Paunang Salita

Magandang paraan ng pagdiriwang sa sandaang-taong anibersaryo ng lumang demokratikong rebolusyon ang paglalathala ng kalipunan ng mga akdang nakakapagpabuhay sa mapanlabang diwa ng bagong demokratikong rebolusyon.

Inilalahad ng antolohiyang ito ang mapagpasyang kahalagahan ng kanayunan para sa pakikibaka ng sambayanan upang kamtin ang rebolusyonaryong pagbabago laban sa mapang-api at mapagsamantalang kaayusang malakolonyal at malapyudal.

Marapat lamang ang pinakamataas na pagpaparangal sa mga may-akda dahil sa rebolusyonaryong pakikibaka at mithiin ng masang anakpawis, lalo ang uring magsasaka, at ang mga rebolusyonaryong pwersa.

Ang luma at ang bagong tipo ng demokratikong rebolusyon ay pinagkawing ng walang humpay na pakikibaka at mithiin ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kasarinlan laban sa dayuhang paghahari at para sa demokrasya laban sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala.

Ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon ay ang paglutas ng suliranin sa lupa. May kinalaman ito sa mga magsasakang mayorya ng sambayanang Pilipino. Ang panlipunang pagpapalaya ng masang magsasaka sa pamamagitan ng kanilang paglahok sa rebolusyon ay prekondisyon para sa pambansang pagpapalaya.

Makakasulong lamang ang bagong demokratikong rebolusyon kapag napukaw, naorganisa at napakilos ng proletaryong pamunuan ang masang magsasaka. Sila ang pinakamalaking baseng masa para sa matagalang digmang bayan, para magkaroon ng pagkakataon ang rebolusyonaryong pwersa na lumakas mula sa pagiging mahina at lumaki mula sa pagiging maliit hanggang kaya na nilang gapiin ang komprador na malaking burgesya at uring panginoong maylupa, mapang-api�t mapagsamantala.

Kung gayon, sinisikap ng namumunong pwersa sa pagpapatuloy ng pambansang demokratikong rebolusyon na paunlarin ang masang magsasaka bilang pinakamalaking pwersa at ng kanayunan bilang pampulitika, pang-ekonomiya, panlipunan at pangkulturang muog na bakal ng rebolusyon.

Kapag lumalakas ang baseng masa sa kanayunan, lumalakas ang buong rebolusyonaryong kilusan batay sa alyansang manggagawa at magsasaka. Ang paghina ng baseng masa sa kanayunan ay laging nangangailangan ng kilusan sa pagwawasto para tiyakin ang pagpapanibagong-sigla at pagpapanibagong-sulong ng buong rebolusyonaryong kilusang masa.

Ang mga piling akda mula sa bawat taon ay kinasasalaminan ng yugtu-yugto ng rebolusyonaryong pakikibaka, ng mga sakripisyo at tagumpay ng mga bayaning anakpawis, mga Pulang mandirigma at mga aktibistang masa sa iba�t ibang bahagi ng kapuluan at sa buong bansa.

Ang antolohiya ay pumupukaw ng rebolusyonaryong damdamin. Pinasisigla nito ang masang anakpawis upang magpatuloy sa rebolusyonaryong pakikibaka at sumulong sa lahat ng larangan, kabilang ang sa kultura at panitikan, sa pagrerebolusyon. Pinasusulong nito ang mga manunulat-sining ng henerasyong ito�t mga susunod pa na gamitin ang mayamang bukal ng kongkretong karanasan at animo ng matagalang digmang bayan.

Lubhang mahalaga at makabuluhan ang antolohiyang ito. Marapat na malaki ang pagpapasalamat natin sa mga may-akda gayundin sa mga tagatipon at tagalathala ng Instityut sa Panitikan at Sining ng Sambayanan (IPASA)



JOSE MARIA SISON
BALIKAN ANG NILALAMAN
Hosted by www.Geocities.ws

1