ARCHIVE from PERSPEKTIV Online

 

PsychSoc, nagdaos ng LTS

Suzanne Tamayo

 

Ang Psychological Society @ Work (PSYCH SOC) ay isang samahan ng mga estudyante ng Sikolohiya. Nitong Hulyo 2, idinaos ang isang Leadership Training Seminar (LTS) sa Cabuco Conference Viewing Room bilang isa sa kanilang mga proyekto. Dinaluhan ito ng mga ofisyales ng bawat klase mula una hanggang ikatlong antas ng naturang kurso. Sa PSY23, dumalo sina Lovejoy Dagdag, Garry Galit, John Xavier Nepomuceno, at Kristine Claire Binay. Ang seminar ay pinangunahan ni Profesor Mariano "Sir Mar" Ramirez, Direktor ng Discipline Office.

 

Maraming mga bagay ang tinalakay sa LTS. Nariyan ang mga krisis na nangyayari sa ating bansa at kapaligiran, at kung papaano natin haharapin ang mga suliraning ito. Iniakma ang diskusyun sa antas na abot ng mga pangunahing lumahok.

 

Maganda at mahusay ang pagkakatalakay ni Sir Mar. Sadyang naihain niya ang maraming bagay na bagaman nangyayari sa ating lipunan ay pilit namang natatakpan ng mga kaalamang may ibang pinatutunguhan. Isinalaysay niya ang kanyang naranasan nang maatasan siyang tumigil sa Smokey Mountain. Doon ay nakilala niya ang isang buntis na nanganak nang kulang sa buwan. Bunga ng masidhing kahirapan, hindi na ito nadala sa ospital. Sila na lamang ang gumawa ng isang improvised incubator na mula sa kahon ng sapatos at pinaiinit ng isang bombilya. Subalit di-nagtagal, namatay rin ang bata. Hindi dahil sa kondisyon nito, kung hindi dahil sa pagka-infeksyon mula sa kagat ng daga.

 

Hindi rin pahuhuli si Sir sa mga biruan. Makailang ulit niyang nasambit ang mga linyang "Ayokong itabi 'yung sasakyan ko sa mga estudyante ng La Salle kasi nanliliit ako. Sa kanila kasi puro Toyota, Mitsubishi, Honda. Samantalang sa akin Nissan... nissan umaandar, nissan hindi... gusto ko ngang tiklupin 'yung kotse ko at itago sa pitaka."

 

Sa kabuuan, ang seminar ay naging produktivo, lalo na para sa mga ofisyales na dumalo. Kitang-kita ito sa kanilang mga mukha. Masasabing naging matagumpay ang LTS ng PSYCH SOC. 

  

 

=end of texts=

Go to mainpage: http//www.geocities.com/psy_perspektiv

Hosted by www.Geocities.ws

1