RUFINO LISANDRO

 

Butas sa Haligi

 

MAALINSANGAN NG HAPONG iyon.  Sige ang pagpaypay ni Osang ng kanyang abanikong yari sa buli.  Hindi niya magawang matulog dahil baka siya pagalitan ng kanyang ina kapag nadatnan siyang natutulog.

Anim na buwan na ang kanyang dinadalang sanggol kaya binabawalan siya ng kanyang mga magulang na matulog nang matulog para maiwasan umano ang pamamanas.

Tanaw mula sa balkonahe ng kanilang bahay ang daan pababa sa sentrong baryo.  Ang kanilang bahay ay mga 20 minuto lang lakarin mula sa sentro kung saan naroon ang kanyang mga magulang.  Araw ng pagtityangge ngayon.

Bumaba siya patungo sa punong mangga.  Malilim sa ilalim nito.  Apat na metro lang ang layo nito mula sa kanto ng balkonahe.  Ang lilim ng punong mangga ay ginawan ni Tata Teban ng maliit na mesa at bangko na karaniwang ginagamit kapag nag-iinuman ng tuba.  Umupo at sumandal sa barandilya si Osang habang nakasapo sa kanyang tiyan.  Hinihimashimas niya ito habang patuloy na iwinawasiwas sa kanyang mukha ang pamaypay.  Pasulyapsulyap siya sa daan.  Naiinip na rin siya.  Mag-aalas singko na ay wala pa sina Nanay Sianang at Tata Teban.  Hindi niya alam kung ano ang lulutuin para sa hapunan.  Hinihintay nga niya kung ano ang bibilhing pang-ulam ng kanyang ama’t ina na nasa tiyanggian.

Ang kanilang pamilya ay benepisyaryo ng rebolusyong agraryong prinoyekto ng mga Hukbong kumikilos sa kanilang baryo.  Ang dating 30 kabang palay na isinusulit nila kada ektarya kay Ginoong Medrano ay nagawang paba

bain sa 18 kaban na lang.  Naipursige rin ng rebolusyonaryong samahan sa baryo na sagutin ng panginoong maylupang si Medrano ang kalahati ng gastos mula sa dating solong pasanin ng mga magsasaka ang lahat ng gastos.

Kabilang sa yunit na kumikilos sa baryo ay si Ka Daniel, ang dating asawa ni Osang.

Tumayo si Osang.  Humakbang ngunit saglit na napatigil. Napatulala siya. Biglang naghaluhalo ang laman ng kanyang isip.  Parang kidlat lang ang mga alaala.  Sa ilang segundong iyon ay nanaig ang emosyon.  Nangilid ang kanyang luha. Matalim ang kanyang pagkatitig sa kanto ng kanilang bahay.  Nagngangalit ang mga bagang saka pabulong na umusal.

“Mga hayup ang bumutas nito!  Kung hindi nabutas ang haliging ito, hindi mamamatay si Ka Daniel.  Namumuhi ako sa baril!  Kinasusuklaman ko ang mga de-baril!”

“Osang!”

Napalingon siya, sabay pahid ng luha.

“Dalian mo nga at iakyat mo na ito.  Nakasaing ka na baga?” Si Nanay Sianang.  Iling lang ang itinugon ni Osang.

Habang inaabot ni Ka Sianang ang dalawang bag na dating supot ng simento, bumaba mula sa kalabaw si Tata Teban.  Iniikot ang kalabaw sa may likod ng bahay.  Dahandahang inalis ang kalabaw mula sa sabit ng kariton.

“Mayroon pa ritong bitbitin!” pabulyaw na sigaw ng Tata Teban.

“Oho.”

“Ano na naman ang ini-iiyak mo?  Naalala mo na naman ang asawa mo?”  Hay naku! Walang mangyayari sa iyo kung iiyak lang nang iiyak.  Pinakakatitigan mo pa iyang mga butas sa ating haligi. Huwag mong magalawgalaw iyan!  Tanda iyan ng hinanakit ko sa mga kasama!”  burag ni Nanay Sianang habang sinasabayan ng akyat sa bahay si Osang.

“Dalian n’yo ang pagpapakana at gabi na,” ani Tata Teban.

 

Ugaling basehan ng mga kasama sa hukbo ang lugar.  Nasa antas na ng konsolidasyon ang inabot ng baryo nina Osang.  Mayroon ng regular n komiteng pang-organisa ang mga magsasaka, samantalang IKP na ang inabot ng mga sektor ng kababaihan at kabataan.  Palibhasa ay tatlo na lang sila noon sa pamilya, mapabilang sila lahat sa mga grupo at sa komite.  May sangay na rin ng Partido sa kanilang lokalidad.  At si Nanay Sianang ang pangalawang kalihim nito… bago nangyari ang trahedya sa kanilang buhay.

          Magdadalawang buwan pa lamang nakakasal sina Ka Daniel at Osang noon.  Nagmungkahi si Ka Daniel na tumigil muna pansamantala sa bahay ng kanyang asawa at biyanan, tutal ay ilang araw naman ang inilaan ng yunit sa pagtigil doon kaugnay ng mga gawaing itinakda para sa ibayong konsolidasyon ng baryo.

Bagamat konsolidado, hindi ligtas ang lugar sa operasyong militar.  Pana-panahon ay ginagalugad ng mga dayong Philippine Army at ng lokal na pulis  na kabilang sa 271st Mobile Force Company ang baryo nila.  Pero dahil nga sa may isang antas nang inabot ang kamulatan ng taumbaryo kaugnay ng antipyudal na pakikibaka, mahusay ang pagtangkilik ng lokalidad sa Hukbo.

Panahon ng konsultasyon ng SPL (Sangay ng Partido sa Lokalidad) at ng yunit nina Ka Daniel.  Si Ka Daniel ang tumatayong iskwad lider at siyang pangalawang kalihim ng yunit ng Partido sa loob ng Hukbo.   Mainit ang tunggalian sa pagitan nina Ka Monina at Ka Andong kaugnay ng taktikang gagawin sa sunod na yugto na pagkilos para sa RA (rebolusyong agraryo). Si Ka Monina ang tumatayong giyang pampulitika ng yunit ng Hukbo samantalang si Ka Andong ang kalihim ng SPL.

Sa pagkakataong ito, sasaklawin sa target ang ilan pang sityo kung saan niluluklukan ng isa pang panginoong maylupang si Don Enrique Ecijano.  Ang tunggalian umiinog sa pagtrato kay Don Enrique. Matibay ang pusisyon ng yunit sa pamamagitan ni Ka Monina na kailangang ilunsad sa pangunguna ng SPL ang RA sa sityong sakop ng lupa ni Don Enrique.  Ang disenyo ng yunit ay kumpiskahin ang mga baka ni Don Enrique bilang panimulang hakbangin sa pagpapalambot sa panginoong maylupa.  Mula rito, isusunod ang pagpapataas ng sahod ng mga upahang trabahador sa pastuhan.

Ang kontra-pusisyon nina Ka Andong ay:  “Hindi na kailangang galawin pa ang mga baka dahil may pakikipag-ugnayan naman ang sangay sa katiwala ng pastuhan at nakahanda naman si Don Enrique sa pakikipag-usap, basta huwag lang umanong gagalawin ang mga baka niya.”

Ang mainitang pagtatalo ay pinahupa ng desisyong sundin ng SPL ang tindig ng yunit.  Natapos ang konsultasyong hindi pareparehong natutunawan ang mga kagawad ng SPL  sa desisyon.   Isa si Nanay Sianang na kontra sa pusisyon ng Hukbo.  Ang mas ipinagsinter nila ay ang Hukbo na ang mangunguna sa panghuhuli ng mga baka.

Kasunod ng matinding pagtatalo sa taktika, pinalutang ni Nanay Sianang sa kapulungan ang mungkahi na magkaroon ng ka-buddy si Ka Daniel mula sa yunit habang nasa bahay nila.  Hindi ito tinugunan bagkus ay itinimbre na lamang ng yunit sa milisyang bayan sa baryo.

Tuloy pa rin ang diskusyon sa pagitan nina Nanay Sianang at Ka Daniel kahit nasa kabilang bahay na ang mag-biyenan.

Padalawang-araw na roon sina Ka Daniel at simula na ng panghuhuli ng baka.  Bumaril muna saka kinatay ng yunit ang dalawang barakong baka saka sinimulang ang panghuhuli.

Matindi ang reaksyon ni Don Enrique sa pangyayari.  Nagkataong ang dalawang bakang kinatay ng mga Hukbo ay ang dalawa sa tatlong barakong bakang kabibili pa lang ng matandang Don mula sa India.  Ito ang balak gawing barako sa mga bakang palalahian sa kanyang mga lokal na inahing baka.

Wala ni isang kagawad ng SPL ang sumama sa panghuhuli.  Bagkus ay nagpulong ito nang hiwalay upang gumawa ng paghahabol sa desisyon ng yunit.

Tuloy rin ang pagtatalo ng magbiyenan.  Hindi kumikibo si Tata Teban.  Palibhasa’y asawa, kinatigan ni Osang ang pusisyon ni Ka Daniel.

Alas singko ng umaga. Ikatlong araw ng yunit sa baryo.  Putok ang gumising kay Nanay Sianang.  Nakapakat ang mga militar sa paligid ng bahay. Palahaw ng hiyaw si Nanay Sianang at Osang sa tindi ng mga putok.  Nanlaban si Ka Daniel mula sa salas ng bahay na pwestong tulugan nilang mag-asawa.  Mula sa siwang ng bintang nakaharap sa may balkonahe ay sige ang ganti ng putok ni Ka Daniel.

Sumasabog ang mga palay sa loob ng bahay nila tuwing tatamaan ito ng bala mula sa baril ng mga militar.  Liparan ang manok sa paligid.  Palahaw ang igik ng baboy sa kanilang silong.  Bagsak ang alading nakasabit sa may tapat ng mesa sa sala.

Pasigaw na nagmakaawa si Nanay Sianang.  Kalong si Tata Teban na duguan.  Tinatawag si Daniel.  Tuliro na rin si Osang at hagulhol sa may paanan ni Daniel.   Nagmamakaawang huwag siyang iiwan.

Pagtahimik ng paligid, nakatimbuwang na si Ka Daniel sa tapat ng isang butas sa haligi.

 

Tapos na silang maghapunan.  Nakahiga na si Osang sa may sala.  Dinig niya ang usapan ng kanyang ama’t ina.

“Ikaw ga’y dadalo bukas ng gabi sa pulong ninyo?” Nag-uusisa si Tata Teban kay Nanay Sianang.

“Bahala na.  Kakausapin ko rin si Osang.  Siya ang isa sa mga sadya ng mga tao.”

“Paano kaya kung di nating nakasalubong si Ka Monina kanina?  Puntahan kaya tayo noong mga iyon dito?  Magmula nang magkalabanan ay ngayon lang uli nagpakita ang mga iyon.  Limang buwan na iyon, a.”  Nang-uukilkil si Tata Teban.

“Oo. Limang buwan ka ring pilay,” pagigil na sagot ni Nanay Sianang.

Matamang nakikinig lamang si Osang.  Hindi siya mapakali nang marinig niya ang pangalan ni Ka Monina.  Ibig sabihin, may mga NPA sa baryo nila. Iniisip pa lang niya ang NPA ay kinikilabutan na siya.  Hindi niya tantyado ang sarili kapag nakakita muli ng baril.  Naalala niya ang duguang baril na iyon nang damputin niya ang kamay ni Ka Daniel.  Baril na nagpilit magtanggol sa kanila.  Baril na kumitil din sa buhay ng asawa niya.  Sandaling tumagilid siya.

“Mas magaling kung makikipag-usap tayo sa mga kasama.  Hindi naman natin pareparehong ginusto ang mga nangyari.  Mabuti na iyong nakikipag-usap.  Sa tono ng pananalita ni Ka Monina kanina, e, mukhang nagpapakumbaba naman,” patuloy ni Tata Teban.

“Masakit para sa akin na walang makakagisnang ama ang apo natin.  Hindi ko rin matanggap ang istriktong paggigiit nila na tirahin si Don Enrique. Sila ang nagtuturo kung paano makipaglaro sa mga kaaway sa uri, tapos sila itong sablay magkikilos.”  Gumagaralgal na ang tinig ni Nanay Sianang.

“Kaya nga.  Natuto ka na rin lang na daanin sa mga diskusyon ang pagpapalitaw ng ideya, e, di makipagharap ka na.  Hindi rin naman tayo titigilan ng mga kasama habang di nakakapaglinaw.  Para ka namang bago nang bago sa mga kasama.”  Habang sinasambit ito ni Tata Teban, inuug-og niya ang balikat ni Nanay Sianang. Tanda ng pang-aalo.  Bumuntung-hininga si Nanay Sianang. “Bahala na.”

“Tao po! Ka Sianang… Ka Osang… Tata Teban…”

Marahan pero malinaw ang pagsambit ng bawat pangalan.  Pamilyar ang tinig na iyon sa kanila.

“Tatang…Nanang…Ka Osang… Mga kasama po.”  Nagpapalitan halos ang mga boses lalaki at boses ng babae.

Napabalikwas si Osang. Hawak ang kanyang tiyan.  Medyo hinila ang kanyang puwet para makaipod sa may bandang likuran upang makasandal.

“Mga kasama raw,”  anas ni Tata Teban.  Kulbit lang tugon ni Nanay Sianang na tila nagpapahiwatig sa katabi na huwag iimik.

“Ka Sianang… Alam namin gising po kayo…Puwede ho bang makausap kayo kahit saglit lang… Nanang… Tata Teban…”

Tumighim si Tata Teban.  Magkasunod ng tighim.

“Tatang…”

“O, mga sino ga kayo?”  tanong ni Tata Teban habang bumabangon mula sa katre. Nakakapit sa kamiseta ni Tata Teban si Nanay Sianang.  Hinihila ang kamiseta.  Iiling-iling na nakakagat pa sa mga labi.  Hinawi ni Tata Teban ang mga kamay ng matandang babae saka dumiretso sa salas.

Napansin ng matanda si Osang na nakasandal sa dingding.  Nakasilip sa siwang ng dingding.  Binitbit ng matandang lalaki ang gaserang nakapatong sa lumang makinang panahi.

“Sina Ka Monina po, Tatang.”  Sa tapat na ng balkonahe narinig ni Tata Teban ang malumanay na boses.

Kinabig lang ng matanda ang pintong sawali. Inilabas ang gasera at tumambad sa kanyang sa kanyang paningin ang mga hitsura ng mga nasa lupa na kanina’y boses lang ang naririnig.  Anim na armado.  Dalawang babae at apat na lalaki.

“Kumusta na po kayo, Tata Teban?” salubong ni Ka Monina.

“Panhik kayo,” anyaya ng matanda.  “Ano gang sadya ninyo”? Bawat isa ay inaabot ang palad ng matanda upang makipagdaupang-palad.

Pagkarinig ng anyaya ng matandang lalaki, pumasok sa kwarto si Osang at tumabi kay Nanay Sianang sa gilid ng katre.  Nanlalamig na ang buong katawan.  Halatang pigil ang pag-iyak.  Sapo ang tiyan.

Dinig mula sa kanilang kinatatayuan ang usapan ng mga naroong NPA at ni Tata Teban.  Mahaba ang diskusyon.  Salitan ang pagsasalita ng mga NPA. Boses babae, lalaki. Paiba-iba. Papalit-palit.

Kampante si Nanay Sianang. Waring naghihintay lang siyang tawagin ng mga nasa salas. Sa pagkakataong ito, waring handa siya sa pakikidigma. Parang hawak niyang lahat ang malalakas na sandata sa buong daigdig upang pasabugin sa kanyang makakaharap.  Buo ang loob niya.  Hindi niya palalampasin pa ang gabing ito nang walang gugulong sa tunggalian.  Ilalabas na niyang lahat ang kanyang mga hinanakit na kinimkim niya sa mga NPA matapos ang kubkubang nangyari.

Handa siya. Handang-handa na.

“Aaaaaaa!” Si Osang. Sigaw ni Osang.  Nagmulto ang guniguni niya. NPA… May baril. Pumuputok ang baril. Baril na pumilay sa Tatay niya.  Baril na kumitil sa buhay ng asawa niya.  “Daniellll!” Huling salitang nasambit ni Osang bago ito nawalan ng ulirat.

Nataranta si Nanay Sianang.  Kalong niya ang anak sa kanyang kandungan. “Teban!” sigaw niya.  “Bilisan mo! Dali!”

Naunang makapasok ng kwarto ang dalawang mandirigma. Sinaklolohan ang matandang babae at tinulungang maipuwesto nang mahusay si Osang sa katre saka pinagtulungang masahehin.

“Takot siya sa mga baril n’yo!” bulalas ni Nanay Sianang.

Habang pinagtutulung-tulungang asikasuhin si Osang, walang nag-iimikan.  Ilang minutong patlang ng pag-uusap.  Patlang sa pag-uusap ngunit milymilya ang inaabot ng pag-iisip.  Singhaba marahil ng distansya ng araw sa buwan.  Nagkakasulyapan lang sina Nanay Sianang at Ka Monina.  Pigil ang bawat salita. Nagpapakiramdaman.

Isang sulyap pa ni Ka Monina at nagtama ang tingin ni Nanay Sianang. Medyo malabo ang sinag ng gasera ngunit bakas sa bawat isa ang mga gustong ipahiwatig na sabihin.  Sinasalubong ng titig ng panunumbat ang sulyap ng pagpapakumbaba.  Hindi makaiwas sa mga matang naghihimagsik ang mga tinging nakikiusap.

Ilang sandali pa ng katahimikan.  Walang nanalo sa pakiramdam. Nagapi ang emosyon ng pananahimik ng bugso ng mga gustong ipahiwatig na aksyon.  Niyakap ni Ka Monina si Nanay Sianang. Mahigpit. Matagal. Pag-angat ng mukha ni Ka Monina na luhaan ay sinambit ang pagpuna sa sarili.

“Hindi ako hihingi ng tawad sa inyo, Ka Sianang,” anya, “dahil hindi ko hinangad na magkasala.  Hindi kami naparito para mawala lang muli.  Hindi rin kami nagbalik upang magsimula lang mula sa wala. Narito pa rin tayo. Narito kayong matuto mula sa inyong pagsisikap.  Narito kami para hanguan ng aral ang ating bawat karanasan at mula roon ay punahin ang mga kahinaan at pagkakamali.  Walang dapat iisantabi.  Walang panahong dapat sayangin.  May kahinaan kami,  haharapin namin ang kapunahan.” Sabay yakap muli nila Ka Monina kay Nanay Sianang.

Lumuwag ang pagkayakap ni Nanay Sianang kay Ka Monina.  Hinaplos ang mukha ni Ka Monina.  Tigagal.  Nagiging napakadamot ng pagkakataong iyon ang mga kataga mula sa matanda.  Haplos lang at titig kay Ka Monina.  Ilang minuto rin ang ganoong tagpo. Si Ka Monina na rin ang bumasag sa mga patlang ng komunikasyon.

“Nagkaroon ng pobya sa putok si Osang?”

“Oo,” anang matandang babae.  Magkasabay na halos ang pagtulo ng kanyang sipon at luha. “Sa baril.”

“Tunay nga palang dapat kong makausap si Osang.” Nakatitig si Ka Monina kay Osang habang sinasambit ang tinuran.

“Huwag n’yo muna kayang ipakita ang baril n’yo sa kanya.  Pwede mo namang sigurong harapin ang kapatid mo, Monina, nang wala munang baril,” pakisuyo ni Nanay Sianang.

Napangiti lang si Tata Teban habang palipatlipat ang tingin sa dalawang babae.

“Eh, Ka Monina,” ani Ka Teban, “pwede bang humingi ng permit para sa pagpapakahoy? Papalitan ko lang ang butasbutas na dingding namin.  Isasama ko na rin ang pagpapalit sa haliging may butas.”

Tumango si Ka Monina. Patago ang ngiti.

 

* * * * *

Hosted by www.Geocities.ws

1