Sa pagpapatuloy ng paglalahad ni Florante tungkol sa kanyang naging buhay, nabanggit niyang pagkalipas ng limang buwan sa Krotona ay nagpilit na siyang makabalik sa kaharian ng Albanya dahil sa labis na pananabik kay Laura kaya’t halos liparin nila ang daan pabalik. Subalit, malayo pa’y natanaw na nila ang nakataas na bandila ng Media-luna o bandila ng mga Moro na nangangahulugang “nasakop ng mga Moro sa pamumuno ni Aladin ang kaharian.” Huminto muna sila upang magmasid nang makita ang mga sundalong Moro na may dalang babaeng nakagapos. Kinutuban si Florante na baka si Laura ang babae at hindi nga siya nagkakamali. Si Laura ay nakatakdang pugutan ng ulo dahil hindi niya tinanggap ang panliligaw ni Emir na isa sa mga pinunong Moro at nang magpumilit pa ito’y sampal ang iginanti ng dalaga. Nakipaglaban sina Florante hanggang sa magapi ang mga sundalong Moro at mapalaya si Laura. Muling nabawi nina Florante ang kaharian ng Albanya at napalaya rin mula sa pagkakakulong sina Haring Linceo, Duke Briseo, at maging si Adolfo.

        Dahil dito’y labis na papuring muli ang natanggap nina Florante na lalo namang ikinapagselos at ikinagalit ni Adolfo sapagkat ang tanging inambisyon niya sa buhay ay makuha ang pag-ibig ni Laura at mamuno sa Albanya. Lihim na nagplano si Adolfo ng paraan upang mawala si Florante sa kanyang landas. Muling nagkaroon ng mga labanang pinamunuan ni Florante. Natalo niya ang hukbo nina Miramolin gayundin ang labimpito pang iba’t ibang kaharian. Sa gitna ng pagkapanalo at pagbubunyi ay nakatanggap siya ng liham mula kay Haring Linceo na nagsasaad na kailangan niyang bumalik sa Albanya. Ang kanyang hukbo ay iniwan muna kay Menandro at dali-dali siyang naglakbay patungong Albanya. Subalit pagdating niya roon ay natuklasan niya na ang lahat pala ay patibong lang ni Adolfo. Hinuli siya at ikinulong. Nalaman din niyang pinatay ni Adolfo ang hari at idinamay pa si Duke Briseo, ang kanyang ama. Ang pinakamasakit ay ang narinig niyang si Laura ay nangakong magpapakasal kay Adolfo. Pagkalipas ng labingwalong araw sa bilangguan, si Florante ay inilabas ng mga tauhan ni Adolfo isang gabi, dinala sa gubat at itinali sa puno ng higera kung saan siya natagpuan ni Aladin. Dalawang araw na siyang nakatali sa puno ng higera at sa labis na panghihina’y pinanawan ng malay at nagising na lamang sa kandungan ng Morong si Aladin.

 

Copyright 2014. All rights reserved.