
Ang sambahayang pagpapalain
ng Diyos
Sinulat ni VILLAMOR S. QUEBRAL
ANG ISA SA MGA PANGUNAHING
pinahahalagahan ng tao sa buhay na ito ay ang kapakanan ng kaniyang pamilya.
Bawat magulang ay nangangarap na makapagtatag ng isang maligayang sambahayan -
sambahayang payapa dahil nagkakasundo ang mag-asawa at ang mga anak ay nahubog
sa kagandahang-asal, paggalang sa magulang, at higit sa lahat ay nakakikilala
at umiibig sa Panginoong Diyos. Nais din ng mga magulang na matustusan
ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng mga anak, tulad ng pag-aaral,
pagkain, at pananamit.
Ngunit hindi na mabilang ang mga magulang na
nabigo sa pangarap na ito. Sa kabila ng kanilang pagsisikap ay bigo at
bigo pa rin sila na maitatag ang isang maligaya at payapang tahanan.
Marami ang nawawasak na sambahayan dahil hindi magkasundo ang magasawa, at ang
mga anak ay hindi napalaki nang wasto. At gaya ng ating nasasaksihan,
lalong marami ang nabigo na maibigay ang lahat ng panganailangan ng mga anak -
maraming mga kabataan ang hindi man lamang makatuntong sa paaralan, at ang
lalong masaklap ay marami ang halos walang makain.
Sa harap ng ganitong sitwasyon, nakaharap ang
ating lipunan sa isang malakinghamon. Ang hamong ito ay sinisikap ang
marami, lalo na ng mga pinuno ng bansa na ihanap ng angkop na tugon dahil
batid nila na kapag hindi ito nalunasan, sisirain nitong tuluyan ang
kinabukasan ng mga kabataan, lalong-lalo na ang kanilang moral at espirituwal
na pamumuhay. Sa huli ay masisira ang pinakapundasyon ng lipunan - ang
pamilya. Kapag nasira ang pundasyong ito, ay tiyak na mawawalan ng
katatagan ang isang bansa.
Ano kaya ang dahilan at marami ang nabigo na
mapaayos ang kanilang sambahayan? Bakit sa kabila ng pagsisikap ng
marami na mapatatag ang kanilang sambahayan ay humahantong pa rin ito sa
pagkawasak? Ipauunawa sa atin ng Banal na Ka ang dahilan at kung paano ito
malulunasan.
Kung paano mapapaayos
ang pamumuhay
Ang Panginoong Diyos ang nakaaalam kung paano mapapabuti ang buhay
ng mag-asawa at ng kanilang sambayhayang. Ano ang sinabi ng Diyos na dapat
sundin ng tao upang mapaayos ang pamumuhay? Ganito ang nakasulat sa Kawikaan
8:32-33:
"At ngayon, aking anak, ako ay pakinggan,
Sundin ang payo ko't mapapaayos ang pamumumhay. Upang maging matalino,
ang turo ko ay dinggin mo, huwag mong pababayaan ni lalayuan ito." (Magandang
Balita Biblia)
Ang diyos ang may sabi na upang mapaayos ang
pamumuhay, ang dapat pakinggan at sundin ay ang mga payo o aral ng Diyos. Kaya
ang mga ikinakasal sa tunay na Iglesia ay tinuturuan ng mga kautusan ng Diyos
na nagsisilbing tali at buklod ng kanilang pagsasama bilang magt-asawa
(Roma 7:2). ang pagkakabuklod nilang ito ay mkakalag lamang kapag sila'y
pinaghiwalay na ng kamatayan.
Ang maayos na pamilya ay nagsisimula sa maayos
na pag-aasawa. Ang maayos na pag-aasawa ay yaong nakasalig hindi lamang
sa batas ng tao kundi higit sa lahat, sa batas ng Diyos. Kaya, ano ang
maaasahang katiwasayan ng isang sambahayan kung ang mag-asawa ay hindi
gumagalang sa kasagraduhan ng kkasal? O anong katatagan ang maaasahan sa
isang sambahayang binuo sa pamamagitan ng pagsasama ng lalake at babaeng hindi
naman ikinasal? At kung ikinasal man ay hindi ang kalooban ng Diyos ang
sinusunod ng mag-asawa. Ang dapat na maghari sa pamumuhay at pagsasama
ng mag-asawa ay ang mga kautusan ng Diyos at hindi ang kanilang sariling
kalooban o kagustuhan lamang.
Ang halaga ng
pagsunod
Kapag ang mga kautusan ng Diyos ang naghahari sa pagsasama ng
mag-asawa at ang mga ito ang nagsilbing batas na sinusunod ng kanilang pamilya,
dadaloy ang masaganang pagpapala ng Diyos:
"Mapalad ang taong sa akin ay nakikinig,
Laging nag-aabang sa aki'y laging nakatitig. Pagkat ang makasumpong sa
akin ay nakasumpong ng buhay, At ang kalooban ni Yahweh ay kaniyang nakamtan.
Ngunit ang di makasumpong sa akin, sarili ang sinasaktan, ang napopoot sa akin
ay naghahanap ng kamatayan." (Kaw. 8:34-36, MB)
Mabuting kapalaran ang idudulot sa tao ng
pakikinig at pagsunod sa mga utos ng Diyos sapagkat ang nakikinig at sumusunod
ang tinitiyak ng Biblia na nakasumpong sa Diyos, at ang nakasumpong sa diyos
ay nakasumpong ng tunay na buhay. Magiging masaya ang pagsasama ng
mag-asawa, matatag ang kanilang kabuhayan anupa't matutugunan nila ang mga
pangangailangan ng kanilang sambahayan at matiwasay ang kanilang maumuhay.
Sa kabilang dako, isang malaking kabiguan sa tao kapag hindi dininig at
sinunod ang mga utos ng diyos sapagkat sarili ang sinasakktan ng gayhon at
naghahanap ng kamatayan. Ang sambahayan ay masusuong sa mga kaguluhan,
ang pagsasama ng mag-asawa ay mabuway anup't darating ang iba't ibang
kapahamakan sa kanila.
Bukod sa mga pagpapalang, binanggit sa itaas,
ang mga taong matalimahin sa kautusan ng diyos ay pinangakuan ng mahabang
buhay, at kasaganaan sa lahat ng pangangailangan. tiniyak din ng Biblia
na hindi lamang sila magiging mabuti sa paningin ng kanilang kapuwa tao, kundi,
higit sa lahat ay malulugod sa knila ang Panginoong Diyos (Kaw. 3:1-4, Ibid.)
Napakahalaga kung gayon na lubos na maunawaan
ng bawat miyembro ng pamilya ang mga aral ng Diyos na dapat nilang sundin at
ibuhay.
Ang hinahanap sa
mag-asawa
Binanggit sa unahan na ang ikaaayos ng sambahayan ay nakasalig sa
pagsunod sa mga batas o aral ng Diyos. Kung paanong may utos na dapat
sundin ang mga magulang, gayundin ang mga anak.
Sa ama at ina ng tahanan ay may itinuturo ang
Biblia na ganito:
"Sabihin mo sa matatandang lalaki na
sila'y maging mahinahon, marangal, matimpi, matatag sa pananampalataya at
pag-ibig, at matiyaga. Sa matandang babae naman sabihin mong sila'y
mamuhay nang maayos, huwag maninirang puri at huway mahilig sa alak; magturo
silang mabuti." (Tito 2:2-3, Ibid.)
Aral ng Diyos na ang ama ng sambayahan ay
dapat na maging mahinahon, marangal, mapagtimpi, at matatag sa pananampalataya,
at pag-ibig. Dapat din siyang maging matiyaga. Ang mga ina ng tahanan
naman ayong kay apostol Pablo ay dapat na namumuhay nang maayos, hindi
mapanirang puri, walang bisyo, at mabuting tagappagturo sa kanilang mga anak.
Samakatuwid, ang mga magulang ang dapat na
unang kakitaan ng maayos na pag-uugali at ng marangal at malinis na uri ng
pamumuhay upang sila'y magsilbing mabuting huwaran sa kanilang mga anak.
Dapat silang kakitaan ng wastong pagsasamahan ng mag-asawa, pagdadala ng
sambahayan, pagpapatatag ng kabuhayan, pakikitungo sa kauwa, pagpapahalaga sa
kapaligiran at pagpapahalaga sa espirituwal na pamumuhay. Kapag ang mga
magulang ay nasa ganitong uri, igagalang sila ng kanilang mga anak at mabisa
silang makapagtuturo sa kanila.
Ukol naman sa ugnayang mag-asawa ay utos ng
Diyos na ang bawat isa ay dapat na maging mapagmahal sa asawa at mga anak.
Dapat na ang ina ay mahinahon, malinis ang isipan, masipag, mabait, at
mapagpasako sa kaniyang asawa. Ang lalake naman ay nais ng Diyos na
maging mapagpigil sa sarili (Tito 2:4-6, Ibid.). Maging mahinahon sa
pakikitungo sa asawa.
Ang hinahanap sa mga
anak
Ano naman ang nais ng Diyos na makitang katangian ng mga anak o mga
kabataan? Sinasabi sa mga anak na lalake at babae na:
"Ang mga lalaki nating kabataan,
Lumalaking matatag tulad ng halaman. Ang kadalagaha'y magandang adorno kahit
saang sulok ng palasyo." (Awit 144:12, Ibid.)
Nais ng Diyos na ang mga anak na kabataan ay
lumaking matatag. Dapat na maging matatag sila hindi lamang sa kanilang
pamumuhay kundi higit sa lahat sa kanilang pag-asa at pananalig sa Diyos.
Ang ganitong mga kabatan ay hindi nag-aaksaya ng panahon sa mga bagay na
walang kapararakan. Kung nag-aaral, nagsisikap sila upang makatapos
dahil alam nilang makatutulong ito sa ikatatatag ng kanilang kinabukasan.
Sila'y kumikilala at may takot sa Diyos kaya hindi sila nararahuyong makiayon
sa agos ng makamundong gawain kahit nakikita nilang marami ang gumagawa ng mga
bagay na ito. Ang ganitong mga kabataan, lalake man o babae, ayong sa
Biblia, ay parang magandang adorno na maaaring ipagmalaki kahit saang dako
sila makarating - mga kabataang ikinararangal at kasiyahan ng kanilang mga
magulang.
Ang kapalaran ng
sambahayang pinaghaharian ng Diyos
Dapat maunawaan ng mga magulang na napakalaki ng kanilang kinalaman
sa ikapapanuto ng kanilang pamilya. Sila ang unang pinapananagot ng Diyos na
laging magturo sa kanilang mga anak sa lahat ng angkop na pagkakataon (Deut.
6:6-7, Ibid.). Ngunit hindi sapat na sila'y makapagturo. Dapat ding
maisagawa ang masinop na pagsubaybay sa lakad ng kanilang mga anak at tingnan
kung ibinubuhay ang kanilang itinuturo (Kaw. 31:26-27, Ibid.)
Kapag ang isang sambahayan ay pinaghaharian ng
kalooban ng Diyos, anupa't ang mga aral ng Diyos ang sinusunod ng bawat
miyembro nito, ang gayong sambahayan ang may pagpapala ng diyos, tulad ng
binabanggit sa Banal na Kasulatan:
"Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay
may takot, Ang maalab na adhika'y sumunod sa kaniyang utos. Hindi siya
magkikulang sa anumang kailangan, Ang buhay ay maigaya't uunlad ang kaniyang
buhay. Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga, bagong tanim na olibo
sa may dulang ang anak nya. Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin,
buhay niya ay uuland at langing pagpapalain." (Awit 128:1-4, Ibid.)