ZELDA SORIANO

Temyo, Cleo at Banong

 

MALAMIG ANG GABI. Humuhuni ang mga kuliglig. Humiga-umupo si Temyo. Sinindihan ang sigarilyo, humithit. Palingalinga siya sa paligid.

“Humiga ka na nga!” sigaw ni Temyo sa asawa.

“Ayoko pa sabi.”

Nakasuksok sa isang kanto ng kubo si Elma.  Umaastang sisigaw tuwing lalapitan ni Temyo.

“Mag-iingay pa ba tayo bago ka humiga?” Naiinip na si Temyo.

May isang taon na ring naghihintay at nangangarap si Temyo sa unang gabing makakaulayaaw niya si Elma pagkatapos ng kanilang kasal.  Noon, hindi pa tapos ang seremonya ay iniisip na niya ang pahakbanghakbang na diskarteng kanyang gagawin sa kanilang pulutgata.  Isipin lang ito, tumitigas na agad ang kanyang ‘kaibigan’.

“Elma, ano ba?” napapagod na ang boses ng Temyo.

“Matatanda na tayo. Trenta-otso na ‘ko, trentaysingko ka naman,” umiiyak naman ang boses ni Elma.

“Mas matakot ka kung pareho na tayong grabeng kunat, at maski gustuhin nating pareho ay hindi na tayo masisiyahan sa ginagawan natin.” Dinukwang ni Temyo ang asawa at ikinulong ng mga palad ang mukha, nagpatuloy sa pagngawa.  “Saka na lang, ba’t ka ba makulit?”

“Makulit?” namulagat si Temyo sa asawa. “Ka Elma naman, mag-asawa na tayo. Karapatan ko lang na sumiping sa ‘yo.  Ako ang yayain mo at hindi ako makukulitan.” Umubuubo si Temyo.  “Nahihirapan na ‘ko Ka Elma. Para tayong mga batang nag-uutuan. Matagal na nating nilutas ang usaping ‘yan, a! Natatakot ka ka’gad manganak, ni hindi pa nga natin alam kung pareho tayong marunong gumawa no’n.” Lalong ngumawa si Elma.

“Nasa rebolusyon tayo, Ka Elma,” patuloy sa pakikiusap si Temyo, sinisingitan ng saglitsaglit na pag-ubo,  “hindi tayo laging magkasama dahil sa ating mga responsibilidad. Hindi tayo nakakasiguro sa bawat kasunod na segundo, minuto, oras, araw, dahil tayo’y nagrerebolusyon at may mga kaaway.  Huwag nating sayanging ang gabing ito.”

 Ubo. Ubo at ubo pa.

Umatras ng kaunti si Temyo. Marahang umangat ang mukha ni Elma, tinitigan ang asawa.

“Ka Temyo…” paiyak ang boses ni Elma, dumait sa asawa at inakbayan. Sinadya ni Temyong di umimik upang ipahalata ang pagtatampo. Inalis niya ang nakaakbay na braso ng asawa,   iniiwas ang mukha.  Umisod pa nang kaunti palayo si Temyo at hinimashimas ang dibdib, saka nagbuntunghininga.

Ibinalik ni Elma ang braso sa balikat  ni Temyo. Sinalo  ng kanang-palad ang pisngi ng asawang lalaki, at idinait sa labi niya.  Hinalikan.  “Ka Temyo, sori. Tulog na tayo.”

“Huwag,” ngumisi si Temyo, “humiga lang tayo.” Saka niya niyakap ang asawa at masuyong inihiga.

Tumagilid si Temyo kay Elma, niyapos ang asawa at idinantay ang kanyang hita. Nakiliti siya sa mayuming hininga ni Elma, napangiti, saka hinaplos ang pisngi nito. Hinalikan ni Temyo ang labi ng asawa. “Mahal na mahal kita!” Gumanti ng yapos si Elma at nakaramdam si Temyo ng ‘di maipapaliwanag na kasiyahan, ‘di mapapantayang kapayapaan.

Ubo. Ubo. At ubo pa.

Biglang nahinto ang pagbukal ng damdamin sa sarili ni Temyo.

Ubo, ubo, huuu!

Nahihirapang huminga si Temyo, nanlalamig ang buong katawan, at bumibigat ang ulo.

“Asawa ko, bakit?” napabalikwas si Elma.

Naghahabol na ng hininga si Temyo.  “Aaaa, K-K-Ka Elma, hhh…hini-hinihika ako! “Yung g-g-gamot…”

Natakot si Elma sa ayos ng asawa. “Mga kasama!”

 

* * ** *

HINAPLOS NI CLEO ang maliit na daliri ng anak. Idait-layo niya ang mukha sa batang babae.  Ginugusot niya ang kanyang mukha at ginagaya ang dadada ng anak. Ngumiti ang batang may limang buwan ang edad. Sinilip ni Cleo ang inang kumakarga sa bata.  “Ang gandaganda ng anak natin.  Maigi’t mana sa ‘yo” Napangiti lang si Risa.

“Ka Risa…” Tumitig si Cleo as kanyang asawa.

“O?”

“Gumagapang na ang anak natin ‘no?”

Tumawa nang malakas si Risa. “Loko ka, Ka Cleo.”

“Aba, hindi! Nagpakasal tayo sa Partido, a!”

Nagtawanan sila. Masuyong niyakap ni Cleo ang kanyang mag-ina, bumulong sa asawa. “Pinayagan naman ako ng mga kasama hanggang isang linggo—dalaw sa anak, at higit sa lahat, dalaw sa asawa.”

Bumulong si Risa. “Inaantakan pa ‘ko, loko.”

Kumunot ang noo ni Cleo. “Ano bang pagkatagaltagal naman antak ‘yan?”

Pinisil ni Risa ang kaliwang tenga ng asawa. “Salbahe!”

“Araypooo!” Pumipiglaspiglas si Cleo at nag-iyak-iyakan.  “Anak, o, bumaling siya batang babae, “pingot ako nanay mo, o!” Ngumiti ang bata. Pinaikut-ikutan ni Cleo ang anak, at nang tumigil ay bigla niyang hinalikan.

Prraaakkk!

Tumumba si Risa. Humiging ang mga balang tumagos sa dampa, tumagos din ang guhit ng liwanag sa mga butas sa dingding at bubong. Marahas na tumilapon kung saansaan ang mga piraso ng kahoy, yero, plastik, aluminyo, at kung anuano pa.  Nilason ng usok ang hangin, nag-amoy-pulbura sa buong kabahayan.  Sa paligid ay mga yabag, kasa, kumand, putok.

Walang puknat ang pagpapaputok ng mga sundalo. Saglit pa ay naghalinhinan ang kakilalkilabot na ungol, daing, at kislot ng naghihingalong ina at anak.

Dinaklot ni Cleo ang nakahigang armalayt at mabilis na isinuot ang bandulyer na amopawts. Gumapang siya, lumingalinga, hanggang nasumpungan ang kanyang mag-ina na nakahandusay sa may pintuang kawayan.

Praaaakkk!

Gumapang, gumapang pa si Cleo papalapit sa kanyang mag-ina. Umaagos ang dugo sa bibig ni Risa, nakatirik ang mga mata ng bata. At tumigil, tumigil ang pag-ikot ng mundo, naghari ang dilim. Sa pagitan ng bawat putok ay walang hanggang katahimikan.

Nakayapos pa si Risa sa kanyang anak.

“Risa! Anak ko!” Nagsisikip ang dibdib ni Cleo, tumatakas ang kanyang katinuan pero tumatangging ‘di sumambulat, mawasak. Isinubsob niya ang mukha sa M16. Napuyos ng luha ang bakal na sandata.

Sumulyap muna si Cleo sa mag-ina, marahang dinaitihan.  Isinara ang kanyang nangangatal na palad ang mga mata ng anak at saka hinalikan ang pisngi ng asawa.

Tumalon sa pintuan si Cleo at nagpagulunggulong. Hinabol siya ng kumand.  At ng mga bala.

Prraaakkk!

Pumusisyon si Cleo sa likod ng punong niyog, dumapa, at nagpaputok.

Prrraaakkk!

“Putang-ina ninyo!”

Bumugso ang ganting-putok ng mga kaaway.  Gumulong, gumapang, tumakbo si Cleo; gumulong, gumapang, tumakbo pa, paatras.

Sa hangganan ng Baryo Mabini nagpahinga si Cleo. Isinandal niya ang pagal na katawan sa puno.  Tumingala. Ipinikit ang mga mata.  Hinigpitan ang hawak sa M16.

 

* * * * *

BUMIGAT BAWAT HAKBANG ni Banong. Tumatanggi siyang magmadali. Magkakasalubong ang dalawang kilay at malimit ang buntunghininga.

“Tsk-tsk-tsk, Ka Inggo!”

Lumingon si Inggo na naglalakad sa unahan niya.  “O? Relaks lang, Ka Banong.” Pinipigil ni Inggo na mapahalakhak.

Pailing-iling si Banong. “Ayuko na, para!”

          Hindi na mapigilan ni Inggo na mapabunghalit ng tawa.  “Huwag kang ngang ganyan, kasama. Hindi ka nga umatras sa labanan sa San Francisco, maduduwag ka sa babae?” Saka ito sinundan ng mas malutong na halakhak.

Pagtapat sa bahay ng babae, napalunok ng laway si Banong.  Pagdungaw ni Saning, tumambol naman ang kanyang dibdib.  Pinipilit niyang alalahanin ngayon ang mga itinuro sa kanya ng mga kayunit:

“Ang pag-aasawa ay hindi pribilehiyo ng mga nakapag-aral lang.”

“Ba’t ka mahihiya kung gradweyt ka lang sa mataba na’y mapurol pang lapis? E ano kung nakagamit ng bolpen ang babaeng napupusuan mo?”

“Mas mulat ka naman kaysa kay Saning—mas nauunawaan mo ang kalagayan ng bayan dahil ikaw ay rebolusyonaryo.  Iyan pa nga ang mas maitutulong mo kay Saning, ang ipaunawa ang ating mga rebolusyonaryong simulain.”

“’Yung pinag-aralan niya ay huwag mong ituring na hadlang.  Sa halip, makakatulong naman si Saning sa pagpapaunlad ng iyong kaalaman na halaw sa loob ng iskwelahan.”

“Ka Banong,” nakadungaw na rin si Inggo, “ano pa’ng hinihintay mo d’yan? Pinaakyat na tayo!”

Nagtataka ang mukha ni Banong nang pumanhik ng bahay.

Ibinulong ni Inggo kay Banong na may panimulang kaalaman si Saning sa kanilang pakay.  “Areglado na, comrade. Nasa kusina si Inang, kakausapin ko na. E ‘di bahala ka na kay Saning?”

Tinapik muna ni Inggo si Banong sa balikat bago tumalikod.  Napabuntunghininga si Banong bago lumapit kay Saning. Umupo siya sa kaliwa ng babae.

“Saning…”

Sumulyap sa kanya ang dalaga at nakaramdam siya ng kung anong malamig na bagay na sumulpot sa kanyang buong katawan.  Nangangatal siya at natatakot.

“Saning…”

Pinipigil ni Banong ang sarili para hindi mahalata ang giniginaw niyang pakiramdam.

“Saning, ang pag-ibig ko sa iyo ay katulad ng pag-ibig ng baboy sa sagmaw.  Iibigin kita nang paikot, saan ka lulusot?”

Umirap ang babae, at untiunting natunaw ang malamig na bagay na bumabalot sa katawan ni Banong. Nagsimula siyang makaramdam ng init.

“Saning, ako ay kalabaw, ikaw ay tubog, pwede bang makalublob?”

Minulagatan siya ni Saning. Bigla, tumindi ang nararamdaman niyang init. Napapaso siya at gustong magmakaawa, lumuhod sa harap ng babae para siya’y mailigtas sa apoy ng kahihiyan.

“Saning, kung maari lang ay ibig niyang magngangawa, “ikaw ay siit, ako ay ayap, pwede na bang makakuyapyap.

Nagkagat-labi ang babae. Tumigil ang pagliyab ng katawan ni Banong.  Pinipigil ni Saning ang ngiti sa mga sulok ng labi.  Nasiyahan si Banong at lumakas ang kanyang loob.  Ilang ulit niyang pinasalamatan sa isip ang mga kayunit na nagturo sa kanya ng mga sasabihin sa panliligaw.

“Saning, ikaw ay papaya, ako ay uwak, pwede bang makatuktok?”

Bumunghalit na ng tawa si Saning, lumobo ang sipon sa ilong.

Takangtakang pinuntahan ni Banong si Inggo sa kusina, paulit-ulit na itinatanong sa sarili: “Bakit kaya?”

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1