ADORA FAYE E. de VERA

Culasi, sa Muling Pagbabalik

 

 

NAGULAT SI LIDA sa pagaspas ng kilyawan paglipad nito palayo sa kanyang linang.  Parang isanlibong taon na niyang hindi naririnig ang huni ng ibong ito. Parang ilanlibong taon at ilanlibong bundok na ang layong pamumuhay na iniwan niya ilang linggo pa lang ang nakakalipas.

Sa katunayan, malapit lang naman ang pinaglagian niya bago siya nakabalik sa kogonan na hinahawan niya ngayon.  Dalawang palusong at isang akyatin lang ay maabot na niya ang ilog, ang pangunahing daan ng mga tagabukid papunta sa sentro ng baryo.  Sa sanay na paa ng magsasaka ng Culasi, ang ilog na umiikot at dumaraan sa ilan pang sentro ng ilang baryo ay nababaybay lang ng limang oras bago sila iluwa nito sa gilid ng kalsada.

Sa gilid ng kalsada nakatayo ang kampo militar, ang patrol base ng mga sundalong nag-utos sa mamamayan na lisanin ang kanilang mga bahay at bukid upang manirahan sa sentrong ebakwasyon.

Mahigit isang taong naglagi roon ang mga magsasaka at tatagal pa sana kung hindi sila nagpetisyong pabalikin na sa bukid.  Si Tiyo Tonio, ang kapitan del baryo, ang nagdala ng petisyon sa mga awtoridad, kasama ang mga kapitan ng iba pang katabing baryo. Noong una’y ayaw ng matandang dalhin ang petisyon, matay man siyang kumbinsihin nina Ador at Dandoy, ang mga nagpasimuno sa pagpalibot nito.  Ngunit nang dumating ang mga opisyales ng isang panlalawigang samahan ng mga magsasaka at ilan pang abugado at human rights workers sa isang Fact-Finding Mission, pumayag din siya.

Malaking tulong ang naibigay ng Fact-Finding Mission. Nagdala sila ng mga pagkain at gamot at sila ang nagmungkahing sa munisipyo, hindi sa  kampo, dalhin ang petisyon. Sumama sila sa munisipyo kahit masama ang tingin ng mga sundalo sa kanila.  Sumama rin sila sa mga magsasaka pagbalik sa baryo at bundok, kahit ang karaniwang limang oras na lakad ay naging walo.

Doon lang nakapagpulong muli ang samahang magsasaka sa baryo mula nang lisanin nila ang bukid.  Wala na ang ibang mga opisyales nito.  Ngunit ang mga natira, sina Ador at Dandoy, ay nakapamuno sa pulong.  Pinag-usapan nila kung paano magtutulungan para isaayos ang mga linang at bahay upang maitayong muli ang kabuhayang winasak ng kampanyang militar.

Dating opisyal ng samahan—pangalawang tagapangulo ng komite ng kababaihan—si Lida.  Ngunit nanahimik siya sa pulong. Hindi rin siya lumahok sa mga balak ng samahan.  Kasama ang kanyang anak na si Bingbing, itinayo niya ang kubo sa gilid ng dati niyang linang, malayo sa ilog, malayo sa tanaw ng mga tagabaryo.

Isang itak lang ang natirang gamit ni Lida. Sa ilang araw ay naitayo niya ang kubong silang mag-ina lang ang kasya.  Bubong nito’y saha ng butuhan at sahig ay tangkay ng udyong.  Ang ilang pirasong sakong sinabit sa palibot bilang dingding ay kasya lang para takpan ang ilang bahagi ng kubo.

Sa araw, kinatulong ni Linda si Bingbing sa paghawan sa kogon, tagbak at sari-saring mataas na damo.  Sa gabi, tinanaw niya sa kanyang pagkakahiga ang unti-unting lumiliwanag na linang at ang mga damong kailangang pang hawanin.

Ngayon, matapos ang mahigit isang linggo, hinahawan na ni Lida ang mga huling sukal sa kanyang linang.

“Pasensya kayong nawalan ng tahanan,” bulong niya sa kilyawang tumakas papunta sa  kagubatan sa kabilang burol, “kailangan di naming mabuhay.”

Mahapdi sa mata ang pawis na dulot ng matinding sikat ng araw. Ipinangpahid ni Lida ang   likod ng kamay sa kanyang sentido, ngunit pumalit lang ang bago pang pawis at bumuhos hanggang sa kanyang pisngi’t leeg. Parang walang katapusang paghihirap at kawalang katiyakan.

Bago mangyari ang ebakwasyon, sa mga lalaki ang bahaging ito ng gawaing bukid.  Binuo ng kanilang samahang magsasaka ang mga pangkat ng hil-ohanay upang mabilis matapos ang trabaho.  Bawat araw, tinatrabaho ng pangkat ang linang ng isang kasapi, paikot hanggang matapos ang bukid ng lahat.  Ang pangkat naman nilang kababaihan ang sunod na lumilibot upang tamnan ang linang—palay sa unang tagtanim at mais sa susunod.  Masaya, maingay ang mga biruan nila sa trabaho, lalo na kung nagpapahinga sa tanghali.  Kapag sumasali sa kanila ang pangkat ng kabataan, lalong umiingay, may kantahan pa kung minsan.

Ang kumare niyang si Mayang ang pinuno ng komite ng kababaihan. Si Lida nga sana ang gusto ng iba. Kahit wala siyang  mga kamag-anak doon, madaling makapalagayang-loob si Lida, at mabilis niyang mapakilos ang mga nakakausap niya kabilang na ang mga kapit-bahay na sina Minda, Melen at Tiya Carmen.  Ngunit tumanggi si Lida dahil ang kanyang asawang si Reno na ang pinuno ng buong samahan.  Si Berting, asawa ni Mayang, ang siya namang pangalawang pinuno ng buong samahan.  Madalas nga silang pagbiruan noon na ang pamunuan ay kumparihan.

Mabilis lumaki ang kasapian ng komite nina Lida. Marami silang masayang pulong at mga seryosong pag-aaral sa papel ng kababaihan sa bukid.  Napakarami pa sana nilang balak…

Hindi naitago ni Lida kay Bingbing ang malalim na buntong-hininga. Nahiya sa bata, binilisan ni Lida ang pagwasiwas ng itak at paghila ng damo.  Hindi niya naingatan ang haras at parang nilabanang sumirit ang dugo sa kanyang palad.  Kinuyom ni Lida ang kamay sabay kagat sa labi.  Pinasayaw ng mainit na singaw ng lupa ang mga damo sa kanyang paningin.

Binuo nila ang samahang magsasaka upang ipaglaban ang pamamalagi nila sa lupang ito nang bantang magtayo ng mga Hapon ng mina ng gemstone. Pinag-initan ng militar ang samahan at nagtayo ng kampo sa gilid ng kalsada. Kahit napigilan ng samahan ang mina at umatras ang mga Hapon, patuloy silang pinuntahan ng mga sundalo sa baryo, iniimbistigahan, binabantaan. Dumating ang mga NPA at nangakong ipagtatanggol sila laban sa mga militar.  At mula noo’y naging bahagi na ng buhay ng bukid ang taguan at salubungin ng mga armadong pwersa.

May saysay pa ba ang samahan sa kanya ngayon?  Ano’ng saysay nitong lupang kanilang ipinaglaban ngayong nag-iisa siya at kahit binhi’y walang maitanim?

Kung narito lang sana si Reno.  Sa Reno, na kasabay niyang lumaban.

“Ano ang buhay ng isang magsasaka kung wala ang lupa?” ang wika ni Reno noon.

Nag-usap silang mag-asawa tungkol sa mandong ebakwasyon na ipinakalat ng kumander ng kampo matapos ang malaking engkwentro sa pagitan ng mga mandirigma ng NPA at mga sundalo ng AFP.  Mula nang lumaganap ang mando’y may ilan na sa kanilang kabaro at halos lahat ng taga-katabing baryo ang nagsibaba sa gilid ng kalsada, dala ang mga gamit at hayop na kaya nilang bitbitin.  May iba pang tagabaryo na sa pagkataranta ay bitbit ang kalderong may hindi pa nainin na sinaing.  Araw-araw, nangitim ang ilog sa kayumanggi ng mga magsasakang pababa at fatigue ng mga sundalong paakyat.

Isang linggo matapos ang engkwentro’y simulan nang tadtarin ng machine gun ang kagubatan at sa maghapo’y halos mabingi si Lida sa  ugong ng pabalik-balik na mga helikopter.  Sa mga sumunod na araw, nadagdagan pa ito ng mga eroplanong Tora-tora na naghulog ng bomba.

Kasabay ng bawat almusal ang pagdating ng mga eroplano’t helikopter.  Kasabay ng bawat pagyanig ng binombang lupa ang panginginig ng mga tuhod ni Lida. Pinagpatuloy niya ang paggamas sa linang, pagluto at paglaba na parang wala sa sarili, wari ba’y naghahangad na sa pagpapatuloy ng mga  gawaing kinasanayan niya’y maibalik ang dating pamumuhay sa kabukiran.  Sinikap niyang itago ang panlalamig  kanyang mga palad at talampakan ngunit halata ito ng mga bata.  Hindi na humiwalay sa kanyang pagkakayakap ang sanggol niyang si Nonong, na noo’y sinisimulan na sana niyang awatin.  Maging si Bingbing ay parang munting batang sunod nang sunod sa bawat niyang puntahan.  Sa bawat araw din, lumalakad si Reno, nililibot ang mga kabaryo, nakikipag-usap sa mga kasapi ng samahan.

Ikaapat na araw na ng pambobomba nang makakuha ng oras ang mag-asawa para mag-usap. Pinahiwatig ni Lida ang kanyang pangambang mahuhulugan ng ligaw na bomba ang kanilang bakuran.  O kaya’y maipit sila sa barilan ng mga NPA at AFP. Ipinaalala  rin niya ang mando na babarilin nang walang tanung-tanong ang sinuman makita ng mga sundalo sa bundok.

“May petisyon tayo,” at sabat ni Reno, “nagpulong na kami ng pamunuan.  Nailibot na nina Berting at Ador ang petisyon at marami nang pumirma. Hihilingin nating tigilan na ang pambobomba dahil napeperhuwisyo ang ating kabuhayan, lalo’t malapit na ang tag-ani.”

“At paano kung hindi sila pumayag? Paano kung mamatay tayo bago maiparating ang petisyon?” Nais iminungkahi ni Lida na bumaba na muna sila sa sentrong ebakwasyon bago ayusin ang petisyon, ngunit may kung anong tigas sa ayos ng bagang ng asawa na pumigil sa kanya.

“Paano kung mamatay tayo? Ano sa palagay mo ang mangyayari sa atin sa ebakwasyon?” At inulit ni Reno ang isang lumang pangungusap na hindi na matandaan ni Lida kung kanino  galing, “Mabuti nang mamatay nang lumalaban kaysa mamatay sa gutom na dilat ang mata.”

At noong binanggit ni Reno ang tungkol sa kahalagahan ng lupa sa buhay ng isang magsasaka.  Doon niya pinaalala kay Lida na magkatuwang nilang hinawan ang kakogonan hanggang ito’y maging linang nang sila’y bagong kasal, ang mga puno ng kape na itinanim nila nang buntis siya kay Bingbing at ngayo’y gumaganda na taun-taon ang pagbunga, tulad ng pagganda ng batang unti-unti na ring nagiging dalagita.  Pinaalala niya ang mga puno ng langka at kakaw sa palibot ng linang at ang pagod at gutom sa patuloy nilang pagsisikap na buhayin ang pamilya nila tagtanim tag-ani.  Matigas ang ayos ng bagang ni Reno, ngunit malamlam ang kanyang mga mata nang titigan si Lida at gagapin ang kanyang mga kamay.

“Marami na tayong dinaanang pagsubok, Lida.  Ipinaglaban natin ito, laging tayong dalawa. Huwag mo sana akong biguin ngayon.”

Kinabukasan, sinalubong ng isang pangkat ng mga sundalo si Reno at pinaulanan siya ng bala. Patungo siya sa kampo para dalhin ang petisyon.

Napansin ni Lida na hindi na lamang singaw ng lupa ang nagpapasayaw sa mga damo sa kanyang harapan kundi ang luha—luhang tahimik at mabilis na umaagos, humahalo sa pawis sa kanyang pisngi, pumapatak sa kanyang duguang kamay.

Hindi tahimik ang luha niya noon ang takbuhin niya ang bangkay ni Reno. Sumisigaw, tumitili, umaatungal, kinalong niya ang basag na bungo ng asawa at sa pagdilim ng kanyang paningin ay halos gumulong siya sa lupang nagpuputik na sa nabubong dugo.

Sina Ador at Dandoy ang nagtulong para ipagtayo siya ng kubo sa gilid ng kalsada. Sina Melen, Tiya Carmen at Minda ang nagdala sa kanyang nahintakutang mga anak at nag-agaw ng ilang niyang gamit habang sinisilaban ng mga sundalo ang kanyang bahay sa gilid ng ilog.

Dikit-dikit ang mga kubo sa sentrong ebakwasyon. Sa kulang tatlong kilometro-kwadradong palibot ng kampo ay isiniksik ang mamamayan ng limang baryo. Tigtatlong dingding ang mga kubo—bahagi ito ng mando sa ebakwasyon.  Kailangang madaling makita ng mga sundalo ang loob ng mga kubo nang hindi makapagtago rito ang di kanais-nais na elemento.”

Bawat pamilya ay may isang kilong bigas tuwing tatlong araw. Sa pagtanggap ng rasyon, kailangang pumirma sa bangkong papel at pumailalim sa pagtatanong ng mga sundalo tungkol sa mga NPA at sa mga kasapi ng samahang magsasaka.

Hindi  tinatanong si Lida.  Bagkus ay pinagsasalitaan siya, kinagagalitan, binabantaan.  Minsan, kapag maganda ang gising ng supply officer, kinakamusta siya at binibiro tungkol sa kanyang pagiging balo at ang pangangailangan niyang maghanap ng lalaki.  Tulad ng iba, hindi sumasagot si Lida. Tumatango lang siya, pumipirma sa blangkong papel at umuuwi sa kanyang kubong tatlo ang dingding.

May ilang linggo nang ganito nang dumating ang opisyal militar at ilang opisyal ng sangguniang bayan.  Pinulong nila ang mga tao sa sentrong ebakwasyon at binigyan ng mga komiks na naglalarawan ng pagmamalupit ng mga NPA sa mga magsasaka.  May nagsasalitang isang dating NPA raw at nanawagan  sa mamamayang pasukuin na ang mga kamag-anak na nasa bundok dahil babayaran ang baril ng mga ito.  Ipagtatayo rin daw sila ng kooperatiba. Pagkatapos nito’y nagpalabas sila ng pelikulang Ingles kung saan pinapatay ng mga komunista ang bawat tumutol, habang pinalilliwanag ng heneral ang mga proyektong pangkaunlaran ng gubyerno.  Nanawagan ang heneral na sumapi sila sa CAFGU para magtagumpay ang mga proyektong ito.  Bago matapos ang pulong, pinataas ang kanang kamay ng mga dumalo at kinunan ng litrato.

Isang buwan na ay wala pa ring naitayong kooperatiba.  Wala ring sumapi sa CAFGU. Ang isang kilong bigas ay naging kahalating kilo hanggang sa unti-unting mawala.  Ang mga pamilyang nakapagbitbit ng bigas pababa ay nagsimula nang magpautang nito.  Ngunit ilan lamang sila dahil hindi pa naaani ang palay nang magsimula ang ebakwasyon. Ang mga nakapagdala ng mga hayop ay nagbenta ng mga baboy at kalabaw sa kampo ngunit hindi rin nagtagal ang kanilang kinita.  Ang ilan ay lumapit sa kamag-anak nila sa San Jose at ang iba’y nakaabot pa sa Iloilo.  May ilang babaeng nag-iwan ng bata sa mga kamag-anak upang manilbihang katulong sa bayan.  Mayroon namang ilang humingi sa kampo ng pahintulot na makabalik sa bukid.  Pumayag ang awtoridad sa kundisyong aakyat lang sila ng alas singko ng umaga, bababa ng alas singko ng hapon at hindi magdadala ng baon na sobra sa kanilang kailangan. Nilinaw din ng kumander na hindi siya mananagot sa anumang mangyayari sa kanila habang nasa bukid.

Sa pagdaan ng mga buwan, ang dati nang kaunting gamit ng mga pamilyang magsasaka ay nabawasan pa sa pagbenta, pagsanla o pagkakanakaw.  Ang payat na katawan ng mga bata ay lalong nagnipis. Ang ilog sa gilid ng kalsada na kanilang paliguan, labahan at igiban ay umitim sa dami ng basura’t duming hindi na maianod.

Araw-araw, dalawang oras na nilalakad ni Lida ang mahigit walong kilometrong kalsada papunta sa bayan.  Dahil natigil ang eskwela ng mga bata, nagagawa niyang iwan kay Bingbing si Nonong.  Naawat na rin naman sa pagsuso ang sanggol nang biglang maiga ang gatas ni Lida matapos mapatay si Reno. Sa bayan, minsa’y naglalabada si Lida, minsan, nakikiani, minsan tumutulong sa paghakwat ng uling o paglinis ng palengke.  Ngunit dahil maliit naman ang bayan ng Culasi, kakaunti rito ang may kakayahang magpasahod sa mga trabahador.

Kumalat sa mga kubo ang bulungan tungkol sa mga babae na nagbebenta ng katawan sa kampo kapalit ng bigas at mga lalaking nagbebenta ng samahang magsasaka kapalit ng pera.  Kumalat din ang kwentong may nagbabalak nang sumapi sa CAFGU para may sahod, at ang kwentong may nagpapalibot ng petisyon para makabalik na sa bukid.

Nang ipasa ni Tiya Carmen ang petisyon kay Lida, agad niya itong pinirmahan. Nilapitan at pinapirma niya ang mga nakatira sa bawat kubong kanyang mapuntahan, kahit sila’y kilala lang niya sa mukha o sa pangalan.  Na ang mga ito’y maaaring magsumbong sa kampo at matulad siya kay Reno ay hindi na pansin ni Lida.  Walang pagod siyang nagpapirma.

Mahigit dalawang daan na ang nakapirma sa petisyon nang kumalat ang magkasabay na epidemya ng tipos at tigdas sa sentrong ebakwasyon.  Sa pagitan ng paglibot ng petisyon at paghanap ng pagkain, isinayaw ni Lida si Nonong, kinantahan, hinimok kumain at binanyusan ng suka, ngunit ayaw bumaba ang lagnat ng bata.  Nang ibagsak na rin ng lagnat si Bingbing, napilitang tumigil si Lida sa pagpapalibot ng petisyon.  Sa panahong ito’y nakapirma na ang halos lahat ng mamamayang makakakapirma.  Kailangan na lang planuhin kung paano ito maipaparating sa kampo.

 

“Inay, pagkatapos nitong paghawan, pupunta ba tayo sa mga kape?” Ibinalik ng malamig na tinig ni Bingbing ang kasalukuyan.  Tumayo si Lida at ininat ang tuhod.  Maingat nilang nilusong ang maliit na daang halos natakpan na ng damo.

Ayaw isipin ni Lida ang maaari niyang makita sa mga kape.   Sa bilis ng pagtubo ng mga udyong ay maaaring payat o patay na ang mga punong kanilang pinaghirapan ni Reno. Kaya’t mula nang makabalik siya’y ipinagpaliban niya ang pagpunta rito. Laking taka na lang niya nang makarating siya sa kanyang pananim.

Malinis ang ilalim ng mga puno parang laging nahahawanan. Maging ang mga patay na dahon at sanga ay wala.  Malusog ang mga kape, hitik sa bunga. Namumulaklak din ang mga langka at kakaw,  parang nangungumusta sa kanyang pagbalik.

Nangungumusta ring lumapit si Mayang mula sa likod ng isang puno.

“Salamat at naabutan kita rito!” Nag-aalala kami nang ibalita nina Minda na hindi ka nila nakikita sa baryo.  Noong isang linggo pa nagbabalak  tumulong sina Berting sa pagtayo ng bahay mo pero hindi alam kung saan mo ito gustong ilagay.”

Pinilit pigilin ni Lida ang pagsisikip ng kanyang dibdib. Nasaan kayo nang nangangailangan ako, nais niyang isigaw.  Ngunit marahan  siyang sumagot ng, “Matatapos ko na ang trabaho sa linang.”

Ngumiti si Mayang.  “Tulad ka pa rin ng dati, Lida. Mabilis kumilos, malakas ang loob. Hindi mo na hinintay na trabahuin pa ang linang mo. Napag-usapan nga namin sa samahan ang tapang ng loob mo, sa ginawa mong pagpapalibot ng petisyon sa ilalim mismo ng ilong ng mga sundalo.  Buti na  lang at hindi ka napahamak.  Ikaw na lang hinihintay namin para makapagpulong tayo.”

“Buo pa ang samahan?”

“Maliban sa atin, nakapagplano na ang lahat ng komite bago pa ang pangkahalatang pulong ng samahan na nadaluhan mo sa baryo.  Ilang buwan na kaming lihim na kumikilos dito.  Marami sa atin ang hindi bumaba noon.”

Ang pagsikip ng dibdib ni Lida ay napalitan ng pagkamangha.

“Paano kayo nakatagal dito?” tanong niya. “Akala ko’y lumipat na kayo sa ibang bayan kaya hindi ko kayo nakita sa kalsada.”

“Walang sumapi sa CAFGU sa mga kabaryo natin,” saysay ni Mayang, “kaya walang giya ang mga sundalo sa maliliit na daan.  Hanggang malapit lang sa ilog ang pagpatrolya nila. Hindi sila nakarating sa bahay namin o sa linang mo. Gayunman, nag-iingat kami.  Laging may isa sa amin na nakabantay sa tugatog.”

Hindi raw sila nagsasaing kung araw dahil baka makita ng mga sundalo ang usok at malaman na may mga bahay sa gawi roon. Kapag tinatantya nilang papunta sa kanilang direksyon ang patrolya, nagtatago sila sa mga masukal na bahagi sa mga gilid ng linang.  Hindi rin naman sila makapamuhay sa kagubatan dahil binobomba ito.

Dalawang linggo tumagal ang pambobomba, ngunit walang nakuhang sinuman sa hinahanap, marahil ay umiwas na rin ang mga ito. Matapos ang dalawang buwan, hindi na rin araw-araw na nagpapatrolya ang mga sundalo, naniniwala marahil na wala nang tao sa kabukiran at sa gayo’y wala na ring dahilan pang maglagi ang mga NPA roon. O baka nagsawa na lang sa kalalakad ang wala namang nakukuha.

Mahirap ang buhay ngunit nakatagal  sina Mayang.  Nasanay ang mga bata sa kanin-lamig sa tanghali.  Natuto silang matulog sa kasukalan ng ilang gabi kung  kailangan.  Maingat, naipagpatuloy nila ang kanilang kabuhayan. Nakapag-ani sila, nakapagtanim at nakapag-ani pang muli.  Nadala nila sa bayan ang mga produkto nila sa pamamagitan ng pagtawid sa bundok sa likuran ng sityo.  Iniwasan nila ang ilog at ang kampo.

“Inani namin ang palay mo,” pagpapatuloy ni Mayang.  “Iyon ang ibinayad namin sa pagpapalibing kay Reno, kaya wala ka nang utang.  Ang kape mo inani rin namin.  Nasa bahay, naibilad na.  Pwede mong kunin kailan mo man gusto.”

Mahigpit ang tulungan ng mga pamilyang naiwan sa bundok.  Kapag may nagbababa ng produkto sa bayan, isinasakop na rin ang pamimili ng pangangailangan ng iba.   Kahit si Lola Ila, ang arbularyong dati’y hindi lumalahok sa samahang magsasaka, ay nakipagtulungan sa kanila.  Siya pa ang nagturo sa kanila ng iba’t ibang halamang-gubat na maaaring gamiting pamalit sa sabon at gaas kung wala silang makuha.

Lalong umayos ang kalagayan nang magsimula nang umakyat para magtanim ang ilang magsasaka mula sa baba.  Sa kabila ng paghihigpit ng kampo sa pagdadala ng baon, nailulusot pa rin nila ang dagdag na asin, asukal at gaas para maisakop ang mga naiwan sa itaas.

Sa bundok sila nakapagpulong.  Doon sila nagplanong magpetisyon.  Hindi nila  mapaabutan si Lida ng mga plano dahil mainit siya sa mata ng kampo at baka sila matuklasan agad.

“Buti na lang, ipinaanod sa ilog ng mga sundalo ang petisyon na nakuha nila kay Reno, kaya hindi nila nakuha ang lista ng mga pangalan natin. Nakapagpatuloy tayo ng lihim na pagkilos habang kulang pa ang lakas natin.  Kita mo’t nang maghayag tayo ay ilang baryo na ang saklaw ng pagkilos.”

Ilang human rights workers sa bayan ang nakakita sa pahayagan ng litrato nina Lida na nakataas ang kamay at pinalalabas ng militar na mga sumukong NPA. Nag-ayos sila ng isang Fact-Finding Mission at sa paghahanda nito’y naugnayan din nila ang panlalawigang samahan ng magsasaka.

“Napag-alaman namin sa kanila na may balak pang ituloy ang mina ng gemstone, kaya nagmadali kaming makabalik na ang mga naninirahan sa bundok.  Dahil kung hindi, baka wala na tayong babalikan.  Ngayong tinutulungan tayo ng panlalawigang pamunuan ng samahan at mga abugado, mas magiging madali na ang hayag na pagkilos natin.  Pero kailangan pa ring mag-ingat dahil hindi naman natin maaasahang lagi sila rito.”

“Kung gayon, ano ang katiyakang hindi na mauulit ang nangyari kay Reno?”

“Walang katiyakan. Pero natuto na tayo sa naunang karanasan, at malakas ang pagkakaisang nabuo nitong huli nating pagkilos. Gipitin man tayong muli, kaya pa rin nating kumilos sa iba’t ibang paraan.  Ang tanging katiyakan ay ang patuloy nating determinasyon na lumaban.  Kailan ka pwedeng dumalo sa pulong, Mare?”

Matagal na hindi nakaimik si Lida. Paanas pa ang sagot niyang, “Parang hindi ko na kaya, Mara. Nag-iisa na ako ngayon.  Sinikap kong maging matatag, ngunit ang nangyari kay Nonong…”

Inakbayan ni Mayang si Lida.

“Hindi ang pakikipaglaban ang pumatay kay Nonong, Lida, kundi ang hirap na kalagayan sa ebakwasyon. Kahit ang mga hindi kumilos ay namatayan din ng anak.  Kung nanindigan lang ang ating samahan na huwag bumaba, hindi sana nakaabot sa gayong kalagayan ang mga pamilya.”

“Hindi rin sana nawalan ng saysay ang pagkamatay ni Reno,” dagdag ni Lida.

Malalim na ang gabi’y hindi pa makatulog si Lida.  Naghalinhinan ang iba’t ibang damdamin sa kanyang nagsisikip na dibdib.  Hindi siya nagbigay ng anumang salita kung lalahok siya sa samahan o hindi. Ngunit hindi rin naman niya maiwalang-bahala ang mga naikwento ni Mayang.

Hindi nga siya nag-iisa.  Maaaring sa pagkakasindak niya sa kamatayan ni Reno ay hindi niya napansin ang tulong ng samahan.  Ngunit naroon sila—sa libing, sa pagkuha ng mga bata, sa pagpapatuloy ng pagkilos.  Inalagaan pa nila ang kanyang mga pananim, at patuloy nila siyang aalagaan. Ngunit ano’ng katiyakan?”

Sa dilim, naglaro sa anino ng mga udyong at haras ang malamlam na titig  ni Reno, ang kampay ng mga pakpak ng kilyawan, ang ngiti ni Bingbing nang makita ang ninang.  Hinaplos ng alaala ni Lida ang mga puno ng kapeng hitik ng bunga, ang namumulaklak na mga langka at kakaw, ang pagod at gutom sa pagpundar ng mga ito na nalampasan na ng pagod at gutom sa patuloy niyang pagsisikap na buhayin ang pamilya sa sentrong ebakwasyon.

“Hindi nawalan ng saysay ang pagkamatay ni Reno,” naalala niyang sinabi ni Mayang bago sila maghiwalay.  “Siya ang naging inspirasyon ng mga magsasaka sa buong bayan ng Culasi.  Siya ang inspirasyon kung bakit binuhay muli ng samahan ang petisyon para tayo makabalik. At siya ang inspirasyon ng patuloy nating pakikibaka para maangkin ang lupang ito."

Ang lupang pinagyaman ni Reno. Ang lupang pagyayamanin nila ni Bingbing.  Niyakap ni Lida ang anak na humihimbing sa kanyang tabi.  Pagsikat ng araw kinabukasan, nasa ilog na  Lida. Nag-aalmusal pa lang sina Melen at Ador nang datnan niya sila sa baryo.

Maaari pa ba siyang lumahok sa hil-ohanay? Pinaliwanag ni Ador na hindi pa nabubuo ang pangkat ng kababaihan. Ngunit dahil balo siya at kasapi ng samahan, tatrabahuin nila ang kanyang linang kahit hindi magtrabaho sa bukid ng iba.

“Magtatrabaho ako,” giit ni Lida.  Nakayanan niya ang paghawan sa kanyang linang.  Maibibigay niya ang  kanyang makakaya.

Inilista siya sa pangkat nina Berting. Magsisimula pa lang sa susunod na linggo ang kanilang trabaho.  Humiram ng asarol si Lida upang maipagpatuloy ang pag-ayos sa linang habang hindi pa gumugulong ang trabaho ng pangkat.  Kasabay ng asarol, binigyan siya ng kahalating sakong binhi.

Pumirma si Lida, hindi sa blangkong papel, kundi sa kasunduang papalitan niya ang asarol kung masira at ibabalik niya ang binhi nang walang dagdag o tubo sa loob ng dalawang anihan.

Mabigat man ang pasan, magaan ang paa ni Lida pabalik sa kubo. Nginitian niya ang bagong gising na anak.

Pagkalapag ni Lida sa binhi’t asarol sa isang sulok ng kubo, narinig niya ang mga putok. Paisa-isa, kumapal ang mga ito at nagsagutan. Kumapit sa kanya si  Bingbing.

“Sa dakong kampo iyon, anak, tena’t ituloy natin ang trabaho sa linang.”

Bandang hapon, nakibalita si Bingbing sa baryo. Nagsasaing si Lida nang bumalik ang bata at sinaysay ang mga pangyayari.

Nilusob daw ng mga NPA ang kampo.  Nahakot ang lahat ng baril.  May dumating na dalawang trak para sumaklolo  ngunit nakaalis na sila.  Magsisimula na naman bukas ang operasyon ng mga sundalo para hanapin ang mga lumusob.  Bobombahin ang kagubatan dahil doon nagtatago ang kanilang hinahanap.

“Umalis na kaninang tanghali si Tiyo Tonio, Inay.  Babalik daw sila sa gilid ng kalsada.  Naghahanda na ring umalis si Tita Minda at Tito Andoy.”

Nanginginig na binuhat ni Lida ang kaldero kahit hindi nainin ang sinaing. “Sina Melen at Ador?”

“Hinihintay nila tayo. Pati si Tiya Carmen,” balita nib Bingbing, habang inilatag ang kumot.  Inipon niya sa gitna nito ang damit ng ina, ang sariling mga damit, tatlong platong lusa, dalawang basong plastik at gaserang halos wala ng laman.

“Sina Pareng Berting?”

“Hindi raw sila aalis.”

Inabot ng bata ang basket na nakasabit sa haligi.  May laman pa itong asin at ilang pirasong bawang.  Pwedeng isiksik dito ang mga sakong dingding ng kubo.

“Si Lola Ila, hindi rin aalis,” dagdag niya.

Nagsayaw sa harap ng mga mata ni Lida ang larawan ng ilog na nangingitim sa kayumanggi ng mga magsasakang pababa at sa fatigue ng mga sundalong paakyat.  Kasing-itim ng maruming ilog sa gilid ng kalsada.  Kasing-itim ng dilat at walang buhay na mata ni Nonong.

“Ikaw?”

“Kung saan ka, Inay.”

Dahan-dahan, parang naghihiga ng sanggol sa duyan, ibinalik ni Lida sa kalan ang bitbit niyang kaldero at hinipan ang baga upang umapoy. Matigas ang ayos ng kanyang bagang ngunit may himaton ng ngiti sa gilid ng kanyang mga labi nang muli siyang humarap kay Bingbing.

“Isauli mo sa lugar ang mga gamit, anak,” anya. “Hindi tayo aalis.”

Narito ang lupa. Narito ang buhay ng isang magsasaka.

 

Haras—damong matatalim ang dahon.

Udyong—talahib na matigas ang tangkay; lampas sa dalawa katao  ang taas.

 

Hosted by www.Geocities.ws

1