Joey A. Arrogante

Bayang Malaya: Pagniniig ng Epiko at Korido/Awit

 

Introduksyon

 Sa The Little Prince ni Antoine de Sainte Exupery, nagtanong ang Munting Prinsipe sa mga kaktus, "Nakakita ba kayo ng mga tao sa paligid?" "Oo," tugon ng mga kaktus. "Mga anim sila, pero tinangay sila ng hangin kasi wala silang mga ugat."

 Maraming tao sa mundo ang nabubuhay ang hanggang sa sila ay mamatay ay walang pagkakakilala sa sarili, o dili kaya’y walang anumang prinsipyo sa buhay. Samantala, ang iilan namang mayroon, tulad ni Amado V. Hernandez na tinatawag ng lahat na Ka Amado, bunga ng kanyang madudulang karanasan, unti-unti siyang namulat sa katotohanang ipinanggising na noon ni Jose Rizal na walang mang-aalipin kung walang magpapaalipin. Kailangang malaman ng tao ang kanyang mga karapatang pantao para huwag siyang basta yapak-yapakan ninuman. At ito rin ang ipinang-udyok-gising ni Ka Amado sa pinagmalasakitan niyang masa, lalo na ang manggagawa, na magkaisa, bumuo ng samahan, nang mapuwersang maiparinig sa kinauukulan ang mga karaingan at kahilingang hangad nilang mabigyang-saysay at solusyon.

 Datapwat sa anumang simulain para mapagtagumpayan ang higit na kinakailangan ay malalim na paninindigan sa itinatag na kumbiksyon nang di basta mahugot sa kinatitiningang moog. Ang kawalan nito’y nadadala dagli ng agos at mag-isang napag-iiwanan sa kagipitan ang naghahangad ng kabutihang pangkalahatan, tuloy, kalungkutan at pagdurusa ang kinahahantungan.

 Sa pamumuno ni Ka Amado sa mga handa lamang isalba ang sarili, nang hulihin siya at ikulong, mag-isa niyang binuno ang hatol na reklusyon perpetwa o habang buhay na pagkabilanggo sa paratang na rebelyon "sapul noong Enero 26, 1951… sa Camp Murphy (ngayo’y Fort Aguinaldo) nang inkomunikado… (Hernandez, 1982). Nang hatulan siyang nagkasala, "napiit siya nang limang taon at anim na buwan." …"Sa bisa ng lagak ay nakalaya siyang pansamantala noong Hulyo 20, 1956, at noong Mayo 31, 1964, makalipas ang walong taong paghahabol, ay… napawalangsala" (Torres-Yu, 1986, ph.32).

 Datapwat, maiibabalik pa ba ng kawalang- hustisya, ang basta paratangan at ikulong, ang mga panahong ipinagdusa ng biktima, gayundin, ng mga taong nadamay sa sitwasyon, na kahit tumbasan sa kanya ng malaking kabayaran, ay mananatiling nakaukit na sa kanyang kaluluwa?

 Magkagayunman, naging matibay ang paninindigan ni Ka Amado. Hindi siya iginupo ng kinasadlakang impiyerno, bagkus, namayani ang kanyang prinsipyo na kahit nga bawal ang lapis at papel, nakuha pa rin niyang palayain ang pagkamalikhain, pakapa-kapa man sa madilim na bartolina, naisulat niya ang Isang Dipang Langit (1952) at papuslit na naitakas sa laylayan ng damit ng asawa ang Bayang Malaya, gayundin ang kalahati ng nobelang Mga Ibong Mandaragit. Ang mga akdang ito ay ikinakamit niya ng karangalang pampanitikan. Kaya naman noong Hunyo 24, 1973, ginawaran siya ng posthumous award ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos bilang Pambansang Artist, tatlong taon makalipas ang kanyang kamatayan noong Marso 24, 1970.

Buod ng Kasaysayan

  Bagamat karaniwan at mahirap ang buhay sa nayon ng Pinagbangunan, puno naman ang mga taganayon ng kabutihang-loob at asal, at ng pagmamahal sa kapwa at sa Diyos. Kaya naman sina Tala at Tanggol, sapul sa pagkabata hanggang sa magkaisip ay mapahintulot na nagkaibigan.

  Tag-ani nang malantad ang problema: ang paninikil ng maylupa – ng mag-amang Kabisang Laki at Bobi – sa mga kasama. Hininala ng Kabisa na ninanakawan siya ng ani ng mga kasama. Gayundin, ang lantad na pagkakagusto ni Bobi kay Tala.

  Nagkainitan sa pagtatalo sina Tanggol at Kabisa tungkol sa patakaran ng hatian sa ani na bukod sa nakakalamang na ang maylupa, pinatutubuan pa ito. Tuloy, sa sigalot na ito, nalantad ang misteryo sa pagmamay-ari ng lupa si Kabisa na ito pala ay pag-aari ng isang balo na kabit ng isang pari, na si Kabisa pala na pinalalabas na katulong ang anak ng balo at ng pari, na nilason ni Kabisa ang ina (ang balo) para makamkam ang kayamanan nito, na sinuhulan lamang ni Kabisa ang abogado at ang doktor para makalimutan ang kaso. Muntik nang mag-abot sa puwersa ang dalawang pangkat – maylupa at kasama. Sa pagkakataon ding ito nakuhang magkaisa’t ipakipaglaban ng mga kasama ang kanilang karapatan kaya naitatag nila ang unyon ng mga manggagawa at naibalangkas nila ang mga kahilingan bago magpista.

  Kapistahan nang ipaalam sa mga taganayon ni Tininti, ama ni Tala, ang pagpapakasal nina Tanggol at Tala at ito ay gaganapin bago magpasko. At habang nagkakasiyahan ang mga bisita sa kabahayan at bakuran ni Tininti, namangka naman sa ilog ang magkasintahan at nagsusumpaan.

  Samantala sa Maynila, ang peryodistang si Lantay ay nagbigay-babala sa publiko tungkol sa nalalapit na giyera Amerikano-Hapon, ngunit ang mga tao ay di man lamang nabahala dahil Pasko ang pinagkakaabalahan. Di sumala ang pagsiklab ng digmaan. Sumalakay ang mga Hapon at nalukob ang buong bansa. Nawalan ng trabaho at naging palaboy si Lantay. Nang alukin siya ng Hapon na makipagtulungan na lamang sa emperyo at kanyang tinanggihan, ipinahuli siya, ikinulong sa Fort Santiago, at pinarusahan. Mistula silang mga daga sa lungga kasama ang ilang Pilipinong bilanggo.

  Binalak ng mga bilanggong tumakas sa pamumuno ni Lantay ngunit sa kasawiang-palad siya lamang ang nakaligtas sa pamamagitan nang pagtalon niya sa Ilog-Pasig.

  Sa nayon naman, nasukol ng mga Hapon ang mga taong-nayon gawa ng paghihiganti ni Kabisa na nagmakapili sa kanyang kasama. Napatay si Tininti at Tanggol. Binihag si Tala na pinagtangkaang gahasain ng nagkakagustong opisyal ngunit naipagtanggol naman ni Impo, ang komadrona ng nayon, at sila’y namundok. Sa kanilang pagtakas sa garison, nasabat sila ng mga gerilya.

  Si Dupil, na matapos mabigo sa pag-ibig sanhing dinungisan ng isang mayaman ang puri ng kasintahan kaya nagpakamatay, at mapatay ang isang mayamang nang-api sa ama bilang paghihiganti, ay namundok na bago pa magkagiyera para makatakas sa pag-uusig ng batas, ang pinuno ng mga gerilya sa Sentral Luzon, kaya naggerilya na rin si Tala.

  Samantala, si Limbas na dili’t iba kundi si Lantay, sa pagkakatakas sa Fort Santiago ay nalambat ng isang mangingisda at dinala sa Isla-Pugad na moog ng mga gerilya, ang ngayo’y kinakatakutang tulisan ng mga Hapon kaya may putong na P10,000 sa ulo dahil siya ang may kagagawan ng mga pagtambang sa mga trak ng amunisyon at rasyon ng mga Hapon, mga pagsalakay sa mga garison, at pumatay sa mag-amang Kabisa at Bobi. Naging berdugo siya ng bayan laban sa mga Hapon. Minsan, nasugatan siya’t tatlong araw na walang malay. Sa tulong ni Dupil, ni Tala at ermitanyo, ang taong matapos magdoktor, nagkagiyera, namundok at nakipaglaban ngunit pagkatapos ng labanan ay hindi kinilala ng Amerikanong awtoridad ang kagitingan kaya pinanindiganan na lamang ang pamumundok. Siya ang gumamot kay Limbas.

  Nagkaibigan sina Limbas at Tala. Inalok ni Limbas ng kasal si Tala ngunit tinanggihan ng huli dahil higit na kailangan ang tulad ni Limbas ng bayan kaysa sa pansarili niya lamang.

  Natapos ang digmaan at naghiwa-hiwalay ang mga gerilya upang sa di-kalaunan ay muling magtagpu-tagpo sa Maynila. Sa pagbabalik ni Limbas/Lantay sa lungsod, muli siyang nagtrabaho sa peryodikong Malaya. Si Tala namang wala nang babalikan pa sa nayon ng Pinagbangunan, kasama si Impo, ay lumuwas ng Maynila para mamasukan sa isang pabrika bilang mananahi. Nagkaroon ng katuparan ang kanilang pag-iibigan.

  Sa bagong panahon katiwalian ang naganap sa gobyerno at kaapihan naman ang natikman ng mga manggagawa. Dahil sa kaliitan ng sahod at kawalang-karapatan at benepisyo sa mga pinapasukang trabaho, nagtatag ang mga manggagawa ng mga unyon sa pamumuno ni Lantay. Nagkaroon ng mga pagwewelga. Si Lantay naman bilang pinuno ay hinuli at ikinulong nang walang due process sa paratang sa kanyang isang komunista at rebelyon. Sa pagkakapiit, tanging liham ni Tala at dalaw ni Dupil ang muling bumuhay sa kanyang pag-asa na harapin ang kinasadlakang pagkakabilanggo.

Pagsusuri

  A. Kaligirang Pangkasaysayan ng Tula

  Ayon kay Amado V. Hernandez (AVH), kasama ng tulang Isang Dipang Langit…ang tulang kasaysayang Bayang Malaya… ay resulta ng pakikipag-usap sa kanya ni Magtanggol Asa (Aurelio Alvero) nang kapwa sila nakakulong sa Muntinlupa. Dahil ayon kay Magtanggol Asa, walang kasalanan si Ka Amado sa paratang na ikinabilanggo niya, nagkasala siya sa wika at panitikan sapagkat nang mapasama siya sa kilusang manggagawa at pulitika, kinaligtaan niya ang pagkatha, kaya bilang pagtitika, sumulat siya. Datapwat, sagot ni AVH, ang pakikisangkot niya ang pagsasakatuparan ng mga simulain at pananalig ng kanyang pagiging manunulat. Gayundin, iminungkahi sa kanya ni Abogado Juan T. David, isa sa kanyang mga abogado, dahil di-tiyak ang panahon sa kanyang kaso na "matutuhan… gamitin ang panahon …magsulat….Maraming obra maestra sa literatura ang sinulat sa bilangguan" (Hernandez, 1982).

  Unang nalathala ang Bayang Malaya sa lingguhang Liwayway noong Abril 1958. Ito ay isang serye na lumabas sa suplemento ng nasabing magasin. Mapupunang hindi ginamit ni AVH ang kanyang tunay na pangalan at sa halip ito ay sa sagisag panulat niyang Julio Abril. Maaaring ang dahilan nito noong mga panahong iyon ay nakakalaya lamang siya dahil sa lagak at maaaring baka hindi makatulong sa kanyang kaso ang paglathala ng isang akda na tumutuligsa sa mga kasalukuyang pangyayari sa lipunan. Ito marahil ang nagtulak sa kanya para gamitin ang iba pang sagisag panulat. Halimbawa, siya si Amante Hernani sa Ang Sigaw at ang Landas (Agosto 31, 1959); Herminia dela Riva sa Nakatanaw sa Malayo (Nobyembre 21, 1955); Silahis ng Dapithapon (Mayo 19, 1958); at Nakapiring na Katarungan (Mayo 4, 1959). Kinakailangan niyang kumita kahit papaano, bukod sa kailangan niyang patuloy na maglathala bilang manunulat (Torres-Yu, 1986).

  1. Pagtalakay sa Kahulugan ng Epiko at Korido

  Tatlo ang bumubuo sa hurado noon ng patimpalak na kinalahukan ng Bayang Malaya: si Teodoro A. Agoncillo, ang tagapangulo, at sina Moises Simbulan at Virginia Moreno, ang dalawang miyembro.

  Ayon kay Moises Simbulan, "ang Bayang Malaya ay isang tulang epiko o tulang kasaysayang batay sa makabagong takbo o himig ng nakaraang lumipas at ng naghaharing kasalukuyan…isang makabagong kasaysayang-epiko" (Hernandez, 1969, ph.232).

  Ayon naman kay Teodoro Agoncillo, ang "hatol ng inampalan sa tula, ay itinulad sa Florante ang Bayang Malaya" (Hernandez, 1969, ph.231).

  Paano naging isang epiko ang Bayang Malaya kung ito ay tulad sa Florante at Laura na alam ng karamihan sa mga iskolar sa Panitikang Filipino na ito ay isang awit, maliban na lamang kina Isagani R. Cruz at Soledad Reyes, may-akda ng Ating Panitikan na ginamit ito at ang Casaysayan nang Pasiong Mahal ni Jesucristong Panginoon Natin na inedit ni Mariano Pilapil kaya kung turingan ay Pasyong Pilapil na mga halimbawa ng epiko?

  Magkasingkahulugan na ba o magkasingkatangian na ang awit o korido at ang epiko?

  Parang may misnomerismo rito.

  Magkagayunman, makabubuti siguro, o mas makatutulong sa paglinaw sa kasong ito kung pagtutunang-pansin muli ang bawat talakay ng mga terminong epiko at awit o korido, nang manapa’y makita rin ang pagkakatulad at pagkakaiba ng mga ito.

  1. Ang Epiko

  Ang epiko, ayon sa pagpakakahulugan ni Dr. E. Arsenio Manuel, isang antropologong Pilipinong aral sa mga kaisipang antropolohikal ni Otley Beyer, isa namang Amerikanong antropologo na nagturo sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan nagtapos ang una ay: "…isang mahabang salaysay sa anyong patula na maaaring awitin o isatono. Ito ay hango sa pasalindilang tradisyon tungkol sa mga pangyayaring supernatural o kabayanihan at may layuning seryoso dahil kinapapalooban ito o pinahahalagahan dito ang mga paniniwala, kaugalian, saloobin, at mga mithiin sa buhay ng mga tao" (Manuel, 1963, salin ni Arrogante, 1989, ph. 80-82). Dagdag pa niya, "ang kahulugan o katangiang ito ng epiko ay batayan din sa maaaring gawing pagsusuri ng iba pang mananaliksik na makakatulad nito." Narito ang paliwanag sa bawat bahagi ng kahulugan o katangian ng epiko hango sa pag-aaral niyang A Survey of Philippine Folk Epics na nalathala sa Asian Folklore Studies (1963).

  Matitiyak sa pamamagitan ng haba ang isang tunay na epiko at ito ay may ilang paraan: sa bilang ng mga taludtod, sa bilang ng mga oras ng pag-awit nito, o sa kasalimuotan ng salaysay na tinatalakay nito.

  Sinasabing sa unang paraan ay hindi na magkakamali, tulad ng Ang Dilag ng Buhong na Langit (The Maiden of Buhong Sky) na may 1,417 taludtod. Ang Hinilawod I at II na mayroong 3,822 at 53,000 taludtod. Ang apat na epiko na lamang ng mga Subanon tulad ng Guman (The Guman of Dumalinao) ay may 4,062 taludtod, ang Ag Tobig Nog Keboklagan may 7,590 taludtod, at ang Keg Sumba Neg Sandayo, may 6,477 taludtod.

  Ang ikalawang paraan, ang haba ng oras, ay praktikal na magagamit ng isang nakikinig ng epiko kapag inaawit. Lamang nakakadaya kung minsan dahil sa tiyempo ng pagkanta na maaaring mapabagal o mapabilis. Ang Hinilawod I ay umaabot ng limang oras, samantalang ang Hinilawod II ay umaabot naman ng 25 oras.

  Ang ikatlong paraan, ang banghay ng epiko, kung payak o komplikado, ay nakakatulad din sa ikalawa. Ang may kapayakang banghay ay maaaring matapos sa isang upuan lamang tulad ng Tuwaang; samantalang ang medyo masalimuot na banghay ay maaaring matapos sa dalawa o mahigit pang mga araw at gabing pagtunghay nito tulad ng Hinilawod.

 a. Ang Pagiging Katutubo

  Mapapatunayan ito sa pamamagitan ng tatlong salinlahing pagsubok. Ibig sabihin tatlong henerasyon ang umaawit. Halimbawa: Ang awit ng anak ay natutuhan sa ina; ang awit ng ina ay natutuhan niya naman sa kanyang ina (lola ng anak); at ang awit ng lola ay natutuhan niya rin sa kanyang ina (lola sa tuhod ng anak).

  Kaugnay rin dito ang iba’t ibang bersyon ng awit na maaari ring pagbatayan ng isang mahabang-mahabang awit dahil pinatutunayan nitong sa katagalang pagsasalin-salin sa iba’t ibang bibig ng mga katutubo ay nag-iiba-iba na ang ilang mga salita o pangyayaring sinasaad ng banghay.

  b. Ang pagkasupernatural o pagkabayani

  Ang mga tauhan ng epiko ay maaaring isang karaniwang tao lamang ngunit dahil sa kanyang pamumuno ng isang kapulangan, ang tungkulin niyang ipagtanggol ito ay kadakilaan, at ang kanyang pagtatagumpay laban sa sinumang kaaway ay kabayanihan at siya’y bayaning tatanghalin at kikilalanin. Ang isang supernatural tulad ni Aliguyon sa Hudhud Hi Aliguyon na sadyang napakalakas; si Tuwaang sa Dilag ng Buhong na Langit ay nakapag-uutos sa sinalimba, isang bangkang lumilipad.

  c. Isinasatono o isinasaawit

  Ang pagkakaiba ng isinasatono sa isinasaawit ay ang pagiging simple lamang ng una at halos iisa ang ginagamit na himig kaya monotono; ang pagkakaroon ng kaunting pag-iiba-iba ng tono ng ikalawa kaya mayaman sa melodiya.

 d. Patula

  Mapapatunayan ang pagkatula ng epiko sa dalawang paraan: una, kung masinsing pakikinggan; ikalawa, kung babasahin kapag naisulat. May regular na kumpas ang awit kapag pakikinggang inaawit dahil may sukat. Ito ay tinatawag na heterometrik. Ito ay hindi sagabal sa pagiging regular ng tono kapag aawitin dala na rin ng katalinuhan ng mang-aawit sa pag-adlib o pagpapahaba ng himig.

e. May layunin

  Mapatutunayan ang katangiang ito ng epiko sa pamamagitan ng pagmamasid. Makikitang ang epiko ay inaawit lamang tuwing may okasyon. Tulad sa pag-awit ng Pasyon ng mga Kristyano tuwing mahal na araw o kuwaresma upang muling gunitain ang pagbubuwis ng buhay ni Kristo para tubusin sa kasalanan ang sanlibutan at tuloy makapagsisi ang tao sa mga kasalukuyang pagkakasala. Ang Hudhud naman ng mga Ifugaw halimbawa ay inaawit sa mga panahon ng pagtatanim at pag-ani, at ang kanilang Alim kung may nagkakasakit o tuwing may namamatayan. Ang una ay upang humiling ng maraming ani, pag-aadya ng salot sa pananim, at matapos anihin, bilang pagpapasalamat sa biyayang tinanggap. Ang ikalawang awit ay humihiling ng madaling paggaling ng may sakit, at kung pumanaw nama’y upang mapayapang sumalangit at maluwag na tanggapin ng mga anito ang kaluluwa. Ito’y mga kaugalian na, at ang mga kaugaliang ito ay inilalarawan ng epiko.

2. Ang Korido

 Ang korido na isang pagsasafilipino sa katawagang Espanyol na corrido na sa pag-aakala ni T. H. Pardo de Tavera ay isang distorsyon ng Kastilang salitang occurido na ang ibig sabihin ay mga okasyon o pangyayari (Eugenio, 1987), na nakagawian nang panumbas sa kilalang terminong Ingles na metrical romance.

  Ayon sa karagdagang impormasyon na itinalababa sa anthology of Asean Literatures (Castro, et al., 1985) na hinango sa Manuel des estudes Litteraraise Francaises Moyen Age nina Castex et Surer (1967, 21-22):

"Noong ika-12 siglo sa Pransya, may panibagong pagkawili sa mga pampanitikang akda sa Latin mula sa Roma, gayundin sa Gresya, katunayan, ang salitang romans ay orihinal na ngangahulugang isang adaptasyon o halaw sa salitang Pranses ng isang akdang pampanitikan sa Latin. Ang unang romans sa Pransya ay ang Roman d’ Alexandre (1150) na nagsusulat sa labindalawahing pantig sa taludturan, kaya tinawag na Alexandrine ang sukat. Sa gayunding panahon may isang naisulat pang romans, ang Roman de Thebes na ginugunita ang kapighatian ni Oedipus at ng kanyang mga salinlahi, sa wawaluhing pantig sa taludturan. Kaya sa mula’t sapul, ang romans ay laging may alinman sa lalabindalawahin o sa wawaluhing maasonansang pantig sa taludturan.

Naisalin diumano sa Ingles, Aleman, Kastila at Italyano ang unang romans na ito, ayon sa nakuhang tala sa Metrical Romances of the 13th, 14th, and 15th Centuries: Published from Ancient Manuscripts ni Henry Weber noong 1810. Katunayan sa paniniwala ni Weber, karamihan sa mga romans sa Ingles ay mga salinwika mula sa Pranses maliban sa ilan gaya ng King Arthur and the Knights of the Round Table.

Sa Espanya, unang napag-alaman ang korido noong ika-15 siglo na inaawit o tinutula ng mga payaso sa palasyo. Noong ika-16 na siglo may matatalinong koridong lumabas, karamihan sa mga ito ay simpleng bersipikasyon sa maaasonansang wawaluhing pantig… Nang ika-17 siglo (ang gintong panahon ng Panitikang Kastila) ang masining na korido ay inakda ng mga manunulat gaya nina Gongora, Lope de Vega at Quevedo. Sa siglo 18 ang interes dito ay humina dala ng mga eksaktikong pag-uugali at kostumbre, saka ng poot. Ngunit noong siglo 19, ang panahon ng Romantisismo ang nagbigay dito ng sigla."

  Dala ng kolonisasyon noong siglo 16 ng mga Kastila sa Pilipinas, kahit na ipinagbawal ang pagdadala ng mga babasahing hindi relihiyoso, ang korido ay di-napigil na ipuslit dito. Ganito ang sabi tungkol dito sa talababa nina Castro (1985):

"No social prohibition was strong enough to withstand in the general popularity that the romances enjoyed in the 16th century in the Peninsula and in Europe such as no other literary type has attained. The pages of these works of fiction were thumbed down with enthusiasm that amounted to passion by all classes capable of reading them, from emperor himself to the lowest clerk in the service."

  At nagkagayun nga, ang koridong ito gaya ng ginawa noon sa Espanya ng mga payaso ay inilapat sa anyo ng dalit ayon sa pag-aaral ni Virgilio S. Almario (Santiago, et al., 1991).

  Ito rin ang koridong klinasipika ni Epifanio de los Santos sa dalawang uri: sa awit ang lalabindalawahing pantig sa taludturan, at sa korido ang wawaluhin namang pantig (Castro, et al., 1985).

  Datapwat, ano nga ba ang matutukoy na pagpapakahulugan sa awit o korido o metriko romanse?

  Si Eugenio (1987) ay nagtala sa kanyang pag-aaral nang ganito: "…awits and corridos, verse narratives on chivalric-heroic, religious, and legendary themes…"

  Ang pahayag na ito sa introduksyon ng kanyang aklat, Awit and Corrido Philippine Metrical Romances (1987) ay masasabing hinango niya sa pagpapakahulugan ni T. H. Pardo de Tavera na:

"The corridos are stories in verse about historic events, falsified and fanciful, and love and tragedies, full of wonderful events mixed with divine prodigy and diabolical magic – all lengthy, exaggerated, and absurd in the extreme. No one of these characters is native. All are Turks, Arabs, knight-errant, ambassadors, dukes, warriors in armor provided with magic arms and with balsams like the famous one of Fierabras, good Castillians and bad strangers. All the characters are at variance with Philippine life; for they are only the semblances of the real and true beings of unknown lands and of prodigious races…"

 Ang awit o korido, samakatwid, ay isa ring mahabang salaysay na nagsusulat sa anyong patula at maaaring kantahin, bigkasin o basahin, may banghay na hango sa mga alamat at epiko ng ibang bayan at may paksang tungkol sa romansa, kabayanihan, kahiwagaan at ibang di-kapani-paniwalang pangyayari.

  Base sa pagpapakahulugan ng dalawang termino, masasabing may malaking pagkakatulad ang mga ito, mangyari, bukod sa mga alamat, humahango ito sa istorya sa mga epiko. Ganito ang talakay tungkol dito sa introduksyon ng Antolohiya ng mga Aseanong Panitikan (Castro, et al., 1985: ph. 4-5):

"….This literary form has much in common with the epics – both deal with heroes of extraordinary powers and fantastic exploits of heroes in foreign land….The metrical romances were propagated orally and sung as …its denotation in Tagalog – awit, which means song, just like the epics.

…the emphasis on romantic love…the substitution of the magic elements common in the epics by religious objects…the heroes and the heroines are pious…difficult situation is overcome…with prayer ot direct intervention of the Blessed Virgin or saints or angels. The proselytizing…is evident….courtly life reflective of…society…"

 B. Paglalapat ng Panukatan sa Tula

  Sa banghay, ang epiko at ang korido o awit ay parehong mahabang salaysay na nagsisiwalat ng masalimuot na pangyayari na nasumpungan at naranasan ng mga bayaning tauhan. Sa mga kwentong arketipo…arketipo sapagkat pasimuno o tagapanguna, isang kauna-unahang moldeng huwaran, gaya ng epiko, ang takbo ng mga "pangyayari o kalagayan," ayon sa Writing Essays in Literature ni Griffith (1982) na inisa-isa ni Dr. Venancio L. Mendiola, isang doktoradong propesor sa Pamantasang Normal ng Pilipinas (PNU), sa kanyang mapanuring sanaysay ng Sa Mga Kuko ng Liwanag: Isang Arketipong Pagtalakay (Ines-Ramos at Mendiola, 1994), ay kinapapalooban ng "limang magkabuhol na aspekto o bahagi: 1) ang paghahanap; 2) ang pagkamulat; 3) ang paglalakbay; 4) ang pagbagsak, pagkawasak, pagkamatay o pagkabuhay na muli ng tauhan; at 5) ang paggawa. Karaniwang pansinin na ang paghahanap ay sinasabayan ng paglalakbay , gaya ng paghahanap sa Banal na Kopa ni Sir Galahad, o ang paglalakbay ni Lam-ang sa epikong Ilokano. Kung minsan naman, ang paggawa ay di-kinakailangang nasa hulihang lagi, gaya ng pagpapakita ng kagandahang-loob ng pinakabatang prinsipe sa pulubi ng corrido na Ibong Adarna o ang tamang pagkalutas ng bugtong ng espinghe ni Oedipus" (p.249).

 Samantala, sa mga korido o awit naman, ayon kay Eugenio (1987), ang pagpapaunlad ng aksyon ay umaalinsunod sa ganitong nakagawiang pormula:

"1) the description of the hero and heroine, 2) the sending of emissaries and their presentation of demands, 3) the response, 4) the description of battles, 5) the terms of surrender, 6) the wedding of the hero and the heroine…, 7) the coronation of the hero in which the romances inevitably end…" (p. 30).

  Kung pakaoobserbahan ang kaganapan ng mga pangyayari sa Bayang Malaya, mapagwawaring sa kathang isip ito ay sadyang pinagpulut-gata ni AVH ang parehong istruktura ng epiko at ng korido o awit. Sa gawing korido sinimulan ang kalagayan, sa pamamagitan ng pagbibigay-deskripsyon sa pangkalahatang buhay sa nayon ng Pinagbangunan, ang tagpuang gagalawan ng bayaning babae, ni Tala, at ng isa sa dalawang bayaning lalaki, ni Magtanggol o Tanggol, kasunod ng paglalarawan sa kanila. Sa darating ang espiya, ang mag-amang Kabisang Laki at Bobi, ang anak na binata (na kapagdaka’y magiging makapili dahil aanib sila sa mga Hapon para maisakatuparan ang paghihiganti na ikamamatay ng unang bayani, ni Tanggol, at ikapupuksa ng mga taga-Pinagbangunan), para tuusin ang ani ng mga kasama at bintangan ang bayaning magnanakaw. Magsisimula rito ang kaguluhan, ang sigalot sa pagitan ng mahihirap, na kinakatawan ng mga magsasaka/manggagawa at ng may-lupa o kapitalista o mayayaman na kinakatawan ng mag-ama. Dagling sasagot at magkakaroon ng kamulatan hinggil sa kanilang karapatan ang mga manggagawa sa pamumuno ni Tanggol, saka mag-oorganisa para maisabalangkas ang mga karaingan at kahilingan.

  Samantala, dahil nahahati sa dalawang tagpuan ang pagdaloy ng mga pangyayari, sa nayon ngang unang nabanggit at sa lungsod na ipananabay-tuloy ang okasyon, ang mulat nang ikalawang bayani na si Lantay, dahil isang peryodista’t masuri sa paggaygay ng kasaysayan, ay magpapapel na sugo ng kabutihan, ay paunang gagawa ng hakbang, bababalaan ang sambayanan sa napipintong digmaang Hapon at Amerikano, datapwat, baliw at bingi ang bayan sa Paskong kasiyahang inaabangan, hindi ito pinakinggan.

  Di sumala’t nagkadigma, inilarawan ang lagim na dulot ng giyera sa dalawang tagpuan: ang di-matingkalang kamatayan ng mga taganayon, at ang pagkabulabog, pagkawasak at pagsasakit ng mga tagalungsod.

  Ang bayaning epikal na si Tanggol ay babagsak at mamamatay; mahuhuli, makukulong, at maparurusahan si Lantay, gayundin ang bayaning babaing si Tala, mabibingit sa pagkakagahasa ng isang opisyal na Hapon matapos hulihin at igarison. Kapwa naman sila babangon, tatakas, maglalakbay, at gagawa ng paraan para malabanan ang mga kinasadlakan, tuloy, maipagtanggol, hindi lamang ng kani-kanyang sarili, bagkus, ay buong sambayanang nabubusabos. Maggigerilya sa Tala, habang si Lantay ay magiging si Limbas na mamumuno ng mga pangkat na magsasagawa ng mga pananambang sa mga Hapon at pagsalakay sa mga garison para makakuha ng mga kinakailangang rasyong pagkain, gamot at mga sandata’t amunisyon na maiaandong sa pakikihamok.

  Magbabangong muli ang mga bayani - magtatagumpay ang mga gerilya, makakamtan ang kalayaan, at saglit na magpapanauli ang kapayapaan sa pamamagitan ng pag-iisang dibdib ng bayaning lalaki, si Lantay, at bayaning babae, si Tala. Datapwat hindi rito nagtatapos ang aksyon, uusad pa ang kasalimuotan ng pangyayari, mamumuno ng kilusan o unyon ng mga manggagawa si Lantay para muling maglakbay at magsagawa ng mga pakikibaka sa pamamagitan ng pag-aaklas at pagproprotesta laban sa muling pag-ugat sa problema ng lipunang pyudal, ang mapagsamantalang mayayamang kapitalista.

  Mauulit ang kasaysayan, babagsak ang bayani – mahuhuli, makukulong, at pahihirapan, upang sa mag-isang seklusyon ay mailugso ang natitirang lakas ng paninindigan, subalit hindi pa tapos ang laban, gumigitaw pa rin ang pag-asa na maipagpatuloy ang prinsipyong ipakikipagtunggali sa pagtataguyod ng ilan pang taong di-bumibitaw sa paggabay, ang maningning na Talang maybahay, at pag-agapay, ng di rin basta madu-Dupil na kasamahan.

 

Bibliyograpi

Almario, V.S. (1969). Bayang malaya: Tulang kasaysayan. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Arrogante, J.A. (1991). Mapanuring pag-aaral ng panitikang Filipino.

Philippines: National Book Store.

Castro, J.V. et al. Eds. (1985). Anthology of Asean literatures,

Philippine metrical romances. Quezon City: Asean Committee on Culture and Information.

Castro, J.V. et al. Eds. (1985). Antolohiya ng mga panitikang Aseano, mga epiko ng Pilipinas. Lungsod Quezon: Nalandangan, Inc.

Cruz, I.R. & Reyes, S. (1984). Ang ating panitikan. Manila: Goodwill Trading.

Hernandez, A.V. (1969). Bayang malaya: Tulang kasaysayan. Quezon City:

ADMU Press.

Hernandez, A.V. (1982). Mga ibong mandaragit. Ikatlong Pagkalimbang. MetroManila: M &L Licudine Enterprises.

Ines-Ramos, Victoria & Mendiola, V.L. (1994). Kritisismo: Teorya at paglalapat. Manila: Rex Book Store.

Eugenio, D.L. (1987). Awit and corrido: Philippine metrical romances. Quezon City: UP Press.

Manuel, A. (1963). A survey of Philippine folk epics. Asian Folklore Studies.22.

Torres-Yu, R. (1986). Amado V. Hernandez: Tudla at tudling. Quezon City:

ADMU Press.

Hosted by www.Geocities.ws

1