|
|||
|---|---|---|---|
|
|||
| Sa mga narinig ni Aladin ay hindi niya na napigilan ang sarili at hinanap na ang pinagmumulan ng mga panaghoy. Gamit ang matalas niyang kalis ay pinutol niya ang mga sangang madadawag upang makarating sa kinaroroonan ng taong nananaghoy. Bago pa man lumubog ang araw ay nahanap na rin niya ang pinagmumulan ng tinig. At nang makita niya kung kanino nanggagaling ang tinig ay hindi niya napigilang magdalawang isip dahil ito ay isang Kristiyano. Ang mga Kristiyano ay tinuturing na mortal na kalaban ng mga Morong tulad niya. Subalit saglit lang ang kanyang pag-aalinlangan sapagkat nang makitang nakahanda na ang dalawang leon upang silain ang kaawa-awang si Florante ay agad siyang sumugod at ginamit ang espada sa pagtaga sa mga leon hanggang sa mamatay ang mga ito. Pagkatapos ay kinalag niya ang gapos ni Florante habang tumutulo ang kanyang luha sa malaking habag sa kalagayan ng binata sa harapan niya na sa ngayon ay wala nang malay at tila isa nang bangkay. Habang kalong niya ang binata’y hinaplos niya ang mukha't dibdib nito upang damhin kung humihinga pa o buhay pa. Habang pinagmamasdan niya ang katawan ng binata ay nagtataka siya kung paano humantong si Florante sa ganitong kalagayan. Naguluhan siya at nag-alala sa kalagayan ng binata subalit napayapa rin ang kanyang kalooban nang magsimulang kumilos at makitang buhay pa ito at humihinga pa. | |||
Copyright 2014. All rights reserved.