MA. ERA DOYSABAS PAMAT

Ang Uhaw na Bundok Manuway

 

MASALIMUOT ANG UMAGA para sa batang si Rowella.  Iba ito sa mga umagang dumaan mula nang siya’y isilang.  Nagkalat ang mga kagamitan sa kanyang paligid at ang kanyang mga magulang at kapatid ay paroo’t parito malapit sa kanyang higaan.  Pinakahuli siya ngayong bumangon, di tulad noon na siya pa nga ang gumigising sa iba para ihanda ang mga kagamitan at pumunta sa bukid.

Habang nakaupo siya sa isang sulok, kumalam ang kanyang tiyan.  Noon, nakaugalian na niyang humingi ng kamote, pero ngayon, tiniis na lamang niya ang gutom dahil nasigurado niyang hindi siya mabibigyan ng pansin. Kaya inaliw na lamang niya ang sarili sa panonood sa kanyang mga magulang at kapatid na naglilipat ng kanilang mga damit at kagamitan sa bahay.  Kahit luma na ang ilan sa mga damit, nagagamit pa rin nila ang mga iyon sa bukirin.  Ang mga kaldero at plato ay naipasok na sa isang malaking sako, at umisod siya para mailigpit na rin ang kanyang higaan.

“Saan ba tayo pupunta, “Tay?” tanong ng inosenteng bata.

“Ssst, huwag kang malikot para matapos tayo kaagad.  Baka  maiwanan pa tayo ng ating kapitbahay,” sagot ng ama niyang si Jose.

Mga  kapitbahay? Kung gayon, hindi lang sila ang aalis. Siguro, maraming pamilya ang sasama.  Siguro, maramingmarami. Pero saan ba sila pupunta?  Nagulat siya sa pag-iyak ng kanilang baboy sa silong.  Pati pala ang aming baboy, sasama sa amin?  Kung gayon, magtatagal siguro sila doon sa kanilang pupuntahan.

Sa idad na otso anyos, madali nang maintindihan ni Rowella ang kanyang paligid.  Siguro, isip niya, ang kanilang pag-alis ay sagot sa banta ng militar na papatayin ang sinumang matitira sa kanilang sityo, ang Sityo Manuway, na kinaroroonan din ng kanilang sakahan.  Isa sa pinag-iinitan ng militar ang Tatay Jose niya, pero alam niyang wala itong kasalanan.  Ngayon, aalis sila.  Ang hindi niya maisip ay kung saan sila pupunta.

“Saan ba tayo pupunta, ‘Nay?” Ang tinanong naman niya ay ang kanyang nanay, nagbabakasakaling masagot siya nito.  Hindi ito umimik. Kumalam na naman ang kanyang tiyan.

“Iiwan natin ang sakahan? Saan tayo kukuha ng pagkain?”  Mas matindi ang kanyang pag-aalala na wala na silang makakain.  Tumayo siya at kumuha ng tubig sa galon na malapit sa kanya.  Ninamnam niya ang malamig na tubig na dumaloy mula sa kanyang lalamunan hanggang sa gutom niyang tiyan. Tama na munang kasagutan ito sa kanyang gutom.

Umupo siya uli sa sulok. Dumadaloy ang mainit na luha sa kanyang mga pisngi. Hindi magtatagal at iiwan na nila ang Bundok Manuway na kanyang kinagisnan.  Mahal niya ang bundok na ito dahil ito rin ang bundok ng kanyang  tuwa.  Habang nagtatrabaho ang kanyang mga magulang, dito siya nakikipaglaro sa mga batang kapitbahay.  Kapag hindi tag-ulan, iigib sila ng tubig para diligin ang mga tanim na gulay.  Malayo sa bundok ang pinagkukunan ng tubig pero nasanay na rin siyang  mag-igib dahil para sa kanya, alay niya ito sa pag-aalaga ng lupa.  Ito rin ang gawain ng kanyang nakatatandang kapatid na lalaki na ngayon ay nag-aaral na sa elementarya. Habang malalim na nag-iisip, nayakap ni Rowella ang galon na paborito niyang dalhin patungo sa bundok.

Patuloy ang paghugos ng maraming tanong sa kanyang isipan.  Saan kaya sila titira?  Makakabalik pa kaya sila sa bundok?  Kung aalis ang lahat ng tagasityo, sino na ngayon ang magdidilig sa mga tanim doon?

Wala pang isang linggo ang nakakaraan, ikinwento ng kanyang ama ang tungkol sa pagdayo nila sa Bundok Manuway.  Sampung taon na silang nakatira dito. Bagong kasal pa lang noon ang kanyang mga magulang at dahil wala silang sariling lupa, ang Tatay Jose niya ay naging kasama sa kabilang baryo.  Malayungmalayo ang nilalakad nito at hindi ito nakakauwi sa tanghali.  Minsan, may grupo ng mga magbubukid na nagkaisang sakahin ang gubat sa Bundok Manuway, at dahil wala ngang sariling lupa ang kanyang ama, nagpasya itong sumama.

Pagkadeklara ng batas militar, mahigpit na ipinagbawal ng Guardia Monte na magpatuloy sila sa pagsasaka.  Pero dahil sa pagkakaisa ng mga magsasaka, hindi napigil ang pagnanais nila na sakahin ang gubat na ito.

“O, ano na, Pare, lalakad na ba tayo?” Nagulat ang bata sa narinig niyang sigaw galing sa ibaba.

Mabilis na binuhat ng kanyang ama ang mga sako sabay sagot, “Oo, Pare, nandiyan na kami.  Hala, Iyay, dalhin mo ‘yang ibang gamit natin.  Mga anak, tulungan ninyo ang Nanay.” Tumayo si Rowella. Binitbit niya ang galon na nasa tabi at sumunod sa kanyang ama.

Nagliliyab ang mga sulo ng mga dumating sa dampa ni Nong Berong.  Sa malaking bakuran sa harap ng dampa, nagpulong ang mga taga-Sityo Manuway. Binilang kung mayroon pa bang nawawala, at nang handa na ang lahat ay dahandahan nilang tinahak ang makitid na daan patungo sa sentro ng baryo. Sa silangan, napunit na ang langit ng unang silahis ng araw.

Iba ang pakiramdam ni Rowella, hindi siya nakakaramdam ng siglang katangitangi.  Para bang ang bagong umaga ay nagdulot ng di karaniwang kirot sa kanyang puso.  Wala na ang lamig niyon, wala na ang pangako. Wala na sa kanya ang tuwang natikman sa bukid.  Muli niyang minasdan ang magarbong anino ng bundok na kanilang tinatalikdan.   Parang kinakawayan sila nito para  bumalik.  Ang gandang tingnan, pero bakit hindi nila ito maangkin?  Parang kinagat ang kanyang puso.  Binawi niya ang kanyang tingin at sa halip ay minasdan ang kanyang ina, nagbabakasakaling dito matagpuan ang ngiti na makakapagpagaan ng pakiramdam. Pero ang nakita niya ay ang dumadaloy na luha ng kanyang nanay, pareho pala silang umiiyak.

Hindi rin mapigil ni Jose ang kanyang lungkot. Habang tinutunton nila ang daan  patungo sa ditatsment ng militar, isaisa niyang hinimay ang mga pangyayari.

Iligal, sabi ng Guardia Monte, ang pagsasaka nila sa bundok na ito. Pag-aari daw ito ng pamahalaan at inaalagaan para sa ikabubuti ng ekolohiya.  Pero ganyan lang ba kadali ang magpaalis sa kanila sa lupang sinasaka?  Namumunga na noon ang mga tanim at kailangan ang kanilang lakas para marami ang bunga nito. Mabagsik ang Guardia Monte, at dahil wala raw silang pinag-aralan, mababaw lang ang nalalaman nila tungkol sa batas, sabi niyon. Pero ano ba ang nangyari? Kumuha ng mga tauhan ang Guardia Monte para anihin ang inaalagaan nilang mais at gulay. Nagalit silang lahat. Nagkaisa silang magpitisyon tungkol sa pangyayari at paharapin sa mga tagasityo ang abusado para managot. Huli na ang lahat, nalaman nilang pinatay na ito ng isang magsasaka sa kabilang baryo na galit na galit sa ginawa nitong pang-aapi.  Mula noon, untiunting nawala ang taga-Forestry at umunlad ang pagsasaka nila. Dahil ang puwang na handog ng bundok ay hindi makatugon sa pangangailangan ng lahat ng dumayo dito, pinagsamasama nila ang kanilang lakas.  Naging komunal ang produkto ng lupa.  Bukod sa pagkakaisang ito, nag-aabuloy din sila kung may namamatay, at nagtutulungtulong ang kababaihan sa paglilinis ng palibot.  Sa panahong marami ang naani nilang gulay, ibinebenta nito at ang kita ay pag-aari ng lahat. Ang kaunti nilang kita ay ipinagpatayo nila ng isang tindahan ng gas, sabon at iba  pang maliliit na pangangailangan sa bahay. Sa madaling salita, organisado ang kanilang pamumuhay.

Dumating ang panahong mahigpit na ipinasukat ang lupain. At palibhasa’y wala silang titulo, inusig sila ng pamahalaan dahil iligal daw ang pagtatanim nila sa bundok.

Ayaw nilang mapaalis sa bundok na ito, kayat pormal nilang binuo ang Nagkakaisang Magbubukid sa Manuway (NAGMAMANU) at nagmyembro sila sa Samahan ng mga Magbubukid na Bol-anon (HUMABOL) para maipaglaban ang kanilang karapatan.

Narinig ng gubernador ang tungkol sa kanilang inisyatiba kayat pinadalhan sila ng mga Tadtad at mga bataan niyon. At dahil inutil ang mga ito, militar na ang ipinadala sa kanilang lugar.  Interesado ang gubernador na maangkin ang Bundok Manuway laluna’t mainam ang resulta ng pagsasaka dito na kamay lang ginagamit. Ang dati nang magandang bundok na luntian sa kapal na kabuhayan ay mas gumanda pa dahil palagiang nadidilig ng pawis at hirap, pati na ng luha ng mga magsasaka.  Naging lokal na bersyon ito ng payaw.  Totoong maliit  lang, pero magandang tanawin pa rin. Ipinaglalaban ng mga magsasaka ang kagandahan nito.

Isang gabi, inakyat ang bahay ni Sendo, isa sa mga namumuno sa NAGMAMANU. Isinama siya ng mga armadong katao kahit tumututol ang kanyang asawa.  Nag-iwan ng banta ang mga armado na kung hindi sila aalis, isaisa silang kukunin.  Kinaumagahan, nakita na lamang ang bangkay ni Sendo sa daan, sugatsugat ang buong katawan na parang hiniwahiwa at may malaking uka sa dibdib na likha ng malaking gulok.

Nangilabot sa pangyayaring ito ang lahat ng taga-Manuway.  Mula noon, lagi na lamang silang pabiglabiglang nililigalig ng militar, ipinapatawag ang mga lider, at kamakailan lamang, inakyat ang kanilang mga bahay, itinumba ang mga baldeng pinaglalagyan nila ng mais, winarat ang kanilang mga unan, tiningnan ang mga pugad ng manok na para bang may hinahanap na hindi naman nalaman ng mga magsasaka kung ano. Hanggang sa hindi na nila ito matiis, napilitan silang umalis.  Gayunpaman, ayaw nilang maghiwahiwalay. Dahil samasama silang namuhay sa Manuway, samasama rin silang aalis, pagsasaluhan ang hirap at sakit.

 

“Hanggang diyan na lang kayo! Hindi na kailangang pumasok dito!” sigaw ng militar.

Nakarating na pala sila sa ditatsment ng militar.  Kayat huminto muna sila para sa tseking.  Pinalinya silang lahat at isaisang tinanong kung ano ang pangalan, sino ang mga anak, saan pupunta. Masaya ang mga mukha  ng mga militar, naglalarawan ng tagumpay ng mga ito na mapaalis sa Manuway ang mga magbubukid.  Pero tumaas ang kanilang kilay  nang malaman nila na doon pala titira ang mga magbubukid sa iskwelahan na nasa sentro ng baryo.

“Jose Arcaya!” Nangatog ang tuhod ni Jose nang tawagin ang kanyang pangalan.

“Ak… Ako sir,” sagot ni Jose. At kung bakit naman mabigat sa loob niya na sumagot sa militar.  Siguro, dahil sa naranasan nilang pagbabanta, sa pangungulata ng mga iyon sa kanila.  Pagkakita ni Rowella na nilapitan ng isang sundalo ang kanyang ama, agad niyang niyakap ang binti nito.

“Ikaw pala, Do, ang lider ngayon.  Ang liit mong tao, ang tigas ng iyong ulo. Ano ba, talaga bang ayaw n’yong umalis nang tuluyan?  Bronse pala ang gusto n’yo, ha, ha?” Napaatras si Jose nang iumang sa kanya ng sundalo ang armalayt.  Sumigaw si Rowella. Ang kanyang iyak ang nagpalamig sa nagliliyab na galit ng militar.

Sinabihan silang magpatuloy, bilin ang bantang kailangang magpasya na silang iwanan nang tuluyan ang Manuway kung nais pa nilang tumagaltagal sa mundo. Pinutinot na tinunton  ng mga magbubukid ang daan patungo sa iskwelahan.

Lumipas ang isang buwan ng tag-init.  Sinalakay ng katakuttakot na taggutom ang mga magbubukid.  Isa si Rowella sa mga batang naging biktima ng epidemya.  Habang nakaupo siya sa pintuan ng silid-aralang tinitirhan nila, tinatanaw niya ang malayong Bundok Manuway. Para sa kanya, naging pangarap na ito.  Ngayo’y nagwakas nang panaginip ang tuwa na pinagsaluhan niya at ng iba pang kabataan.  Ang dating magandang Bundok Manuway ay isa na ngayong libingan kung tanawin.  Patay at lanta ng ngayon ang bundok na noon ay puno ng kasiyahan.  Uhaw dahil sa init ng tag-araw, uhaw rin sa pag-aaruga ng malambing na mga kamay, uhaw sa tubig, pawis at luha ng idinidilig sa katigasan nito.  Tulad noong naranasan ni Rowella nang sila’y umalis, kumakaway ang bundok sa kanyang pagbabalik, humihingi ng kahit isang galon man lang na tubig.  Gayunpaman, sa patay nitong mukha ay may isinasaad itong buhay.  Ang malakapeng kulay nito’y naghahandog ng mga hinog na bungang napabayaan lamang.  Pero nariyan pa ang mga buto ng gulay at hinog na bunga ng mais.  Ngayo’y natatanaw na lamang ang mga tanim ng Bundok Manuway. Bawat isa sa kanila’y sumasakit ang tiyan habang minamasdan ang tanawing ito. Hanggang doon na lang ba ang tanim na iyon, nagwawalambahala at tinatakpan ang mga  tainga para  marinig ang iyak ng gutom na mga bata?

Tahimik ang gabi.  Oras na ng pagpapahinga ng isipan ni Rowella, mga alasdyis na ng gabi.  Hindi siya makatulog habang napapakinggan ang kulo ng kanyang tiyan.  Bakit kaya hanggang ngayon ay hindi pa umuuwi ang kanyang tatay?  Mula noong lumikas sila, siya na talaga ang katabi sa pagtulog ng kanyang tatay.  Kagabi, matagal din bago ito nakauwi.. Nanghihina pa si Rowella. Magtatatlong araw na ang nararamdaman niyang sakit at wala pang naigagamot dito.  Sinikap niyang ipikit ang  kanyang mga mata hanggang makalimutan niya ang mundo.

Binasag ng angil ng armalayt ang katahimikan ng gabi.  Kahit nanghihina, may natitira pa siyang lakas para lapitan ang higaan ng kanyang tatay.  Wala pa rin ito.  Parang sasabog ang kanyang puso sa takot.  Tinawag niya ito, walang sumagot.

Nagkagulo ang lahat.  Tinawag ng mga babae ang kanilang mga asawa. May nagsindi ng lampara na nakasabit sa malapit sa kanilang higaan.  Naaninaw ni Rowella ang kanyang nanay, yakap nito ang dalawa  niyang kapatid na lalaki, nakadilat ang mga mata pero   hindi makapagsalita.  Tinawa niya ito habang dahandahan niyang nilalapitan.

“Nay, si Tatay, nasaan si Tatay?”  Hindi nito sinagot ang kanyang tanong, at sa halip ay humagulgol ito at hinigpitan ang yakap sa kanya.

Alasais ng umaga, hindi pa rin matapustapos ang hagulhulan.  Galit at mabagsik ang mga militar, na nag-utos na lumabas silang lahat.  Unang lumabas ang mga lalaki, pero hindi pa ito sapat, kailangang lumabas ang lahat, may ipapakita daw sa kanila. Pag-aalala ang naghari sa mukha ng mga babae habang ang mga inosenteng bata ay naghihintay sa susunod na mangyayari.

“O, ano ba kayo, ayaw ba ninyong makita ang inyong m ga patay?”  tanong ng isang sundalo.

Mga patay? Unang pumasok sa isipan ni Rowella ang kanyang ama. Tinawag niya ito. Pinilit niyang itukod ang nanghihina niyang tuhod.  Pasuraysuray siyang tumakbo patungo sa pintuan.  Nilampasan niya ang mga sundalong nakapatid.  Nakita niya ang mga katawan na nakahilera sa harap ng iskwelahan. Isa dito ang napagtuunan niya ng pansin dahil sa punit na kulay dilaw na pantalon. Duguan ito, hindi na humihinga. Huli niyang naalala na natumba siya.  Sinikap niyang bumangon para mayakap ang kanyang ama.  Wala na siyang lakas. Paulit-ulit niyang binibigkas ang pangalan ng kanyang ama. Patay na ang kanyang Tatay Jose.

Umabot sa bayan ang balita.  Marami ang sumimpatya. Ang mga pari ay nagpadala ng representante para masiyasat ang pangyayari.  May mga pulitiko rin na dumalaw sa kanila, may mga abugado, mga representante ng mga grupo sa karapatang pantao, mga magbubukid na tagaibang lugar at mga peryodista.

Sa isang silid sa iskwelahan  dinala si Rowella.  May doktor doon na tumitingin sa mga maysakit.  Dadaan pa ang isang linggo bago niya lubos na maunawaan ang kamatayan ng kanyang ama.

Noong gabing umalis ito, pumunta pala siya at ang ilan pang magsasaka sa Bundok Manuway para lihim na anihin ang mais na maaari nilang kainin. Akala raw ng mga sundalo ay rebelde sila kaya pinaulanan ng bala. Napatay na rin ang pitong magbubukid na nagboluntaryong sumama sa kanyang ama.  Sabi rin ng militar,  hindi tinupad ang warning nila na walang babalik sa bundok. Iyon namang sinasabing mga armas ay planted ng militar doon sa tatlo sa mga napatay na magbubukid.

Lumabas din ang totoo dahil maraming saksi ang tumulong.  Mayroon pang mga dayuhang sumali sa fact-finding mission na nagmatwid na walang sala ang mga magbubukid. Humantong sa korte ang kaso.

Pinayagan na silang bumalik sa Bundok Manuway habang hinihintay ang pormal na pagbibigay ng bukid sa kanila.  Maraming tumulong sa kanila, lalunglaluna ang mga magbubukid sa ibang lugar.

Malakas na si Rowella at kailangan niyang tumulong sa kanyang ina sa pagliligpit ng mga kagamitan.  Babalik na sila sa kanilang dampa.  Pagkatapos ng taggutom, tatamnan na nilang muli ang Bundok Manuway.  Didiligin na naman ng kanilang pawis, luha at pagmamahal.

Habang minamasdan ni Rowella ang bundok, naalala niya ang namatay na ama. Kung bakit kasama ang dugo nito na pandilig sa uhaw na lupa.  Kung buhay lamang siya, nakita sana niya ang tagumpay na natamo nila.  Kung buhay pa sana siya…

Pero para kay Rowella, hindi pa lubos ang tagumpay na ito. Marami pang labanan ang darating, isa ang pagbibigay-katarungan sa kamatayan ng kanyang ama. Nangangarap pa silang magkaroon ng sariling lupa at tutulong sila sa iba pang magsasaka na magkaroon din ng sariling lupa.  Kailangang maging matapang din siya tulad ng kanyang ama.

Siya ang binhi, ang kanyang ama ang bukid.  Ang pagpapatuloy niya sa pakikipaglaban ay nangangahulugang hindi nasayang ang kamatayan ng kanyang ama.

(Salin ni Lina Sagaral Reyes mula sa Bol-anon.)

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1