MARK SERRANO

 

Kalatas sa Himpapawid

 

NAGSALIMBAYAN ANG MGA putok at bumuwal ang limang sundalo sa matagumpay na reyd ng Bagong Hukbong Bayan sa ditatsment ng 226th Philippine National Police sa Barangay Banca-banca, Nagcarlan Laguna.

Nagmartsa ang kababaihan sa ilang barangay ng Gen. Luna, Quezon patungo sa munisipyo para tutulan ang pagtitindig ng kampo ng 42th IB-PA sa lugar.

Sa Calaca, Batangas, tinutulan ng mga mamamayan ang labis na ingay sanhi ng mga operasyon sa loob ng coal-fired thermal plant. Samantala, dumaraming Caviteno ang lumalahok sa pakikibaka para ibasura ang land conversion scheme ng rehimeng US-Aquino na nagwawasak ng kanilang mga bukid at tahanan sa ngalan  ng huwad na industriyalisasyon.

Paano ipapalaganap ang mga pangyayaring ito? Paano mauunawaan ng sambayanan ang rebolusyonaryong mensaheng hatid ng putok at sigaw ng paglaban, upang pagkatapos maunawaan ay magbuklod sila, sumuporta o lumahok sa pambansang demokratikong rebolusyon ng bayan?

Sinikap sagutin ang mga tanong sa itaas ng mga propagandista sa Timog Katagalugan sa konteksto ng kanilang mga rebolusyonaryong tungkulin. Binalikan nila ang prinsipyong  gumagabay sa kanilang gawain: susi ang propaganda sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga mamamayan para sa pambansang demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ang hamon ay nanatiling nakahapag sa digmaan sa propaganda: kailangang maipalaganap ang rebolusyonaryong mensahe sa pinakamalawak na mamamayan sa pinakakagyat at pinakapopular na paraan.

Bilang tugon sa hamon, binreyktru ang Radyo Timog Katagalugan (RTK), ang kalatas sa himpapawid ng NDF at iba pang progresibo at rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon.  Ang RTK ay myembro ng broadcast network at Radyo Sierra Madre.  Ang mga pangangailangan sa pinansya at materyal ng  RTK ay  magkakatulong na tinutugunan ng NDF, mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga kaibigan ng rebolusyon.

Matagumpay na nakapagsahimpapawid ng unang regular na programa ang RTK simula nitong Hulyo 16 [1991] matapos ang matagal-tagal ding panahon ng paglulunsad ng mga test broadcast.  Ang RTK ay maririnig ng ngayon sa 106.7 Mhz sa FM band.  Sa simula’y minsan hanggang dalawambeses isang buwan ang pagsasahimpapawid nito; sa kalauna’y tinatarget ng RTK na makapagbrodkas nang minsan isang linggo.

Ang bawat programa na tumatagal mula isa hanggang dalawang oras ay nahahati sa apat na bahagi.  Una ang balita at editoryal.  Matapos nito ay ang commentary program.  Dito tinatalakay ang mga pang-araw-araw na pangyayari at kung ano ang pananaw dito ng rebolusyonaryong kilusan.  Susunod ang bahaging features o documentaries; at ikapat ang programang musikal at kultural.  Sa bahaging ito lumalabas ang kakayanan ng mga kasama sa pag-awit, pagtula at sa dula.

Sa unang pagsasahimpapawid nito, tinalakay ng RTK ang kahalagahan ng pagsasagawa at pagtataguyod sa mga proyektong sosyo-ekonomiko ng rebolusyonaryong kilusan.

Sa pakikipagtalakayan kay Ka Roger, tagapagsalita ng Melito Glor Kumand, sinabi niya na mahina lang power o watts na kanilang ginagamit kayat ginawa na lang nito ito ng paraan.  Puro improvised ang gamit, aniya, ngunit ayon sa feedback kayang umabot ang signal sa buong Timog Katagalugan.

Ang RTK ay sariling inisyatiba ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Timog Katagalugan.  Ayon pa rin kay Ka Roger, hindi rin maisasantabi ang naging tulong ng paghalaw ng mga aral mula sa mga karanasan ng pambansang radyo, ang Radyo Sierra Madre (RSM). Ang mga panimulang karanasan at ang encouragement mula sa mga kasama sa RSM ay ilan sa mga malalaking salik na nakapagbigay ng lakas-loob sa mga kasama sa rehiyon na ilunsad ang Radyo Timog Katagalugan. Naitayo rin ang RTK sa tulong ng mga kaibigan at mga kasamang may kaalamang teknikal, aniya. May mga teknikal at pinansyal na problema pa ring kinakaharap sa kasalukuyan ang RTK, subalit pinagsisikapan nang makakuha ng mas malakas na transmitter para mapalakas pa ang  dating ng brodkas at maabot ang iba pang malalayong prubinsya at lugar.

Sa kasalukuyan, ang RTK ay sinusubaybayan na ng mga naninirahan sa Timog Quezon matapos ang unang pagsasahimpapawid nito.

Sa pagtatayo ng radyong gerilya sa Timog Katagalugan, ani Ka Roger, lalong mapapalakas ang rebolusyonaryong propaganda kasabay ng mga gawain sa pulitika at militar.  Manunyutralisa lalo ang mga kasinungalingan ng  rehimeng US-Aquino.

Sa anumang labanan, maging ito’y labanang pampulitika, ang propaganda o pagbibigay impormasyon ay napakahalagang sandata.  Ang marinig ng mamamayan ng Timog Katagalugan ang katotohanan ay isa na mismong malaking tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan.

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1