JUN CRUZ REYES

Alias Mario

 

MATAGAL KO NANG gustong isulat ang buhay ni  Mario, pero hindi ko alam kung paano ito uumpisahan.  May balangkas na ito, may mga kaukulang datos,  tulad halimbawa ng pangalan. Pero kulang. Paano ba ikukwento ang kulang?  Wala namang  taong Ka-Mario-Mario lang. May apelyido siyempre ang tao, may palayaw at may alias.  Yun lang huli ang mayroon si Mario, alias Mario. Siya’y isa sa pangalang ibinigay niya. Ewan kung anong ginamit niya alias kahapon at lalong ewan kung ano ang pangalan niya sa lugar na pinagpanganakan sa kanya. Siguro nga’y  hindi mahalaga ang pangalan sa kilusan, lalu na’t punto ng seguridad na ang pag-uusapan.  Saka  wala na rin daw siyang mga magulang. Pero tiyak na si Mario ay isang totoong  taong hindi putok sa buho tulad nina Malakas at Maganda. Sa madaling salita, mahirap siyang igawa ng kwento.

Ang tangan ko ngayo’y ilang papel na sinulatan ng ilang impresyon na galing sa ilang obserbasyon, at sa ilang talang ibinigay niya ng kusa, sa kapirasong oras na nakaipagkuwentuhan siya.

Mataas si Mario kaysa pangkaraniwan. Pwedeng manlalaro ng basketball, danga’t may bahagyang pag-ika sa paghakbang.  Mukha siyang napakasersyosong tingnan. Hindi kasi palasalita at bihira ring makihalubilo.  Doon siya agad mapapansin.  Sino ba yung taong titingin-tingin lamang? Ang ibang detalye’t idinagdag ko na lang para mabuo ang kwento.  Hindi kasali ang puno, hangin at ibang elemento sa kwento ni Ka Mario.

Kung bakit kasi ang tao, kapag iniharap sa kapwa at itinuring na kasama, tiyak na mag-uusap. Pero paano ba mag-uusap ang di magkakilala, sa isang lugar na hindi kabisado ng dumating na bisita na galing sa kung saang hindi naman kabisado ng dinatnan?  Magkaiba ang karanasan.  Magkaiba ang lama sa buhay at magkaiba pa rin ang alam na wika.  Putul-putol ang mga usapan. Saka lahat silang magkaharap ay matatahimik.  Walang magsasabing pare-pareho tayong nahihirapan.  Dadaanin na lang ang  harapan sa ngitian. Doo’y agad nagkakaintindihan.  Saka ang kasunod noo’y mahaba na namang katahimikan. Kanya-kanya na namang gana ng isip, sa panahong itinitiklop ng isa’t isa ang dila. Dadaanin sa  pakiramdaman.  Saka ang balsada ng marami at mahahabang mga katanungan. Isang paraan nang panghihimram ng karanasan, ng pagkatuto. 

Noon nakahalata si Ama.

“Kape, kape?” yaya niya.

“Aba, opo, Ama. Salamat.”

Pambasag katahimikan iyong hinihintay ng lahat sa nagkakahiyaang harapan.  Bakit nga hindi, masarap ang kanilang kape at tanging iyon lamang ang sagana sa lugar nila, kaya hindi nakakahiyang tanggapin agad ang alok.

Kung bakit naman kasi biglang nawala sin Manong, ang tanging kasama naming nakakaintindi ng Ilokano at ilang salita sa Kordilyera.  Naiwan akong mamata-mata.  Siguro’y may iba namang ini-interbyu si Manong sa paligid ng pamayanan.  Kay ganda na sana ng paksa ng usapan.  Tungkol kay Lola (ina ni Ama) na di umano’y nakakita kay Emilio Aguinaldo noong mahuli ito sa Palanan, Isabela. Iyon lamang ang inuulit-ulit na ikinukwento ni Lola sa mga dayuhang naliligaw sa lugar nila.  At ang pinakahuli nitong natatandaang pangulo ay si Ramon Magsaysay.  “Sinong Cory?  Lalaki ba ‘yon?”

Si Ama naman ang nagdagdag sa pinakahuling pangyayari sa kanilang bayan.  May dalawang taon lamang ang nakakaraan, pinasok ang kanilang tribo ng mga sundalo ng pamahalaan.  Mga NPA ang hinahanap, pero nang walang makita, ang beads ng mga kababaihan ang napag-initan nila, saka syempre ang mga alagang baboy at manok, at di basta ibinibenta ng mga Kalinga dahil inuukol iyon sa mga ritwal. Kung bakit galit talaga sa hayup ang mga sundalo.  At kung bakit din ang turing nila sa tao ay hayup din.

At ang kape?  Kumukulo na ang kaldero Laking kahihiyan nang maghalungkat si Ina sa lalagyan nila ng kasangkapan. Heto’t magkakape sila, pero wala na palang mailalaga.  Merong asukal, pero aanhin iyon?” Asin, mantika at asukal lamang ang nabibili sa tindahan.  Kung kapos sa gamit, magtiis. Paano na ang mahigpit na paanyaya.

Bumaba ng bahay si Ina, manghihingi ng kape sa kabilang bahay. Binuhat naman ni Ama si Lola, itinabi sa kakalanan para ito’y makasagap ng init ng apoy.  Saka nagbuntunghininga si Ama.  Pakiramdam ko’y nahihiya siyang nag-anyaya sa wala.  Di ko naman masabing huwag na pong mag-alala at hindi naman iyong problema.  Pwede ring nababagot na siya dahil wala na kaming mapag-usapan.  Sinagot ko ang katahimikan sa pamamagitan nang paghugot ng sigarilyo sa bulsa.

“Manigarilyo muna tayo, Ama.”

“Agyamanak, Ading.” (Salamat, kapatid.)

Nakangiti niya itong kinuha. Pahitit-hitit at pabuga-buga. Halos mauupos na ang aming mga sindi, na isinasabay sa paminsan-minsang pagtatapon ng tingin sa kakalanan na akala mo’y doon manggagaling ang hinihintay, nang dumating si Ina, masaya, may bitbit na kaldero ng luto ng kape. Nakakuha raw siya ng kape, ang problema’y wala namang asukal ang mga nakuhanan niya.

Kasunod si Mario, ang NPA sa kabilang bahay na naghahanap naman pala ang asukal.  Kangina pa raw niya iyon niluto, pero hindi mainom dahil sa sobrang pait. Kaya parang barter ang nangyari.  Pagsamahin ang naroon at mababawasan ang kulang, pare-pareho silang makakatikim ng kape. Masarap ang pinaghalong tamis sa pait.

“Kumusta, kadua (kasama)?” bati niya. “Su met laing (pareho rin),” pagmamalaki ko sa isang bulsang salitang Ilokanong nalalaman ko. Napangiti siya pero hindi ako sinagot ng Ilokano.  “Makikikape rin sana ako, kadua.”

Isa si Mario sa security namin sa lugar na iyon.  Palagay ko’y pinili siya, dahil sa lahat sa kanila’y siya ang sa wari  ko’y pinakaalertong tingnan.  Laging gumagalaw ang itim sa kanyang mata.  Parang ginagalugad ang paligid at pati na rin ang kaluluwa ng kausap.

Nagkwento ulit si Ama, habang si Ina nama’y nag-uunab na ng sinaing.  Tungkol sa kanilang pangangaso, tungkol sa mga pakikidigma nila sa mga Hapon noong araw, tungkol sa pagkikidigma nilang mga Kalinga sa kasalukuyan.  Taimtim kaming nakikinig ni Mario.

Maya-maya’y nagkwento na rin si Mario. Sa puntong ito’y tinutulungan na namin si Ina na maghimay ng magugulang na sitaw. Isa-isa naming hinahagod ng daliri ang mga buto.  Ang medyo sariwa pa’y pinuputul-putol ng mga isa’t kalahating daliri  ang haba.  Iniiwasang matapon ang mga buto. Iyon ang aming hahapunanin mamaya.  Hanggang naitanong ko kung paano siya naging NPA.

 

Marami nang pagbabagong nagaganap sa bayan nina Mario.  Noong una, tulad ng marami pang iba sa kanila, hindi niya iyon ikinababahala. Wala pa namang malinaw na direksyon ang mga pagbabago, kaya hindi pa nila agad matukoy kung iyon ay matatawag na progreso-asenso o malas-atras kaya. Halimbawa, ang ilog na pinanggagalingan ng patubig sa bukid ay parang nagtampo na di  mawarian ang susulingan.  Dati’y may panahong tabang iyon, na aabutan lamang ng alat kung matindi na ang init. Buwan iyon ng Marso’t Abril nangyayari.  Di nila iyon ikinababahala.  Isang buwan pa at darating na ang ulan.  Huhugasan noon ang alat, kasabay ng unang patak ay ang paghahanda sa mga pinitak.  Ganoon ang kinagawian.

Iba na ngayon. Mas madalas na alat ang tubig kaysa tabang. Bihira na ring umulan. At kung umulan man, iyon ay wala na sa panahon.  Di na malinaw  ang pagitan ng tag-ulan at tag-araw.  Pwedeng pagbali-baligtarin ang panahon at wala namang ipagbabago.  Hirap na rin ang isang magsasaka.

O.a. ang kalikasan.  Pag umulan nang malakas, babaha. Pag-uminit nang mas matindi kaysa normal agad nagbibitak ang lupa.  Tila tumatanda na ang mundo.  At nag-uulyanin ang kalikasan.

Iyon ang panahon nina Mario at mga kababata.  Labingwalo pa lamang siya noon, 24 na siya. Isang binatilyong magsasakang nangangarap ding umasenso balang araw, na hindi siya papayag na matuyuan ng banlik sa pagitan ng mga  kuko, na hindi siya paparis sa kalabaw, sapagkat aahon at aahon siya sa putikan.  Kasing natural ng kalikasan ang mangarap.  Mga pangarap at pagtatanong.

Sa pari  niya unang narinig ang kahulugan ng mga nangyayari sa kanilang panahon.  Isang makatuturang sermon iyon. Narinig na rin niya iyon sa ilang taong napapasyal sa lugar nila na ganoon din ang paliwanag.  Saka nitong huli, pati ang ilang kababaryo ay ganoon na rin ang usapan. Naghahanap na rin ng kasagutan sa kanilang isip.

May relasyon ang nangyayari sa ilog, sa nangyayari sa bundok, sa nangyayari sa dagat.  May relasyon ang ekonomya sa pulitika.  Kay hirap unawain ng iba-ibang relasyon, sa simula.

Kinakalbo ang mga bundok.  Bumababaw ang mga ilog. Tinatamad nang kumilos ang agos.  At parang pabuya sa baligtad na pamamaraan, kanila ang lahat ng kapinsalaan, bagyo, baha at tagtuyot.

Saka ang kanilang pagkaunawa.  Hindi pala hulog ng langit ni sumpa ng impyerno ang nangyayari sa kanila.  Ang kanilang malalaking pulitiko ang siya ring may-ari ng malalaking lupain.  Ang mga ito rin ang kasabwatan ng mga mangangalbo ng kanilang kabundukan. Sila-sila ang, ang mga panginoon, ang tagapamansag din ng malalaking salita tulad ng demokrasya, pagkakaisa, at kasaganaan. Sila-sila ang pinagpala, ganoon ang papel nila sa kalikasan  ng mga relasyon.  Iba ang papel ng mga Mario sa mundo, hindi sila kasali sa kanilang uri ng mundo.  Tiwalag sila sa kanilang uri ng relasyon.

          Pulong-pulong. Paghahanap  ng solusyon sa problema. Pakikiisa, pag-uorganisa. Pag-aaral, pagpuprotesta. Sa dulo ng usapin, subersibo na pala sila.  Di nila iyon binalak, sa simula.

Isang hapong nakininig siya sa isang nagpapaliwanag na kasama kung ano talaga ang tanging benipisyong nakukuha sa baha.  Pagpapalayas lamang daw ng mga daga sa kanilang lungga sa bukid, para sa loob na ng bahay hambalusin, sakalit doon naman ito magangangatngat. Iyon lamang ang grasya ng baha,  ang makapag-ulam ng tapang daga.

Matindi ang init ng panahon ng hapong iyon, na ipinanlalagkit nilang lahat.  Hindi makuha ng lilim ng mga punongkahoy sa paligid ang pagsupil sa init.  Sabi nga nila’y nababagkat na ang kanilang mga pawis.  Sinasabayan na lamang nila nang paypay sa pamamagitan ng sambalilo ang kanilang talakayan. Nakakaantok din ang hapong iyon, danga’t hinahaluan ng mangilan-ngilang makahulugang biro ang seryosong usapan.

Nakiraan ang isang kakaibang katahimikan.  Wala ni ingay ng mga hayup.  Isang libong anghel diumano ang nakiraan, sang-ayon sa pagbibiro ng isa. Di nila nakuhang tumawa, ang katahimikan ay agad binulabog ng sunud-sunod na rat-tat-tat-tat.  Nagdapaan sila sa pagkabigla.

Malas ni Mario na siya ang nahagip ng bala sa hita.  Sa pagkabigla’y di niya malaman ang tamang reaksyon, kung titimbuwang siya o magtatago sa likod ng pinakamalapit na puno ng kamatsile.  Tuloy ang putukan, papalapit nang papalapit.  Hanggang tumigil. Saka nila napiho, hindi nga mga anghel ang dumating.

Napasandal si Mario sa puno ng kamatsile. Saka na lamang niya naramdaman ang pamamanhid ng kaliwang hita.  Halos daplis lang iyon, dahil hindi naputol, kaya hindi niya iniintindi, pero sagana ang agos ng dugo.  Wala rin siyang panahon para matakot.  Sa harap ng kalaban ay kailangang parating buo ang loob.

Napapaligiran na sila ng mga sundalo.

Swerte ang malas na si Mario. Dahil may sugat, agad siyang ipinasugod sa isang pampasaherong jeep sa pinakamalapit na ospital.  Kapkapan at bugbugan ang iniwanan niyang eksena.

Malas ang mga malalakas. Parang binali-baligtad na panahon, parang isang paglalaro ng taguan pong.  Sino ang hahabol?  At walang pwedeng umayaw sa oras na iyon.  May mapaparusahan sa larong hindi pantay ang labanan.

Maya-maya pa’y dumating ang provincial commander ng nasabing lalawigan.  Agad nitong ipinakita ang bisa ng kanyang pangalang may ranggo. Hindi siya basta isang komander lamang, isa rin siyang huwes sa akala niya.

“Sir, ano’ng gagawin natin sa mga ‘yan?” tanong ng isang sundalo. “Yariin na. Pag pinawalan pa, dagdag na kunsumi lang.  Kung ikukulong, pabigat pa sa atin. Hala.”

Dalawang buhay ang agad binuwis ng salitang hala.

Narinig pa ni  Mario ang ilang putok bago siya tuluyang nawalan ng malay. Matagal ang katahimikang iyon, makapal na balumbon ng kadiliman, wala siyang nakikita, may kaunti pang pandama, inumid ang sarili, pero pinipilit huwag isara ang tenga. Matagal na matagal.

Sa kanyang isip, binibilang niya kung ilan silang lahat.  Anim sila kanina, sina Ka Baste, Ka Teban, Igno, Romy at Marina.  Dalawa na ang tumumba.   Tiyak na si Ka Baste iyon, ito ang pinakaresponsable sa grupo, hindi ito basta-basta papayag na hakutin sila nang paganoon lamang. Tututol ito, mag-rireklamo, makikipagtalo. Nasa tama sila.  Walang basta na nagsasabing bawal ang magsalita.  At lalung hindi sila nanggugulo, naghahanap lamang sila ng mga kasagutan.  Alam niyon ni Ka Baste.  Si Ka Teban, hindi sila nito uurungan.  Tumanda na ito sa pakikilaban, tiyak na lalabulin sila ni Ka Teban kapag lumuku-luko sila rito.  Handa si Ka Teban, di umuurong sa labanan ang dating gerilya. Pwede ring si Igno ang maging biktima,  o kaya’y ang mga kabarkada niyang sina Romy at Marina. Sa isip niya’y hindi babanatan ang dalawa.  Hindi pinapatay ang mga bata, pinapalo lamang ang mga ito, iyon ay kung ituturing silang parang mga anak ng mga sundalo.  May anak din ang mga sundalo.  Pero pagpatay ang alam nilang trabaho.  Ganoon nila pinapasweldo. Kinabahan siya. Hindi si Marina, hindi pwedeng ito, kapag nagkaganoon, putang ama nilang lahat. Paglakas niya, uutasin niya ang mga umutas kanyang mga kasama.

Si Ka Teban si Marina pala ang mga inuna.

“Ikaw na naman matanda ka.”

Nagkaroon nga ng pagtatalo. Pero hindi nakakaintindi ng katwiran ang baril ng mga mersenaryo.

Isinunod si Marina.

“Ikaw babae ka, ano’ng ginagawa mo rito? Palaban ka ba?”

alam ni Marina ang kahulugan noon, ng salitang palaban.  Iba ang nasaisip ng nakangising kaharap.  May masama itong binabalak.  Nanlaban si Marina nang tangkang kakaladkarin siya. Kagat, sipa, tadyak at isang dura sa mukha ang iginanti niya sa kaharap.  Napikon ang sundalo.  Agad hinatulan ang palaban.

Hindi na rin pinatagal  pa ni Huwes Coronel ang buhay ng tatlo.  Doon sa kabayanan sila dinala. Walang gaanong tao sa bukid. Tiyak na nagsipagtago ang mga nakakita at nakarinig sa nagganap na putukan.  Wala nang matuturuan ng leksyon doon.  Sa kabayanan hinatulan ang mga swerteng nabuhay ng kung ilang oras pa. Walang teka-teka muna. Maging ang pamamaslang ay isa ring uri ng leksyon.  Saka ang mensahe ng Coronel sa taumbayan.

“O.K. Kung gusto ninyong mabuhay pa, huwag ninyo silang pamarisan.”

Ilang putok ang kasunod ng sentensyang O.K. unang putok, pababa ang pag-asinta, para lamang manlumpo.  Pangalawang putok, sa dibdib itinutok, para tiyaking duguan pati ang kaluluwa nila.

May iba pang tala.  Inimbistiga raw muna ang mga nahuli. Saka nang pagsawaang tortyurin, dinala sa isang ilang na lugar.  Kinabukasan, magkakaiba ang balitang umakyat sa bayan.  Iba  rin ang balitang lumabas sa pahayagan. Isang engkwentro di umano ang naganap. Apat na NPA at isang amasona ang napatay.  Walang nalagas sa panig ng pamahalaan.

May impit na sigaw na naririnig si Mario, pero hindi siya sumali sa kanila, kahit sa pakiramdam din niya’y hindi pa rin siya makahinga. Masakit ang buo niyang katawan, di na niya kayang idamay pa ang sakit ng kalooban.  May piring pa rin ang kanyang mga mata, pero nakikita niyang lahat ang nangyayari.  Namula ang ilog na pinagtapunan sa mga bangkay ng kanyang kasama.  Maging iyon ma’y ginawang isang halimbawa ng leksyong balintuna. Kung ililibing baka makalimutan kaagad ng mga saksi ang kanilang nakita.  Hayaang mamasyal ang mga bangkay sa sarili nilang kaya.  Sa bawat ilog-sapa hanggang karagatan, gagataw at gagataw ang mga bangkay.  Masasaklit ng mga lambat, masusuligi, iyaahon nang nasindak na nakasagip.  Kakalat ang marami pang balita, pag-uusapan nang matagal, mababatid ang mga dahilan, di na nga sila pamamarisan.  Magandang pataba sa lupa ang mga NPA, maganda rin silang pagkain para sa mga sugpo.

Labing-anim na araw siya sa ospital. Saka siya inilipat ng kulungan. Dalawang taon ang itinagal niya roon.  Nito na lamang niya natutuhang hindi pala bangungot ang kanyang pinagdaanan. Nang ganap na siyang matauhan, nagpatuloy sa pagitan ng mga gamutan  ang interogasyon. Tulala siyang nakamulagat.  Nakamasid sa mundo na parang walang nakikita.  Nang pormal na maibalita ng isang dumalaw na kaanak ang nangyari sa mga kasama, tumingin lamang siya sa kawalan, wala nang reaksyon sa mukha, ni  hindi umiyak kahit kapatak.  Naiwang lihim ang kanyang sumpa.

 

Pangalawang tasa na ang kapeng iniaabot ni Inang. Hindi naman nagsitanggi ang inalok, ni hindi nakuhang magpasalamat, natangay ang loob ng mga nakikinig.  Iniilokano at tinatagalog ni Mario ang kanyang pagkukwento para maintindihan ng lahat.

Alam na namin ang dahilan kung bakit siya malapit kay Marina.  Malungkot mabalo nang di pa nakakasal.  Maging si Lola, na ngayo’y nakahiga na sa kanyang banig ay nakatitig din kay Mario.  Siguro’y nagdaragdag ng mga huling tatandaan sa buhay.  Hindi na panahon ni Aguinaldo o ni Magsaysay. Si Mario ay halimbawa ng kasalukuyan.

At ganoon nga ang simula ng pagsapi niya sa kilusan.  Sa loob na ng kulungan niya ang natutunang hanapin ang mga nawawalang karapatan.  Lupa at hindi kulungan ang kanyang hinangad.  At heto siya ngayon sa loob ng isang pinalaking hawla sa kabaret ng Cagayan.

Hindi na rin siya gaanong naiinip, marami na siyang mga bagong kaibigan.  Tulad rin niya at tulad ng marami pang iba, pare-pareho silang namumroblema. Nalulungkot na nawalay sa mga minamahal. Nagagalit at sila’y pinagkaitan ng kalayaan.  Hanggang sa sila’y magkaisa.  Tutulan nila ang pamamalakad ng kulungan.  Idimanda sila kung idedemanda. Kung walang kasalanan ay dapat na palayain sila. Saka dapat na ituring silang mga tao, hindi hayop ni isang kriminal sa loob ng kulungan.  Nag-hunger strike sila.  Naipanalo nila ang kanilang mga kahilingan. Ngayo’y pwede na rin silang magpagamot at tumatanggap ng regular na dalaw.  Sa iba’y nagpapabunot ng ngipin ang kahulugan noon, para kay Mario, iyo’y ang maipagpatuloy ang buwanang check-up sa kanyang hita.

Pero may iba pang binabalak sina Mario.  Kung hindi sila kikilos ngayo’y baka mabulok na sila roon.  Totoong niluwagan sila, pero hindi pa rin pwedeng pyansahan.  Kailangan ng self-help para lumaya.  Unang hakbang, kinaibigan nila ang kanilang gwardya.

Isang araw ng Linggo, matapos manggaling sa ospital, di sila agad dumiretso sa kampo.  Niyaya niya ang gwardya na mag-inuman muna.  Sa isang malaking restorant sila nagpunta. Sagana sa pagkain at serbesa.  Paniniyak daw na hindi sila aabutin ng gutom sakali’t hindi sila maistima sa pupuntahan pang binyagan matapos ang kainan sa restorant.

Maraming handa sa pabinyag.  Nang lasing na ang kanilang escort, inagawan ito ng baril ng isang kasama ni Mario (apat sila). Pero hindi naman sinaktan.  Ipinaliwanag lamang ang ganito:

“Itinuturing ka naming isang kaibigan, lamang ay magkaiba tayo ng pinapanigan. Di ka naman sasaktan. Ayaw ka rin naming ma-discharge. Pasensya ka na. Lumakad ka na.”

At ganoon nga niya nasumpungan ang kalayaan.  Hanggang nagsanay at natutunan niyang  tumangan ng baril. NPA na siya.

Saka ko nadiskubre ang dahilan kung bakit sa pagsasalita ng kaharap ay titig na titig sa kanya.  Kung bakit parating napakailap ng mga mata niya. Bingi pala si Mario. Atentido sa pakikinig sa kaharap dahil binabasa ang galaw ng bibig.  Iginagalaw ang mata sa pagsunod sa inaakalang pinanggalingan ng ingay, pati kumpas ng hangin ay hinahanapan niya ng kahulugan.  Pero asintado pa rin siya.  Ganito naman ang kwento tungkol sa paghina ng kanyang pandinig.

Sa may Benguet siya idinistino matapos ang ilang buwang pagsasanay sa sandatahan. Doon na siya nasabak sa mga labanan. Pero maging ang isang mandirigm ang bayan ay may iba pa ring gawain.  Minsa’y naatasan siya magbigay ng seguridad sa pagbaba sa patag ng isang kasamang manganganak.  Anim silang naatasan.  Di madaling magbaba sa bundok ng isang buntis.  Kahit anong bagal ng lakad, di pa rin sapat ang pag-iingat. Isang araw ang itinagal nang paglalakad nila bago narating ang baryong may malapit na  kalsada. Ipinagpasiya ng grupo na isakay na ito sa isang jeep para hindi na gaanong mahirapan.  Halos mapairi na sa sakit ng tiyan ang kagampan.

Dalawa muna ang bumaba sa may daan. Naghanap ng maaarkilang sasakyan.  Iniwanan nila ang mga baril sa sukal.  Ang dalawang pinakaproteksyon ay inihabilin naman sa bahay ng isang kakilalang masa na siya nilang pinagpahingahan.

Dumating ang sasakyan. Apat ang lumakad, ang mag-asawa, si Mario at isa pang security.  Pagdaan sa check-point, hinuli sila. Nai-itip na pala ng drayber ang mga sakay niya, bago pa sila nito sunduin, matapos ang arikilahan.

Ibinalik sila sa pinanggalingan. Hinahanap ng mga sundalo ang kanilang mga armas. Di nila iyon itinuro. Nagpilitan, tumanggi pa rin sila. Isa agad ang pinatay, ang asawa ng buntis, na inaakalang pinakalider nila. Ang kasamang security ni Mario ay maglalabing-anim ng gulang lamang. Ito naman ang napagdiskitahan.

“Ano’ng ginagawa mo rito?”

Hindi agad nakasagot ang bata.

“Layas kang bata ka, dapat sa iyo’y matutong magpirmi sa bahay.”

Tinutoo ang banta. Binaril sa paa: Para hindi na nga naman makalakad kahit kailan man.

Mas masikip ang kulungan ngayon ni Mario kaysa dating alam niya.  Hindi siya makaunat sa paghiga at hindi rin makatuwid sa pagtayo.  Bartolina. Kung ilang buwan siya roon.  Saka inilipat sa isang masikip ding kulungan pero may bintana sa kanyang ulunan.  Madilim, magkapareho ang kanyang iniwan at dinatnan.  Parang yero ang sunod na panahon.  Mainit kung sa araw at malamig sa gabi.

Inabot siya nang apat na taon doon. Pero hindi siya nagsalita kahit minsan. Pinanindigan niya ang unang imbentong katwiran.  Siya’y isa lamang gardener sa taniman ng gulay sa Benguet.  Walang mga magulang at tubong Pangasinan.  Kailangan niya iyong panindigan.  Kung magsasabi siya ng totoo, na siya’y galing Cagayan, na isang takas na bilanggong pulitikal, hindi na niya matitikmang mabuhay.

Pero hindi madaling maniwala ang mga berdugo. Parang isang dagang costa siya sa loob ng laboratoryo ng karahasan.  Pinagpapraktisan siya ng mga  syentipiko ng karahasan.  Iba’t ibang klase nang pagtotyur ang ginamit sa kanya, pinag-aralan nila ang bisa ng bawat isa.  Dalawang buwang walang paligo, kinati ang buo niyang katawan mula talampakan hanggang anit ng buhok.  Ibinitin siya sa hangin  saka ginawang punching bag. Idinuldol ang mukha sa inidorong puno ng laman. Pero hindi siya umamin kung sino siya talaga.

Patuloy ang pandarahas sa kanyang katawan.  Hanggang isang araw ay nagising siyang sinisipa, sinasampal at minumura.  Nakaramdam pa siya ng sakit, pero ugong at garalgal na lamang ang naririnig niya sa mga pag-alipusta sa kanya. Basag na pala ang eardrum niya.

Sa panahong ito’y ipinangalandakan ng dating diktador, Ferdinand Marcos, na “No one but one is a political prisoner in this country.”

Totoo ‘yon para sa diktador. Hindi naman talaga bilanggong pulitikal sa kanila ang mga taong ginawang dagang costa.

Nagbigay ng amnestiya ang bagong dispensasyon.  Kasama si Mario sa nakatikim ng pansamantalang kalayaan.  Ano ang kahulugan ng laya? Ano ang silbi nito?  Sapat na ba ang pananahimik para makuha ang hustisya?

Dalawampu’t apat pa lamang siya. Anim na taon ang total na ipinamalaga niya sa kulungan. Di pa tapos ang pakikibaka, muli siyang nagbalik sa bundok. Sa tulong ng mga kasama’y nagpalakas siya ng katawan. Muli siyang naging aktibo, pero hindi na isinasabak sa mga gawaing opensiba.  Bingi ang kanyang kanang tenga, pero naririnig pa rin ang tawag ng kanyang panahon.

Ano pa ang maitatanong ng isang dayuhan?  Marami na akong narinig.  Saka ang muling pagtitiklop ng bibig. Mag-iiisip.  Paano ba pinagkakasya ang kulang? O paano pinag-uubra ang kapos?  Kasinghaba ng hingal at kasingkapal ng talampakan ang natutunan sa praktika naming mga nakikipamuhay, tulad ng alaala sa ginagawang paghihintay ng beans, ito at tanging ito lamang ang pagkain sa araw-araw. Di pwedeng magreklamo kahit palihim, dahil wala namang ibang pagpipilian. Hinihimay, buong ingat, parang ang ginagawang paghihimay sa karanasan ng mga Mario. Saka sasagi sa isipan ang inirereklamong mga daang tinatawag na short cut, mga hinawang dawag na bumabagtas sa gilid ng pinakamatarik na gulod, na ang ituktok ay parang humahalik na sa langit.  Ano na nga ang kapalit ng pagod?  ‘Yun lamang ay idinadaing na.  At heto ang isang istoryang ikinukwento nang walang bahid lungkot at hinanakit.

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1