SONA? Anong SONA?

A Primer on the 
State of the Nation Address by
Pres. Gloria Macapagal-Arroyo

Nung nakaraang Lunes, Hulyo 23, nagsalita si Gloria Macapagal-Arroyo sa harap ng ating mga Kongresista at sa harap ng taong bayan para sa kanyang unang State of the Nation Address o SONA. Maraming nag-rally, mga libu-libong pulis na nagbantay, at marami ring Pilipino ang nakinig, nanood, sumubaybay. Anu ba ang ibig sabihin ng lahat ng ito?

Ano ba ang ibig sabihin ng "State of the Nation"?

Kung ito'y isasalin sa Filipino, ang katumbas ng "State of the Nation" ay ay "Kalagayan ng Bansa".

Ano naman ang SONA o State of the Nation Address?

Ang SONA ay isang talumpati o speech na ginaganap bawat taon. Ang presidente ng Pilipinas ay naghahayag dito ng kanyang mga mithiin o mungkahi sa ating mga Kongresista base sa kanyang tingin ay ang pangkasalukuyang kalagayan ng bansa. Dahil na rin sa malawakang pagbabalita ng SONA, milyun-milyong Pilipino rin ang nakapapakinig, nakapapanood, nakasusubaybay nito.

Ano ang kahalagahan ng SONA?

Dahil may SONA, malalaman natin kung gaano kaangkop ang ating gobyerno sa kanilang gawain. Malalaman natin kung ang palagay ng Presidente sa kalagayan ng bansa ay katulad ng ating sariling palagay o opinyon.

Sa SONA rin natin malalaman kung anu-anong aksyon at mga palatuntunan ang nais ipatupad ng ating pamahalaan. Kung ito'y makakarating sa ating kaalaman, magkakaroon tayo ng pagkakataon na siyasatin ito at tingnan kung ito ay nararapat.

Para sa ating mga tagapamahala, ito ay pagkakataon na malaman ang pangkalahatang layunin ng Presidente.

Ano ang nilalaman nung nakaraang SONA?

Nung nakaraang SONA ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo (GMA), sinabi niya na ang layunin ng mga hinalal ay "sugpuin ang kahirapan" ng bansa. Tinalakay niya dito ang pangkasalukuyang problema ng bansa. Inihayag din niya ang apat na "mithiin ng masa", ang kawalan ng mga ito bilang mga dahilan ng kahirapan: Trabaho, Edukasyon, Sariling Tahanan, at Pagkain sa bawat mesa.

Katapat nito, nilatag niya rin ang "apat na elemento ng pakikibaka sa kahirapan". Ito ay ang mga sumusunod: pagnenegosyo, pagpalago ng kita ng ani ng tagabukid, pagkalinga sa mga mahihirap, at pagtataas ng moralidad sa gobyerno at lipunan. Sa ilalim nito ay hiningi niya ang paglungsad ng iba't-ibang batas ng Kongreso at programa.

Marami siyang binanggit na mga pangako sa kanyang talumpati, at marami dito ang nangangailangan ng malaking pondo, tulad na lamang ng 20 bilyong piso para sa pabahay, 20 bilyon din para sa agrikultura kada taon, at 500 milyon para sa Mindanao Crisis.

Kasama ang tatlong bata sa harapan ng Kongreso, sina Jason, Jomar, at Erwin, inulit niya ang kanyang "pangarap"-"Paparamihin natin ang mga kababayang may trabaho�ang mga batang makakapag-aral ng kolehiyo�ang mga kababayang may tahanan�ang pamilyang may pagkain sa mesa."

Tinapos niya ang kanyang talumpati nang sinasabi na hindi siya isang miracle worker o manggagawa ng mga himala, ngunit gagawin daw niya ang tama at ang kanyang makakaya at hahayaang ang Diyos ang umakay sa kanya.

Posible ba ito mangyari?

May mga pulitiko at ilang mga manunuri o kritiko na nagsasabing malabong mapondohan ang mga programang nilahad ni GMA dahil ayon sa kanyang gabinete, 780.8 bilyong piso ang kinakailangan para sa susunod na taon upang maabot ang ninanasang ekonomiya.

Ani naman ni GMA, lahat ito ay possible at lahat ng programang kanyang binanggit ay may pondo. Gayun din naman ang sabi ng kalihim sa badyet ng Pilipinas na si Emilia Boncodin.

Ang posibilidad ng mga programa ay hindi lamang nakasalalay sa kakayahan ng mga taong magpapatupad nito. Nakasalalay din ito sa bilyun-bilong pisong kakailanganin ng mga programa.

Kung mayroong pondo o wala, ito ang makakasagot sa tanong na ito.

Anong papel ko bilang mamamayan kapag may SONA?

Bilang mga bahagi ng lipunan, maraming epekto ang SONA sa mga mamamayan. Isa na dito ay ang kalidad ng buhay sa bansa. Ang mga nakasaad sa SONA, kung matupad man o hindi, ay makakaapekto dito. Tulad ng nabanggit kanina, kapag di angkop ang pagsiyasat ng pamahalaan sa kalagayan ng bayan, hindi matutugunan ang tunay na pangangailangan ng mamamayan, ng masa, ng bayan.

Dahil dito, kailangan siguraduhin na ang SONA ng gobyerno ay kapareho ng iniisip na SONA ng bayan. Bilang mga nahalal at pinagkatiwalaan ng taong bayan, dapat ay kanilang naisin at sikapin ang ikabubuti ng bawat Pilipino. Kailangan nilang tingnan ang kalagayan ng buong bansa, hindi ng mga napipiling grupo lamang.

Madalas, ang SONA ay natatatakan ng mga turing na ito raw ay puno ng mga pangakong napapako, o mga mabubulaklak na salita na wala naming tunay na kahalagahan. Ang mga programang nababanggit ay nananatiling nakasulat sa hangin.

Maaring alam ng pamahalaan ang kalagayan ng bansa at ang mga maaring itapat na mga solusyon o pagpapabuti, ngunit kapag hindi naman ito natumbasan ng aksyon, ito ay mananatiling hangarin, at ang kalagayan ng bansa ay hindi uusad, hindi magbabago, at maari pang malugmok sa problema.

Dito pumapasok ang isa pang tungkulin ng mamamayan-ang masinsin na pagsubaybay kung may nangyayari ba sa mga pangakong ito o kung ang mga ito'y nananatiling nakapako.

Maaring mahalimuyak ang dating ng mga mithiin at mungkahi tuwing SONA subalit ang nakikitang aksyon ang siyang magpapatunay sa mga nasambit na salita.

Huwag nating hayaang ang SONA ay manatiling puro salita at walang gawa. Siguraduhing ginagawa ng gobyerno ang pinakatatanging layunin nito angat sa iba-ang serbisyong publiko hindi masalitang pulitika.

Hosted by www.Geocities.ws

1