Bakit Gusto Kong Maging Guro

Ang pagtuturo ay isang mabigat na tungkulin na nangangailangan ng walang katulad na pagpapakasakit upang makatulong sa pag-akay sa mga musmos tungo sa landas ng pagiging mabuting mamamayan. Kapag ako’y natapos na sa Mataas na Paaralan ng Pampanga, ang ninanais kong kukunin ay ang pagtuturo. Ito ay nais kong pag-aralin upang tupdin ang isang banal na tungkulin na malaon ko nang pinapangarap matupad. Ang layunin ko sa buhay ay ang makapaglingkod sa mga walang-malay upang hubugin sila sa kanais-nais na pag-uugali.

Gagawin ko ang aking makakaya sa pagtupad sa aking tungkulin sa pagtuturo. Ituturo ko ang pagmamahal at paggalang sa Poong Maykapal, pag-ibig sa tinubuang lupa at sa kapwa tao. Ipababatid ko’t ipaliliwanag ang Sampung Utos ng Diyos na may malaking kaugnayan sa buhay ng mga batang nalalabuan ng isip at tumatahak sa landas ng kapanganyayaan. Sa malaking hukbo ng mga lalaki at babaing nag-aaral ang kanilang kamusmusan, ay nakalarawan sa kanila mukha. Sila ay walang kinikilalang kasinungalingan, pag-iimbot kainggitan sa kapwa, at taglay ang dalisay na puso. Katulad sila ng munting anghel na masaya at maamo. Nguni’t sa paglipas ng mga taon, ang lahat ng mga gintong katangiang ito ay biglang mapaparam na parang isang bula lamang. Bakit kaya? Ano ang dahilan ng pagkawala ng mga magaganda’t mabubuting pag-aaasal? Ito ang dapat isaisip ng isang nilalang na nais kunin ang gawaing pagtuturo. Hangga’t maaari, hubugin natin sila sa magagandang ugali ng isang huwarang Pilipino, na ang kasamaan kailanman ay hindi nangingibabaw at nagtatagumpay; Na ang pag-uunawaan at dalisay na pagmamahalan na walang halong pag-iimbot ay makapagbibigay ng isang masaya at payapang kabuhayan. Anong inam ang mabuhay kung pawang kaligayahan ang nalalasap. Nguni’t ang iba ay hindi nauunawaan ang kahalagahan ng mga magagandang aral ng isang tunay na Pilipino.

Ang mga kabataan ay siyang pag-asa ng bayan, ayon kay Rizal. Ang taong dapat maging tunay na huwaran sa tunay na buhay ay ang pambansang bayani ng ating bayan; buhat pa sa kaniyang kamusmusan nagpakita na ng katalinuha’t kagandahang asal. Natatangi si Hesus na siyang ating gabay at kinakailangang sundin ang kanyang niyapakan.. Si Hesus na sapul pa sa kanyang kabataan ay nagpamalas na ng kaniyang pagkamasunurin, kabaitan at pagkawalang-imik.

Ang kabihasnan ng isang bansa ay nasasalamin sa kanyang pamamaraan sa pagtuturo at ito ay katungkulan ng isang guro. Kung walang nagtuturo ang isang bansa ay mananatiling urong sa kabihasnan. At iyan ang ninanasa kong tuparin, ang makatulong sa bayan sa pamamagitan ng paghubog sa kabataan. Inaakala ko namang taglay ko ang sapat na katiyagaan, lakas ng loob, pagtititiis at sigla sa pagtupad sa mabigat na tungkuling ito.

Marietta Toledano

Hosted by www.Geocities.ws

1