SIMPLICIO MADLANGBAYAN

Mga Layak sa Sinapupunan ng Kalikasan

 

MATANDA NA SI Apung Uman. Sa bawat umagang sinasalubong niya ang sikat ng araw, lalo niyang nararamdaman ang  pananakit ng kanyang tuhod at kalamnan. Di na rin iilang pagkakataon na dinalaw siya ng karamdaman, kahima’t di malulubha, pananalakay ng ubo at ilang pakikipagtagpo sa ngiki ng malarya. Ngunit ang higit niyang iniinda ay ang kanyang rayuma. Sa kanyang gulang na magpipitumpo, ngayon pinakamatindi ang kanyang rayuma.  Nahihirapan na siyang magtungo kahit sa pinakamalapit na kagubatang dati niyang ginagawa.  Hindi na niya naibibinit ang kanyang pana na tuwa na niyang itambang sa mga baboy ramo at usa at maipamahagai ng parte-parte sa kanyang mga anak at apo.  Hindi na halos niya magawang makapamasyal sa kanyang mga kapitbahay, mga kapwa niya sampid sa baryong iyon, mga kapitbahay na kung sa pangkaraniwang mga lugar ay tunay namang malalayo, gayunma’y nakapagpaparingganan pa ng tilaok ng kani-kaniyang mga manok.  Lalong di na niya nagagawang makapamasyal sa Baler at sumama sa kanyang mga apo sa pagbebenta ng yantok at tapang usa at makapamili ng asin at iba pang gamit.

Kinakailangan na niya ngayon ang tungkol upang lumabas sa kanyang kubo patungo sa mabatong gilid ng Ilog Diangin. Iyon ang pinagkukunan niya ng kanyang tubig na inumin.  Mahina ang lagaslas ng ilog kumpara sa naunang mga buwan matapos ang tag-ulan.  Kung ganitong nasa dulo na ng katag-arawan, ang manaka-nakang ambon na dala ng mga ligaw na hanging habagat ay di sapat upang papanumbalikin ang kasiglahan ng dating malakas na ilog.  At kung tag-ulan lalo na’t m ay bagyo, problema ang tubig. Ang buong ilog ay nahihilamusan ng banlik at mga kulapol ng layak na tinatangay ng agos mula sa kung saan-saan.

Sa gilid  ng ilog, matapos maisagawa ang pakay, inaninag ni Apung Uman ang mga batang Dumagat na nagsisipaglaro sa luwasan.  Nagkakaingay ang mga  iyon. Naghaharutan. Ang kanyang mga apo. Sa pinakagilid ay natanaw niya si Aying, ang pinakamatanda sa mga ito.  Si Aying ang bumubulas na pinakamalaki sa mga batang Dumagat. Higit siyang nagtataglay ng tamang taas, matipuno ang pangangatawan at nag-aangkin ng kakaibang lakas. Kaya naman siya ang itinuturing na lider ng mga batang iyon, hindi lamang sa pagiging  pinakamatanda sa mga ito kundi sa kakaibang lakas ng loob ng binatilyo.  Di magkamayaw ang pagsisigawan at pagkakatuwa ng mga bata at naisip ni Apung Uman, nagpapaalis lamang ng pagod ang mga batang ito.  Pamaya-maya natiyak niya na subsob na naman sa trabaho ang mga batang Dumagat—pagkaalis ng yantok at ang ila’y maaaring pumasa-gubat muli para sa pag-uumang ng mga silo ng usa at baboy ramo kasabay ng paghihilang muli ng yantok na pangunahin nilang ikinabubuhay.

Umugong ang isang umaahong trak papanhik ng bundok at sinundan iyon ng tingin ng matanda.  May mahigit dalawampung malalaking trak na de karga ang ginagamit ng mga nagtotroso sa itaas na bahagi, na pinagmumulan ng bukal ng ilog Diangin.  Sa umaga’y magkakapanunod itong umaahon sa bundok at bago dumilim, magkakapanunod din ang mga ito,  tila naghahabulan sa  daan pababa, tangay ang malalaking putol na kahoy. Kung minsa’y dalawang putol lamang sa isang trak, mga punong di halos mayakap ng tatlong tao.  Mga kahoy  na dating nakatindig sa mga gilid ng sapa at saluysoy o kaya’y sa mga gulod na   pinagmumulan ng bukal ng ilog Diangin.

Isinalang ni Apung Uman ang isang kalderong tubig sa kanyang dapugan.  Kapagkuwa’y nagpitpit siya ng dalawang piraso ng luyang hinukay niya noong nakaraang araw sa kanyang likod-bahay.  May mga tanim siyang iba’t ibang halamang ugat sa kanyang likod-bahay—luya, kamote, ilang puno ng gabi, at iyo’y pinaligiran niya ng ilang bagong katatanim na saging.  Kung magkaminsan pa’y nararamdaman niyang may atungal ng baboy ramo sa pinakadulo ng kanyang tanim na kamote.  Gustung-gusto iyon ng mga ligaw na hayup.  Kung nababakasan niya ang mga baboy ramo lalong nanghihinayang ang matanda na di na niya nagagawang ibinit ang kanyang pana sa nakatutuwang mga araw ng pananambang.

Ang alimbukay ng asap at abo kasabay ng kanyang pagsusulong ng gatong sa dapugan ay nagpahilam sa kanyang mga mata.  Sinikap niyang paypayan iyon at pagningasing maigi ang mga kahoy sa kalan.

“O, Apung Uman, padala ho ni Mr. Lee, ‘yun bang kebigan ni Gobernor. Siya ang nakakuha ng konsesyon sa lugar ninyo.  Pagdamutan na daw ninyo ito.”

Isang sakong lumang damit at isang kahong sardinas. Pwa!

“Magpapasok na sila ng buldoser, Apung Uman, para gumawa ng kalsada.”

Ang damuhong si Konsehal Piring! Noon pa’y nagpasabi na kaming wala kaming ibang pinagkukunan ng kabuhayan kundi sa itaas ng Diangin, ano’t pumayag pa siyang maging kapatas sa intsik? Pwa!

Muling nagbilot ng maskada ang matanda.  Manuyu-nuyo ang kanyang lalamunan sa pagkakaalala sa nakaraang pakikipag-usap nila sa kinatawan ng trosohan. Diumano’y may permiso sa pamahalaan ang kanilang pagputol ng kahoy. Nariyang sabihing sila raw, sila ngang mga Dumagat din ang makikinabang sa gagawaing kalsada sa konsesyon.  Madali daw silang makakapunta sa bayan.  At ang kanya namang naisagot bilang pinakamatanda sa mga Dumagat doon, sinabi niyang ayon sa kinatawan ng gubyernong nakipulong sa kanila noon, noon pa, na ang bahaging iyon ng bundok, ang bundok na pinagmumulan ng mga bukal ng Ilog Diangin ay reserbasyon daw, reserbasyon para sa kanilang mga Dumagat.  Kaya inaasahan niyang susuportahan siya ni Konsehal Piring, siya na konsehal sa kanilang sityo, pero ano ngang nangyari, siya pa ang tumayong kapatas ng intsik, ang kapatas ng sinasabing si Mr. Lee na ni anino ng pagmumukha’y di pa niya nakikita.

Ang marami pa nito, ibinabawal na ng mga gwardya ng trosohan ang pagpapsok ng mga di trabahador sa lugar na pinagpuputulan ng kahoy.  Diumano’y may mawawalang mga kagamitan. Ayaw nilang may nasisilo roon para sa baboy ramo, animo’y napakasagradong lupain.  At saan na nga kaya kukuha ng ikabubuhay ang mga tulad namin? Ang malalim na pag-iisip ng matanda ay pinukaw ng mainit na salabat na naglandas sa kanyang lalamunan. Isang  baong kininis at ginawang malukong, animo’y mangkok, ang siya niyang pinagsalinan ng mainit na salabat.  Hindi lamang pinukaw nito ang kanyang pag-iisip, ang mainit na katas ng maanghang na luya ay gumising din sa kalam ng kanyang tiyan.

Nagkakaingay ang mga tao sa hulo ng ilog nang taluntunin ni Apung Uman. Isang bangkay ng maninilo ang natagpuang  nakasalalak sa mga sukal sa isang lumikong sapa sa ilog Diangin.

“May tama po na bala sa ulo!” isang batang Dumagat ang nagbalita sa kanya.

“At bakit daw.”

“Siya daw po ang nagtangkang pumasok sa pinagtotrosohan kagabi,” humihingal ang isa pa, “ay pinaputukan po ng mga gwardiya!”

Napagkilala pong si Egong na taga-Buloy.”

Nakisiksik ang matanda. Di  magkamayaw ang mga tao.  Naroroon ang ilang niyang mga kapitbahay.  May ilang nakasalit na taga-ibaba ng ilog, mga mangangahoy, mag-uuling. Ilang mga batang Dumagat ang sinensyasan niyang umuwi.  Nakaluwa ang mga mata ng pinaslang. Bakbak ang bungo sa kaliwang bahagi at tinangay wari ng punglo ang isang tenga niyon.  Sa katawa’y nakahantad ang mga pasa, mga bali sa braso at wakwak na laman sa hita.  Maaaring tinangay iyon ng agos at ibinalibag sa mabababang mga talon.  Sa anyo ng namatay, mababakas ang karalitaan sa sinulsihang pantalon at sambra.

“Ay, may nagpabalita na ba sa mga kaanak niyan?” Si Apung Uman habang hambal na nakamasid.

“May tumakbo na po, Apung.”

“Ay, hala, isaayos, isaayos na ‘yan at kailangang maihatid na sa baryo.”

Ibinalot ng mga naroon ang bangkay sa isang lumang tolda at tinangkas ang magkabilang dulo’t pinasan sa pamamagitan ng isang mahabang putol ng kahoy.  Nakabitin doon ang tolda.  Halinhinang pinagpasa-pasahan ng malalakas na kalalakihan ang bangkay at unti-unti, tila prusisyong itinawid-tawid nila iyon sa ilog ng Diangin tungo sa Buloy.

Nang gabing iyon, nag-usap-usap ang mga magkakapitbahay sa gilid ng ilog Diangin. Ipinatawag iyon ni Apung Uman. Hindi lamang sa malagim na pangyayari sa pagkamatay ng maninilo, na sa pakiwari’y isang marahas na babala sa kanila, kundi sa paabot ni Konsehal Piring na pinaalis sila ng konsesyon sa baybay-ilog. Saklaw iyon ng konsesyon at binabalak na gawing logpan—imbakan ng kapuputol na kahoy na ihahatid ng mga buldoser patungo roon upang ayon sa mga nagpaabot ay maging mabilis ang pagpasok at paglabas ng mga trak na de karga.

Sa labas, humahagupit ang hangin. Unang ulan iyon sa buwan ng Mayo.  Walang babala ng bagyong darating subalit ang paghaplit ng hangin ay tila pagdalaw ng isang ligaw na panahong kaytagal na di dumaraan sa kanilang lugar. May bahagyang tulong numumunulas sa anahaw na bubong ng kubo ni Apung Uman. Hindi na niya nahuhulipan ang mga sirang bahagi ng bubong. Nangako noon si Aying na ito ang mag-aayos ngunit di na naasikaso nitong nakaraang mga araw, marahil sa pag-aakalang di pa darating ang ganitong katinding pag-ulan.

Nakatunghay ang lahat, pabilog sa isang mahinang liwanag ng kinke. Si Apung Uman ay pasalagmak na nakaupo sa isang bahagi ng lupang ibaba ng maliit niyang tulugan.  Maliit lamang ang kabahayan.  Ang malaki ay ang nasisilungang bahagi ng dapugan na alaga na niyang gatungan upang ipantaboy ng lamok lalo na noong nakaraang mga araw na masigip ang alinsangan.  Ang ilan niyang mga anak na may dalang mga bata ay patuloy sa pagsaway sa malilikot niyang apo.  May ilang mga batang umaatungal bunga marahil ng gutom sa alanganing oras na iyon ng pag-uusap. Mag-iikapito ng gabi at madilim na sa paligid.

“Hindi ba tayo maaaring humingi ng tulong ke Meyor?” si Tandang Damaso, ang Igorot na may kaingin sa palispisan ng unang gulod patungo sa bundok.

“Oo nga naman, aba’y saan tayo pupunta pa?” Matigas ang tinig ng Ilokanong si Lakay Kanor.

“Ay, oo nga, hindi ba’t lahat naman tayo’y magkakaroon ng problema, kami man ng aking mga anak ay wala nang mainam na mapupuntahan.” Inilabas ni Apung Uman ang maliit na nilalang yantok na lalagyan ng maskada. Matapos kumuha roon ay iniabot sa kanyang mga kaharap. “Dati-rati, kami’y nariyan sa hulo ng ilog, dito kami napunta’t maganda nga at nang tayo’y magkakalapit-lapit. Pero, ewan ko, si Konsehal Piring ay di ko maunawaan, ang Intsik na sinasabi niyang may-ari ng trosohan ay di natin nakakaharap.  Hindi ba’t ang sabi ng kapatas, ‘yang Intsik na ‘yan ay kebigan ni Gobernor? Pwa!” Bumakas sa  mamasa-masang lupang tinatapakan ng matanda ang mapulang mantsa ng nganga.  “Ku! Wala tayong maaasahan diyan ke Meyor!”

“Subukan po kaya naming makiusap sa kanila, Apung?” ani Aying na matatag na nakatitig sa kanyang nuno.

“Huwag na, Aying. Alam mo naman ang mga iyan.” Sansala ni Tandang Damaso.  “Kung kami na nga na kahit paano’y nakakausap  ni Konsehal ay mukhang di pakikinggan, kayo pang mga bata.”

Anasan. Ang palahaw ng mga bata’y sumasaliw sa patak ng ulan sa bubong ng dampa. May ilang mga palapa ng niyog na bumabagsak sa di kalayuan.  Sinimulan  ni Apung Uman na paliyabin ang dapugan upang maglaga ng salabat.

“Baka po sakali, walang namang mawawala.” Matiim ang kisap ng mata ni Aying.  “At ipagsasama ko po ang aking mga pinsan, di man tayo payagang manatili, kahit payagan man lamang kaming makahila ng yantok sa loob ng gubat.”

“Huwag na, huwag na, Aying.  Kilala ko sila.”

Humupa na ang ulan nang magpasyang umuwi ang mga nakatipon.  Taglay ang pira-pirasong kahoy, buho na nagsilbing pinakasulo, nagkani-kaniyang landas ang mga bisita ng matanda. Ipinasya na rin niyang lumabas upang damhin ang malamig na hamog sa labas.  Hamog na lamang pero iyon ay nakatighaw sa tuyong lupa at mga batong nasa gilid ng ilog Diangin.  May bahagya pang kulimlim sa kalangitan at posibleng bago mag-umaga ang ulan ay muling dumalaw.

Tinanaw ni Apung Uman ang ilaw sa malaking logpan sa itaas ng bundok.  Sa bahagyang pag-aasap-asap ng paligid matapos ang ulan, ang silahis ng liwanag niyon ay tumatagos sa mga nakasalit na punongkahoy at naglalagos at tumatama sa kumikiwal na ilog Diangin.

Malamig sa labas ngunit siya’y nakakadama ng alinsangan.  Ah! Sa ganitong panahon, naalala niya, noong sila pa ang naninirahan sa baybay-dagat ng Baler hanggang sa pinakagilid ng bundok Dingalan, silang mga bata’y nagsisipaglaro, nagtutugisan sa tabing-dagat. Madali lamang ang manghuli ng isda. Ang matatandang babae’y silang bahala sa pag-iihaw at pagluluto ng kamote. Nanghuhuli sila ng hipon, palos, baludong.  Malalaki ang mga banak noon, ha! ha! ha! At oo, naalala pa niyang nasugatan siya sa isang pakikipagsagupa sa mga Igorot noong kabinataan niya. Ay! Kahit ganoon, masaya kami noon! At siya’y napadipa nang malaki, tila ibong sabik sa pagkampay matapos ang isang mahabang pagsiksik sa butas ng kahoy na nagsisilbing pugad kapag umuulan, ha! ha! ha! Ay! At dumating noon ang mga dayo, kasama ng mga sundalo at may dala silang papel.  Kung di mga sundalo ay armadong mga tulisan, mga bandido, nang-aagaw ng pagkain.  Mga tulisan, hindi kagaya ng mga armadong nakakasulubong niya sa bundok at kamakaila’y nakipagkita sa kanya.  Kaiba nga sa mga sandahatang nakikilala niya na nagtatawagan ng Kadua, kadua! At nangangako sa kanyang tutulong, makikipag-usap sa paglutas ng kanilang mga problema anuman ‘yon.  At ganuon ng ganuon, kung di sundalo ay armadong tulisan ng mga mangangamkam.  Ganuon nang ganuon hanggang sa sila’y ipadpad ng kapalaran sa gilid ng ilog Diangin.

Mabagal na binagtas ng matanda ang daang taong nilalandasan niya patungo sa gilid ng ilog.  Dinama ng kanyang yapak na paa ang putik, sariwang putik na nakapanikit sa kanyang talampakan.  Kaysarap paglunuyin ng tinitibak na paa sa basang lupa!  Mabagal pero ilang sandali’y nasa gilid na siya ng ilog.  At doon, gaya ng dati, hindi ang sanghaya, hindi ang misteryo ng kalinisan ng tubig sa kanyang kabataan ang muli niyang nakita, kundi mga putol na kahoy, mga tuod, mga lagas na sanga, bulwak ng tumapong langis, banlik, mga luganggang na talahib at lumot ng mga kimpal ng putik na inaagos ng marahas na lagaslas ng ilog na kanyang kinukunan ng inumin.

Madilim-dilim na’y di pa dumarating sina Aying. Kaninang umagang magpaalam ang mga batang iyon ay nagsabi sa kanyang darating sila bago mananghali. Kukunin lamang diumano ng mga ito ang mga taling yantok na ibinunsod nila sa may luwasan mula sa mga  nahilang yantok malapit sa bondari ng Bulakan.  Papadilim na’y wala pa sila. At ang kaba’y pumupuno sa dibdib ng matanda. Payapang-payapa na ang paligid matapos ang pag-ulan sa nakaraang gabi.  Bahagya ang halumigmig ng hangin.  Ang mga bahay at kubong nakabaybay sa ilog ay nagsimula nang magsindi ng gasera at kanina pa’y nakaluto na rin siya ng sinaing.

Gumapang ang liwanag na nagmula sa isang sulo buhat sa hulo ng ilog. Nagkakaingay, at iyo’y di nakaila sa matanda. Kinuha niya ang kanyang tungkod at ibinalabal sa katawan ang luma, punit at malibag na sambra.  Sasalubungin n’ya ang mga paparating.

Nakalungayngay  si Aying sa mga brasong bumubuhat dito. Duguan ang noo, tila walang malay.  Pamaya-maya’y pumisig ito at umungol. Sa damit nito’y nakalatay ang bakas ng dugo buhat sa likuran.  Ang kaliwang kamay ay nabebendahan ng duguang piraso ng basahan.  Marumi ang buong katawan.  Pasugod na niyakap ng matanda ang apo.

“Nasaltikan po ng kable ng birada,” paliwanag ng isang nakababatang pinsan ni Aying.

“Ay, paano ba ang nangyari?”

“Kanina po kasi’y niyaya niya kaming pumunta sa trosohan at siya daw po’y makikipag-usap sa kapatas, kung naroon.  At doon nga po’y natagpuan niya ang kapatas.  Inilayo po siya sa amin at sila raw po’y mag-uusap.  Dinig  po nami’y sumisigaw ang kapatas at nang huli po’y si Aying naman ang sumigaw. Hindi, hindi po siya nakikipag-away, ang sigaw po niya’y sigaw na parang nasaktan!” Ang hingal ay di maalis sa nangungusap.

Ang pag-ungol ni Aying ay tila mas marahas na lagaslas ng agos ng ilog at iyo’y tila bumabangga, bumubundol sa dibdib ng matanda.  Inaapoy si Aying ng lagnat.  Pinagpala nila ang sugatan.  Nilanggas ng mga babae ang mga sugat nito sa noo at likod sa pamamagitan ng nilagang dahon ng kasuy at pagkatapos ay binalutan nila ng  pinitpit na dahon ng ikmo.

Hindi makayanan ni Apung Uman ang ganoong tanawin.  Waring kinakausap ang sarili, isinandal ang pagod na katawan sa isang malaking batong ginagawa niyang pahingahan sa gilid ng ilog.  Doo’y nalulungkot siyang  tanawin  ang kiwal-kiwal na sanga-sangang sapa ng ilog Diangin.  Kulay-banlik pa rin iyon.  Tangay ang mga kimpal ng dahon, putik, mga nabaling sanga, tuod, lagas na talahib.  Sa ibabaw ng bundok, mayabang na nakayuko sa kanya ang higanteng ilaw sa logpan at ang kinatitirikan nitong bangas na pisngi ng bundok.  Sa isip ng matanda, sumasalit ang nakahahambal na ungol ng apo, ang katanungang sila ba’y mananatili o aalis.  At saan sila pupunta?  At muli, naulinig niya ang ugong ng buldoser, ng mga umaahong trak ng troso, ng mga nag-uunahang pagbaba ng mga trak na may karga ng pinutol na narra, lawaan, almasiga, mga ingay na sinisikap basagin na malakas ding ungol ng ilog Diangin, at si Apung Uman ay bumuo ng pasyang siya lamang ang nakakaalam.

Panaka-naka ang hampas ng halumigmig na hangin.  Lumura si Apung Uman at tinangay iyon ng nag-iipo-ipong tubig.  Sa kanyang kinauupuang nakausling batong nakatunghay sa ilog, tiningnan niya sa kalangitan ang naghahabulang ulap sa papawirin.  Papalayo ang mga iyon at tila nais ipadpad ng hangin kung saan.  At nasilayan niya ang sumungaw na buwan mula sa pagkakanlong sa mga ulap.  Minasdan niya ang buwan.  Kabilugan nga palang  buwan ngayon, naisip niya. Pero ang buwan, sa kanyang naghuhumindig na pagdipa sa kalangitan ay pulang-pula, tila dugo o tila sapal ng ngangang tinangay ng nag-iipo-ipung tubig kanina.

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1