Lakandupil C. Garcia

 Pagbasa at Pagpapakahulugan ng Tula:

Prosesong Hindi Dapat na Pabigla-bigla*

 

  Simulan natin ang talakayang ito sa isang kasunduan: HINDI MABABASA NANG WASTO AT GANAP ANG ISANG TULA KUNG HINDI TUMPAK ANG PAGPAPAKAHULUGAN. Hindi ko pipiliting umayon sa akin ang lahat. Hindi man kumikibo, alam ko ang nasa kalooban ng mga hindi umaayon: patunayan mo muna!

  Sa kasalukuyang panahon, huwag sanang ikagagalit ng iba, marami ang nagtatangka at nagkukunwaring makata. Para bang kayraming gustong umawit, ngunit ilan ang tunay na mang-aawit? Gayundin naman, huwag ipagkamaling kapag nagtugma na ang mga taludtod, ito’y tula na. Hindi ko siya personal na kilala, ngunit makarating man sa kanya, hindi tula ang ginagawa ni Marc Logan kundi isa lamang rima. Maging sa Ingles, iba ang rhyme sa poem. Ang rima ay walang talinghaga, gayong ang tula ayon kay Dr. Rufino Alejandro ay "pagbabagong-hugis ng buhay – isang paglalarawan ng buhay, na hinango sa guniguni – na pinararating sa ating damdamin at ipinahahayag sa pananalitang nag-aangkin ng tumpak na aliw-iw, at lalong mainam kung sa mga sukat na taludtod. Ang kahulugan ng tula ay likha at ang makata ay isang manlilikha." Sa ganitong kahulugan pa lamang, malinaw na hindi ginagawa ang tunay na tula, kundi nililikha. Sa madaling salita, hitik ng talinghaga ang isang tunay na tula.

  Mula dito, patutunayan kong mahirap, kung hindi man imposible, na mabasa nang wasto ang isang tula nang hindi muna inaalam ang kahulugan nito.

  Sa pagpapakahulugan, kinakailangan ang kaalaman sa pagsusuri. Marami tayong pagdulog o lapit (approach) na maaaring gamitin: pormalistik, sikolohikal, sosyolohikal, biograpikal, historikal at maging arketipal. Iniaayon ang isang pagdulog sa kung ano ang target ng isang manunuri. Pormalistik ang gamit kung nais suriin ang mga panlabas na elementong tulad ng anyo, sukat, sesura at tugmaan. Kapag anyo ang pinag-uusapan, may dalawang pangkalahatang anyo ang tula: ang tradisyunal at ang malayang taludturan. Sakop ng unang anyo ang sukat at sesura na hindi makikita sa malayang taludturan. Bagamat may mga sukat na tigpipito (tanaga) at tigwawalo (talinghaga/korido), ayon pa rin kay Alejandro, tatlo ang kinagiliwang sukat ng mga tradisyunal na tula: 16, 18 at ang paboritong 12 na kilala rin sa taguring awit. Sipiin natin ang ilang halimbawa:

"Ayaw siya / ng pag-ibig // ito anya’y / parang araw,

na pagsikat / sa umaga // ang tungo na’y / sa lubugan;

Sa silangan / kung ngumiti’y // may pangakong / bagong buhay,

Sa kanluran / paglubog na, // iniiwa’y / luha lamang.

Ayaw siya / ng pag-ibig // ang pag-ibig / ay lason daw,

Na sa kanyang / kaluluwa’y // maghahatid / sa libingan."

 Mapapansin sa tulang ito ni Alejandro na may pamagat na "Ayaw ng Pag-ibig" na may pangunahin at pangalawang hati o sesura. Ang panguna ay sa bawat ikawalo at ang pangalawa naman ay nasa bawat ikaapat na pantig.

"Ang gandang tagalog // kung minsa’y wasiwas // ng isang bandila,

kung minsa’y kundimang // tinig ng kudyapi // ng mga makata,

kung minsan ay bungkos // ng kaligayahan // sa balat ng lupa’t

kung minsan ay ngiti // sa bundok-silangan // ng ating paglaya."

 Sa tulang may 18 pantig, mapapansin namang pawang panguna ang mga hati sa bawat anim na pantig. Ang tulang ito ni Julian Cruz Balmaseda na may pamagat na "Sa Bayan ni Plaridel" ay magandang halimbawa ng masasabi nating gamitin ng mga makatang lubhang maraming nais sabihin sa isang taludturan.

 Sa kabilang dako, pansinin natin ang pinakapopular sa lahat ng sukat, ang 12. Sa puntong ito, pinakamainam na marahil na halimbawa ang kinis ng tugmaan ni Balagtas:

"O pagsintang labis // ng kapangyarihan

sampung mag-aama’y // iyong nasasaklaw!

Pag ikaw ang nasok // sa puso ninuman.

Hahamaking lahat // masunod ka lamang."

 Sa ibinigay na halimbawa, kailangang tumigil pansamantala ang bumabasa sa ikaanim na pantig sa bawat taludtod, bagay na naging dahilan upang maging sing-song minsan ang pagbasa. Hindi ito nangyayari sa malayang taludturan, pagkat, ang anyong ito ng tula ay walang sukat at tugmang sinusunod. Tingnan ang halimbawa sa ibaba, isang tula ni Roberto Añonuevo na may pamagat na "Siyensiya ng Pagmamasid."

Tiningala ko ang mayang

Naglalandas sa himpapawid,

Mula noon, pumanday ako

Ng metalikong pakpak

Na kayang humawi ng ulap.

 Lumilitaw na sa ganitong anyo ng tula, ang mahalaga lamang ay ang talinghaga at ang sining ng pagkakahabi ng mga salita. Dahil dito, marami ang nagsisulat ng ganitong anyo upang maiwasan ang disiplina ng pagsukat at tugmaan.

 Bukod sa pormalistik, maaaring suriin ang isang tula sa pamamagitan ng sikolohikal na paraan. Sa prosesong ito, hihimayin ng manunuri ang takbo ng isip at damdamin ng makata ayon na rin sa mga salitang kanyang ginamit. Papasok sa puntong ito ang binabanggit ni Ruth Elynia Mabanglo na RITMO sa tula. Ang ritmo, tulad sa isang awit (pagkat ang awit ay isa munang tula bago nilapatan ng melodiya) ay ang daloy ng pagbanggit sa mga salitang napapaloob sa isang tula. Pag-ukulan natin ng pansin ang istilo nina Jose Corazon De Jesus at Alejandro Abadilla sa kani-kanilang obra maestra. Unahin natin si Batute sa kanyang "Isang Punongkahoy."

Kung tatanawin mo sa malayong pook,

Ako’y tila isang nakadipang kurus;

Sa napakatagal na pagkakaluhod,

Parang hinahagkan ang paa ng Diyos!

Organong sa loob ng isang simbahan

Ay nananalangin sa kapighatian,

Habang ang kandila ng sariling buhay,

Magdamag na tanod ng aking libingan …

Sa aking paanan ay may isang batis,

Maghapo’t magdamag na nagtutumangis;

Sa mga sanga ko ay nangakasabit

Ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig.

 Halos lahat ng mga salitang ginamit ay parang himig ng punebreng naghahatid sa libingan. Dahil dito, hindi na kailangan pang pagtalunan kung anong emosyon ang nakapaloob sa tula. Paano ngayon ito dapat bigkasin? Mangyari pa, banayad at mababa ang boses. Kakaiba naman ang obra ni Alejandro G. Abadilla na "Ako ang Daigdig."

 Ako Ako Ako ang tula

 ang daigdig ang daigdig ang daigdig ng daigdig.

 ang tula ng tula

 Ako ang tula

 Waring pintig ng puso ang bagsak ng mga salita, isang ritmong naghahayag ng pagmamalaki. Ito ang dahilan kung bakit parang kahambugan sa ilang hindi nakakaintindi ang tulang ito. Paano ito bibigkasin? Nangangailangan ito ng bigat ng tinig at wastong bagsak ng pagbigkas. Upang lalo itong maunawaan, kailangan ding gamitan ito ng pagdulog na biograpikal. Kilalanin kung sino si Abadilla at mabibigkas mo ng tama ang kanyang tula.

 Inirerekomenda ko naman ang mga pagdulog na historikal at arketipal sa pagbasa ng mga haiku. Ito ang mga tulang pamana sa atin ng mga Hapones. Isang tulang tipid sa mga salita ngunit hitik naman sa talinghaga. Kung nais suriin ang panahon ng pagkakasulat, nararapat lamang gamitin ang unang pagdulog, ngunit ang pangalawa naman ang dapat kung nais halungkatin ang mga simbolong klasiko nang tinanggap sa panitikan. Suriin natin sa dalawang paraan at subuking basahin pagkatapos. Narito ang halimbawang haiku ni Gonzalo Flores:

  Tutubi

  Hila mo’y tabak –

  Ang bulaklak: nanginig!

  Sa paglapit mo.

 Sa paraang historikal, maliwanag pa sa sikat ng araw na ito’y manipestasyon ng kawalang paggalang ng mga Hapones sa mga Pilipina. Ang tutubi ay maaaring sumagisag sa mga eroplanong pandigma at ang nilalaman ng tula ay ang walang awing pagdungis sa puri ng mga kababaihan. Kung sa paraang arketipal naman, hindi malilihis sinuman na ang bulaklak ay ang babae, ang tutubi ay ang lalaki, at ano nga ba ang "hila" ng isang lalaki na sukat "ikanginig" ng isang babae kapag nakita? Iyon nga lamang, negatibo ang impresyon pagkat ang layon ay mangwasak.

 Sa kabuuan, may sinasabi si Mabanglo na dapat "mahuli" ng isang manunuri na para naman sa akin ay susi sa wastong pagbasa ng isang tula. Ito ang tinatawag niyang "Damdamin" o "Wikang Pampanulaan." Sa makabagong pananaw sa pagbasa ng tula, hindi na dapat ang malabis na pagsunod sa mga sesurang nabanggit kanina. Ang dapat ay ang wastong pagpapalutang sa damdamin ng tula, na siya namang dahilan kung bakit nasulat ito. Kahit pa sabihing ang tula ay hindi liriko o pandamdamin, hindi makatwirang basahin lamang ito ayon sa nais na paraan. Nagkakaisa ang lahat ng mga dalubhasa sa panunuring pampanitikan na ang tunay na tula ay ang pagpili ng pinakaangkop na salita sa damdaming nais ipahatid ng makata. Dahil sa nabanggit, dapat lamang na alamin muna ang kahulugan ng tula mula sa iba’t ibang anggulo nito bago pagtangkaang basahin at tuloy ganap na maunawaan.

 Hindi miminsan sa aking klase o maging sa mga lektyur na aking dinaluhan, madalas kong ibigay na halimbawa ang isang saknong ng tulang "Nawawalang Estero ni Maria Clara" ni Pedro Ricarte. Ang saknong na ito ay magandang halimbawa ng iba’t ibang paraan ng pagbasa nang ayon sa hinihinging damdamin at aksyon ng tula. Narito ang naturang saknong kasama ang aking mga gabay sa pagbasa.

May putok ng baril! (malakas at mabilis)

 Tubig ay natina ng dugong bayani (dahan-dahan)

 May mga nabuwal (malungkot / nanghihinayang)

 Sa dilim ng gabi… (mababa at malamig ang boses)

 Bilang pagsasanay, subuking basahin ang isang tulang mapanudyo ni Amado V. Hernandez, ang tulang "Ang Kubrador." Tulad ng natalakay na, alamin muna ang damdaming nakapaloob bago pagtangkaang basahin nang malakas. Narito ang tula:

May katok sa pinto. Nasok ang kubrador

"Sino ‘yan?" paungol ngunit napaigtad,

na tanong sa loob. umurong na mandi’y

"Ito ho’y kubrador." natuka ng ahas:

Wala nang tumugon … ang mata’y lulundag,

Inulit ang katok ang tangang resibo’y

hanggang sa ang pinto’y sa sahig nalaglag --

marahang nabuksan … siya’y sinalubong

Anang tinig: "Tuloy." ng babaing hubad.

 Paalala lamang na bago bigkasin ang tulang ito, bigyang-pansin ang mga salitang paungol, marahan, napaigtad at ang pariralang natuka ng ahas. Kung matutukoy ang aksyong naganap at masundan ang mga bantas na ginamit, nakatitiyak kang hindi ka sasala sa wastong pagbasa.

 Matapos nito, bakit di subukin ang tulang "Komedya ng mga Langaw" ni Joe Lad Santos, narito ang tula:

Pinapak ng sisiw ang nakitang langaw

Na namumutiktik sa pagkit na umang.

Busog na pauwi sisiw na masiba

Nang biglang sagpangin ng gutom na pusa.

Pusa’y siyang-siya sa kinaing sisiw

Nang masagasaan ng taksing matulin.

Walang maglilibing, pusa’y nabasura.

Langaw, sisw, pusa: sa isang trahedya.

Nabulok, umamoy, naagnas ang pusa,

Sangbatalyong langaw nama’y nagpasasa.

 Bilang pagwawakas, sipiin natin ang pahayag ni Mabanglo sa kanyang aklat na Panunuring Pampanitikan, aniya "Bagaman totoong yumayaman ang tula sa dami ng interpretasyong maigagawad dito, nararapat ding maging malinaw sa mambabasa ang karanasang inilalahad ng tula sapagkat ang karanasan ang bagay na bibigyan ng interpretasyon. Sabihin pa, ang wika ng tula ay hindi lamang isinasaalang-alang ayon sa damdamin at kahulugan, kundi sa kung paano nito nahihikayat ang guniguni at kaisipang maglakbay sa daigdig ng mga kahulugan."

 Sa pagbasa ba ninyo ng tula, nahikayat ba ninyo ang mga nakikinig na gamitin ang kanilang guniguni? Nakiliti ba ninyo ang kanilang imahinasyon? At higit sa lahat, nabigyan ba ninyo ng katarungan bilang mga guro ang tula ng isang makatang … hindi na kayo maiwawasto? Kaya ba ito ng konsensya mo? Ganyan kalaki ang responsibilidad natin bilang isang guro ng panitikan!

*Ang lektyur na ito ay isa sa mga ibinahagi ng awtor sa isang panrehiyong seminar na ginanap sa Grand Astoria Hotel sa Lungsod Zamboanga na tangkilik ng Western Mindanao State University at ng Komisyon sa Wikang Filipino noong Agosto 28-31, 2001.

 

 

Biblyografi 

Añonuevo, Roberto T. (1993). Paghipo sa matang-tubig. Maynila: De La Salle University Press.

Mabanglo, Ruth E., et al (1979). Panunuring pampanitikan. Lungsod Quezon:Alemar- Phoenix Publishing House, Inc.

San Juan, Epifanio Jr. (1975). Ang sining ng tula: Mga sanaysay sa panunuring

pampanitikan. Lungsod Quezon: Alemar-Phoenix Publishing House, Inc.

Torres-Yu, Rosario (Ed.), (1980). Panitikan at kritisismo. Maynila: National

Book Store, Inc.

Villafuerte, Patrocinio V. (2000). Panunuring pampanitikan (teorya at pagsasanay). Lungsod Valenzuela: Mutya Publishing House.

Hosted by www.Geocities.ws

1