa ng ehersisyo at kontroladong pagkain. Nagsimula akong maglakad nang limang kilometro nang walang tigil, araw-araw, at maaga akong bumabangon tuwing umaga para mag-ehersisyo. Kinailangan kong muling turuan ang aking sarili kung tungkol sa aking mga kaugalian sa pagkain at pag-inom. Hindi na ako kumakain ng mga sitsirya at binawasan ko ang pagkain ng tinapay at pag-inom ng mga soda, anupat hinalinhan ang mga ito ng mas maraming prutas at gulay. Ngayon, 175 libra na lamang ako!”
Gumising!: “Anong mga kapakinabangan ang napansin mo?”
Wayne: “Pakiramdam ko ay mas malusog ako at para akong muling nabuhay. Dati kasi, waring tumigil ang mundo ko, anupat tila wala akong buhay. Ang isa pang pakinabang, hindi na ako umiinom ng gamot para sa alta presyon. Kaya ko nang tingnan sa mata ang mga tao dahil alam kong hindi na nila ako pipintasan nang palihim bunga ng aking katabaan.”
Si Charles (hindi niya tunay na pangalan) ay may taas na anim na piye at limang pulgada. Ang naging pinakamabigat niyang timbang ay 370 libra.
Charles: “Seryoso ang mga problema ko sa kalusugan, at lalong lumalala ang aking kondisyon. Hindi na ako makaakyat sa hagdan. Wala na akong lakas para gawin ang aking trabaho. Lagi akong nakaupo sa aking trabaho, at may kinalaman ito sa pananaliksik at pananagutan. Batid ko na kailangan ko nang magbawas ng timbang lalo na pagkatapos kong magpatingin sa doktor. Nagbabala siya na malapit na akong magkaroon ng atake serebral. Nakita ko na kasi kung ano ang nangyayari sa taong inatake ng sakit na ito. Ito ang nakakumbinsi sa akin na kailangan ko nang kumilos. Inirekomenda sa akin ng doktor ang isang kontroladong programa sa ehersisyo na gumagamit ng isang treadmill, at may isang diyeta na mahigpit kong susundin. Ngayon, pagkaraan ng mga isang taon, 300 libra na lamang ako, pero alam kong kailangan ko pang magbawas ng timbang. Ang mga kapakinabangang napansin ko ang siyang nakakumbinsi sa akin na sulit ang sakripisyo at pagsisikap. Nakaaakyat na ako ngayon sa hagdan, at mas malakas ako.”
Si Marta, na dating taga-El Salvador, ay umabot sa timbang na 182 libra. Maituturing siya na sobra ang katabaan para sa taas niya na limang piye at limang pulgada.
Marta: “Nagpatingin ako sa doktor, at mahigpit niyang inirekomenda na magsimula na akong magpapayat. Iginalang ko naman ang kaniyang opinyon bilang isang propesyonal. Pinapunta niya ako sa isang espesyalista sa nutrisyon para humingi ng payo. Ipinaliwanag sa akin ng espesyalista ang mga dahilan at detalye ng programang susundin ko. Ipinakita niya sa akin kung paano babawasan ang kinakain ko at kung paano ko pipigilin ang aking sarili sa pagkain. Sa simula, kinailangan kong magreport sa kaniya bawat linggo; at pagkaraan, bawat buwan, upang ipakita ang aking progreso. Pinasigla ako ng doktor at ng espesyalista sa nutrisyon dahil sa aking mahusay na pagsulong. Sa kalaunan, nabawasan ang timbang ko ng 27 libra, at pinananatili ko ang aking timbang na mga 150 libra.”
Gumising!: “Kumusta naman ang ehersisyo at pag-inom ng gamot?”
Marta: “Wala akong problema sa kolesterol kaya hindi ko kinailangang uminom ng gamot. Pero isinama ko sa aking pang-araw-araw na rutin ang paglalakad nang mabilis.”
Gumising!: “Ano ang ginagawa mo kapag dumadalaw ka sa mga kaibigan at pinipilit ka nilang kumain ng mas marami kaysa sa normal na kinakain mo?”
Marta: “Sinasabi ko na lang sa kanila, ‘Gusto ng doktor ko na sundin ko ang diyetang ito alang-alang sa aking kalusugan,’ at kadalasan, hindi na sila namimilit.”
Kaya kung sobra ang timbang o labis ang katabaan mo, ano ang puwede mong gawin tungkol dito? Tama ang matandang kasabihan, “Kung gusto mo, maraming paraan.” Mayroon ka bang determinasyon at tibay ng loob upang daigin ito? Kung ikaw ay isang bata o adultong sobra sa timbang, ano ang mapagpipilian mo? Alinman sa magbawas ka ng timbang o mabawasan ang mga taon ng iyong buhay. Maging aktibo, masiyahan sa iyong tagumpay—kahit sa maliliit na bagay, tulad ng mas maliliit na sukat ng damit!
“Liposuction” ba ang solusyon para sa iyo?
Ano ba ang liposuction? Ayon sa isang diksyunaryo, ito ay: “Karaniwan nang isang pagpaparetoke na inaalis ang labis na himaymay ng taba mula sa isang espesipikong parte ng katawan, gaya sa mga hita o sa puson, sa pamamagitan ng suction (paghigop). Tinatawag din itong suction lipectomy.” (American Heritage Dictionary) Subalit nangangahulugan bang lunas ito sa sobrang katabaan?
Sinasabi ng Mayo Clinic on Healthy Weight na ang liposuction ay pagreretoke. Hindi ito isang programa sa pagbabawas ng timbang. Hinihigop ang mga selulang taba mula sa katawan sa pamamagitan ng isang makipot na tubo na ipinapasok sa ilalim ng balat. Maaari itong makapag-alis ng ilang kilo ng taba sa isang sesyon. Gayunman, “ang operasyong ito ay hindi paggamot sa sobrang katabaan.” Ligtas ba ang operasyong ito? “Mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng mga komplikasyon mula sa liposuction ang mga tao na may mga karamdamang nauugnay sa timbang, kasali na ang diyabetis at sakit sa puso.”
Home Page
back to english version