Pagkatapos mailahad ni Florante ang kuwento ng kanyang buhay ay si Aladin naman ang naglahad. Ipinakilala ni Aladin ang sarili at sinabing nagmula siya sa Persya at anak ng kilalang si Sultan Ali-Adab. Gayunpama’y hindi niya agad nasimulan ang pagsasalaysay dahil sa lungkot na nadama nang maalala na naman ang kasintahang si Flerida na inagaw ng sariling ama. Iginalang ni Florante ang damdamin ng kausap kaya’t hindi na niya ito pinilit pa na magkuwento. Nanirahan silang magkasama sa gubat nang may limang buwan. Nang mapagpasyahan nilang maglumibot sa loob ng gubat ay muling nagkuwento si Aladin. Sinabi niyang hindi niya gaanong naramdaman ang hirap sa dami ng digmaang kanyang nilabanan dahil sa pinalalakas siya ng mga alaala ng napakaganda niyang kasintahan na si Flerida. Subalit nagbago ang lahat nang ang pinakamamahal niya’y siya ring minahal ng kanyang ama. Pinahirapan siya ng kanyang ama. Sa katunayan ay pagkabalik niya mula sa tagumpay na pagsakop sa kaharian ng Albanya ay ipinabilanggo siya dahil sa bintang na iniwan niya ang kanyang hukbo nang hindi pa iniuutos ng ama. At nang mabalitaang nabawi ni Florante ang kaharian ay hinatulan siyang mapugutan ng ulo. Ngunit kinagabihan bago ang araw na laan para siya ay pugutan mayroong pumasok sa kulungan, isang heneral at sinabihan siyang umalis kaagad at huwag nang magpaabot ng umaga sa Persya. Walang nagawa si Aladin kundi sundin ang utos at lisanin ang kaharian kahit sa puso niya’y mas ninanais niya pa sanang mamatay kaysa isiping ang pinakamamahal na si Flerida’y mapupunta na sa iba.

 

Copyright 2014. All rights reserved.