WILFREDO PA. VIRTUSIO

Kasama

 

PARANG PINAGTIYAP ng pagkakataon, umakyat nang hapong iyon sa temporaryong kampo ang binatilyong  kuryer.  Bukod sa hatid na mensahe—malinis ang patag, pwede silang bumaba anumang oras---ay may bitbit na dumalagang manok ang kuryer.  Paabot ng isang pamilyang minsa’y napagpalipasan nila ng magdamag.

“Soli mo,” sabi ni Ka Mentong na siyang lider ng iskwad.  “Mas kelangan nila kamo ‘yan.”

“Aba’y ‘wag ho,” sabi ng binatilyo.  “Magdaramdam ho’ng mga ‘yon, kabilin-bilinang ipilit ko senyo.”

Matagal nang wala ang kuryer ay pigil-pigil pa rin ni Ka Andoy ang dumalaga, parang di-alam ang gagawin gayong siya ang nakatoka sa kusina.  Nakatingin sa di-kumikilos na dumalaga ang iba pang myembro ng iskwad.

“Pa’ no ‘to?” tanong ni Ka Andoy na para bang nagsasangguni sa mga  kasama ng isang napakahalagang bagay.

Parang hindi siya narinig ng mga kasama; bigla’y naging abala ang mga ito. Muling tinunghayan ni Ka Mentong ang sulat na hatid ng kuryer na ilang beses naman niyang binasa; sinimulang kalikutin ni Ka Penggoy ang balbas; nilinis-linis naman nina Ka Berong at Ka Boboy ang sandatang mga armalayt; kinalas naman ni Ka Miray ang pugong na buhok at sinuklay-suklay ng mga daliri, bagay na dating di naman  niya ginagawa sa harap ng mga kasama.

Umingit ang kubong kasudlong ng habong na ‘kinalalagyan nila.  Sumungaw ang ulo ni Ka Jerry sa bukas na pinto at nagsimulang magpuputak, magwawala ang dumalagang manok.

“Sagatok…!” bulalas ni Ka Jerry, mapipigilan sa huling sandali ang paghakbang sanang palabas. “Akina, Ka Andoy, ako’ng bahala d’yan.  Tinola King—ako ‘yan, baka nakakalimutan n’yo.”

Parang humihingi ng permisong binalingan ni Ka Andoy ang mga kasama.  Tumango si Ka Mentong at lumakad papasok ng kubo si Ka Andoy.  Nagtumindi ang pagputak at pag-ak-ak ng dumalagang manok at walang-kibong nagkatinginan ang magkakasama.

Mayamaya’y lumabas ng kubo si Ka Andoy, punas-punas ng kaprasong basahan ang kabuuang talim ng isang hunting knife.  Kinuskos pagkatapos ang nagtalsik na dugo sa braso’t mukha’t kupasing maong na dyaket, mariin at paulit-ulit na kinuskos, naiinis, parang nagpuputok-ang-butseng kung paano.

“Tuloy na natin,” pagkuwa’y sabi ni Ka Mentong. “Sandali lang naman siguro ‘to.”

Itinuloy nga ng magkakasama ang pulong na na-reses nang dumating ang kuryer.  Sa totoo’y buntot na lang ang nalalabi pa sa pulong na iyong tumatagal na ng dalawang araw at isang magdamag.  Tapos na ang pinakalaman ng pag-uusap—ang pagrepaso sa kaso ni Ka Jerry at sa iginawad na hatol ng nakatataas na yunit, pati na ang teknikalidad sa pagpapatupad ng desisyon sa lalong madaling panahon—at maayos ang naging takbo ng talakayan, bagaman kinailangang busisiing mabuti ang lahat ng napag-usapan, ilabas ang lahat ng maari pang nakatagong reserbasyon sa isip at emosyon ng magkakaharap, gaya ng nga paulit-ulit na paalala ng kagawad ng nakatataas na yunit na nauupo sa bahaging iyong ng pulong (umalis din kanginang magmamadaling-araw). Pinaharap pati si Ka Jerry sa isang parte ng pulong at inulit nito ang pag-amin sa naunang pormal na pagdinig ng kaso, ang maluwag na pagtanggap sa parusang ipinataw sa nagawang pagkakasala.  Ngayon nga’y patapos na ang pormal na pag-uusap na maaari sanang nakapagligtas kay Ka Jerry.  Huling pagkakataon, dahil bukas bago sumikat ang araw ay mismong sila ang magpapatupad ng hatol.

Malayo pa ang takipsilim at isiningit na ng iskwad ang pag-uusap hinggil sa gagawin nilang pagbaba sa kapatagan kinabukasan.  Muling binasa ni Ka Mentong ang sulat na hatid ng kuryer sa mga kasama: walang mga kaaway na nagrerekorida sa eryang sadya nila, natutuwa’t nagpapasalamat ang masa dahil sa pagtaas ng hatian ng ani pabor sa mga magsasaka na ngayo’y sinisimulang ipairal ng mayamang may-ari ng lupa sa “pakiusap” ng mga Pulang mandirigma, ibinalitang sa sariling inisyatiba ng masa’y lumayas sa baryo at kanugnog ng mga sityo ang tatlong kilabot na pusakal na mga magnanakaw ng baka’t kalabaw.  Nagkatinginan ang magkakasama, parang iisa ang naiisip: ang sorpresang ipasasalubong sa mga tagabaryo.  Isa pang pagpapatunay nay iisang salita kaming sinumpaang paglilingkuran kayo sa abot ng aming magagawa, anuman ang maging kabayaran nito…At itinuloy nila ang pag-uusap, ilang beses  na binalik-balikan  ang plano sa gagawing pagbaba, naglunoy sa puntong pangseguridad—na di naman talaga kailangan.  Matatag na ang baseng masang nakatayo sa erya, bukod pa sa sariwa’t kumpirmado ang mga ulat na nakarating sa kanila. Isang paraan para patagalin ang paglipas ng mga sandali  Aba’y hindi, simpleng pagsisinop ng gawain na nakahiratian na nila, sabi nila sa sarili.

Kapipinid lang nila ng pulong nang sumungaw, lumutang, nanuot ang aroma ng tinolang nagmumula sa kubo. Sagad-ngiting nakasungaw sa pinto si Ka Jerry, sinasabi sa parang laging-nakasigaw na boses na nakahanda na ang hapag, dumulog na  sila’t baka lumamig pa ang umaasong sabaw.

Nagrerebolusyon ang sikmura  ng magkakasama pero walang sinumang gumalaw para sugurin ang kubo.

Nagsungit ang panahon nang gabing iyon, sa simula’y malakas parang ibinubuhos ang ulan na pamaya’t maya’y sinasabayan ng humuhugong humahaplit na bangin ng dumadagundong na kulog at matalisik, nakakabulag na kidlat. Namaluktot lalo sina Ka Berong, Ka Penggoy, at Ka Andoy at Ka Boboy, siksikan sa tabi-tabing pagkakahiga sa lapag ng habong nalalatagan ng mga sako’t kung anu-anong tuyong dahon, sikwatang agawan sa makapal na blangket na tumatakip sa giniginaw na mga katawan.  Sanda-sandaling nagigitla, napapataas-ulo si Ka Miray sa pagkakaupong paharap sa kubo.  Palakad-lakad naman si Ka Mentong, di hinihiwalayan ng tingin ang bukana ng dalisdis na patugpa sa kabundukang kinalalagyan nila  Ayos naman ang  larawang pumupuno sa paligid ay likha ng mabait at kaibigang kalikasan, di ng mga demonyong  taong kahit sa anumang sandali’y maaaring sumulpot na lang, kahit sa nagsusungit na panahong gaya nito.  Kaya ingat din, ingat, pamalagiang bukas ang mata, isip, tainga, pakiramdam. Mahirap nang masingitan, totoo o multo man ang mga ito.

Mayamaya’y humupa ang ulan, nanamlay ang hangin, naglaho ang kulog at kidlat.  Nagsindi ng sigarilyo si Ka Mentong, tila nahahalinang pinakinggan ang tiktik tiktik na tunog ng patak ng ulan, musikang tunog na nanunukso, nanghihikayat sa isip at damdamin sa kung-saang waglit at malayo nang lugar at panahon.  At nagbangon pagkatapos ang hunihan ng mga kuliglig, pumapas mula kung saan ang mga pakpak ng kung-anong dambuhalang ibon, sumingasing humishis ang wari’y napukaw na ulupong.  Pagkuwa’y bumalot ang paikpik na katahimikan sa paligid;  ilang sandaling parang dibdib na tinigilan ng tibok ang kabuuan ng bundok.  Parang naaalimpungatang napakislot si Ka Mentong at nakita niyang nagbangon na rin ang mga kasama, tulad niya’y tila namamalikmatang nakatingin sa nakabalabal na dilim, tulad niya’y parang hinihigop ng namamayaning katahimikan. Kay-lalim, kay-tagal na katahimikan…Hanggang sa parang naulinigan nila ang isang malalim na buntunghiningang hinugot mula sa pinaka-dibdib ng kabundukan, hanggang sa  maramdaman nilang parang nagluluwag, natitinag ang lupang kinalalagyan.

Nagkatinginan ang magkakasama, nagkapaan wari ng iisang nadarama at itinurok uli ang mga mata sa makapal na panginorin.  Sa mga pagkakataong gaya niyong parang niyayanig ang lupa’y iisa ang tutok ng kanilang isip: ang armadong pakikibaka at iba pang anyo ng legal at ekstra-legal na pakikibaka na inilulunsad ng sambayanang Pilipino, digmang bayang sa nalalapit na panaho’y magpapaluhod sa nagsasamantalang naghaharing uri paghaharap ng brutal na lakas laban sa likas na tapang at pagkamalikhain, kadakilaan, ibayong sakripisyo sa panig ng mga inaaping sektor. Si Ka Anto, gayong sabog ang kalahati ng katawan sa tadtad ng armalayt ay nagawang iligtas ang nakoping mga kasamahan sa isang engkwentro; si Ka Francis na kahit talamak na ang kanser sa baga’y tuloy pa rin ang pagkilos sa baseng masa; si Ka Pedra na gayong tumanggap na lahat ng klase ng karahasan at kalupitan sa kamay ng mga berdugong-kaaway ay wala sinumang ipinahamak o naibigay na anumang impormasyong sukat ikatagibang ng kinikilusang erya; ang mga mamamayan ng Sta. Barbara—ay, ang magigiting na mga babae’t lalaki’t basta’t matanda ng nayong iyon!—na nagtayo ng barikada—malalaking tipak ng bato, tinibang puno ng saging, punong niyog—sa kahabaan ng daanang-baryo para di makapasok ang mga sasakyang pandigma ng batalyong sundalo sa malawakang operasyon nito sa erya; ang laksa-laksang masang Pilipinong lagi at laging bukas-palad sa paghahandog ng anumang makakayanang tulong—pagkain, damit, tulugan, pera, impormasyon. Ang ganitong mga isipin ang nagbibigay sa iskwad sa tatlo o lima o sampung taon—sa kaso ni Ka Mentong—na nilang pagiging Pulang mandirigma ng inspirasyon at sigla para ipagpatuloy ang gawain, igpawan ang lahat ng balakid at pader, lupigin ang lahat ng likas na mga kahinaang akala nila’y nalupig na nila pero kamukatmukat na lang ay mumulagat gugulantang sa kanila.  Tulad ngayon. Tulad ngayon.  Nakakadismaya, nakakainis, nakagagalit ang mga sandaling gaya nito.  Tuloy ang mabilis na pagsulong ng rebolusyon at nangangailang ng tipo ng kadreng sabi nga’y taga-sa-panahon, pinanday ng mga pagsubok sa tuwirang pakikisalamuha sa masa, mga huwarang rebolusyonaryong pagtitiwalaan ng pinaglilingkurang masa.  Ay, mahirap! Pero sino ba ang nagsabing piknik ang rebolusyon? Na madali ang maging totoong tao?

Umingit ang kubo’t sumungaw sa pinto si Ka Jerry, bitbit ng isang kamay ang makoto at ang isang pares na boots sa kabila.  Tumigil ng paghakbang palabas, parang hinihingi ang pahintulot ng mga kasama.   Tumayo si Ka Penggoy, dinampot ang latang initan ng kape’t tinungo ang kubo; naupo sa inalisan niyang puwesto si Ka Jerry.

“Anong oras na Ka Miray?” basag ni  Ka Jerry sa nakalukob na katahimikan.

“Alas tres,” sabi  ni Ka Miray, di-inaalis ang tingin sa relo sa kamay.

Nagkatingin uli ang magkakasama, minsan pa’y tila nagkapaan ng iisang nadarama…Pu… Anak ng… Putragis putragis kasi, bakit bakit?  Nag-uunahan, bumababa ang mga tanong pero narendahan nila ang sarili.  Napag-usapan na naman kasi, tapos na.  Mismong galing kay Ka Jerry ang mga datos: lihim na napalapit ang loob sa isang dalagang ang pamilya’y ilang beses nilang nabasehan sa kapatagan, niligawan—at ginalaw.  Putragis putragis, ang linaw ng batas natin sa pakikipagrelasyon. Ang pangunahing mga alituntunin sa pakikipag-ugnayan sa masa: huwag kukuha ng anuman sa masang di binabayaran, huwag gagalawin ga-hibla man ng balahibo ng masa…Isa ka pa namang Pulang mandirigma! May asawa ka, at ano kung burgis man siya’t nag-AS kang di kayo nagkakaintindihan? Ang bulok na sistema’y binabago natin kasabay ng pagtatakwil ng mga basura sa sarili natin.  Ano kung umuulan nang gabing iyon at nasumpungan ninyong dalawa ang mga sariling nag-iisa, naglalagkit na parang malapot na tsampurado ang mga damdamin?  na kung bakit sinumpong na lang bigla si Pedro? Putragis, lahat tayo’y may alagang Pedro, may lagnatin ding Maria! Bakit…? Biglang kati? Di-nasupil na silakbo? O simpleng manipestasyon ng madilim na bahagi ng sariling di-nagawang panaigan? Lintek, may Pulang mandirigma bang dalawahan ang mukha? Pero kung anuman, paano natin ipapaliwanag ang lahat nang ito?  Masa ang sinaktan mo, at sa panahon pa namang nasa yugto tayo ng konsolidasyon sa lugar na iyon… Uuhh… Sarap mong kutusan, batukan. Okay ka naman kasi, e. Sa ideolohiya, pulitika, organisasyon, akala nami’y di ka pahuhuli sa iba. Pero ngayo’y eto nga… Nasa amin ang bigat, alam mo? Intindido mo ‘kamo, tanggap. Pero naiintindihan mo nga ba?

Nagbalik si Ka Penggoy sa habong, bitbit ang umaasong lutuan ng kape.  Kanya-kanya silang timpla sa sartin, sa plastik na tasa, sa pinutol na bote.  Abala si Ka Jerry sa paglalabas ng mga gamit sa makoto at aabutan siya ng kape ng Ka Andoy.  Inabot ni Ka Jerry ang pares ng boots kay Ka Andoy.

“Ano ‘to?” tanong ni Ka Andoy. “Pwede pa ‘tong suot ko, a.”

“Sino’ng lolokohin mo, e parati tayong magkasama sa lakaran.” At tumawa si Ka Jerry, ang dating matunog na tawang kaipala’y di na nila malilimot dito.  “Mas malalaki pa sa mga mata ang butas sa magkabilang swelas n’yan..,.”

Tumalikod si Ka Andoy, parang may itinatagong kung ano. Nilapitan ni Ka Jerry si Ka Mentong, iniabot ang isang itim na dyaket; kay Ka Berong ang Pershing cap; kay Ka Penggoy ang maong na pantalon; kay Ka Miray ang sweater na yaring-Baguio. Ibinukod ang iba pang laman ng makoto, dalawang t-shirt, tatlong bara ng sabong panlaba; isa’t kalahating kaha ng sigarilyo, dalawang pareha ng gomang tsinelas na di pa gamit.

“Bigay n’yo sa kanila pagbaba n’yo,” sabi ni Ka Jerry. “Kahit alam kong hindi makababawas kahit konti sa kasalanang nagawa ko.”

Minsa pa’y nawalan ng kibo ang magkakasama, iisang-taong nakatingin sa ngayo’y unti-unti nang numinipis na panginorin.

Tiningnan ni Ka Mentong ang relo, tinanguan pagkatapos si Ka Miray. Tumayo si Ka Miray, dumantay ang kamay sa kalibre .45 na nakasukbit sa tagiliran.  Napatingala sa kanya si Ka Jerry, at sa nahahawing dilim ay natutop nila ang pag-aalala—at takot—na gumuhit sa mukha nito.  Pero pagkuwa’y matatag na tumayo si Ka Jerry, isa-isang nilapitan at niyakap ang magkakasama.  Pagkatapos ay nagpatiuna si Ka Miray na lumabas ng habong. Tiim-bagang na sinundan sila ng tingin ng magkakasama.

Paikpik na paikpik ang namamayaning katahimikan, katahimikang  sinambulat na lang isang putok na ikinagitla ng magkakasama, ikinagulat ng buong paligid. Pagkatapos ay ang paglatag uli ng mas malalim, mas mahabang katahimikan.

Ewan nila kung sino ang nauna, pero binasag na lang ang katahimikan  ng hagulhulan. Hagulhol ni Ka Boboy, si Ka Berong, si Ka Penggoy, si Ka Pandoy. Hagulhol si Ka Mentong kahit nakatalikod.  Hagulhol na tatakbong pabalik sa habong si Ka Miray (siya ba ang una o huli?).

Pumulandit, bumulwak, lumatag ang liwanag at ganap na nahawi ang panginorin, nagkahugis at natambad ang matataas, malalabay na punongkahoy, ang matatalim naglalakihang mga tipak na batong nakataliba sa bundok, naghuhumindig na tila di-ininda man lang ang haplit ng nagsungit na panahon kagabi.

At maya-maya pa, sa pagtindi ng araw ay iniluwal ng sinapupunan ng kabundukan ang iskuwad, matatag-ang-mga-hakbang na namaybay palusong, wasiwas ang mga armas sa mga babae’t lalaking kumakaway na sumasalubong sa kanila…

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1