Ang landas
tungo sa maligaya at matatag na pag-aasawa
Sinulat ni GREG F. NONATO


ANG KARANIWANG MITHIIN ng
sinumang lumulusong sa buhay may-asawa ay ang maging maligaya siya sa piling
ng kaniyang magiging kabiyak. Subalit, batid natin na marami ang nabigo sa
pinapangarap at inaasam na kaligayahan sa pagtahak sa landas ng pag-aasawa.
Patuloy na dumarami ang bilang ng mga wasak na tahanan (broken home). Marami
ring mag-asawa na humantong lamang sa paghihiwalay (broken marriage).
Ang mga lingkod ng Diyos na
papasok o di kaya'y nasa buhay may-asawa na ay hindi dapat humantong sa mga
ganitong kasawian. Upang mapanatiling matatag at maligaya ang pagsasama
ng mag-asawa, dapat nilang maunawaan at matupad sa buhay nila ang panukala at
kalooban ng Diyos sa pag-aasawa.
Ang
nagtatag ng pag-aasawa
Nang likhain ng Diyos si Adan, batid ng Diyos na upang maging maligaya siya ay
kailangan niya ang isang tulad niyang tao na makakasama doon sa paraiso.
Kaya, "sinabi ng Panginoong Dios, Hindi mabuti na ang lalake ay mag-isa;
siya'y ilalalang ko ng isang katulong niya" (Gen. 2:18). Ang katotohanang
ito ay pinatunayan ni Apostol Pablo nang kaniyang sabihin, "kailangan ng
lalaki ang babae, at kailangan din ng babae ang lalaki" (I Cor. 11:11,
Salita ng Buhay). Ang Diyos mismo ang nagtatag ng institusyon ng pag-aasawa
nang Kaniyang basbasan sina Adan at Eba:
"At sila'y binasbasan ng
Dios at sa kanila'y sinabi ng Dios, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami
..." (Gen. 1:28)
Ang
panukala ng Diyos
Ano ang panukala ng Diyos upang maging matatag ang pag-aasawa? Sinabi ng Diyos:
"... Hindi mabuti na ang
lalake ay magisa; siya'y ilalalang ko ng isang katulong niya." (Gen.
2:18)
Pinanukala ng Diyos na ang
mga-asawa'y dapat magtulungan. Sila'y dapat na magkaagapay sa pagsalunga sa
lahat ng unos na darating sa kanilang buhay. Ang magasawa ay dapat
magsalo sa tuwa at kalungkutan. Sila'y dapat magdamayan lalo't higit sa
panahon ng karamdaman at kahirapan. Dapat silang magtulungan sa mga
pananagutang iniatang sa kanila ng Maykapal sapagkat kung wala ito ay hind
sila magkakamit ng pagpapala ng Panginoon:
"At ang lahat ng
pagpapalang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo, kung iyong didinggin ang
tinig ng Panginoon mong Dios." (Deut. 28:2)
Samakatuwid, ang ikatatatag ng
pagsasama ng magasawa ay nasa pagtuytulungan at pagdadamayan ng dalawang
pusong pinagbuklod ng pagmamahalan.
Ang
kasal
Ang kasal ay isang kasunduang panghabangbuhay ng lalake at babaeng
nagmamahalan. Sa seremonya ng kasal ang magkasintahan ay kapuwa nanunumpa sa
harap ng Diyos at sa harap ng kanilang mga saksi na sila'y magmamahalan at
kanilang susundin ang mga batas ng Diyos sa pag-aasawa na itinali sa kanila.
Sa hirap at ginhawa, sila'y magsasama hanggang sa sila'y papaghiwalayin ng
kamatayan. Tungkol dito, sinabi ni Apostol Pablo:
"Sapagka't ang babae na
may asawa ay itinali ng kautusan sa asawa samantalang ito ay nabubuhay;
datapuwa't kung ang asawa'y mamatay, ay kalag na sa kautusan ng asawa."
(Roma 7:2)
Itinuturo rin ng Biblia na ang
lalake at ang babae ay dapat na "maging tapat sa isa't isa" (Heb.
13:4, Magandang Balita Biblia) at "huwag magtaksil ang sinuman" sa
kanilang pinakasalan (Mal. 2:15, Ibid.). Ang lalake at babaeng ikinasal ay
dapat magkaroon ng banal na takot sa Diyos - hindi nila dapat sirain ang
kanilang sinumpaan. Ang Diyos ay nagbabala:
"... Huwag ninyong ibigin
ang sinungaling na sumpa: sapagka't ang lahat ng ito ay mga bagay na aking
kinapopootan, sabi ng Panginoon." (Zak. 8:17)
Dapat tuparin ng mag-asawa ang
binitiwang sumpa sa panahon ng pagkakasal upang tamuhin nila ang basbas ng
Maykapal.
Mga
unang taon ng pagsasama
Maaaring ituring na pinakamaselang panahon sa mag0asawa ang mga
unang taon ng kanilang pagsasama. Ang panahong ito ang tinatawag na
adjustment period. Ang bagong kasal ay nagsisimula pa lamang na lubusang
makilala ang tunay na likas at pag-uugali ng isa't isa. Sa panahon ding ito
makikita nila ang mga di inaasahang kapintasan na maaaring nakubli sa panahon
ng pagliligawan. Minsan, nagkakaroon ng mga pagsisisihan at
pagsusumbatan na maaaring mauwi sa panlalamig, pagkawala ng pag-ibig, at,
kapag napabayaan, sa pagkawasak ng pagsasama ng magasawa. Ipinapayo sa
lalakie at babe na sa halip na magsisihan at mauwi sa di pagkakaunawaan ay
pag-aralan na dalhin o batahin ang mga kapintasan ng kaniyang asawa at gawin
ang lahat ng matuwid na paraan para malunasan ang anomang di-pagkakaunawaan.
Huwag titigan ang mga kapintasan ng asawa. Sa halip, ang bigyang-pansin ay ang
kaniyang mga kabutihan at mga katangian.
Ang
tahanan
Ang tahanan ay mayroon ding malaking kaugnayan sa ikapananatiling matatag at
maligaya sa pagsasama ng mag-asawa:
"At kinuha ng Panginoong
Dios ang lalake at inilagay sa halamanan ng Eden, upang kaniyang alagaan at
ingatan." (Gen. 2:15)
Dahil dito, itinatagubilin ni
Apostol Pablo sa mga babaeng may-asawa na sila'y mangagpakalinis,
mgagpakasipag sa bahay" (Tito 2:5). Dapat pagyamanin ng babae ang tahanan
nilang mag-asawa. Laging alalahanin na ang pagal na katawan at pag-iisip ng
asawa dahil sa maghapong paghahanapbuhay ay nangangailangan ng isang dako na
doon madarama ang katahimikan at kapayapaan. Huwag payagan ng babae na ang
kanilang tahanan ay maging kabagut-bagot. Maging ang asawang babae mismo
ay dapat na magsikap na maging kaibig-ibig sa paningin ng kaniyang asawa.
Itinuturo rin ng Biblia na ang
babae ay dapat magpakahinahon (Tito 2:5). Hindi mabuti sa isang babaeng may
asawa na salubungin ng sumbat ang kaniyang asawang pagod mula sa maghapong
paggawa. Hahantong lamang ito sa pag-aaway at di pagkakaunawaan. Iwasan ang
maging magagalitin sapagkat ito ang magtataboy sa asawa. Sinasabi sa Biblia:
"Lalong maigi ang tumahan
sa ilang na lupain, Kay sa makisama sa palatalo at magagaliting babae." (Kaw.
21:19)
Sa mga lalake ay itinuturo ng
Biblia na"huwag kayong maging mapait" (Col. 3:19) sa asawa. Huwag
maging makasarili at mapaghanap. Malimit na inaakala ng lalake na siya lamang
ang napapagod at nahihirapan sa paghahanapbuhay samantalang ang babae ang
siyang naiiwan sa bahay. Hindi niya nakikita ang mabigat na pasanin na buong
tiyagang ginagampanan ng kaniyang asawa lalo na kung wala namang ibang
makatutulong sa bahay, gaya ng pag-aalaga sa kanilang mga anak, paglilinis ng
kanilang tahanan at mga kasangkapan, paglalaba, pamamalengke, paghahanda ng
pagkain, at marami pang iba.
Itinuturo rin ng Biblia na ang
lalake ay dapat maging maunawain sa kaniyang asawa (I Ped. 3:7, New Pilipino
Version) sa mga mumunting mga pagkukulang nito. Maging maalalahanin siya tulad
noon siya ay nanunuyo pa lamang. Dapat tandaan ng lalake na ang mga
mumun-ting pag-aalaala sa asawa ay pumapawi ng pagod at lalong nagpapausbong
ng pag-ibig nito upang lalong maging matatag ang pagsasama.
Ang panalangin
Napakalaki ng kaugnayan ng pananalangin sa ikapananatiling matatag at maligaya
ng pagsasama ng mag-asawa. Ang ating Panginoong Jesus ay nagturo ng
kahalagahan ng pananalangin:
"At sinalita niya sa
kanila ang isang talinghaga, na sila'y dapat magsipanalanging lagi, at huwag
manganglupaypay." (Lu. 18:1)
Ang mundong ito ay punung-puno
ng maraming pakikipagbaka. Naliligid ang tao ng maraming mga tukso. Ang
kasamaan ay patuloy sa pagwasak hindi lamang ng ating pananalig sa Maykapal
kundi maging ng maligayang pagsasama ng mag-asawa. Hindi dapat payagan
ng mag-asawa na ang kanilang tahanan at magandang pagsasama ay sirain ng tukso
at kasalanang naglipana sa paligid. Ipinapayo ng Biblia:
"Kayo'y mangagpuyat at
magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso: ang espiritu sa
katotohanan ay may ibig, datapuwa't mahina ang laman." (Mat. 26:41)
Sikapin ng mag-asawa na mabuhay
nang naaayon sa kalooban ng Diyos. Huwag nilang kalimutang hingin sa Diyos ang
mga pagpapala na kailangan nila sa pamamagitan ng mga pananalangin. Sa
gayo'y tiyak na walang anuman o sinumang makapanghihimasok sa payap at
magandang pagsasama ng mag-asawa.
Ang pag-ibig
Narito ang ilang mahahalagang bagay na dapat maunawaan ng mag-asawa tungkol sa
pag-ibig nila sa isa't isa. Ang pag-ibig ang matibay na nagbubuklod sa
dalawang pusong nagmamahalan. Bayaang ang pag-ibig ay manatili sa puso
ng bawat isa. Ang pagibig ay mapagpahinuhod. Ang mag-asawang umiibig sa isa't
isa ay walang hindi mapagkakasunduan. Ang asawang umiibig ay hind ang sariling
kasiyahan lamang ang hinahanap. Hindi siya naghahanap ng sariling
kaligayahan lamang kundi higit sa lahat ay ng kaligayahan ng kaniyang
minamahal. Ang pag-ibig ay handang magbata at magtiis. Ang umiibig ay
handang magtiis sa anumang kasasapitan sa piling ng kaniyang minamahal.
Ang pag-ibig ay mapagbigay. Ang umiibig ay hindi maramot sa kaniyang minamahal,
ang lahat ay ibinibigay saikaliligaya ng kaniyang minamahal. Abg pag-ibig ay
umuunawa. Ang umiibig ay nakhandang umunawa sa anumang mga pagkukulang ng
kaniyang minamahal. Ang umiibig ay nakahandang magpatawad sa pagkakamali ng
kaniyang minamahal (I Cor. 13:4-7). Ang mag-asawa na pinagbuklod ng ganitong
pag-ibig ang magiging matatag at maligaya ang pagsasama.