Treyning

 

          Sa pakikibaka marami ang unos,

          Subalit ang bukas ay may layang dulot.

 

AKO SI JOEY. Issa akong treyni sa inilunsad na treyning ng Alex Boncayao Brigade. Napapailing ako ngayon sa pagbabalik-tanaw sa treyning na iyon. Nakaaaliw gunitain ang panahong iyon—ang mga tuwa’t kapaitan, mga pagsubok at pagpupunyagi. May mga yugtong parang napakabigat ng dalahin namin, na sa aktwal pala ay mga mumunting problema lamang. Bunga ng karanasang iyon, napag-ibayo ko ang pagsusuri sa sarili.

Tinatablan pala ako ng ganoong mga mabababaw na tunggalian.  Dala na siguro ng mga kahinaang dulot ng kabaguhan ko sa pagrerebolusyon at ng pagiging mandirigmang simula’t sapul ay nakabase sa kalunsuran.  Ngayon ko naunawaan ang kahulugan ng sinsabing proseso ng pag-unlad ay kailangan ang mulat na pagpapanday dahil ang mismong katunggali mo ay ang sarili—ang petiburges na kaangkinan habang pinauunlad ang proletaryong katangian.  Ngayon, nalinaw sa akin na may dalawang katauhan pala ang isang rebolusyonaryo, lalo na kapag nagsisimula pa lamang ito.

 

I

Noong una, mabigat ang kalooban kong tumungo sa treyning.  Sa kabila ng pagpapasyang dumalo, balita ko dahil sa naiwan kong mag-ina. Parang may humahatak pabalik sa aking mga paa.  Hindi ko mapigilan ang muling paglingon sa pinagdadaanan.

Papasok pa lamang sa kanayunan ay dumanas na kami ng iba’t ibang antala.  Pagkatapos ng mahabang lakaran, dalawang oras kaming nag-abang ng bangka sa tabing-ilog.  Sa kalaunan, nagpasya kaming manghiram na lang. Nag-atubili kaming sumakay sa bangka.  Sa wari naming mga mangmang sa sasakyang pantubig ay di man lamang ito makakatawid-pampang.  Ang hirap nga lang sa aming mga taga-Maynila, kahit pala nakasakay ng bangka ay may problema pa rin, dahil hindi naman marunong magsipagsagwan. Sa pagsakay pa lamang ay muntik na kaming tumaob.  Lalo nang nanganib tumaob ang bangka dahil sa hagikhikan namin, kasi nama’y imbes na umabante ang bangka ay umiikot lamang. Wala kasing koordinasyon ang nagsasagwan sa unahan at hulihan.

Pagkarating namin sa isang daungan, na walang pinag-iba sa ibang mga daungang aming nadaanan, ay nagsimula na naman ang panibagong lakaran.  Umuusok na ang aming katawan sa pagod, at ang iba’y wala ng pakialam kung mabitawan at tuluyang maiwan ang mga bitbit. Ang tanging mahalaga na lamang ay ang maihakbang ang kabilang paa sa harap ng kabilang paa. Parang walang katapusan ang daan, andiyang dumaan sa lubluban ng kalabaw na hanggang hita ang putik; mayroon ding ahunin na binansagan naming “bundok na walang ngiti” pagkat di na makuhang ngumiti ng umaakyat dahil sa tarik. Sa loob-loob ko, simula pa lamang ito.

Hindi ko naalala kung gaano kaganda ang kagubatang aming pinagsusuot.  Ang nangibabaw sa aking alaala ay ang pagod at hirap.  Hindi ko rin malimutan ang limang lintang nagsipadikitan sa aking binti.  Gayon din ang di mabilang na dulas at pagdausdos sa putik.

Sa aming pamamahinga, napalinga ako sa paligid na para sa akin noo’y masungit at mapanganib.  Unti-unti kong natuklasan ang tunay na mukha ng hinaharap naming paghamon mula sa kalikasan, hindi pagbangga at paglukob ang kinakailangan kundi pagkilala at pag-aangkop.

Sa bawat pagkutya ng tereyn na walang kasing banyaga sa aming sanay sa semento’t aspalto, naging panangga namin ang halakhak at naging panghilom naman ang mainit na pagsasamahan at pag-aalalayan ng mga kasama.

 

II

Sa treyning camp, nagulat ako’t nasiyahang makita ang mga dating kasama noong bago pa lamang ako sa kilusan.  Inasikaso ng mga treynis ang pag-aayos ng mga kampo; ang kusina, baraks, school house, obstakels at mga palikuran.

Tatlong araw bago ako nakatulog ng mahimbing.  Nanibago ako sa matinding lamig at dahil nataon na noo’y manipis ang buwan, napanglaw ako sa ganap na kadiliman. Hinanap-hanap kong makasulyap man lang ng kapirasong liwanag.

Nahati ang treyning sa dalawang bahagi, ang teoretikal/pulitikal at ang praktis. Sa unang mga linggo ng mga pag-aaral sa pulitikal, kinalaban namin ang antok na resulta ng pagu-gwardiya sa gabi. Lalo itong pinalala ng paninibago ng mga kasama sa mahabang pag-aaral.  Karamihan sa ami’y kung ilang taon nang tumalikod sa pormal na pag-iiskwela at sa loob ng kilusan ay di naman napanday ang diwa at disiplina ng tuloy-tuloy na pag-aaral. Di iilan ang inip na inip na sa praktikal na bahagi ng kurso na skills training ang tampok.  Dagdag na kumplikasyon pa rin sa pag-aaral ang ilang kahinaan ng ibang instruktor.  Sa tulong ng mga kapwa treyni na relatibong may mas malalim na pampulitikang pang-uunawa, napulbos ang masasalimuot na pampultikang paksa.

Sa paghahanda para sa pormal na pagbubukas ng pagsasanay, may mga umusbong nang mga problema sa kampo.  Maraming mga puna ang mga treyni sa pangangasiwa’t pamumuno ng istap sa treyning. Halimbawa dito ang laging huli sa oras ng kainan, hindi malinaw na mga patakaran sa loob ng kampo at kakulangan ng treyning istap  sa integrasyon o pakikisalamuha sa mga treyni. Kapos ang mga hakbangin ng pamunuan na bigyang kalutasan ang mga problema.  Sa kagyat at kinakalos na lamang ang nag-uumapaw na sentimyento. Nagsimulang maglamat ang relasyon ng mga treyni at mga treynor.

Lumala ang tunggalian ng istap sa treynis.  Sa pagitan ng pagpigil ng luha at pagsuntok ng kamao, maraming bumulalas na uuwi na lamang sila. Kung mag-uuwian ang iba’y uuwi na rin ako, nasabi ko sa sarili. Paglipas ng bugso ng damdamin, nakita at nasuri kong sa kabila ng lahat ay nangingibabaw pa rin ang kagustuhan kong tapusin ang treyning; nais ko pa ring matutunan ang dapat matutunan sa treyning na ito.

Sa panunumbalik ng lamig ng ulo ng mga treynis, nagtalakayan kami kung ano ang gagawin.  Wala na akong ganang magpatuloy pa, sabi ng iba.  Walang mangyayari sa atin kung tatalikod tayo sa problema, payo naman ng iba. Maraming gawaing naghihintay sa Maynila.  Nagiging makitid na ang ating pananaw sa mga pangyayari, paliwanag ng isang treyni na iginagalang dahil sa kanyang pagiging makatwiran.  Talagang masalimuot ang pakikibaka, hindi pulos kaaway ang ating katunggali.  Kung naniniwala tayo sa diwa ng pagbabago at pagwawasto, magpunyagi tayong bakahin ito sa pamamagitan ng pamumuna at pagtukoy sa mga naging problema.

Unti-unting bumwelo ang pagsasaayos sa kampo.  Nagrurok ang pagsisikap ng treynis at istap na maisaayos ang mga problema sa isang pangkalahatang grievance session na dinaluhan ng lahat.  Kaiba sa sistema ng punahan at pagpuna sa sarili, ang grievance session ay kinatampukan ng mga puna, sentimyento at mungkahing nakapatungkol lamang sa pamunuan.  Hindi muna sasagutin ang mga puna, upang di makasagka sa malayang pagbubukas at maiwasan ang pagkailang at pagka-atubili ng mamumuna.  Ang mga puna’y itatala at isisistimatisa.  Pagkatapos ay magpupulong ang pamunuan upang talakayin, timbangin at bigyan ng karampatang mga sagot.

Ipinulong muli ang sesyon at tinalakay ang mga sagot ng pamunuan sa lahat ng punang ipinaabot.  Una, matapat na inamin ang mga kahinaan sa antas prinsipyo; pangalawa, inilinaw ang sirkumstansya’t konteksto ng di pagkakaunawaan, miskomunikasyon at misinterpretasyon at ikatlo, iwinasto ang mga kalabisan at eksaheradong puna.  Lumisan sa sesyon ang mga treynis na malalim ang iniisip, hindi mo mababasa ang reaksyon sa kanilang mga mukha.

Matamlay na tinanggap ng iba sa amin ang napagkaisahang ipagpatuloy ang treyning. Basta  matapos na lang, aniya ng iba.  Akala ko’y mga pisikal na obstacle course ang pinakanakasisindak naming tatawirin, mukhang higit na matarik pala ang paghamong pang-ideolohiyang kinakaharap namin.  Ang pagsubok na ito’y di lamang nakapatungkol sa aming mga treynis, kapwa mahalaga rin ang naging papel ng mga treynis.

Sa kabuuan, tinukoy ang ugat ng kahinaan sa maling pangangasiwa ng istap.  Binalikan din ang mga kongkretong kalagayan na nagbunsod sa paglulunsad ng treyning at sinariwa ang estratehikong tunguhin ng pakikibakang partisano sa punong lunsod.  Naramdaman kong nag-alab ang pagnanais kong maging bahagi ng inilatag na hugis ng pakikidigmang partisano.  Sa unang pagkakataon mula nang manaig ang problema sa kampo, mababanaag sa mga nangingislap na mata ng ibang mga treynis, na nagkaroon na ng makabuluhang katumbas ang aming mga sakripisyo.  Abot kamay na ang ganap na paggampan ng ABB sa papel niya sa insureksyon.

Bagamat naganap sa huling ikatlong bahagi ng treyning, mayaman sa aral at malaking kagaanan  ng loob ang naging resulta ng grievance session. Para bang may maitim na ulap na napawi at ngayo’y masayang ngumingiti muli ang araw.  Kaysarap pagmasdan ang mga batiang lantay at matapat.  Nakagagalak ang panunumbalik ng puspusang pag-atupag ng pangunahing gawain—ang pagte-treyning.

Sa bahagi naman ng mga napuna sa istap, kahanga-hanga ang ipinamalas nilang tatag ng loob at kahandaang magwasto.  Ibinigay nila ang lahat sa abot ng kanilang makakaya nang hiningi ng sitwasyon balikatin nila ang mabibigat na tungkulin sa kampo.

Ang huling bahagi ng treyning ay kinatampukan ng mga pang-kombat na pagsasanay.   Tinuruan kami ng iba’t ibang tipo ng hand-to-hand combat.  Nanakit ang buo naming katawan sa mga ehersisyo na nangangailangan ng pleksibilidad at bilis.  Nagmistulang nagba-ballet ang iba sa amin at karamiha’y kakatwa ang mga postura.  Sa umpisa, napapa-“inay ko po, eto na po” kami sa tuwing pumapagitna ang aming instruktor at magsisimula na namang balubaluktutin at bakla-baklasin ng ehersisyo ang aming mga kasukasuan at kalamnan.  Sa unang graduhan nga ay medyo sumama ang loob ko, dahil napasama ako sa Group C, na siyang grupo ng mga kulelat.  Akala ko kasi, mas magaling ako sa mga napasama sa Group A at B, pero nang pinagmuni-muni ko ay nakita kong marami nga akong mga kahinaan, kayat imbes na magtampo’y lalo ko na lang pinaghusay.  Nasapul ko rin na kaya may maggugrupo-grupo ay para mapagtuunan ng dagdag na pansin ang pagsasanay sa mga mababagal.

Tuwing napapadaan ako sa lugar ng mga obstakel noong di pa nag-uumpisa ang praktikal na pagsasanay, ay napapalunok ako. Di ko maisip kung paano ko kaya matatawid ang inclined at vertical wall, ang commando crawl (lubid na mataas na nakatali sa pagitan ng dalawang magkalayong puno), at ang ravine jamp.  Sa pagpapamilyarisa sa obstakel, nanginginig ang buo kong katawan sa pag-akyat, kumakabog ang dibdib sa kaba at pagdating sa itaas ay di ko na alam kung paano makababa at makatawid.  Lalo akong nasiraan ng loob at halos di na makausad matapos mahulog ang isang kasama na nauna sa akin. Sa ravine jump naman ay umatras na ako.

Sa ikalawa hanggang ikatlong obstakel run ay di na kami gaanong kabado at natatawid ko na ang lahat ng obstakel. Malaking tulong ang tim work at mga diskarte na nagpapadali at nagpapabilis ng pagtawid.  Ang nanatiling nagpapakaba sa amin ay ang obstakel course na sa gabi isasagawa.

Madilim na madilim noon at walang maaninag na daan at lalo nang di kita ang mga binabagsakan sa pagtalon.  Pagdaan ko sa canal crossing ay nakaramdam ako ng hapdi ng puwing sa isang mata.  Pinatanggal ko iyon sa mga istap ng medikal na nagbabantay, ‘yon  pala ay may dumikit na limatik (isang uri ng linta) sa aking mata.  Napakahirap tanggalin at napakahapdi.  Natuwa naman ako sa pag-aalala ng mga kasama sa akin.

Napakasaya ng kwentuhan pagkatapos. Katawa-tawa ang mga treyni na parang mga baliw na nangangapa sa dilim at nagsesenyasan sa pamamagitan ng paulit-ulit na paggaya sa mga huni ng ibon.  Maya-maya’y  lantaran nang nagtatawagan: “Nasaan kayo, nasaan ako?” Merong sumusunod sa ilaw at bumagsak sa kusina, meron namang nagulat at nasugsog pala nila ang palikuran ng sarili nilang baraks.

Sa pagsasanay naman sa armas, natuwa ako sa score ko. Sa sneaker course naman, hindi na rin masama ang nakuha ko.  Ang mahalaga, nagkaroon ako ng pagkakataong makasubok pumutok na may konsentrasyon at di naunahan ng kaba.

Sa war indoctrination, pinaputukan kami ng live bullets at maging eksplosibo.  Nakakabingi at nakapagpapalukso ng puso ang mga putok.  Hindi ko malilimutan ang pakiramdam ng gumagapang sa pagitan ng lupang nahuhukay sa putok ng sunud-sunod  na bala at matalsikan ng lupa, putik at bato mula sa sumabog na katabi naming mina. Pagkatapos ng huling bahagi ng kurso ay parang bulkang sumabog ang aming tuwa.  Nag-apiran, nagsigawan, nagkamayan at nagtapikan ng balikat.  Natapos natin! Kinaya natin! Makakauwi na tayo!

Kinagabihan, balisa ang tulog ng lahat.  May nanaginip pa nga at sumigaw: Dapa! Nagkatawanan. Pagkatapos ay nagkwentuhan na lang kami.  Pulos gising pala.  Sabik na sabik kasing makauwi. Halos tatlong buwan na rin ang karamihan sa amin. Ang paalam ko nga sa asawa ko ay dalawang linggo lang. Sumulat na lang ako para ipaabot na lampas isang buwan akong mawawala. Naisip ko ang asawa’t anak ko. Si misis, nanganak na kaya? Ang daming tanong na inip na inip na akong malaman ang kasagutan.

Marami akong natutunan sa treyning na ito.  Di lamang paggapang sa lubid, pagtalon sa bangin o pagtudla, natutunan ko rin ang mga init ng ulo (emosyonal) ay di nakakalutas ng problema. Natutunan ko na ang tapang ay napagsasanayan at ang takot ay napapangibabawan. Ang pinakamahalaga kong natuklasan ay ang nais kong maging papel sa rebolusyon—ang maging isang kombatant. Dati akong manggagawa na naging kombatant, ngunit umayaw dahil nalukuban ako ng takot. Kinatakutan ko ang kamatayan nang ang apat kong malalapit na mga kaibigan ay isa-isang binawian ng buhay sa larangan ng pakikibaka.  Takot pa rin ako, pero ngayon alam ko na ang ilalarga ng aking kakayanan.  Handa na akong iaalay ang buhay para sa rebolusyon.

 

III

Simple lamang ang graduation namin.  Kinatampukan ito ng mga award sa unang bahagi at ang mga talumpati sa ikalawa.  Nasalamin ko sa mukha ng mga masa, mga kasama sa security at mga taga-istap pangserbisyo ang sarili kong tuwa sa pagtatapos.

Noong mga sandaling iyon, nakaalpas ako sa makitid na mundo naming mga treyni, at nakita sa unang pagkakataon ang mga taong ito.  Sila ang mga taga-kusina na matiyagang gumigising sa madaling araw upang magluto ng pagkain namin, siyang sumusuyod sa mga karatig pook upang mangalap ng mga gulayin at ano pa mang makakadagdag sa pagkain, kaalinsabay nang pagiging shock absorber ng mga reklamo namin. Mayroon na pa ngang ilang mga pagkakataon na minaliit namin ang kahalagahang nila sa kampo.  Ang mga taga-medikal naman ang matiyagang nag-alaga sa aming pagkakasakit, siyang nagbabantay sa amin sa mg obstacle run, at siya ring hingahan namin ng aming mga hinaing.  Sa kagyat na paligid naman ay pinangangalagaan ang aming seguridad ng mga mandirigma ng larangan na nagbantay at sumubaybay sa kampo.  Naantig ang damdamin ko  ng mga masang dumalo at nakiisa sa okasyong iyon.  Ngayon ko lang lubos na naunawaan ang mapagpasyang papel na ginampanan nila sa paglulunsad ng treyning na iyon.  Mahalagang salik sila sa pagtitiyak ng seguridad sa lugar.  Sa pamamagitan nila ay nasusubaybayan namin ang kilos ng kaaway.  Ang panustos ng kampo at natitipon sa mga tahanan ng mga masa at naghihintay na lamang na makuha. Sa panahong kinakapos ng pagkain sa kampo, sa masa kami nakakaasa ng mga gulay, prutas at bigas para maitawid kami sa gutom.  Buong puso kaming nagpapasalamat sa kanila.

Noon ko lubusang naunawaan ang sistema at organisasyon, mula sa pamunuan ng larangan, ang mga mandirigma at mga sandatahang yunit pampropaganda sa paligid, mga istap, hanggang sa suportang masa, na siyang nagpapahintulot ng pagdaraos ng treyning na ito.  Ang rebolusyon ay hindi lamang digma ng mga partisano, ng hukbo o ng partido, ito’y digmang bayan kung saan sa iba’t ibang antas ay may partisipasyon ang mamamayan.

 

IV

 

Uuwi akong tatlong butas ng sinturon ang isinikip.  Higit sa mga panlabas na pagbabago ay maraming pagbabago sa akin na tagos sa isipan at damdamin.

Sa aking paglisan sa kanayunan, muli akong napalinga sa paligid. Napangiti ako dahil alam kong pansamantala akong inampon ng kabundukan.  Hahanap-hanapin ko sa mausok at maingay na lunsod ang sariwang hangin at katahimikan ng kanayunan.  Kung papayagan ng pagkakataon, nais kong muling magpakalinga sa masa at kabundukan ng kanayunan.

Ngunit naghihintay ang kalunsuran, at may nagbabadyang bagyo roon. Krisis pangkabuhayan. Krisis pampulitika. Base na ipagpipilitang ipalunok sa taumbayan.  Eleksyon. Ngayon pa lang ay dumadagundong na ang kulog ng pagsasagupaan ng mga reaksyonaryong paksyon.  Nagbabanta ang sigwa na nag-uumalpas sa dibdib ng mamamayan. At sa kaibuturan nito ay titindig ang hukbong bayan.

Napahindig ako’t bumilis ang aking mga hakbang.

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1