|
ARCHIVE from PERSPEKTIV Online |
|
|
|
Pulitiko, pulitika, papa'no na? Jennibeth Ramos
August... September... October... Aba, dalawa at kalahating buwan na lang pala at 18 na ako. November..... March..... May... At pitong buwan matapos, vovoto na ako. Isa na ako sa magluluklok ng mamumuno sa ating bayan. Vovoto? Sa totoo lang, hindi ako interesadong vumoto. Parang balewala na lang sa aking isa ako sa magiging responsable sa pamimili ng magiging tagapamuno. Paano ka ba naman gaganahan sa pagvoto? eh kahit sino ang ihalal mo, walang pagkakaiba, mangu-ngurakot lang 'yon! wala na akong makitang putiliko na mapagkakatiwalaan o malinis ang pangalan. Kurakot dito, siraan doon, sisihan dito, turuan doon. Ang gulo at ang dumi talaga ng pulitika sa Pilipinas. Parang roleta ng walang katapusang pangako, kasinungalingan at kurapsyon. Ang gagaling mangako 'pag eleksyon, pero 'pag nahalal na,pwede ka nang magtayo ng bahay sa rami ng pako. Kung kagaya tayo sa Japan dati, na kapag nasangkot ang pangalan mo sa isang eskandalo sa ku-rapsyon ay maghaharakiri ka dapat, wala nang buhay sa Malacaņang.
Hindi naman sa wala na talaga akong tiwala sa mga pulitiko, pero sa nakikita ko, dapat pa ba akong magtiwala? Siguro nga't may natitira pa ring ang gusto ay maglingkod at tapat naman sa kanilang tungkulin. Subalit sa rami ng kurap, tabon na tabon sila. Naisip ko tuloy, kawawa talaga ang mga Filipino. Gustong umayos ang pamumuhay pero hindi mabigyan ng pagkakataon dahil ang taong dapat ay tutulong sa kanya, siya pa ang dahilan ng paglubog. Sa bagay, may kasalanan din naman ang mga mamamayan. Napakadali kasing suhulan tapos magrereklamo at babatikusin ang mga inihalal. Walang katapusang saykel: manga-ngako, magsusuhol, magpapasuhol,vovoto, mananalo, mangungurap, at magrereklamo... Haaay, kailan kaya mababago 'to? Hindi kayang baguhin nang isa lang ito, kailangan lahat. Ang kultura talaga, mahirap kalabanin. Tsaka ko na nga poproblemahin 'to, 'pag 18 na ako.
Sabi nga sa ating konstitusyon, suffrage is a mere privilege. kasama ng privilehiyo ang responsibilidad. Bilang karagdagan, sabi naman sa kanta ng Incubus na 'Privilege:' "Isn't it weird that privilege could be like a chore?" How true...
|
|
|
|
=end of texts= |
|
Go to mainpage: http//www.geocities.com/psy_perspektiv |