ARCHIVE from PERSPEKTIV Online

 

MALAYA TIMES, KAPITAN KULAS

  

Ito ang panahong walang kapantay ang kasikatan ng Meteor Garden, pilit pa ring tinatalakay ang eskandalo sa Simbahang Katoliko, walang pagbabago sapagkat laganap pa rin ang kahirapan, patuloy na nakikipaglaban sa korte si Joseph Estrada at patuloy na nagaganap ang mga iba’t ibang uri ng krimen na tila iisa na ang mga istorya, at pangalan na lamang ng mga sangkot ang napapalitan.

 

Ako nga pala si Kapitan Kulas. Kung pahihintulutan ng Maykapal, makakasama nyo ako buwan-buwan. Kapitan Kulas? Opo! Huwag na muna na nating alamin kung bakit iyan ang aking pangalan. Darating din tayo dyan.

 

Mabalik tayo, kayrami ngang mga kaganapang namamayagpag sa ating lipunan sa kasalukuyan. At sa kabila ng lahat ng ito, isang munting likha ang ngayo’y isisilang. Ito ay ang munting gawang makikisali sa iba’t ibang salik at dimensyon ng buhay. Basta lahat ng may kinalaman sa atin, pilit papasukin, at ipapaalalang maraming bagay pang dapat na siyasatin.

  

Ito ang KONSTITUSYON, ng mga Sikolohista (nawa)!, ang ofisyal na pahayagan ng PSY23.

 

Layunin ng pahayagang ito na paunlarin ang papel, sa mas malawak na sakop ng pamantasan at lipunan, ng mga mag-aaral ng kursong Sikolohiya, lalung-lalo na ng mga nagmula sa PSY23. Sa tulong ng tahimik na tinig na ito, maipapahayag ang makukulay at makabuluhang nakaraan, higit na mabibigyang pansin ang kritikal at napapanahong pangkasalukuyan, at mapaghahandaan ang mga kakaharapin sa kinabukasan.

 

Sa gabay at patnubay ng Dakilang Lumikha, ang newsletter na ito ay lalabas isang beses bawat buwan. Gayunman, kung may mga pagkakataong kinakaila-ngan ang mga pilas ng dahon ng KONSTITUSYON, ang espesyal na isyu ay maaa-ring malathala.

 

Sa ngayon, ilang pagbabalik tanaw ang isinagawa upang sakupin ang isang taong hindi pa nabubuo ang ideya ukol sa pahayagang ito na isa pang layon ay idokumento ang mahahalagang tagpo sa bawat kabahagi ng, at sa PSY23.

 

Mga balita, natatanging lathalain, pag-aaral, informasyon, literatura at marami pang iba. Ilan lamang iyan sa mga susubukang pasukin ng munting gawang ito.

 

Inaasahang sa susunod pang mga panahon, ang suporta at tulong ng mas nakararami ay tatanggapin ng KONSTITUSYON. Bukod dito, ang pahayagan ay bukas sa kung anumang pagbabagong maaaring maganap. Asahang sa mga tawag ng kaganapan at sandaling limitado sa alamang saklaw ng pahayagang ito, ang pagtatala at paghahatid ng balanseng mga detalye ay maisasakatuparan.

 

Sa pagsisimula ng may ginintuang layuning likhang ito, ang bawat isa sa inyo harinawa ay manatiling kabahagi. Ano man ang pagbabago sa iisang grupo, na pilit inaabot ang inyong mga muni at diwa, ang KONSTITUSYON na ang bahalang magpaalala at maghandog ng mga natatanging batas ng buhay na may malaking kinalaman sa bawat kaugalian. Iyan ang pangako ng KONSTITUSYON, simula ngayong Sikolohista nawa, hanggang sa maging Sikolohista na nga.

  

 

=end of texts=

Go to mainpage: http//www.geocities.com/psy_perspektiv

Hosted by www.Geocities.ws

1