Nathaniel S. Golla

Ang Pagtuturo ng Foklor: Ang Karanasang DLSU-D

 

A Nation’s folklore is like earth rich in gold or iron ore. It is there but unavailable for the country’s use until it is mined and processed. And unlike gold or iron ore, folklore is perishable. The processing can wait if necessary but unless the folklore is mined in reasonable time much of it will be lost forever…

Brent Ashabranner, First National Congress of Philippine Folklore and Other Scholars, 1972

 

PANIMULA

Kaligiran ng Papel

 Ang tinuran ni Brent Ashabranner sa itaas bilang bahagi ng kanyang talumpati na may titulong "Folklore and National Development" ay tinugunan na at patuloy pa ring tinutugunan ng mga foklorista at iskolar hanggang sa pangkasalukuyan. Sa pamamagitan ng mga pagsusumikap sa pangunguna ng namayapang E.Arsenio Manuel, tinanghal na ama ng Pilipinong foklor, at iba pang mga dalubhasa sa pag-aaral ng foklor dahan dahang naiangat ang kalagayan ng literaturang bayan sa pangkasalukuyan nitong kinahinatnan. Ayon Kay Hornedo (1995), ang panahong ito ay nagpamalas ng kamanghamanghang pagtaas ng interes ng mga Pilipino sa pag-aral ng foklor. Kasama na dito ang pangangalap at pagrerekord ng mga pasalitang literatura mula sa natitirang kulturang yaman ng bansa. Sa pagpapatuloy ni Hornedo (1995) "…Over thirty ethnoepics, some of great length, have been recorded and many of the them published. Philippine studies received unprecedented attention among academics, and this has laid the groundwork of what promises to be a bright future for filipinicity studies and the creative uses of the recovered national heritage."

 Lubos na sumasang-ayon ang may-akda na ito na marami pa ring maaaring matuklasan mula sa ilang at marami pa ring pagsusumikap ang kinakailangan para sa pagpoproseso ng mga natuklasan na. Subalit, bukod sa pagmimina at pagpoproseso, isang malaking usapin din ang pagtuturo ng foklor sa lahat ng antas ng edukasyon. Mapupunta sa kawalan ang lahat kung hindi makakarating ang foklor sa dapat nitong patunguhan: ang akademiya. Sa akademiya tunay na magkakaroon ng saysay ang mga pagpupunyagi ng mga foklorista. Sa akademiya ganap na maipapaunawa sa mga mag-aaral, sa mga kabataan ang kanyang pinagmulan at kanyang katutubong kultura. Dito sa puntong ito pumapasok ang pag-aaral na ito. Ayon kay Dolor (1980):

There is much that justifies the inclusion of old tales in a literature program. They are ancient in origin and continue to evolve. They are universal in appeal and have challenged widespread scholarly effort in their preservation. The values of the tales are as old as the tales, and as new as the need for imagination, ingenuity, and courage in meeting the issues of life in a straightforward manner. The pleasure of children in the tales come through varied avenues of experience to which they can give themselves wholeheartedly. The adult student can share that pleasure by reading the stories that follow for sheer enjoyment, forgetting for the moment the pressure of obligations and duties and escaping into the land of "fairy" where life is ever fresh and new, and where things always turn out right in the end.

 Hindi na kailangan pang pagtalunan kung nararapat bang isama ang pag-aaral ng foklor sa kurikulum sapagkat hindi na ito isyu. Ang isyu ngayon ay ano ang tinuturo at paano itinuturo ang foklor. Ang papel na ito ay naka-angkla sa paglalarawan ng pagtuturo ng foklor batay sa karanasan ng De La Salle University-Dasmariñas (DLSU-D). Bagaman hindi isang malawakang pag-aaral minabuti pa rin ng mag-aaral na ito upang maging organisado na gamitin ang palarawang pamamaraan ng pananaliksik bilang metodolohiya. Ayon kay Aban at Cruz (1998), tinatangkang ipakita sa pamamaraang ito ang isang tumpak na larawan ng kasalukuyan ng kalagayan ng mga bagay-bagay. Ang pangunahing layunin ng papel na ito ay upang maipakita ang kalakasan at kahinaan ng pagtuturo ng foklor sa DLSD-D. Kaakibat nito ay ang pagbuo ng mga proposal upang matugunan ang mga kahinaan at mapatinkad naman ang mga kalakasan. Upang makakalap ng mga datos, ginamit dito ang sariling gawang talatanungan . Nagsagawa rin ng pakikipagpanayam ang mag-aaral na ito sa koordineytor ng Literatures of the Philippines (Litt101) at koordineytor ng Panitikang Filipino (Fili 101). Katulad ng iba pang pag-aaral, ang papel na ito ay may saklaw at limitasyon. Mabuting linawin na ang saklaw ng papel na ito ay naka-pokus lang sa perspektiba ng mga tagapamahala at fakulti. Ginamit ding bilang batayan ng pag-aanalisa ang silabus ng dalawang asignatura. Ang parehong Litt 101 at Fili 111 ay nag-aatas ng pagtuturo ng foklor bilang bahagi ng literatura ng Pilipinas. Ang iba pang mga salik na maaaring tuwiran o di-tuwirang makakaapekto sa paksa ay tinuturing na limitasyon ng papel. Sa kahalagahan ng paksa, malaki ang maaaring maitutulong ng pag-aaral na ito sa DLSU-D bilang batayan ng pagbuo at pagpapatupad ng mga patakarang pangwika at pampanitikan. Sa mga nagtuturo naman, maaaring gamitin bilang repleksyon ang pag-aaral na ito upang lalo pang mapahusay ang pagtuturo ng hindi lamang ng foklor kung hindi ng panitikan sa kabuuan. Sa mga kapwa mag-aaral at mananaliksik, isang magandang simula ang pag-aaral na ito upang magsagawa ng riserts ukol sa parehong paksa sa iba at higit na malalim na konteksto.

PAGTALAKAY

 Ayon kay Lumbera at Nograles Lumbera (1998), ang unang bahagi ng kasaysayang literatura ng Pilipinas ay ang pinakamahaba sa lahat. Sa pagpapatuloy nila Lumbera at Nograles Lumbera (1998):

We often lose sight of this fact because circumstances of our history had forced lowland Filipinos to begin counting the years of our history from 1521, the first time written records by Westeners referred to the archipelago later to be called "las isles Filipinas." However, the discovery of the "Tabon Man" in a cave in Palawan in 1962 has allowed us to speak now of a prehistory that goes as far in time as 50,000 years ago.

 Ang haba ng panahon na inuukol sa pag-aaral ng foklor ay malinaw na pagpapatunay na ito ay may malaki at mahalagang bahagi sa pag-aaral ng literatura ng Pilipinas. Maituturing na kalakasan ng silabus ang ganitong sistema ng pagtuturo ng panitikan. Ito ay nagbibigay daan sa higit na malawak na sakop ng pagtalakay at pagpapaliwanag sa ating natabunang nakaraan. Dahil sa mahabang panahon ang nakalaan dito, hindi lang basta pagdungaw ang ginagawa sa ating katutubong panitikan kung hindi ang matagalang pagtatampisaw sa kulturang hindi pa pinagsasaan ng mga mananakop. Masasalamin din sa mga layunin ng kurso ang empasis sa foklor, sa Litt101, isa sa mga layunin ay nagsasaad ng ganito, "Appreciate the rich cultural heritage of the Filipinos mirrored in the representative texts of the various regions." Ganito rin halos ang nakasaad sa isa sa mga layunin ng Fili111, "Makatalakay ng mga tradisyon, paniniwala ng ibat ibang rehiyon na makatutulong sa mga mag-aaral upang angkop na makasalamuha o makitungo sa mga tao."

 Sa pakikipagpanayam kay Susan R. Mercaida, koordineytor ng Litt101, maituturing daw na kalakasan ng pagtuturo ng foklor sa DLSU-D ang silabus nito. Ayon kay Mercaida, "Hindi mahirap "integrate" ang values dahil madaling makita ang mga ito sa mga kaugnay na aralin." Nabanggit din ni Mercaida na walang pangigngimi ang mga mag-aaral sa paglalahad ng kanilang pananaw at damdamin ukol sa paksa. Ang mga sumusunod ay ang mga halimbawa ng seleksyon na bahagi ng silabus: "The King and the Farmer’s Daughter" (Bicol) na naglalarawan ng mapagpalayang represententasyon ng kababaihan; "Story of the Orphan Girl" (Subanon) na nalalarawan ng kababaihan bilang nilalang na walang kalaban laban; "Tungkung Langit at Alunsina" na nagtatangi sa lalaki bilang maayos, masipag, at matalino at naglalarawan sa babae bilang mababaw at irasyunal. Batay sa sarbey, madali raw makuha ng mga mag-aaral sa Fili 111 ang mismong mga teksto at ang mga aral sa likod ng mga ito. Ang mga sumusunod ay ang mga halimbawa ng seleksyon na bahagi ng silabus: Tugmaang pambata (kasabihan), tugmaang matatalinghaga (bugtong at salawikain), kathaing –bayan (oyayi—awiting pampatulog ng bata; dalit—awiting panrelihiyon; dung-aw—awit sa patay), kwentong-bayan (alamat, mulamat, pabula, parabula, palaisipan, kwentong kababalaghan at katatawanan).

 Ang madaling pag-unawa ng mga mag-aaral sa teksto ng mga seleksyon ay ang tagumpay na bawat guro at ng buong sistema ng edukasyon. Ito ay nagpapatunay lamang na tagumpay ding nagagampanan ng foklor ang mga tungkulin nito sa lipunan. Katulad ng nabanggit mauuwi sa kawalan ang mga pagsusumikap ng mga foklorista kung hindi makakarating sa akademya ang pag-aaral ng foklor. Ang "makakarating" dito ay hindi lamang ang pisikal na pagdating kaakibat din nito ay inaasahang pag-unawa sa mga teksto, ang pag-unawa sa tungkulin ng foklor sa buhay at lipunan ng tao. Bukod dito, ang madaling pag-unawa sa teksto ay nangahulugan din na nakamit ng mga asignaturang nabanggit ang mga layunin nito. Halimbawa sa Litt101, ilan sa mga layunin nito ay nagsasaad ng ganito: #8.Identify opportunities for strengthening faith in God through encounter with characters/personae caught in crisis. #9.Recognise social consciousness or awareness of present realities as an important step toward responsible citizenship. Sa Fili 111, isa sa mga layunin nito ang nagsasaad ng ganito: #2.Makapaghalaga sa nilalaman ng ibat ibang akdang pampanitikan batay sa paniniwala o pananampalataya sa Diyos ng mga mag-aaral. Ang mga layunin ng dalawang asignatura ay hindi nalalayo sa tungkulin na ginagampanan ng foklor. Ipinaliwanag ni Bascom kay Francisco (1987) na ang foklor ay may mga tungkulin na ginagampanan sa tao at sa lipunang kanyang ginagalawan. Ayon kay Bascom (1987):

Viewed in this light, foklore is an important mechanism for maintaining the stability of culture. It is used to inculcate the customs and ethical standards in the young, and as an adult to reward him with praise when he conforms, to punish him with ridicule or criticism when he deviates, to provide him with rationalizations when the institutions and conventions are challenged or questioned, to suggest that he be content with things as they are , and to provide him with compensatory escape from the hardships, the inequalities, the injustices of everyday life. Here indeed, is the basic paradox of folklore, that while it plays a vital role in transmitting and maintaining the institutions of a culture and in forcing the individual to conform, at the same time it provides socially approved outlets for the repressions which the same institutions imposed upon him.

 Sa pakikipagpanayam kay Jasmin Medellin, koordineytor ng Fili 111, itinuturing niyang kahinaan sa pagtuturo ng foklor ang kakulangan sa estratehiya ng pagdulog sa mga paksa. Niliwanag ni Medellin na ito ay hindi dahil sa kapos sa kaalaman ang mga guro sa mga teknik at pagdulog sa pagtuturo. Maaaring naging sistema na nga lang ang pagbasa na ng seleksyon at pahapyaw na pagpapaliwanag ng mga teksto. Ang silabus halimbawa ng Litt101 ay may mga listahan ng mga mungkahing estratehiya, ito ay ang mga: A. Dramatization through Shadow Play and Puppetry B. Creative Interpretation—drawings/pictures, collage making, choreographed medley of songs C. Critical Analysis of Plays and Poems D. Panel Discussion E. Composing Short Verses Ang silabus naman ng Fili 111 ay may mga mungkahing estratehiya din, ito ay ang mga: 1. Pananaliksik ng ng mga makabagong teyorya 2. Emersyong musikal tungkol sa kantahing –bayan 3. Pagsasalin sa mga wikang rehiyonal ng mga kantahing-bayan 4. Malakasang pagbasa ng tula 5. Pagsasamonologo ng isang tula, isang eksena sa maikling kuwento o isang kabanata sa nobela 6. Sining ng pagkukuwento ng mga kuwentong-bayan 7. Pagdurogtong o pagbibigay katapusan sa isang bukas na kuwento o isang kabanata sa nobela 8. Panunuring pampelikula at dulang pangtanghalan 9. Pananaliksik ng ibat ibang kulturang nagaganap sa mga rehiyong kanilang kinabibilangan

 Batay sa mga mungkahing estratehiya sa mga silabus, hindi naman ito masasabing depektibo o walang bisa. Subalit totoo ngang nakagawian ng ilang mga guro na yumakap na lang sa sistema ng pagbasa at saglit na pagpapaliwanag ng teksto. Ayon nga sa isa sa mga respondents na nagtuturo ng Litt101, "In teaching folklore, I find it difficult to go beyond the "surface" level. So the focus of the lesson usually revolves only around the narrative itself. Medyo mababaw yung lessons, ang bilis tuloy matapos." Ito ay sa kabila ng katotohanan na malaking bahagi ng kurso ang nakatutok sa pag-aaral ng foklor. Sa puntong ito, nagkakaroon ng malaking trahedya: Hindi naipapaliwanag sa mga mag-aaaral ang sosyolohikal-historikal na kaligiran ng mga anyong foklor. Maaaring nauunawaan ng mga mag-aaral ang teksto subalit hindi ito nangangahulugan na nakuha rin nila ang konteksto nito. Papaano kaya mauunawaan ng mga kabataan ang kuwento ng kababalaghan? Maaaring maunawaan nila ito na bilang mga nilalang (aswang, kapre, tikbalang, tiyanak, mangkukulam, at iba pa) na pinaniniwalaan ng mga ninuno nila. Mga nilalang na nakatatakot, mga nilalang na naghahasik ng lagim. Ngunit sa likod nito ay ang nagtatagong layunin na ang mga kwentong ito ay nilikha upang tugunan ang pangangailangan sa proteksyon at sekuridad ng sinaunang lipunan. Na upang pagkagat ng dilim ay hindi na gumagala ang mga kabataan. Na upang hindi sila lumayo sa teritoryo ng komunidad na kanilang kinabibilangan. Ayon kay Ramos sa kanyang papel na may titulong "Getting Our Lower Mythological Creatures in the Curriculum" (1975):

We would know why many school children in the barrios refuse to admit they are ill. They pretend to be perfectly well though they run a temperature. They have been told once too often that to be ill is to have offended a witch, dwarf, or elf. To admit one is sick is to admit that one has not been obeying parental rules against roving beyond approved perimeters…

We, would, in short, know ourselves better, and knowing oneself is, we are told, the beginning of wisdom.

 Ayon naman kay Reyes (1997) sa kanyang papel na may titulong "Ang pagtuturo ng Panitikang Pambayan":

Kung pagbabalikang-tanaw, ating matutuklasang ang namayaning paraan ng pagsusuri sa matandang anyo ng panitikan ay maituturing na sosyolohikal-historikal na ginamit ang mga akda upang ituro ang ilang pagpapahalaga at sisitemang paniniwalng naging gabay ng ating mga ninuno. Kaakibat ng ganitong malawakang pagtingin ang isang moralistikong dimensyon na nagtulak sa mga guro na usisain kung paano mapagbubunga ang mga aral mula sa sawikain, epiko, at kuwentong-bayan, halimbawa, sa kongkretong buhay ng mga mag-aaral. Sa madaling salita, nakaugnay ang panitikan sa aktuwal na buhay ng isang indibiduwal.

 Maaaring ang ibang mga guro, sa kabila ng nakamihasnang sistema , ay nagagawa pa ring ipasok ang sosyolohikal-historikal na kaligiran. Subalit, isa lamang ang sosyolohikal-historikal na pagdulog sa maraming pagdulog na maaaring gamitin upang mabisang maituro ang foklor. Ayon kay Reyes (1997), "Bukod sa ganitong historikal/sosyolohikal na perspektiba, isa pang mahalagang pagdulog ang tumingin sa mga akda sa pamamagitan ng paggamit ng klasipikasyong inihahambing ang mga bugtong o sawikain, halimbawa, na nagtataglay ng magkakaparehong tema o kaisipan." Dito maaaring pagsamasamahin halimbawa ang mga mito ng paglikha, ang mga kwentong-bayan na nagtatangi sa mga kababaihan, ang mga kwentong katatawanan na may pokus sa pulitika, at iba pa. Ang ganitong pamamaraan ay magbibigay daan sa higit na maayos at malinaw na pagtuturo at pagkakatuto. Hindi ganito ang makikita sa silabus halimbawa ng Litt101 at Fili111, ito ay nakaayos batay sa kinabibilangan nitong genre. Mapapansin ding ang mga seleksyon ay galing sa ibat ibang rehiyon ng bansa. Walang masama sa ganitong pagkakaayos, kaya lang mapapabuti pa ito kung ibibigkis ang mga seleksyon ayon sa genre at ayon din sa tema.

 Hindi nagtatapos sa klasipikasyon ang pagdulog sa pagtuturo ng foklor. Isang paraan pa ay ang komparatibong pagtingin sa mga lokal na foklor kumpara sa mga banyagang katapat nito. Maipapakita sa ganitong pagdulog ang bahid ng impluwensya ng mga dayuhan hanggang sa pinakamatandang ng literatura ng bansa. Kung babalikan natin ang kasaysayan, ayon kay Abueg at Alberto (1994), "Ang pagkakaroon ng panitikang katutubo ng Pilipinas ay bunga ng pandarayuhan o migration." Kaya nga sa pagtataya ni Reyes (1997), "Isang malinaw na halimbawa ang akdang "Ibong Adarna" na sa pagsusuri ni Pura Santillan-Casterence ay lumalabas na bersiyon ng higit na matandang kuwento ng "Fisher-King", isang naratibong nakaugat sa panahon ng chivalry sa edad media." Hindi pa gaanong mababanaagan sa aspekto ng silabus at mismong sa praktis sa klasrum ang ganitong pagdulog sa pagtuturo at pagkakatuto ng foklor sa DLSU-D. Hindi man siguro kalabisang sabihin na ang praktis dito ay nananatiling nakapiit sa kahon na likha pa ng matandang pananaw. Ipinaliwanag ni Reyes (1997) ang kahalagahan ng komparatibong pagdulog, ayon sa kanya:

Mainam ang ganitong uri ng pagsusuri sapagkat napalilitaw nito ang dinamikong ugnayan ng iba’t ibang panitikan. Bukod dito, nakapagtatatag ang ganitong pananaw sa isang unibersal na perspektibong nakapag-uudyok sa mga mambabasa o mag-aaral upang lumabas sa lubhang makipot na daigdig ng sariling panitikan.

 Batay pa rin sa sarbey, isa pang nakikitang kahinaan ng pagtuturo ng foklor ay ang kawalang ng interes ng ibang mag-aaral sa mga seleksyon. Sa itaas nabanggit ni Mercaida na madali raw makuha ng mga mag-aaral ang teksto ng mga seleksyon. Sa palagay ng mag-aaral na ito, tama ang ganitong pagtataya, kaya lang, may konting kakulangan. Maaaring madaling maunawaan ang teksto subalit ang katunayan ay hindi gaanong interesado ang mga mag-aaral sa mga mismomg se leksyon. Sa pagtatapat ni Mercaida, ang sabi niya, "May feedback/perception na corny ang oral tradition. Hindi raw reflective ng current realities." Kung maipapaliwanag lang sana sa mga mag-aaral na ang mga piyesa noon ay nabuo bunga ng pangangailangan wala sigurong problema sa pagkabagot. Kung maipapaliwanag lang sana sa kanila na tulad ng pagbuo ng mga "text messages" ngayon ang bugtungan, salawikain, palaisaipan, at iba pa ay bunga rin ng pangangailangan. Ayon nga kina Baltasar, Estrain, at iba pa, "Why certain things existed in their physical environment must have intrigued the ancient Filipinos as it did other early peoples. In their effort to define their world, to account for the realities in it, and to explain their feelings, beliefs, and judgements, they made up interesting narratives."

 Kung kanina ang tugon sa suliranin sa estratehiya ay pagdulog, ang suliranin naman sa kawalan ng interes ay inobasyon. Tunay na iba na ang panahon ngayon, tunay na napakalayo na ng isinulong ng teknolohiya. Nariyan na ang computers, cell phones, lap top, palm top, at marami pang iba. Subalit sa halip na tabunan nito ang katutubong panitikan tulad ng foklor, ito ngayon ang nagiging behikulo sa pagpapayabong ng panitikang bayan. Saan ba ngayon mababasa ang mga pinakabagong political jokes? Hindi ba sa cell phone. Saan ba ngayon mababasa ang mga kwentong bayan na kinagigiliwan ng marami? Hindi ba sa computer at lap top sa pamamagitan ng internet. Saan ba nirerekord ang mga impormasyon tungkol sa mga bagong tuklas na foklor ngayon? Hindi ba sa CD, VCD, DVD, at MP3. Marahil hindi lang sa seleksyon ang suliranin sa puntong ito kung hindi sa pamamaraan ng pagnanakaw din ng atensyon ng mga kabataan. Wala sa silabus ng Litt101 at Fili111 at marahil hindi rin ginagamit aktuwal na pagtuturo ang paggamit ng mga teknolohiya upang mapukaw ang mailap na guni-guni ng mga kabataan. Nanatiling nakikipagbuno ang ilang mga fakulti sa tsok at sa blakbord. Buti na nga ang ilan, marunong ng gumamit ng whiteboard marker, OHP, at Opaque Projector. Subalit, higit na mabisa kung halimbawa, ang mga bugtong, palaisipan, kasabihan at iba pa ay dadaan sa mga mata ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga text messages. Pihadong mas mabilis pa sa alas kuatro ay laganap na ang mga anyong foklor na ito. Higit sigurong magtutuon ng pansin ang mga kabataan kung ipepresinta sa isang dayagram ang isang epiko sa pamamamagitan ng Power Point Presentation o kaya naman ay sa pamamagitan ng mga pagguhit sa Paint Brush. Hindi dahil sa tradisyunal ang pinag-aaralan sa foklor ay kinakailangan ding makaluma ang paglapit sa pagtuturo nito. Dapat na nasasabayan ng fakulti ang takbo ng teknolohiya, ito lang ang tanging paraan upang makalikha ng mga motibasyon na gagamitin sa loob ng klasrum. Ito lang ang paraan upang ang kawalan ng interes sa foklor ay habang panahon nang mabaon sa limot kasama ng tsok at ng blakbord.

PAGSASARADO

 Para sa higit na malinaw na pagpepresinta, mabuting balikan ang mga usapin na ipinakilala at ipinaliwanag sa buong papel na ito. Umikot ang diskusyon sa kalakasan at kahinaan ng pagtuturo ng foklor sa set-up ng DLSU-D. Ayon sa mga pakikipagpanayam at sarbey, lumalabas na may dalawang maituturing na kalakasan at dalawa ring kahinaan ang napuna ng mga respondents. Ang kalakasan ay naka-pokus sa silabus ng Litt101 at Fili111 na pawang tumatalakay sa literatura ng Pilipinas. Kapansin pansin na malaking bahagi ng parehong asignatura ang nakalaan sa pagtuturo ng foklor. Ito ay nagbibigay daan sa higit na matagal na panahon sa pagtalakay at paglublob sa katutubong panitikan. Ang isa pang kalakasan ay ang madaling pag-unawa ng mga mag-aaral sa teksto. Dito ipinapakita na tama lang ang dating ng seleksyon sa mga mag-aaral. Ito ay bagay na itinuturing na bentahe sa pagtatagumpay ng layunin ng buong proseso ng edukasyon at ng tungkulin ng foklor sa lipunan. Ang isa naman sa mga kahinaan ay nakasentro sa kakulangan ng mga estratehiya bilang pagdulog sa pagtuturo ng literatura. Binanggit dito na tanging ang pagbasa ng seleksyon at saglit na pagpapaliwanag ng teksto ang kalimitang ginagamit na pagdulog. Hindi na nabibigyan pa ng pansin ang iba pang pagdulog na maaaring magbigay ng higit na malinaw at mabisang pagtuturo ng mga anyong foklor. Ang isa pang kahinaan ay ang kawalan ng interes ng mga mag-aaral sa mga piyesang tinatalakay sa klase. Dito masasabing hindi lang ang seleksyon ang problema kung hindi ang paraan ng paglapit sa mga piyesa. Pumapasok dito ang isyu ng inobasyon bilang pagtugon sa mababang motibasyon ng mga mag-aaral.

 Sa ekonomiya ang mga kalakasan ay itinuturing na assets at ang mga kahinaan ay ipinapalagay bilang mga liabilities. Kapag higit na marami ang liabilities kaysa assets ang isang negosyo ay siguradong nalulugi na. Sa punto ng pagtuturo ng foklor, masasabing hindi pa naman ganoon ang tunguhin ng isyu. Pareho ang bilang ng dalawang indicators, subalit, kung hindi maaagapan ay tiyak na mauuwi rin sa bangkarote. May mga proposal ang papel na ito na naglalayong patingkarin ang kulay ng kalakasan at mapagbuti ang mga kahinaan.

    1. Dapat gamitin ng tama ang malaking panahon na nakalaan sa pagtuturo ng foklor. Isiping 12 oras ang nakalaan dito, mahaba na ito kung ikukumpara sa panahon na nakalaan sa ibang paksa. Marunong dapat ang fakulti ng time management. Hindi dapat maubos ang oras sa klase sa pagbasa ng mga piyesa, ang pagbasa ay maaaring pauna nang ibigay. Pagkabigay pa lang ng silabus, dapat ay atasan ang mga mag-aaral na basahin ang lahat ng seleksyon. Sa ganitong paraan, malaking panahon sa loob ng klasrum ang magagamit sa talakayan. Katulad ng nabanggit na, dapat bigyan ng puwang ang mga pagdulog tulad ng sosyolohikal-historikal, klasipikasyon, at komparatibo. Higit na makakabuti kung ipakikilala ng fakulti sa klase ang mga makabagong pagdulog tulad ng Structuralism at Post-Structuralism. Dito tinitingnan ang mga piyesa bilang akdang pampanitikan, bilang sining.
    2. Bagaman madaling maintindihan ng mga mag-aaral ang mga teksto sa mga anyong foklor, ito ay hindi nangangahulugan na wala dapat mabago sa mga seleksyon sa silabus. May mga piyesa halimbawa sa Fili111 na maaaring palitan na dahil sa gasgas na ito. Halimbawa, ang mga awitan ng pagpapatulog sa bata at awitin para sa mga patay ay maaaring palitan ng mga higit na makakahulugang awiting-bayan na nabuo halimabawa sa EDSA I, II, at III. Dapat maglunsad ng isang pag-aaral kung hindi man ebalwasyon ng mga seleksyon na dapat maisama sa silabus ng Litt101 at Fili111. Ang batayan ng pagpili ay hindi lang dapat sa kadaliang basahin kung hindi sa papel na ginagampanan nito sa lipunan, noon at ngayon. Maaaring gawin ding batayan ng pagpili ang tema ng mga piyesa, mga tema na nais palutangin ng pamantasan. Ang gawaing ito samakatuwid ay nangangahulugan ng pagrerebisa ng silabus.
    3.  

    4. Maraming fakulti ng DLSU-D ang may tangan ng masters degree o higit pa at ang iba ay pangkasalukuyang kumukuha ng kanilang mga graduate courses. Walang kadudaduda na alam nila ang kanilang tinuturo. Subalit, ang pagtuturo ng foklor ay hindi lamang basta pagtuturo gaya ng pagtuturo ng ibang kontemporaryong panitikan. Dahil nga sa hindi pa sayantipiko at organisado ang pagbuo ng mga anyong foklor noon dapat itong tingnan at pag-aralan sa mga alternatibong pananaw. Dahil dito, dapat maglunsad ang pamantasan ng mga seminars at trainings para sa mga fakulti na ispesipikong tutugon sa mga pangangailangan sa pagtuturo ng kurso. Hindi gaanong mabigat ang ganitong plano sapagkat ang bawat departamento ay may Faculty Development Fund. Sa halip na dumalo sa mga kumbensyong walang ginawa kung hindi magtalo, ang pag-iimbita ng mga panauhin na eksperto sa foklor ang dapat na lang gawin. Hindi rin dapat ibasura ang kahalagahan ng kaalaman sa teknolohiya. Kung nais talagang matugunan ang problema sa kawalan ng interes ng mga mag-aaral, dapat may hawak na "working knowledge" man lang ang guro sa paggamit ng computers, palm top, cell phones, at iba pa. Bagaman ang pamantasan ay tumutulong sa ganitong mga aspekto, dapat magkaroon ng kusa ang mga fakulti upang sa kanilang mga sarili ay magamay nila ang bagong henerasyon.
    5. Panghuli, katulad ng mungkahi ni Mercaida, maaaring maglunsad ang pamantasan ng mga exposure trips kung saan may mga nabubuhay pang labi ng mga anyong foklor. Kapag sinabing exposure trips hindi ito nangangahulugan ng pagdalaw lamang sa museo o sa mga exhibits. Dapat magkaroon ng immersion sa mismong mga lipunang pinagmulan ng foklor. Kung ang epikong Biag-ni-Lam-ang ang gustong pag-aaralan dapat magtungo sa Ilocos, kung ang alamat ng Lawa ng Lanao ang gustong paga-aralan dapat magtungo sa Lanao, kung ang epikong Tuwaang ang gustong pag-aralan dapat tumungo sa komunidad ng mga Manobo. Hindi sinasabi rito na ang lahat ay maging foklorista tulad ni E. Arsenio Manuel, ang pagsulyap lamang sa mga lugar na pinagmulan at sa mga taong pinanggalingan ang suhestiyon ng papel na ito. Ang ganitong estratehiya ay maglalantad sa mga fakulti at mag-aaral sa mga anyong foklor habang halimbawa ay binibigkas ng isang matanda ang isang piyesa. Mahirap ang ganitong gawain dahil ito’y nangangahulugan ng paglabas ng salapi. Subalit, katulad ng negosyo kailangang may kapital muna para mapatakbo ang kalakaran at sa hinaharap ay may kitain. Ang kikitain dito ay hindi matutumbasan ng pera sapagkat ang nakasalalay dito ay kultura at nasyonalismo.

 Sa puntong ito, sana hindi naligaw ang mga mambabasa sa gustong tumbukin ng papel na ito. Hindi layunin nito ang pakainin ng mga papel at tinta ang mga babasa at lalong hindi layunin nito ang manghusga. Sa munting papel na ito, nawa’y nailarawan, kahit sa saglit na panahon, ang karanasan ng DLSU-D sa pagtuturo ng foklor. May mga kahinaan na dapat ay pagbutihin at may mga kalakasan na dapat ay patingkarin. Bilang pagtatapos, ang kahalagahan ng foklor ay hindi matatawaran, nariyan na ngang ikinumpara ito sa lupa na mayaman sa mina ng ginto at bakal. Subalit higit pa rito ang bisa ng foklor, ito ang nagbibigkis sa bayan kahapon at ngayon. Isang iskolar ang nagsabi na, "As original literary tradition, the folk-oral-tradition becomes one of the earliest unifying forces in a given community." Tumpak si B.S. Medina. Samakatuwid, ang pagtuturo ng foklor sa tama at mabisang paraan ang maghahatid sa atin upang patuloy na angkinin ito bilang yamang nagbibigkis sa sambayan, yamang hindi kailanman dapat nakabaon lamang sa minahan.

 

Bibliyografi

A. Mga Aklat

Aban, E.B. at Cruz, R.B. (1998). Pagbasa at Pagsulat sa iba’t ibang disiplina. Manila: Far Eastern University.

Alberto, G. and Abueg, E. (1994). Tradisyon. Kasaysayan ng Panitikan ng Pilipinas.

Philippines: Abuelar Educational Materials & Products

Abueg, E. et al. (1995) Celebrating the Word. Pagdiriwang ng Salita. Philippines:

Linangan ng Literatura ng Pilipinas (LLP) and National Commission for Culture and

the Arts (NCCA).

Baltasar, S. et al. (1981). Philippine Literature. Past and Present. Revised Edition.

Quezon City: Katha Publishing Co., Inc.

Demetrio, F., S.J. (1975).Dialogue for Development: Papers from the first National

Congress of Philippine Folklore and other Scholars. Philippines: Xavier University, Cagayan de Oro.

Lumbera, B. and Lumbera, C.N. (1998). Philippine Literature: A History & Anthology.

Revised Edition. Manila: Anvil Publishing, Inc.

Medina, B.S. (1974). Confrontations. Past and Present in Philippine Literature.

Philippines: National Book Store, Inc.

Reyes, S. (1997). Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular. Piling Sanaysay, 1976-

1996. Manila: Ateneo de Manila University Press.

 

 B. Dyurnal

Francisco, J. (1984). Some Notes on Folklore and Social Criticism. College of Arts and

Letters, University of the Philippines, Diliman, Quezon City: Philippine Humanities Review

(Rebyu ng Arte at Literatura). Vol. I Nos. 3-4, July – December.

 

 C. Papel na Binasa

Dolor, A. (1980). Folklore in the School Curriculum. Paper No. 11. University of the

Philippines, Diliman, Quezon City: Fourth National Folklore Congress on July 4-6 at the ISSI Building.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws
GridHoster Web Hosting
1