KA FERNAN

Liham

 

AKO’Y ISANG KASAPI ng Partido na kumikilos sa isa sa mga rehiyon ng hilagang Luzon.  Inspirado ng ikalawang dakilang kilusang pagwawasto, kabilang ako sa mga nagpasyang tumungo sa kanayunan matapos magtakwil at makipatunggali sa mga rebisyunistang taksil na nakabase sa Metro Manila noong 1993.

Nagagalak ako sa nasaksihan natin ngayong pagpapanibagong-lakas ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa. Ito’y totoo kahit sa mga  rehiyon na relatibong mas maliliit ang mga organisasyon ng Partido, hukbong bayan at baseng masa. Kagaya na lamang sa rehiyong Ilocos na kinikilusan ko rin matapos akong sumampa sa BHB.

Ang Partido at rebolusyonaryong kilusan sa Ilocos ay isa sa mga maagang sumalubong at yumakap sa kilusang pagwawasto na nagsimula noong 1992.  Hindi ito nakapagtataka dahil  kabilang sila sa mga malubhang sinalanta ng maling linya ng abdenturismong militar at mabilisang tagumpay militar.  Kabilang din sila sa mga nagsagawa ng mga ilang hakbangin upang iwasto ang mga nakikitang pagkakamali at paglihis nang mas maaga pa sa 1992. Bagamat ang mga hakbanging ito ay magiging epektibo lamang sa balangkas ng komprehensibo, malalim at masaklaw na kilusang pagwawasto.

Noong Abril 1994, ang pinalaking plenum ng komiteng rehiyon sa Ilocos ay naglagom ng karanasan ng rebolusyonaryong kilusan doon mula 1987  (nang buuin ang komiteng rehiyon) hanggang 1992. Dito ay muling nakumpirma ang mga pangunahing pagsusuri at kongklusyon ng ikasampung plenum ng Komite Sentral ng Partido; natukoy at napuna ang mga partikular na paglihis at kamaliang naganap sa rehiyon at mga partikular na responsibilidad sa mga ito ng panrehiyong organisasyon ng Partido; mas malalim na naunawaan ang nagdaang rebolusyonaryong praktika, positibo man o negatibo; at kung gayo’y malinaw na naiguhit ang wastong linya ng pagsulong.

Pagkatapos ng paglalagom, higit kaysa kailanman ay naging mas mahigpit ang pagkakaisa at mas matatag ang kapasyahan ng mga kasama na isulong ang mga gawain.  Ito’y sa kabila na ng malaking bilang ng mga kadre’t mandirigma ay baguhan pa sa gawaing masa na siyang diin ng mga rebolusyonaryong gawain, maliit ang bilang ng pwersa kumpara sa napakabigat na mga tungkuling nakaatang, at tuluy-tuloy ang malalaking operasyon ng kaaway.

Gayunman sa pagtangan sa wastong linya ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa lumalawak at lumalalim na baseng masa, hindi nagtagal ay naibuwelo ang mga rebolusyonaryong gawain at nagtamo ng mga panimulang tagumpay sa pagbubuo ng baseng masa.

Sa halos buong taon ng 1994 ay napabilang ako sa isang yunit ng BHB na kumikilos sa bahaging timog ng rehiyon; pero magdidiin ako sa pagtalakay sa huling dalawang buwan ng pagkilos ko doon, nang magbukas kami ng bagong eryang kikilusan. Sa loob lamang ng panahong ito, nakilusan at nabuksan ang eryang ang saklaw ay halos katumbas ng isang munisipalidad, nakapaglunsad ng rebolusyonaryong propaganda sa daan-daang mamamayan, at nakapagtayo ng ilang panimulang saligang organisasyong masa.

Nagawa ang mga ito dahil unang-una’y nadala ang linyang anti-pyudal na angkop sa kongkretong kalagayan ng lugar na kinikilusan.  Gayundin na ang pagmumulat at pag-oorganisa ay pangunahing nagdidiin sa mga maralita at mababang-panggitnang magsasaka at manggagawang bukid, nagdidiin din sa mga panggitnang magsasaka, habang ininunyutralisa ang mga mayamang magsasaka at pinopokusan ng atake ang mga panginoong maylupa na usurero’t  komersyante rin. Malaking kaibahan ang mga ito sa panahon ng adbenturismong militar na ang pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa sa masa ay sa pangkalahatang antas lamang ng anti-pasismo at kinakaligtaan ang rebolusyonaryong linya sa uri sa kanayunan.

Sa unang pagpasok sa mga baryo, ang prayoridad naming gawain ay ang panimulang panlipunang pagsisiyasat  sa mga ito upang gayo’y makapagtakda ng angkop na linyang pampropaganda at mga paraan ng pagkilos. Pero isinasabay na rin ang rebolusyonaryong propaganda sa pinakamalawak na posibleng bilang ng masa.  Naisasagawa ito sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa mga indibidwal, pagtitipon sa mga nakatira sa isang tumpok na bahay, isang purok sityo o baryo—depende sa kalagayang panseguridad at praktikalidad. Ang prinsipyo rito ay pleksibilidad at pagkamapangahas kasabay ng istriktong pag-iingat.

Maliwanag pa sa sikat ng araw ang dominasyon ng pyudalismo at malapyudalismo sa Ilocos.  Kaya naman ang pagsasamantala ng mga panginoong maylupa sa masang magsasaka  sa pamamagitan ng 75-25 hanggang    50-50 partehan sa ani; ang sistemang usura na ang pinakamalaganap ay ang 50 porsyentong  interes sa pautang na pumipiga laluna sa mga magsasakang kandarapa sa paghahanap ng puhunan sa pagtatanim ng tabako; ang mahal na presyo ng abono, pestisidyo at iba pang gastos sa produksyon; at ang pambabarat sa mga produkto ng magsasaka laluna ang tabako, na naghahatid ng limpak-limpak na ganansya sa mga kumprador at pondo sa reaksyunaryong estado—lahat ng ito’y mabisang nailalantad sa masang magsasaka, naikakawing sa pangkabuuang kondemnasyon sa purgatoryong kung tawagi’y malakolonyal at malapyudal na lipunan, at nagbibigay-batayan sa pangangailangan ng demokratikong rebolusyong bayan.  Muling ipinakita ng karanasan na sa mga lugar na mas malaking bilang ang naabot ng rebolusyonaryong propaganda, mas madaling nakakapagpasulpot ng kontak at nagiging mas “maluwag” ang pagkilos sa susunod na pagbabalik doon.

Sa mga sumunod na pagbabalik sa mga baryo, ang naging mga pangunahing gawain namin, maliban sa pagpapalalim ng panlipunang pagsisiyasat at pagpapalawak ng naabot ng rebolusyonaryong propaganda, ay ang mga panimulang hakbang sa pagtatayo ng mga organisasyong masa.  Paisa-isa o pagrupu-grupong kinakausap ang mga target na oorganisahin, na kadalasa’y mga naabot na ng rebolusyonaryong propaganda, upang hikayatin sila sa kahalagahan ng pag-oorganisa.  Sa mga susunod pang pagbabalik, ang mga panimulang naitayong grupo ng mga magsasaka, kabataan  at kababaihan ay hakbang-hakbang na pauunlarin ayon sa prinsipyo ng solido at lahatang-panig na pag-oorganisa.

Sa mga naitayo nang organisasyong masa, ang pangunahing naging gawain dito ay  ang pagbibigay sa mga kasapi ng oryentasyon ng pagkilos; mga pampulitikang pag-aaral bilang susi sa pagpapatibay ng kanilang paninindigan at upang maarmasan sila sa kanilang gawain sa propaganda, pagpapalawak at iba pang tungkulin; at panimulang pagsasanay sa pagpapatakbo ng organisasyon at pagsasakatuparan ng mga gawain.

Mahalagang bahagi rin ng pagbubukas namin ng bagong erya ang pagpili ng estratehikong kalupaang kikilusan at ang wastong timbangan ng gawaing ekspansyon at konsolidasyon.  Iniiwasan naming ikupot ang aming pagkilos sa iisang munisipalidad at sa makipot na pulutong ng mga sinisimulang konsolidahing baryo; gayundin ang labis na pagkabanat ng bunga ng napakalawak na eryang kinikilusan.  Bagkus ay pumuwesto kami sa hangganan ng tatlong munisipalidad at inilarga ang gawaing ekspansyon habang inihahabol ang konsolidasyon ng mga naabot na (sa ratio na 4:1).

Siyempre pa, magiging mas madali lamang ang mga gawain kapag ang pinakamalaking posibleng bilang ng kadre’t mandirigma sa isang yunit ng hukbo ay may karanasan sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa.  Kaya kasabay ng gawaing masa at iba pang gawain ay isinabay namin ang panloob na konsolidasyon ng yunit ng Partido at Hukbo, tulad ng pagbibigay ng mga pang-ideolohiya at pampulitikang pag-aaral sa mga pagsasanay, halimbawa, sa paglulunsad ng mga talakayang masa, atbp.  Upang  umandar nang lahatang-panig ang gawaing masa, kailangang ihanda rin nang lahatang-panig ang “makinarya”—ang Partido at hukbo.

Sa kabila ng mga natamong panimulang tagumpay ay marami pang mga suliranin at kahinaan ang kinaharap ng mga kasama sa Ilocos, mga suliranin at kahinaang sa saligan ay mga labi ng nagdaang mga paglihis at pagkakamali. Pero ang mas mahalaga’y nagsimula nang magpanibagong lakas ang rebolusyonaryong kilusan doon.  Hangga’t tinatanganan ang wastong linya’t mga prinsipyo; hangga’t tuluy-tuloy ang pagtukoy at pagwawasto ng mga kahinaan, kapwa ang mga mayor at lantad at mga mas maliliit; at hangga’t matiyaga at malalim na lumulubog sa masa at nagpupursige sa puspusang pakikibaka, ang mga panimulang hakbang ay tiyak na tutungo sa mas makabuluhang mga pagsulong.

 

                                                                                      Ka Fernan

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1