Site created and maintained by richard hidalgo
For comments and suggestions, please e-mail us at [email protected]

All rights reserved @ 2003. Buhawi Mountaineering Club
powered by:
Best viewed using 1024 x 768 screen resolution
Kapag narinig mo ang mga salitang bundok, tropical rainforest, Mud Springs, limatiks at mahiwagang diwata, sigurado akong mabilis pa sa ala-singko at isasagot mo ay Bundok Makiling.

July 26, 2003 noon, araw ng Sabado, isang araw makalipas ang mapaminsalang bagyong si Harurot, pito kaming nagsama-sama upang puntahan ang Bundok Makiling sa bayan ng Los Baños sa Laguna. Ang grupo ay binubuo ni Sir Joel, Richard, Ricky, John, Ernie, Tess, at ng inyong lingkod. Sa totoo lang, ito na ang pinakamapangahas na pag-akyat sa bundok ng Buhawi Mountaineering Club mula nang unang akyat ng grupo. Bakit kamo? Una na nga, katatapos lamang ng bagyo at pabugsu-bugso pa rin ang malakas na ulan. Pangalawa, iyong araw na iyon na mismo napagdesisyunan na Bundok Makiling na lang ang panhikin imbes na Daraitan sa Rizal. Pangatlo, ayon sa ilang nagpayo sa amin, masyadong madulas ang trail sa Bundok Makiling kapag umuulan at maraming bangin kaya di na dapat tumuloy kung gabi na. Pang-apat, wala ni isa pa sa amin na nakakarating pa noon sa summit ng nasabing bundok at naiwan pa namin ang itinerary. At panglima, kasama nila ako. Outrageous nga sila, di ba?!

Dapit-hapon na nang makarating kami sa Forestry sa UP Los Baños. At dahil lampas ala-singko na, hindi na kami nakapagparehistro. Bumuhos na naman ang napakalakas na ulan. Kahit di sabihin ng aking mga kasama, alam kong medyo nag-aalala din sila sa aming mapangahas na gagawin. (Aminin!) Gayunman, sinimulan naming tahakin ang road-trail papanhik sa Bundok Makiling. Sa una, madali lang lakaran ang daan dahil nadadaanan iyon ng sasakyan pero nagpahirap ang mabilis na pagdilim. Pagdating namin sa Station 5, nagpahinga muna kami at bumili ng buko. As usual, buko station muna! Hindi rin nagtagal at itinuloy namin ang aming paglalakbay. Ilang sandali lang, may nakausap kaming mga mountaineers sa isang tindahan. Pinayuhan nila kami na magpalipas muna ng gabi sa Nursery na malapit sa picnic area kung saan sila nagset ng camp. So nagtayo kami ng apat na tent sa rainforest. Doon din namin inihanda ang masarap na hapunan: nilagang baka, pritong dilis at pusit, tokwa't tokwa (tama 'yan!), at ilang delata. Ininggit pa nga namin ang di nakasamang kaibigan namin na si Noj nang tawagan niya kami para kumustahin.

Matagal din kaming nagkwentuhan at doon namin nakilala nang lubusan ang isa't isa. Doon din namin nakilala sina Chuchu (isang aso) at Wawa (isang pusa) na hindi kami nilubayan hanggang sa magpatay na kami ng ilaw.

Maaga kaming gumising upang ihanda ang aming almusal at para maagang marating ang Peak 2, ang pinakamataas na bahagi ng Bundok Makiling. Pero bago namin 'yon tinungo, dumaan muna kami sa Mud Springs. Syempre, overwhelmed ang bawat isa sa panonood ng kumukulong putik at asupre. May kasama pang "bulubok" na sound na nirecord pa ni Richard gamit ang kanyang celfon.

Hindi rin nagtagal at dumiretso na kami patungong Peak 2. Nang matapos namin ang malawak na road-trail, sinimulan naming ayusin ang aming mga suot sa paghahanda sa aming kinakatakutang limatik - maliliit na linta na singliit ng palito ng posporo na diretsong sumusuot sa damit at medias upang manipsip ng dugo. Omigosh!! Nakakatakot ba? Di naman. Nakakatawang isipin na noong nasa station 19 kami, tinawagan kami ng isa pang di nakasamang kaibigan na si Bevis upang ipaalam ang pag-atake ng mga rebeldeng sundalo sa Oakwood. Kasabay naman noon ang pag-atake sa amin ng mga limatik. Halos hubadin ko ang aking pantalon nang makita kong sumuot ito ng diretso sa aking damit. Pero naisip ko, hmp, you, blood sucker, di mo naman kayang ubusin ang dugo ko! Biro nga ng mga brods, bagay daw doon ang mga may high-blood na Buhawi mountaineers.

May bahagi rin na 90 degrees ang Bundok Makiling pero madali namin iyong naakyat dahil sa maayos na pagkakalagay ng mga lubid. Ilang sandali pa, narating din namin ang Peak 2. Nakakapanghinayang na mula pagkabata ay araw-araw ko itong nakikita at nadadaanan subalit ngayon ko lang narating.

Mainit ang sikat ng araw nang marating namin ang summit. Ang saya ng pakiramdam. Panalung-panalo! Higit pa siguro sa pakiramdam ni El nang i-text niya kami upang ipaalam sa pagkapanalo ni Manny Pacquiao sa boxing. Ngunit ilang sandali lang, binalutan na kami ng fog. Buti na lang nagtayo kami ng dalawang tent dahil hindi nagtagal, pabugsu-bugso na naman ang ulan. At sa oras nga ng tanghalian, lumakas na ito nang todo. Wala kaming choice kundi kumain sa loob ng tent.

Nagpahinga muna kami bago sinimulang bumaba. At dahil kauulan lang, sobrang dulas ng trail. Kung hihintayin nila ako, maiinip silang lahat. Buti na lang may whistle ako to tell them to go ahead. Madulas ang nagamit kong rubber shoes. Sa totoo lang nahirapan ako: Lakad, baba, kapit sa lupa, dulas, tayo uli, check ng limatik sa damit, lakad, baba, kapit, bagsak. Whew! Ako ang naging sweeper ng grupo. Ako kasi ang nagsweep sa lahat ng putik sa Bundok Makiling.

To make my long story short, madilim na rin kami nakarating sa paanan ng bundok. Hindi na namin nadaanan ang Flat Rocks at Museum of Natural History. Sa aming tirahan sa Bay kami dumiretso upang magpahinga sandali, maligo, at maghapunan. Nakakapawi na rin ng pagod ang mga pagkaing nadatnan namin. At habang kami'y masayang kumakain, naisipan ko na magsalita ang bawat isa sa harap ng video camera tungkol sa masasabi namin sa pagpanhik sa Bundok Makiling:


TESS :Mahirap, malayo, maraming limatik. Grabe talaga! Dumidikit at nangangagat nang di mo nararamdaman.

RICHARD : Naiwan ko ang itinerary kaya sa isip ko na lang ang oras. Malayo pala, parang Mt. Banahaw. Maganda ang Mud Springs. Ngayon lang ako nakakita ng ganun, kumukulo! Traidor naman ang mga limatiks, nadalawahan ako. Pero okay lang, ang sarap ng food. Siya nga pala, salamat kay Garry sa pabaon niya sa amin na dried mango at jellyace. Rey, kinukumusta ka ng kamag-anak mo sa Bundok Makiling.

ERNIE : Wala akong masabi, ang sarap ng pagkain dito! Grabe sa Makiling, ang daming limatik. Nakakatakot. Naisahan ako. Grabe, ang dulas ng daan. Ilang beses nga akong nadulas.

SIR JOEL : Na-underestimate ko ang layo ng Mt. Makiling. Akala ko kasi sabi nila easy lang, level I, pero mahirap din pala. Bukod doon, talagang grabe, umulan, inatake kami ng limatik. Pero wala silang natikman ni isang patak ng dugo sa akin. Kita niyo na, kahit may asawa, eto pa rin ako. Siyanga pala, ang sarap ng pagkain dito.

JOHN : Challenging din parang Mt. Banahaw. Ang pinagkaiba lang, sa Banahaw, pagod lang ang kalaban. Sa Makiling, pagod at limatik. Tulad ng sinabi ni Sir Joel, kala ko easy din. Di ko ine-expect na mahirap pala. Pero maganda ang naging bonding namin kahit pipito lang kami, nagkakilala kaming mabuti. Siyanga pala, thank you, Bevis, sa pag-inform sa amin sa coup d' etat sa Makati.

RICKY : Masarap sa Makiling lalo na kung kina Orpha ang last station, Bale 31st station. Kilala kasi ang Makiling. Dati kasi hanggang sa kwentuhan lang, so ngayon narating ko na. Maganda pala. Although pito lang kami, ang saya pa rin.


Kung tutuusin, ang Bundok Makiling ay tinuturing lang na minor climb. Pero dahil sa bagyo, parang humaba ang trail dahil sa sobrang putik. Hindi naman talaga dapat katakutan ang limatik kung handa ang bawat papanhik. Kung kaya naman araw-araw ay maraming grupo ang nagpapanhik-baba doon. Bukod kasi sa mahiwaga at kilalang bundok ang Makiling, maganda talaga ito. Mayaman sa kalikasan tulad ng malalaki at mayayabong na puno, maraming pagkukuhanan ng malinis na tubig, maraming nag-aawitan at humuhuning ibon, malamig ang sariwang hangin at marami pang iba. Bukod doon, very informative at educational ang mga karatula, maraming tindahan at may makakasama ka pang ilang hayop sa pag-akyat. Higit sa lahat, hindi ko talaga maipagpapalit sa takot sa limatiks ang pagkakilala ko nang lubos sa aking mga kasama. Doon ko nga nalaman na si Ernie, bagamat tahimik, marami rin palang kwento sa buhay, painumin mo lang ng konti Si John naman, sa una'y akala ko'y easy-go-lucky dahil masyadong makulit, eh may itinatago ring kaseryosohan. At determinado pa! (Basta di ko na i-eelaborate.) Si Sir Joel, tatay na tatay. Nasa tent na ko, chine-check pa rin kung okay lang ako. At nagiging Michael Jackson pala siya sa Peak 2 (hanggang Bundok Makiling lang 'yun.) Si Ricky naman, mahilig mag-anticipate. Kukuha siya ng gamit na alam niya na kakailanganin later tulad ng kawayan na kinuha niya sa station 2 at ginamit naming sabitan ng ilaw sa rainforest. Si Richard, nagka-fling pala sabi ni Tess! (sana joke lang.) Basta, saludo ako sa kanya! At si Tess naman, dahil dalawa lang kaming babae, siya ang napagsabihan ko ng ilang usapang pambabae. At ako, ano'ng masasabi nila? Well, lahat ng bawal at lahat ng dapat bawasan: Bawal kumendeng sa paglalakad. (natural yun! Blame it to my father!) Bawal hindi madumihan ang kamay. (Takot lang pong makahawak ng limatik!) Bawal ang mahaba ang kuko at bagong pedicure at manicure. (May client call kasi kinabukasan eh!) Bawasan ang paghinto para maglagay ng sunblock. (Oi, four times lang huh!) Bawasan ang sobrang pagtili. (May whistle na ko!)

Oops, baka naman sabihin mo mukhang maarte tong writer ah! Di naman po. Ang totoo niyan, unti-unting hinahasa ng Buhawi Mountaineering Club at ng bawat bundok ang isang mountaineer na maging determinado, maging maparaan, na pagkasyahin at payabungin kung ano ang naandiyan, maging cowboy, na matutong makisama maging sa ibang grupo na nakakasalubong at nakasabay sa pag-akyat, matutong pahalagahan ang lahat ng may buhay, at higit sa lahat, matutong magpasalamat sa Diyos na siyang may likha ng likas na kayamanan.

Habang sinusulat ko isang dapit-hapon ang artilukong ito sa bahay ng isang kaibigan, napadungaw ako sa bintana nila at napansin ko ang Bundok Makiling na tila nakahigang anyo ng isang babaeng may mahabang buhok. Naisip ko, babalik muli ako diyan, kasama ng ibang Buhawi mountaineers. Hindi ko alam kung kailan. Basta sa pagkakataong iyon, alam kong panibagong karanasan na naman para sa akin at sa bawat Buhawi mountaineer na determinadong marating ang bawat tuktok na aming pangarap.
HOME   CLIMBS   PHOTOS   POLL GEAR   MEMBERS' CORNER   SHOPS   TIPS
about BuhawiMC   events   contacts   site map   guestbook
1
Hosted by www.Geocities.ws

1