Ang mga panaghoy ni Florante ay narinig ni Aladin kaya naman hinanap niya ang pinagmumulan nito. Nang makita niya si Florante ay hindi niya agad agad na nilapitan ito at sa halip ay nagmatyag muna. Napakinggan niya ang paghihinagpis nito. Nabanggit niya ang kamatayan ng kanyang ama sa mga kamay ng taksil na si Adolfo. Hindi man lang niya binigyan ng maayos na libing si Duke Briseo pagkatapos niya itong pugutan ng ulo. Pinagbantaan niya ring paparusahan ang sinumang magtatangkang maglibing sa bangkay ng Duke. Ginugunita rin ni Florante ang pagmamahal, kabutihan, at kabaitan ng kanyang ama.

        Nang huminto si Florante sa pagtangis ay pumasok naman sa isipan ni Aladin ang kanyang sariling ama. Ang kanyang ama ay lubos na kabaliktaran ni Duke Briseo. Ang kanyang ama, na si Sultan Ali-Adab, na sa halip na magbigay ay siya pang umagaw sa kanyang pinakamamahal. Naging malupit at marahas din ang kanyang ama na ninais na siya ay mawala sa landas niya at mamatay. Hindi tulad ni Florante, pawang kalungkutan at pagdurusa ang naranasan niya sa piling ng ama at maging sa ina’y di rin siya nakadama ng pagmamahal sapagkat maaga itong namayapa.

 

Copyright 2014. All rights reserved.