ABBI M. BALATBAT

Mula Tibak hanggang Balakubak

 

PAHAKBANG NA SA tarangkahan si Nana Barang para dalhin sa talipapa ang ilang huling isda ng kanyang kabiyak nang magulantang siya sa sigaw nito.

“Barang! Barang, sandali lang!” Nagmamadaling nilakad ni Tata Ikyo ang kinatatayuan ng asawa. Nang makalapit ay nagbilin, “Pagkabenta mo niyang isda ay pakibili mo nga ako tansi at kawil sa bayan.  Wala na akong oras para lumuwas pa.  Marami kaming aayusin, may miting kami bukas sa bahay ng Kumpareng Beloy mo.  Pag-uusapan namin ‘yung prublema tungkol sa mga trol.”

Sa loobloob ni Nana Barang, puro miting, puro miting.  Wala namang nangyayari.  Para lang silang bumangga sa pader.  Uubra na naman sila sa mga trol na ‘yon pagkaliliit naman ng kanilang mga bangka.  Ay naku! Para lang silang nagtampo sa bigas.

“Susmaryosep naman, Felicio, prinsipyo na laang ‘ata ang mahalaga sa iyo, a! Aba’y kelan ka ba namang magkakaroon ng panahon para sa kalam ng sikmura?” May himig ng pagdaramdam ang tinig ni Nana Barang. Kanina’y nanghiram lamang siya ng pera at bigas sa kapitbahay. Ilang araw nang walang kinikita si Tata Ikyo sa pangangawil sa laot.  Hindi naman ito nagkukulang sa sipag at tiyaga.  Madaling-araw pa lamang ay umaalis na ito ng bahay para pumalaot. Pero tulad ng mga nagdaang araw, lagi itong matamlay at malungkot pag-uwi ng bahay.  Madalas na pambawi man lamang ng gastos ay hindi pa ito maisalba sa pangangawil.

Hindi naman masasabing kulang si Tata Ikyo sa kaalaman.  Bata pa lamang siya’y natuto nang mangawil.  Ngayo’y singkwentaykwatro na siya, doon na nilumot ang bayag sa dagat, makaranasan na. Naging bahagi na ng buhay niya  ang pagparoo’t pagparito sa laot, mula pa noong bata siya, hanggang magbinata, at hanggang sa ngayong may anak na siyang binata.  Alam na rin niya kung kailan dapat pumalaot at kung saan maraming isda. Bihasa rin siya sa paghutok at pagtatama ng balanse ng katig at batangan ng bangka.  Madalas din na mas mahusay siya sa PAGASA sa pagsasabi ng timpla ng panahon. Gayundin sa Seiko sa pagbibigay ng oras sa pamamagitan lang ng pagtingin sa mga bituin.   Marahil, dahil sa kanyang mga karanasan at subok nang katatagan, siya ang napiling maging pangulo ng samahan ng mga mangangawil.

Nagkataon naman kasabay ng pagkakaatang sa kanya ng sensitibong tungkuling iyon, dumating ang kanyang bayaw mula sa Maynila. Inaalok siyang magtrabaho sa ibang bansa. Sinang-ayunan ito ni Nana Barang. Ngunit hindi ni Tata Ikyo.  Tiyak ang naging sagot niya, “Bayaw, pasensya ka na. Salamat na laang sa iyong pagmamalasakit, hindi ko gustong talikuran ang tungkulin ko.”

Ikinatuwa ito ng lahat ng myembro ng samahan.  Ngunit hindi ni  Nana Barang. Dalawang taon ang kontrata, libre lahat ang gastusin.  Taymkiper sa isang pabrika ang trabahong ibibigay sana kay Tata Ikyo. Ang pag-ayaw niya sa alok ang dahilan kung bakit sa tuwing uuwi siya mula sa dagat ay nakakarinig siya ng mga salita mula kay Nana Barang. Mga salitang hindi man tuwirang sabihin ay may halong panunumbat.

“Barbara, ang mabuti siguro’y lumakad ka na’t baka mabilasa pa ang mga isda.  Hulong na’t ako na ang bahalang maghanda ng tanghalian.”

Pagkasabi noon ay naghubad na ng kamisetang kulay-kalawang si Tata Ikyo. Hinablot naman ni Nana Barang ang bilao.  Sinunong iyon at naglakad. Hindi na ito umimik pa.

Kunsabagay, wala namang sukat maipintas pa si Nana Barang sa kabiyak. Tatlumpong taon na silang kasal, tatlumpung taon na ring naging responsableng asawa si Tata Ikyo. Hindi ito nambabae.  Hindi rin mahilig sa sugal at alak.  Ang tanging bisyo nito ay sigarilyo at kape.  Noong mga nagdaang panahon na halos ay mapuno ang suwiki ni Tata Ikyo sa dami ng nahuhuling isda, nagsama sila sa hirap at ginhawa.  Kahit ngayong halos basyo ang suwiki nito ay magkakasama pa rin sila, sa hirap at hirap. Maliban sa mumunting  kagalitan na hindi naman nagtatagal, wala nang iba pang idinudulot na kunsumisyon si Tata Ikyo.  Walang pagkakataong natatandaan si Nana Barang na pinagbuhatan siya ng kamay ng asawa.  Naging karamay at kaibigan niya rin ito sa mga panahong may prublema siya.  Minsan nga ay alalay niya rin ito.  Mula sa pagpapalit ng lampin ng kanilang nag-iisang anak hanggang sa paghahatid dito sa iskwelahan sa baryo.  Natatandaan pa niya na ito rin ang badigard ng anak na si Eric noong unang pumanhik ito ng ligaw.  Tanging ang pagtanggap ni Tata Ikyo na maging pangulo ng samahan, na nataon pang pagtanggi naman niya sa alok na mangibang bansa, ang ikinasama ng loob ni Nana Barang. Bilang protesta, sinasadya niyang hindi ito ipagtimpla ng kape sa tuwing uuwi ito mula sa pulong o anumang bagay na may kaugnayan sa kanyang pagiging pangulo ng samahan.  Gayunma’y may kunsiderasyon naman siya, binabawi niya ang protesta sa tuwing uuwi ito mula sa pangangawil.

Madilimdilim pa’y gising na si Tata Ikyo.  Matapos siyang magkape’y dumiretso na sa tabing-dagat.  Nauna sa hanay ng mga bangkang nasa baybay. Nakatitig lamang sa tubig na wari’y ayaw mang-abala sa mga natutulog pa. Mahina ang paghampas ng alon sa pasigan.  Sa muling pagbabalik ng tubig sa laot, napabuntunghininga si Tata Ikyo.  Ganoon ang epekto sa kanya ng dagat. Parang panaginip. May gustong ipahawatig. May gustong ipaalala.  Sa kanila, buhay ang kahulugan ng dagat.  Dito nanggagaling ang lahat nilang pangangailangan.  Dati’y kayrami ng biyayang nakukuha nila sa dagat.  Iba’t ibang klase ng isda. Tanigi, tulingan, apahap, tambakol at kung minsan ay pating. Hindi sila inaabot ng magdamag sa laot, ilang pandaw lamang ay halos umapaw na sa huli ang kanilang bangka.  Pinipili nila iyong malalaki at iyong maliliit ay ibinabalik nila sa tubig. Sarilingsarili noon ng maliliit na mangingisda ang pangisdaan.

Noon iyon, noong hindi pa pumapasok ang mga trol sa kanilang pangisdaan. Ngayo’y hindi na nila maranasan ang kasaganaan sa pangangawil.  Inaabot na sila ng magdamag sa laot. Minsan nga’y maghapo’t magdamag pa. Kapag nakalimang liko sila ng huli ay mapalad na.  Pinagtitiyagaan na rin nila kahit ang maliliit na isda. May kaagaw na sila ngayon sa pangisdaan.  Hindi bastabasta.  Malalaking bangkang pangisda na karaniwa’y pag-aari ng dayuhan at lokal na kapitalista.  Sila na ang nakikinabang nang husto sa biyaya ng dagat. Bukod sa malalaki ang kanilang mga bangka, may mga gamit din silang mahuhusay na aparato tulad ng sonar at fishfinder.  Dahil sa makabagong mga kagamitang ito, madali nilang nalalaman kung saan ang maraming isda.  Doo’y ihuhulog ng kanilang mga tauhan ang lambat at pang-angat ay diretso na sa  priser ang maraming isdang nahuli.  Ipinagbabawal ng batas ang pagpasok nila sa pangisdaan ng maliliit na mangingisda.  Ngunit sa kabila noon ay patuloy silang nakakapanghuli sa mga lugar na ito. Kung ano ang dahilan at kung bakit pinapayagan, walang malinaw na paliwanag. Resulta, latak na lang ang natitira sa mga pobreng mangingisda. Ang masakit pa, hinahalukay nang husto ng mga trol ang kailaliman ng dagat.  Pati ang mga similya at ang mga bahurang tirahan nito ay napipinsala.  Idagdag pang wala na ring mahuli ngayon kahit sa gilid ng dagat.  Nagtambak dito ang mga plastik, upos ng sigarilyo, basyong bote, langis at sosa na nanggagaling sa mga pabrikang nakayungyong sa gilid ng dagat.

Gayunman, hindi nagtampo sa dagat si Tata Ikyo.  Alam niyang hindi ito ang naging maramot sa kanilang mga mangingisda.  Hindi siya nagtampo sa dagat kahit noong isang araw na kumalat sa baryo ang balitang nagsadya ang kanyang kapitbahay na si Magda sa kubo ng bantay-palaisdaan ng isang propitaryo. Sumiping ito sa bantay, kapalit ng ilang piraso ng sugpo para ipambili ng gamot ng anak na may sakit.  Hindi rin siya nagtampo sa dagat nang magsumbong ang pinsan niyang si Indo na may nagnakaw ng sinaing ito sa kalakalanan. Hindi rin siya nagtampo sa dagat nang makipaglamay siya sa batang si Butsoy, na namatay na hindi nalapatan ang lunas dahil walang pandiposito sa ospital.  Kamakalawa, nang magpasyal sa kanilang bahay si Kanor na tagasingil ng interes ng kanyang utang sa usurerong tagabayan, hindi siya nagtanim ng galit sa dagat.   At sa tuwing nakikita niya ang walang habas na pagsimot ng malalaking trol sa pangisdaan, wala siyang nararamdamang katiting mang galit sa dagat.

“Tay, may tao po sa bahay. Tagamunisipyo daw siya at may ipinasasabi daw si Meyor,” pukaw ni Eric sa kanya.

Tumayo si Tata Ikyo, kapantay ang anak. Nagpatiuna si Eric, at hindi pa nakakalayo ay lumingon sa ama na noon ay kasunod na niya.

“Tay, matutuloy po ba ang pulong?”

“A, e, oo! Bakit?”

“Sasama po ako.” Pagkasabi noon ay diretso na itong naglakad.  Nakaramdam ng pagmamalaki sa sarili si Tata Ikyo.  Malaking katuwaan para sa kanya ang pagkakaisa ng paninindigan nilang mag-ama.  Si Eric, tulad niya, ay lumaki at nagbinata sa pangangawil.  Kakulay ng kanyang maitim na balat na sunog sa araw.  Kapareho ng sa kanya ang kuko na ayaw ng hiwalayan ng kalawang.  Kasing-amoy na kanyang katawan, amoy araw at lansa ng isda.  At tulad niya, handang makibaka.

Sa tarangkahan dinatnan ng mag-ama ang nakatayong panauhin.  Tumuloy si Eric sa loob ng bahay para ayusin ito.

“Magandang umaga po, Tata Ikyo, Mr. Baluyot po,” bati nito sabay abot ng kamay ng mangingisda.

“Magandang umaga po naman. Ano po bang maipaglilingkod ko?”

Inanyayahan niyang pumasok ng bahay ang bisita para doon mag-usap ngunit tumanggi ito.

“Huwag na po at hindi naman po ako magtatagal.  Ipinapasabi po laang ni Meyor na wala siyang magagawa doon sa inirereklamo ninyong patuloy na pangingisda ng trol.  Pero ipaparating din daw po niya sa mga nakatataas. Ipinabibigay nga po pala niya ito sa inyo. Baka raw po makatulong.”

Isang sobreng namumutok ang iniabot ng panauhin kay Tata Ikyo. Kinuha iyon ni Tata Ikyo. Binuksan. Pera.  Malaking halaga.  Naglapat ang bagang ni Tata Ikyo.  Isinara niya ang sobre.  Ibinalik iyon sa nagtatakang panauhin.

“Ibalik mo ito sa amo mo.  Hindi ito ang sagot sa hinihintay namin.”

Napakamot ng ulo si Mr. Baluyot.  Inabot ang sobre at matuling humakbang paalis.  Sabay sa pagsagsag ng bisita palayo ay siyang paglabas naman ni Eric.  Tinanaw lamang nito ang nagmamadaling tao.

Nang hindi na tanaw ang panauhin ay magkasabay nang lumakad ang mag-ama papunta sa bahay nina Beloy.  Dinatnan na nila doon ang kanilang mga kasamahan, mga taong tulad nila ay sa pangangawil umaasa.

Mahigit isang daan ang dumalo sa pulong.  Lahat ay masigasig na tumulong para mabigyang-kalutasan ang kanilang prublema.

“Pareng Beloy, ang mabuti siguro’y doon tayo magpulong sa likod ng bahay. Aba’y para tayong sardinas dito,” mungkahi ni Tata Ikyo sa kanyang kumpare.

“Maigi nga siguro, pare.  Mga kasama, doon tayo,” pag-aaya ni Beloy.

Parang iisang taong nagsikilos ang lahat.

Iniulat ni Tata Ikyo ang mga nakaraang aktibidad ng grupo.  Inihapag sa kapulungan ang pangunahing adyenda.  Saka idinagdag ang pinakahuling pangyayari.

“Mga kasama, kanina’y may dumating na sugo ni Meyor sa bahay.  Tungkol pa rin sa hiling nating ipatupad ang batas sa tubigan.  Ipinasasabi na wala raw siyang magagawa sa ipinarating nating karaingan. Tinanggap ko na sana nang maluwag sa loob. Ang masakit lang ay tila gusto tayong daanin sa suhol.  May ibinibigay na maraming kwarta.” Saglit tumikhim si Tata Ikyo.  Malalim na nag-isip. Saka marahang nagsalita.

“Hindi ko tinanggap. Alam kong hindi kwarta ang katugunan sa prublema natin tungkol sa trol.” Muli siyang tumigil.  Sandaling tumingala saka iginala ang mata sa mga kaharap.

“Kung maaari sana’y magbigay kayo ng inyong suhestyon kung ano ang nararapat nating gawin kaugnay ng mga bagay na ito.”

Nagtaas ng kamay si Beloy. Tumayo ito mula pagkakasalampak sa bangko at nagsalita.  “Pare, maraming  pasensya na ang inubos natin sa mga buwisit na trol na ‘yan.  Matindi ang kahirapang idinudulot niyan sa ating lahat.  Hindi rin naman tayo nagkulang ng pakikipag-usap sa kinauukulan tungkol sa pagbibigay ng kalutasan dito.  Hindi nila tayo pinapansin at sabi mo nga’y balak pa tayong suhulan para tumigil na laang tayo.  Aba’y hindi na tama iyan. Baka kailangang tayo na ang gumawa ng kaukulang aksyon.”

“E, kunin na lang kaya natin ‘yung perang iniaalok niya, di me panggastos pa tayo!” sigaw ng isa.

“Oo nga naman.”

“Naku, di lalunang nawili ang mga iyan.”

“Bakit, di pa ba sila nawiwili?”

“Teka lang, mga kasama,” putol ni Tata Ikyo.  “Isaisa laang. Patapusin kaya muna natin si Pareng Beloy. Hala.”

“Tutal ay may nakumpiska na tayo noon, di ba? Naalala pa ba ninyo ang gamit ng mga mamumutok? Nasa akin pa ang mga iyon. Ano, pasasabugin natin?” sabi ni Beloy.

“Oo nga, tama! Pasabugin na natin, “Tay,” suhol ni Eric.

“Tama! Pasabugin na natin at nang lumubog na!” dagdag ng isang kung sino sa karamihan.

Di na magkamayaw ang kapulungan.  Bawat isa’y gustong magsalita.  Pero iisa ang dulo ng kanilang pangangatwiran. Iisa ang ibig mangyari.

“Pasabugin!”

Napatayo na si Tata Ikyo.  Kailangan na niyang mamagitan.

“Sandali laang, mga kasama, sandali laang!” pigil ni Tata Ikyo.  “Isaisa lang.  May gusto lang muna akong linawin.”

Natigilan ang grupo. Humupa ang kaguluhan. Muling nagsalita si Tata Ikyo.

“Alam kong malaking tinik na nakabara sa ating lalamunan ang mga trol na ‘yan. Pero alalahanin natin na pag pinasabog natin ang mga ‘yan ay marami ang madadamay. Mga katulad din natin.  Pakaisipin ninyo na hindi kapitalista ang lulan ng mga bangkang ‘yan. Mga manggawang mangingisda na umaasa lamang sa maliit na parte nila mula sa may-ari.”

Iba’t iba ang reaksyon.

“Di pababain natin ‘yung mga sakay, saka natin pasabugin,” mungkahi ng isa.

“Tama!” Ganu’n nga.  Pababain ang mga sakay, tapos ay pasabugin natin ang trol,” dagdag ni Beloy.

“Masyado yatang marahas iyon.”

“Oo nga naman.”

“Ano sa tingin ninyo kung kumpiskahin na lang natin ang huli nilang isda?” mungkahi ni Tata Ikyo.  “Isa munang pamamaraan ng pagbibigay-babala. Kung hindi makukuha sa  ganoon, saka tayo iisip ng iba pang kaukulang hakbang.  Ano sa palagay ng kapulungan?”

Muling nagbalik ang kaayusan sa pulong.  Sinang-ayunan ng lahat ang mungkahi ni Tata Ikyo.  Tulungtulong nilang binalangkas ang plano. Inihanda na rin nila ang isang kasulatan.

Umaga.  Mistulang pyesta sa dalampasigan.  Hindi magkamayaw ang ugong ng makina ng ilang bangkang demotor.  Patungpatong ang mga bakas ng paa sa buhangin.  Nagpapasalinsalin ang mga katagang “Mag-iingat kayo!” mula sa mga bata, matanda at asawa ng mga mangangawil. Patungkol  iyon sa mga mangangawil na noon ay abala sa paghahanda para sa gagawing paglusob.

Makakasama sa isang bangka sina Tata Ikyo at Eric.  Panay ang hithit ni Tata Ikyo sa mumurahing sigarilyo.  Inip at kaba ang mababakas sa mukha niya Panay ang linga niya sa maraming taong nasa pasigan.  Pamilyar sa kanya ang karamihan sa mga mukhang nandoroon.  Si Indo na nanakawan ng isusubong kanin. Ang mga magulang at kapatid ng batang si Butsoy. Si Beloy na lagi ay kaagapay niya sa aktibidad ng samahan.  Si Magda, karga ang isang batang halos buto’t balat, habang ang isa pa’y nakakapit naman sa laylayan ng kanyang kupas na daster.  Minsan pa’y pinalibot ni Tata Ikyo ang kanyang mga mata.  Kilala niya ang bawat mukha sa paligid, pero sa dinamidami ng mga  mukhang iyon, tiyak na may kulang. A! Tama. Wala roon sin Nana Barang. Naalala niya ang pag-uusap nilang mag-asawa kagabi.  Tulad ng dati, sa hinaba-haba ng paliwanag niya, maikli lamang ang sagot ng kabiyak: “Pag napatunayan na ninyo iyang sinasabi mong lakas ng pagkakaisa ay saka pa laang ako maniniwala sa inyo.”

Isang malakas na sigaw  ang umagaw sa atensyon ng lahat.

“Tata Ikyooo! Ayun ang lintik!”  Nakaturo ang isa sa mga mangangawil sa trol na humahalukay na sa pangisdaan. Alerto si Tata Ikyo

“Magsipaghanda na kayo, mga kasama!” sigaw niya.

Kumalat ang panawagan ni Tata Ikyo, parang ningas ng apoy sa mitsa ng dinamita.  Mabilis na kumilos ang lahat.  Kaagad na nagsakayan sa ilang bangkang naroroon.

Natahimik ang paligid. Ugong na lamang  ng mga motor ang maririnig. Bawat mukha’y larawan ng pangamba. Binasag ang katahimikan ng sigaw ni Tata Ikyo na noon ay nakasakay na sa bangka.

“Magdadalawang pangkat tayo, mga kasama. Ang una’y pamumunuan ko. Ang ikalawa’y kay Pareng Beloy. O, tara na!”

Namuti sa bula ang maasul na dinaanan ng humahaginit na mga bangka.  Nagmistulang simenteryo sa katahimikan ang kanina’y maingay na dalampasigan.  Nakapako sa papalayong mga bangka ang mga mata.  Naiwan ang mga bata.

Namataan kaagad ng maestro-piloto ng trol ang papalapit na mga bangka.  Nagpatuloy ito sa paggayad. Hindi inintindi ang rumaragasang mga bangka.  Nang mapalapit na ang mga bangka ng grupo ni Tata Ikyo ay inimbawan ng mga ito ang trol.  Alalay lang ang grupo ni  Beloy.  Tumayo si Tata Ikyo sa bangka at sinenyasan ang maestro-piloto na ipasamsam na sa mga tauhan ang nakalargang lambat.  Hindi nito pinansin si Tata Ikyo.  Akala siguro’y manghihingi lamang sila ng ulam.  Ngumiti ito na parang nakakatuya.  Sa halip, pinalakas pa ang andar ng makina ng trol.  Pinaangil iyon. Na parang nagbibiro na may halong pananakot.  Ibig na sagasaan ang nakaharang na mga bangka.

Nalito ang makinista ni Tata  Ikyo.  Ipipihit sana nito ang bangka, pero sumalpok iyon sa kasamahang bangka.  Yumanig iyon at gumewang.  Hindi nakapanimbang ang nabiglang Eric.   Nahulog ito sa tubig. Bago iyon, tumama ang ulo nito sa parka ng bangka. Napakunot ang noo ni Tata Ikyo. Padunghal siyang tumingin sa kinabagsakan ng anak. Hindi matiyak kung matatawa sa katangahan ng anak o maiinis sa kagagawan ng makinista.  Hindi na sana niya iyon papansinin, pero nagulat siya nang agad ding sumulpot ang ulo ng anak mula sa tubig.  Ipiniligpilig nito ang ulo.  May umaagos na dugo. Gayunma’y maliksi pa rin itong nakasampa sa bangka.  Kaagad na umalalay ang iba pang mangangawil. Noon lamang napansin ni Eric na duguan na pala ang kanyang ulo.

“Walang anuman ito. Huwag n’yo akong intindihin. “Yung trol ang abatan ninyo at baka makaalis pa,” sabi ni Eric habang tutop ang parte ng ulo na nasugatan.

Inihagis ni Tata Ikyo sa anak ang twalyang nakasabit sa leeg niya.  Muli niyang hinarap ang maestro-piloto na napilitang pahintuin ang trol.  Pero wala pa rin sa itsura nito na susunod sa kagustuhan nila.  Mas tumigas ang mukha nito nang mapaligiran ng mga tauhan ng trol. Pakiramdam. Parang isang pagsusubukan. Ilang sandali pa ang nagdaan.

Nagulat si Tata Ikyo nang matuling dumais sa kanila ang pangkat nina Beloy.  Mahigpit na tangan ng kanyang kumpare ang isang bungkos ng dinamita. Nanlaki ang mata ng maestro-piloto. Napawi ang malaasong ngiti.  Napalitan ng sindak.  Hanggang matulala.  Hinarap ni Beloy ang tulirong maestro, iniamba ang hawak na dinamita.

“Sige, pag pumalag pa kayo, samasama na lang tayong malilibing dito!” sigaw ni Beloy.

Napaatras ang maestro-piloto, nakataas ang mga kamay.  Ganoon din ang ginawa ng mga tauhan nito.  Saka sila sinenyasan ni Beloy na magsamasama sa gawing dulo ng trol.  Kasunod noo’y ang senyas sa mga kasamahan na akyatin na ang malaking bangka.  Nanulay sa katig at batangan ang mga mangangawil. Nang nakasampa na ang lahat, hinarap ni Tata Ikyo ang maestro-piloto. Lumapit kay Tata Ikyo si Indo. Iniabot nito sa kanya ang inihandang kasulatan. Pagkaabot noo’y hiningan ni Tata Ikyo ng anumang maaaring pagkakilanlan ang maestro-piloto.  Dinukot nito ang pitaka sa bulsa.   Inilabas ang sedula kasama ang iba pang papeles.  Binasa ni Tata Ikyo ang mga iyon. Napailing  na lamang siya, kung-paanong may permiso pa ang trol mula sa Coast Guard, gayong alam naman nilang iligal ang pangisdang ito.  Pagkaraa’y iniabot niya ang kasulatan at ipinabasa sa maestro-piloto. Isa iyong pagpapatunay na walang ibang kinuha ang mga mangangawil sa laman ng trol maliban sa huli nitong isda. Katunayan din na wala silang sinaktang tao o sinirang kagamitan. Pagkabasa ng maestro-piloto, pinalagda ito ni Tata Ikyo, gayundin ang ilang tauhan ng trol.  Pagkatapos ay  kinamayan ni Tata Ikyo ang maestro-piloto. 

Sinenyasan ni Tata Ikyo ang mga kasamahan. “Hala, kunin na ninyo ang parte ng baryo.”

Binuksan nila ang priser. Mayroong para sa hoya lamang. Malalaking isda para sa may-ari ng trol. Dulay, tanigi, malalaking hipong puti, at maging ang banak na ipinagbabawal hulihin.  Saka rin nila napansin ang mga patay na similya ng isda sa paligid.

Halos magkandakuba ang mga mangangawil sa paghahakot sa kinumpiskang huli ng trol.  Kumikislap ang ibaibang klase ng isda na ibinubuhos sa kanilang mga bangka.

“Huwag na sanang maulit ang ganitong pagwawalang-bahala ninyo,  kaibigan,” paalala ni Tata Ikyo.  “Dapat na patas lang ang labanan.  Huwag nang kunin ang para sa amin. Doon kayo mangisda sa lugar na itinakda ng batas. Ang kinuha nami’y ‘yun lamang dapat ay amin,”  dagdag niya.

Tango lang naisagot ng maestro-piloto.

Naglapitan ang iba pang mangangawil, at kinamayan din ang mga tauhan at ang maestro-piloto. “Parepareho tayong mangingisda.   Dapat lang tayong magtulungan.”

Nang makalayo ang mga bangkang may lulang isda ay ipinakiusap ni Tata Ikyo kina Beloy na sila na ang magbenta ng nakumpiskang mga isda. Ibinilin  din niya sa mga ito na ibiling lahat ng bigas ang mapapagbentahan para maipamahagi sa mga tagabaryo. Bago tuluyang humiwalay ang pangkat nina Beloy, inalabas nito sa salakuban ang kanyang armas, parang nakakalokong batang kinausap si Tata Ikyo.

“Pare, basyo lang ire,” saka idinikit ni Beloy ang sindi ng sigarilyo sa mitsa ng dinamita. Sumabog ang tawanan.

Humahalakhak pa ring inihagis ni Beloy ang mga basyong dinamita.  Ipinihit na ng pangkat nito ang timon sa direskyon ng punduhan.  Malayo na ang mga iyon nang kumawala ang ngiti sa labi ni Tata Ikyo habang minamasdan ang bungkos ng dinamita na idinuduyan ng alon.

Magkatapat na ang bumbunan at ang araw nang marating nina Tata Ikyo ang pasigan.  Palundag na nagbabaan ang mga mangangawil/

“Tagumpay tayo!”  masiglang pagbabalita ng mga bagong dating sa mga taong matiyagang naghintay.

Muling umugong ang pasigan.  Nawala na ang tensyon. May gustong kumawalang luha ng kasiyahan sa kababaihan at matatanda. Nagsisigawan ang mga bata.

“Panalo sina Tata Ikyo! Talo na ang malalaking bangka! Hindi na lugaw ang pagkain bukas!” Nilapitan ni Tata Ikyo ang isang batang nagtatalon sa tuwa, pinasan ito sa isang balikat.  Saka siya nagbalita tungkol sa kabuuan ng pangyayari.

“Mga kasama, ang tagumpay na ito ay tagumpay nating lahat.  Pero  marami pang prublemang dapat harapin.  Sana'y magpatuloy tayo sa nasimulan nang pagtatanggol ng ating mga karapatan.”

Nagpalakpakan ang lahat.  Inanyayahan ni Tata Ikyo ang lahat na magpunta sa plasa ng baryo pagkapananghalian. Doon ipapamahagi sa lahat ang bigas na mabibili mula sa mapapagbentahan ng nakumpiskang isda.

Dumiretso nang pauwi ang mag-ama.  Sa tarangkahan ay nakasalubong nila ang isang batang humihingal pa.  Nasa harap ng pintuan si Nana Barang. Napansin niya kaagad ang may bahid pang dugo na telang nakatali sa ulo ni Eric.

“Napaano ‘yan,” may pag-aalala niyang tanong.’

“Naumpog lang ho,” sagot ni Eric.

“Ay, naku, dali ka.  Pasok at nang magamot ‘yang sugat mo.” Dalidali niyang inakay papasok ng bahay ang anak.

Sumunod si Tata Ikyo, diretso sa upuan paharap sa nakaupo nang mag-ina. Tumayo si Nana Barang at kumuha ng gamot na pula at malinis na basahan. Habang maingat niyang ginagamot ant sugat ni Eric ay pasulyapsulyap kay Tata Ikyo. Matapos asikasuhin ang anak ay muli niyang tiningnan si Tata Ikyo.

“Ikyo…” mahina niyang tawag.

Sumulyap lamang si Tata Ikyo. Saglit na katahimikan.  Tumayo si Nana Barang at dumiretso sa kakalanan.  Nagkatinginan ang mag-ama. Mata lang ang nag-uusap. Wala ni isang salita.  Nang lumabas mula sa kakalanan si Nana Barang ay muling nagkatinginan ang mag-ama.

“O, inumin muna ninyo ire at hindi pa luto ang sinaing.”

Hindi na napigilan ng mag-ama ang malakas na tawanan habang nakatitig kay Nana Barang na noon ay may hawak na dalawang tasa ng umuusok na kape. Dinagdagan pa ito ng matamis na ngiti.  Nakaramdam ng lubos na kasiyahan si Tata Ikyo, mula tibak hanggang balakubak.

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1