PAUNANG SALITA
Sa Mahal na Araw inilalarawan ang kasaysayan ng katubusan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng hirap at sakit hanggang sa kamatayan sa krus ni Hesukristo.
Sa pagnanais ng Inang Simbahan na manatiling sariwa sa alaala ng mga tao ang mga dinalita ni Hesus, ipinahintulot na magkaroon ng mga Santo o Imahen at ang mga ito ay dinadala sa simbahan at isinasama sa prusisyon. Ang kaugaliang ito ay nagsimula pa noong panahon ng mga Paring Kastila na nagdala ng pananampalatayang Katoliko na nakarating sa Pakil.
Ang bawa't Santo ay sinadya ng pamilya na nagmamay-ari at nangangasiwa nito. Kalimitan ang pamilya ay may pamanang lupa na siyang pinagkukunan ng panustos sa gastos sa paghahanda at pagsama ng mga Santo sa prusisyon. Ang Santo at ang pamana ay inililipat sa sinumang dapat paglipatan.
Noong una ay dalawa ang araw ng prusisyon: Huwebes Santo at Biyernes Santo. Sapagka't nakapatente ang Santisimo sa hapon nang Huwebes at sa panahong ito ay dapat na tahimik at mapitagan ang pagsamba sa Santisimo, inilipat ang unang prusisyon sa Miyerkules Santo nang hapon. Masagana ang handang pagkain para sa mga nagbuhat ng Santo at sumama sa prusisyon sa buong bayan. Sa Biyernes Santo, bagama't araw ng Abstinencia at Ayuno, hindi pa rin maiwasan ang pagkain nang marami na kung minsan ay may karne pa. Nguni't dahil sa kahirapan na ng panahon at pamumuhay, ginawa na lamang iisa ang prusisyon, Biyernes Santo na lamang.
Subali't sa taong ito (1993), sa pagkakasundo ng mga may-ari ng Santo, ay ibinalik na muli ang dalawang araw ng prusisyon: sa Miyerkules Santo na todo handaan at sa Biyernes Santo, maliban ang mga Santo na may Hudyo, at walang pagkain kundi palamig sa mga nagbubuhat ng andas.
Sa Sabado Santo ay iniuuwi na ang mga Imahen (na may Hudyo) maliban na lamang sa mga Santo at Santang may bahagi sa prusisyon ng Pagsalubong na ginaganap sa madaling araw nang Linggo ng Pagkabuhay.
Ang mga sumusunod na pahina ay nagpapakita ng mga larawan ng mga Santo/Imahen na isinasama sa prusisyon tuwing Mahal na Araw. Ang bawa't isa ay naglalarawan ng bahagi ng buhay ni Kristo, ng Kanyang paghihirap hanggang kamatayan, at Kanyang pagkabuhay na mag-uli.
Nilalayon ng munting babasahing ito na maihatid sa bawa't isa ang tunay na diwa ng Mahal na Araw at maunawaan ang kahulugan ng bawa't gawain at pagdiriwang sa mga araw na ito.
Mga May-akda