Paliwanag at Pasasalamat

Ang gawain para sa antolohiyang ito ay sinimulan noong 1995 bilang proyekto ng noo’y katatatag na Instityut sa Panitikan at Sining ng Sambayanan (IPASA).Kasama sa panimulang grupong editoryal sina Gelacio Guillermo, June Rodriguez, Jimmy Domingo, Jasper Almirante at Romulo Sandoval (1950-1977).

May mga sulating nasa unang tentatibong koleksyon na tinanggal dahil hindi nakalapat sa paksa ng antolohiya, at maraming idinagdag. Walang nakuhang materyal para sa mga taong 1974, 1976 at 1977. Tiyak na marami pang karapat-dapat na sulatin ang hindi dumaan sa pansin ng nauna at sumunod na patnugutan. Humihingi kami ng paumanhin.

Hangga’t maaari, inilulugar ang mga sulatin sa taon ng pagkakabuo ng manuskrito kaysa sa taon ng pagkakalimbag. Sinikap ding tukuyin ang awtor na nakalimbag na mga sulating hindi naipangalan sa manunulat, totoong pangalan o nom de guerre.

Walang binago sa teksto maliban kung kinakailangan para maging malinaw ang isinasaad. Hindi ipinagpatuloy ang istandardisasyon ng mga karaniwang termino ng kilusan at simplipikasyon ng ispeling para mapreserba ang orihinal na katayuan ng mga teksto para sa sinumang interesadong pag-aralan ang paggamit ng lenggwahe, laluna ng Pilipino, sa kilusang pambansa-demokratiko.

Maraming salamat sa mga manunulat, pabliser at editor ng mga publikasyon; sa National Democratic Front International Office sa Utrecht, Netherlands para sa mga babasahin; sa Kilusan sa Paglilinang ng Rebolusyonaryong Sining at Panitikan sa Kanayunan (LINANG); sa Gapas Foundation at Gantimpalang Ani; kina Richard Gappi at sa kanyang mga kaibigang tagasalin; kay Papo de Asis sa likhang sining biswal para sa pabalat; kina Bagani ng People’s Artists (PARTS), Ruben de Vera at Luis mga likhang sining biswal; kay Prop. Laura Samson ng U.P. Press sa kanyang interes; sa Potopot Freedom School  Alice, Sofia, Bomen, Jasper, Diego, Kotkot, Bunso (Timog Katagalugan). Koro-koro (Bikol), Tadecq (Kalinga-Apayao); at sa mga kapalagayang-loob sa “Patio University” at Tumbang Preso Café.



G. Guillermo
Tagapangasiwa, IPASA
BALIKAN ANG NILALAMAN
Hosted by www.Geocities.ws

1