Diwang Di-Magagapi

 

TUMULAK ANG ISANG PLATUN ng BHB sa Bataan patungong Pangasinan noong nakaraang taon [1990] para sumanib sa yunit ng BHB-Pangasinan. Nagsasakyan ang yunit magmula Bataan patungong Tarlac, at mula rito, ay naglakad patungo sa tipanang lugar. Mula sa pinanggalingang bayan sa Tarlac, tinatayang aabutin lamang ng apat na araw ang lakad, at inaasahang mabilis silang masasalo ng mga kasama sa Pangasinan.

Para magsilbing giya sa ruta, isinama ang yunit ng limang mandirigma mula sa BHB-Tarlac. Isang linggo ang inilaan nila para sa pansamantalang pagsanib sa platun ng Bataan.

Bago ang lakad, mataimtim na inihanda ang buong para sa gawain.  Ang pagsanib ng BHB-Pangasinan ay para  makapaglunsad ng malaking aksyong opensiba na maghihila ng malaking bilang ng kaaway mula sa Bataan na sa panahong iyon ay matinding inaatake ng kaaway. Kung kaya ang paglalakbay ay pangunahing magsisilbi pa rin para sa kanilang area of operation, sa Bataan.

Ang platun ay binubuo ng 32 mandirigma, ang apat dito ay mga babae. Dagdag pa ang limang giya mula sa Tarlac, lahat lahat ay 37.

Walang kontak.  Subalit nang dumating na sila sa tipanan, hindi makontak sa radyo ang dapat na sasalubong sa kanila.  “Lahat ng matataas na burol ay inakyat ko na para makontak sila. Inakala namin di lang makaya ng radyo dahil sa location nila, o kaya’y may diperensya ang radyong dala namin,” salaysay ni Ka Perto, ang namumunong kumander ng platun.

Tinanong na lang ni  Ka Perto ang giya kung saan ang alam niyang posibleng pwestuhan ng mga kasama at saka naglakad ang yunit patungo rito.

Subalit nakapasok na ang mga kasama sa Pangasinan, ay wala pa ring kontak. Pagdating dito’y nagsimula na rin ang kanilang problema sa pagkain.  Sa binagsakang bayan ng yunit ay wala silang kilalang pwedeng maasahang mapagpabili ng pagkain.  Naobliga ang mga kasama na maghanap ng mga  masa sa bundok na kahit hindi kilala ay obligadong pagkatiwalaan para bumili.  “Ibig sabihin ay pababayaan silang umalis na alam kung nasaan ka, at pupunta siya sa lugar na malapit sa kaaway.  May anyo ng pakikipagsugal ang ginawa namin, ipinagkatiwala ang pera at seguridad, pero no choice, e,” wika ni Ka Perto.

Sa unang pabili pa lamang ay itinip na ang mga kasama.  Inihatid muna  ng masa ang pagkain pero pagkatapos ng ilang oras ay sumunod na ang militar.

Subalit dahil nakita agad ng mga kasama ang taong pinaabante ng kaaway,      nakapusisyon agad ang yunit. Hindi na nagkaputukan dahil hinabol ng primera ang militar at nagkagulo ang kaaway.  Nakaatras nang mabusay ang mga kasama.

Pero pagkatapos nito ay naramdaman ng yunit ang pasaklit na ginagawa ng militar.  Kinukuha ng kaaway ang matataas ng gulod, subalit dahil kabisado ng giya ang erya, madali nilang nalusutan ang mga blocking.

Paghahanap. Lumipad na ang buong buwan ng Hulyo, at nagdesisyon ang yunit na tumungo sa bayan ng Bugallon sa pagbabaka-sakaling nandoon ang mga katagpo.  Inaasahan na makokontak sila sa radyo bago makarating o kaya’y matatagpuan sila mismo roon.  Naging mabilisan ang paglalakbay dahil patuloy ang pagtugis at pagsaklit ng kaaway.

Bawat isa sa kanila, babae o lalaki, maliit o malaki, ay may dala-dalang tatlong salop na bigas sa pak, at mga delata.  Subalit bago pa makarating sa Aguilar, isang bayan sa Pangasinan, ay ubos na uli ang kanilang pagkain. Mayroon pa silang tatlong salop na natitira.

Hindi naman pwedeng isaing lahat dahil mangangahulugan na iyon na ang huling kain nila.  Kaya para mapagkasya at matiyak nay kakainin pa sa susunod na araw, nilulugaw ng mga hukbo ang bigas at iniisyu ng tigkakalahating sartin.  Maging ang ulam na asin ay iniisyu.

Sa sigarilyo, ‘yung mga dahon na kilala nila—pidpid ang tawag—ang ginagamit.  Idinadarang sa apoy, ginagayat, at ibinabalot sa kahit anong pwedeng pagbalutan.  Kung meron, pinupulot ang ilang upos na pwede pa at isinama ang konting tabako sa pidpid.      Hanggang sa bandang huli ay puro pidpid na lang.

Pagdating sa Bugallon, kung saan inaasahang may makikitang kasama at may makabibili ng pagkain para sa kanila, mayroon nang mga militar sa lugar.

“Sa gutom, naisip ng mga kasama na makikipagbarilan sila.  Babarilin nila nang babarilin ang mga militar  para matali ang atensyon nila, tapos may sasalisi sa mga kasama na pupunta sa tindahan at bibili ng pagkain. Pero napakadelikado kaya di pumayag ang kumand. Nagpalabas na lang kami ng dalawang tao para magligal at bumili, pero bumalik din sila kaagad, hinahabol ng kaaway.”

Gutom ng gutom at pagod na pagod mula sa tuloy-tuloy na byahe, lumakad na uli ang yunit.  Pagdating na gitna ng gubat, may mga nagyayantok na nagbigay ng pagkain sa mga kasama.  Sila ay mga pwersa sa baryo na dati nang nalalapitan ng yunit sa erya.  Nagpabili na rin ng suplay sina Ka Perto at muli, napuno ang kanilang pak ng pagkain.

Dahil wala pa ring kontak sa yunit sa lugar, pinagpasyahang nilang tumuloy sa Sta. Cruz, isang bayan na sakop na ng probinsya ng Zambales.  Para mapagkasya ang pagkain, nilimita nila uli ang kain.  Ang dati’y isang kaban na nauubos ng isang platun sa isang araw ay pinagkakasya nila para sa apat na araw.

“Ang lahat ay inadjust na namin. Sa sigarilyo, ang More ay naging West Point.  Ang sukatan namin ng isyu ay hindi ayon sa pangangailangan ng byahe at katawan, kundi ayon na sa pangangailangan na makarating kami,” ani Ka Perto.

Subalit pagdating sa Sta. Cruz ay wala pa ring makontak ang yunit. Dahil dito, nagplano na ang kumand na bumalik na sa Bataan. Tumawag ang yunit komand ng pulong ng buong platun at pinag-usapan nila ang kanilang kalagayan.

“Yung lugar na posibleng kinaroroonan pa ng mga kasama ay panorte,” ipinaliwanag nina Ka Perto sa yunit.  “Ang pabalik sa Bataan ay patimog.  Ang perang natitira sa kwenta namin ay maaaring sumapat para sa 15 araw, batay sa pagtitipid na maaaring gawin.  Pag tumuloy pa tayo at maubusan ng pero nang di pa rin nakikita ang mga kasama ng Pangasinan, ay lalong mahirap para sa atin.” At batay dito, nagdesisyon ang grupo na bumalik na sa Bataan.

Papasok na ng Disyembre ng panahong iyon. Pinag-aralan nila ang kanilang kinalalagyan at kung paano ang pinakamahusay na daan pabalik.  Ang tanging pinagbabatayan nila ng ruta ay isang ordinaryong road map, at ayon dito, mayroong mahigit na 180 kilometro kung daan sa highway, magmula sa Sta. Cruz hanggang sa Dinalupihan, ang pinakamalapit na bayan ng Bayan. Batay dito, dagdag pa ang kurba at ang mga lusong at ahon sa mga bundok, tinataya ng yunit na mahigit 200 kilometro ang lalakarin nila pabalik sa Bataan.

Tiningnan din ng yunit kung ano pa ang mga posibleng paraan para makabalik: ang dumaan sa highway at magsasakyan, ang magdagat, o ang maglakad sa bundok.  Pinili ng mga kasama ang pinakamatagal at pinakamahirap subalit pinakaligtas—ang maglakad at baybayin ang kahabaan ng kabundukan ng Zambales. Kung makakapaglakad sila ng 10 kilometro bawat araw, makakaya nilang marating ang Bataan sa loob ng dalawang linggo.

Tinantya nila muli at pinag-usapan ang mga problema na maaaring kaharapin.  Wala na ring    alam ang mga kasamang mula sa Tarlac sa ruta pagdating sa Zambales, kaya pagdating dito, ang road map at isang maliit na kompas na lamang ang gabay nila.

Matinding hirap.  “Pero iba talaga kung pinag-uusapan ninyo pa lang ang problema kaysa ‘yung kaharap mo na,” napapailing na kwento ni Ka Perto.

Natyempo ang lakad ng yunit sa matitinding bagyo at halos araw-araw ay umuulan nang malakas.  Laging tagos-butong ginaw ang inaabot ng mga mandirigma subalit tuluy-tuloy pa rin silang naglakad.  Sa aktwal na byahe, dalawa hanggang tatlong kilometro lang bawat araw ang iniusad nila palapit  sa kanilang destinasyon bagamat maghapong tuluy-tuloy ang lakad ng yunit.  Ito’y dahil sa matataas na tubig sa mga ilog at malalim na mga alon. Kinailangan ng yunit na pumunta muna sa mga dulo ng mga ilog para ito matawid na siyang nagpatagal at lalong nagpahirap sa byahe.

Kahit nagngangalit ang panahon ay pwersadong lumakad nang lumakad ang platun dahil ang pagtigil ng isang araw ay nangangahulugan a kakapusin sila ng pera at pagkain.  Kailangang mabilis na bumyahe dahil paliit nang paliit ang kanilang suplay.

Para magamit nila ang buo nilang araw, niluluto na nila sa gabi ang kakainin sa susunod na maghapon.  Nag-aalmusal sila bago pa sumikat ang araw at nagsisimulang maglakad bandang alas sais, baon-baon ang nilutong tanghalian at hapunan.

Sa una’y nakakahanap pa sila ng magpapabilhan ng pagkain, pero bago pa lang makarating sa Masinloc (na ilang bayan lang layo sa Sta. Cruz), wala nang masa silang makatulong sa pagbili.

Bukod sa bagyo at malalim na mga ilog, may mga araw na di nakakalakad ang yunit dahil sa marami ang sabay-sabay na grabeng nagkakasakit. May panahong mayroon silang tila nahihibang at nagsisisigaw dahil sa gutom, at minsan, isa sa mga babae ay tuloy-tuloy na nagsusuka.  Ang natitira pa nilang gamot ay kakaunti na lang—ilang anti-malaria at Biogesic na lamang.

Dagdag pa sa lahat nang ito, isa sa mga mandirigma ang nalunod habang tumatawid sa ilog.  Tinangay si Ka Jonas ng malakas na alon, kasama ang kanyang pak at baril.  Nakatawid na ang unang iskwad, at segunda na sana ang susunod, subalit nang malunod ang kasama na siyang unang tao ng segunda, ayaw nang sumunod ng ang iba pa.  Mayroon na ring mga nag-iiyakan.

“Nakikita namin siyang nalulunod pero di namin masagip-sagip dahil alam mong malulunod ka rin,” ani Ka Perto. Matagal bago nakumbinsi  ang iba pang kasama na tumawid.  Nakita nila ang lalong hindi pwede na mahati ang platun dahil nasa kabila na ng ilog ang iba.

Pagdating lamang sa isang minahan nakahanap ng kontak ang yunit na maaaring magbigay ng mensahe patungo sa mga kasama sa probinsya. Nagpadala naman agad ang probinsya ng  giya na maaaring tumulong kina Ka Perto, at nagpahiram din ang mga kasama sa distrito ng dagdag na pera.  Matapos makausap sa wakas sa radyo, nagtakda na ng lugar na pagkikitaan.

Subalit nagkamali ng interpretasyon ang bagong dating na giya sa nakakodang instruksyon ng mga kasama sa probinsya, at dahil dito, imbes na mapalapit ay napalayo pa sa sila sa mga kasama.  Pagkatapos nito ay nagpasya na sina Ka Perto    na ituloy na lang paglakakad patungong Bataan at huwag nang makipagkita sa mga kasama sa Pangasinan.

Bago sila nakarating sa Iba, ang isa sa mga kasamang babae ay nagkaroon ng matinding impeksyon sa ngipin at kinailangang operahan para matanggal ang impeksyon. Isang masa sa lugar ang kinatulong ng mga kasama. Nagkataon na naugnayan ng mga kasamang kumilos sa erya noong 1977 ang masa, at siya ang nagdala sa kasamang babae sa ospital.  Limang araw nagtagal ang kasama sa ospital kung kaya nahimpil nang matagal ang yunit.  Ang ginastos sa pagpapagamot ay kumain ng malaking halaga sa kanilang badyet kaya halos naubos na naman ang hawak nilang pera.

Nang magtuloy sa paglakaad ang yunit, kasama na ang inoperahan, nasabat nila ang isang grupo ng mga hunter at pumayag ang isa  sa kanila na maging giya ng platun hanggang sa Iba.  Malaking tulong ang ibinigay na hunter. Dahil sa kabisado niya ang daan, napabilis ang byahe ng mga kasama.

Pagdating sa Iba, nakasabat uli ang yunit ng isang grupo ng hunter at nabihag nila ang lima rito, na kinabibilangan ng isang sarhento ng Air Force. Kinumpiska ng mga kasama ang mga hawak nila na isang shotgun, isang karbin at isang garand.

Magmula pa sa Masinloc ay sumingaw na ang mga kasama, kaya habang tumatagal ay dumadagdag sa hirap ng byahe ang kilos ng kaaway.  Nababasa ng militar ang direksyon ng yunit, na ipinapakita ng mga tangkang pagsaklit sa mga Pulang mandirigma.

“Ka Ligtas.” Pagdating sa San Marcelino, ang huling bayan ng Zambales bago ang Dinalupihan, nasaklaw na ng kaaway ang buong bundok. Kung kaya’t napilitan ang mga kasama na dumaan sa kalsada.  Dahil dito, gabi na lamang nakapaglalakad ang platun.  Ang mga dinadaanan nila ay pawang mga dinaanan  na rin ng kaaway.

Bagamat di na matindi ang ulan ng panahong iyon, hindi pa rin kaagad natatawid ang mga ilog dahil sa mga bangin.  Lalong naging limitadong limitado ang kanilang maaaring mga daanan.

“Nakaengkwentro pa kami ng mga minoryang maiilap na pag talagang di mo nadaklat sa balikat ay tatakbo,” kwento pa ni Ka Perto. May pagkakataon na hinabol sila at pinana ng mga minorya sa pag-aakalang magnanakaw sila. “Nagsenyal-senyalan sila, tapos maya-maya ay nakaipon na ang marami sa kalsada. Habang tumatakbo at hinahabol kami ay at nagsisigawan at lalo silang dumarami.”

Sa San Marcelino, tumuloy  ang mga kasama sa isang bahay ng mga minorya at nagpanggap silang mga militar na nag-ooperasyon sa lugar. Pero hindi naniwala ang tinuluyan nilang pamilya at nang makaalis ang yunit, mabilis nila itong ikinwento sa iba.

Ang kwento ay nakaabot sa isang minorya na matagal nang kontak ng mga kasama sa Porac, Pampanga.  Inabangan ng nasabing minorya ang mga kasama upang tulungan.  Sa panahong ito, puno na ang daanan ng mga militar at nahihirapan na ang mga kasama   sa paglusot sa mga blocking ng kaaway.

“Kanina ko pa kayo inaabangan, ililigtas ko kayo,” ito ang winika ng minorya na kasama nang maabutan niya ito.  Nang una’y hindi maniwala ang mga kasama dahil sa naging karanasan nila nang habulin sila at pinagpapana ng mga minorya sa lugar.  Subalit isinama na rin nila ito para ipaturo ang mga ligtas na daan.

“Totoo nga, iniligtas niya nga kami,” ang natutuwang sabi ni Ka Perto. Itinawid niya ang platun sa mga ilog na tanging ang mga taga-roon ang nakakatawid at iniiwas mula sa kaaway.  Dahil dito, pinangalanan  siya ng mga kasama na “Ka Ligtas.”

Magmula nang sumanib si Ka Ligtas sa yunit, hindi na rin tumatakbo palayo ang mga minorya. Binibigyan pa ang mga kasama ng pagkain tulad ng manok at kamote.  Bandang huli ay ipinadala na nila kay Ka Ligtas ang isa sa mga baril na nakumpiska sa mga hunter.

Sa tulong ng kanilang “tagapaglitas,” mabilis na nabaybay ng yunit ang daan, subalit nagkulang sila sa kalkulasyon at imbes na lumabas sa Dinalupihan, napunta sila sa Florida, ang dulong bayan ng Pampanga.  Subalit mula rito ay natanaw na ng mga mandirigma ang tuktok ng bundok ng Masalimbo sa Dinalupihan. “Parang nanalo sa sabong ang pakiramdam ng lahat.  Halos di makapaniwalang malapit na malapit na sila sa Bataan,” ani Ka Perto.

Sa erya ay nakontak na rin nila sa radyo ang ibang kasama sa Bataan, at ang mga nakausap nila ang siya pang umiiyak sa tuwa.  Magmula nang tumulak ang yunit sa Tarlac halos apat na buwan na ang nakaraan, walang kontak o monitor ang probinsya sa yunit na hindi mailarawan ang pag-aalala ng mga kasamahan nila sa Bataan para sa mga kasama sa platun.

Mahigpit na kawing ng bawat isa. Unang linggo ng Nobyembre nang muling makabalik sa Bataan ang yunit.  Matapos ang mahabang paglalakad na puno ng hirap at gutom, muli silang nakabalik na wala ni isang bumaba habang nasa daan.

Nang lagumin ng yunit ang buong karanasan, nakita nilang hindi rin nasayang ang ginawa nilang paglalakad.  Sa katunayan, maraming lugar sa Zambales na di pa nakikilusan ang sa unang pagkakataon ay napasok ng Hukbo.  Nakapagpunla  ng panimulang binhin ang platun para sa pagpapalawak ng sonang gerilya sa probinsya.

Tumampok din ang maraming aral sa kanilang paglalakbay. Unang-una na rito ang kahalagahan ng matibay na rebolusyonaryong paninindigan at pagkakaisa.  Ni minsan ay hindi pumasok sa isip ng mga mandirigma na itago na lang muna ang mga baril at magsasakyan para lang makarating agad.  Nagsilbing matibay na kawing ng bawat isa ang isa’t isa, at dahil dito ay nagawa nilang lampasan ang isang napakahirap na karanasan.

Pangalawa’y ang pagtampok ng dati nang aral na ang masa ang sandigan ng hukbong bayan.  Sa mga bahagi ng lakad na naitataguyod at natutulungan ang yunit ng masa, mas mabilis at mas kaunti ang panganib para sa kanila.

Malaki ring    bagay ang naging mahusay at matibay na pamumuno ng kumand ng platun.  Ni minsan, ayon sa mga mandirigma, ay hindi nila kinakitaan ng panghihina ang mga namumunong kasama.  Sa panahong bumababa ang moral ng mga mandirigma ay gumagawa sila ng paraan na muli silang pasiglahin at tuluy-tuloy na kinakausap para mabigyan ng panibagong lakas ng loob.

Sadyang kay linaw na ipinakita ng karanasan kung paano kahit gaano kahirap o kapanganib ang isang bagay ay kayang-kaya itong lampasan, basta’t buo at sama-samang kumikilos ang yunit.

Hosted by www.Geocities.ws

1