KEMO MONTILLANO

Ang Kagilagilalas na Hapon ni Ka Goying

 

 

ANG AKALA NI Ka Goying, isang hapon itong tulad ng iba pang hapon.  Ganoon nga, maliban sa isang bagay: muntikmuntikan siyang mahuli ng kaaway.

Madalas lumuwas pa-Maynila si Ka Goying at ang ka-buddy  niya na si Ka Prising.  Bilang mga myembro ng patnugutan ng Habi ng Himagsik [hindi tunay na pangalan ng publikasyon], ang pampanitikang magasin ng Timog Quezon, buwanbuwan silang lumuluwas para ipalimbag ang babasahin. Sa sonang gerilya inihahanda ang lahat ng materyales bago dalhin sa limbagan.  Mula sa pangangalap ng mga kwento, tula, sanaysay, iskrip pangkomiks at iba pang anyo ng panitikan mula sa masa’t mga kasama, kolektibong pinamamahalaan ng patnugutan ang bawat buwang isyu—mula kritisismo ng mga kontribusyon hanggang editing at pagmamakinilya ng huling bersyon ng mga manuskrito. Sa ganitong masinop na proseso  natitiyak na laging mahusay ang presentasyon ng mahuhusay ding akda na hango sa mga karanasan sa pakikibaka.

Kayat laging nasasabik ang lahat sa bawat paglabas ng magasin. Magaganda kasi ang mga akdang nababasa.  May madrama ngunit makatotohanang  mga piraso ng buhay, mayroon ding katawatawang mga pangyayari sa iba’t ibang larangan ng gawain.  Nakakaaliw ang mga istorya tungkol sa mga katangahan at kapalpakan ng mga kaaway, nakapagpaalab naman ng rebolusyonaryong damdamin ang iba pang akda.  Problema nga, nahihirapan ang patnugutan na mapagkasya sa dadawampu’t apat na pahina ang nagdadagsaang mga kontribusyon.

Tuloy, sabihin mang may kahirapan din ang pagluwasluwas, lalupa nga’t nakataya palagi ang seguridad, masigasig sina Ka Goying at Ka Prising sa mga atas sa kanila.  Tinitiyak nila na matapos ang isa’t kalahating linggong preswork sa Maynila ay babalik sila sa sona na bitbit ang inaasam-asam ng lahat: Habi ng Himagsik.

Pero nang matapos nang ilimbag ang pinakahuling isyu ng magasin, nilagnat si Ka Prising.  Nagtigil muna ito sa isang kakilala at saka pinayuhan si Ka Goying na dalhin na ang kahit kalahati ng nailimbag o limang daang kopya. Hindi naman mabulto ang ganitong dami. Isa pa, alam nilang hinihintay na ng masa ang isyu.

Bumyaheng pabalik sa Timog Quezon si Ka Goying, daladala ang talaksan ng magasing nababalot sa papel, na inilagak niya sa lalagyan ng bagahe sa kanang tagiliran ng bus.  Wala siyang pangamba.  Sa dalawang taong paglalabas ng magasin ay di sila nagkaroon minsan man ng aberya.  Ang akala ni  Ka Goying, isang hapon itong tulad ng iba pang hapon: walang aberya.  Daranaan ng bus ang mga tanawing nayon.  Mula sa bintana ay makikita ni Ka Goying ang luntiang linang.  Oo, siyempre ay nalulungkot siyang bigla at napopoot kapag nakakakita ng instalasyong militar sa gitna ng parang.  Pero sa loobloob niya, para lamang itong isang talinghagang nagbibigay ng kakaibang gana at lakas sa pakikibaka:

May isang istranghero sa gitna ng parang

Mababangis na istrangherong alpabeto ang dahas

Kanta nila’y siyang daing ng dinayong parang

Di nila alam, kubli sa pilapil

Marahang dumarami ang damo at baging

Tuwing mga dayo’y nagsisipaglasing

Sasalantain sila ng mga damo’t baging

Durugtungan pa sana ni Ka Goying ang tulang ngangayon pa lang umuusbong nang makaamoy siya ng peligro.  Hindi kalayuan sa kareterang binabagtas ng bus ay isang tsekpoynt.  Tanaw niya sa bintana ang isang dyip na hinahalughog ng isang kawan ng  militar at CAFGU. Bigla niyang naisip ang mga magasin sa lalagyan ng mga bagahe sa kanang tagiliran ng bus.  Hindi niya malaman ang gagawin.  Hindi na niya pwedeng akuin ang mga iyon kung makikita ng mga kaaway.  Agad na nanghinayang si Ka Goying sa posibilidad na masabat ang talaksan ng magasin.

Nang malapit na nga ang bus sa tsekpoynt, sinenyasan itong huminto ng isang sundalo.  Hindi nag-alinlangan ang paa ng drayber at agad diniinan ang preno.  Paghinto ng bus, pinababa ng sumenyas ang lahat ng pasahero.  Hindi rin nag-alinlanlangan ang mga paa ng pasahero, maliban kay Ka Goying na nag-umpisang pawisan gayong may kalamigan ang hapong iyon. Pero bumaba na rin si Ka Goying, sinabayan ang isang babaeng buntis na may karga-kargang sanggol.

“Lahat ng babae, sa gilid ng bus! Ang mga lalaki, dito!”  Pinalapit ng sundalo ang mga lalaki sa kinatatayuan nito.

Umakyat ang isa pang sundalo sa loob ng bus at naghalughog ng mga gamit at bagaheng naiwan.  Sinimulan naman ng isa pa ang pagbubukas sa lalagyan ng mga bagahe, habang sinisimulan na ring kapkapan ang kalalakihan.  Pinipigil ni Ka Goying ang pagtagaktak ng pawis, panay na ang punas ng panyo sa mukha, laluna nang makitang tinatanggal na ang balot ng bagahe niya. Malapit na rin sa kanya ang sundalong nangangapkap. Baka mahalata ang kanyang pagkaligalig.

Sinutsutan ng sundalong nakadiskubre sa mga magasin ang konduktor, pinalapit. Malayo pa ang konduktor ay nagtanong na ang sundalo.

“Kaninong kargada ‘to?”

Alam ni Ka Goying, matitiyak ng konduktor na siya ang may karga noon. Alam niya ang talas ng memorya ng isang konduktor. Kapag natikitan na nito ang lahat ng pasahero, natatandaan nito ang destinasyon ng bawat isa kapag naniningil.  Kumabog na ang husto ang dibdib niya, at inihanda ang sarili sa susunod na mga pangyayari. Parang tumigil ang panahon. Naalala niya ang iba pang kasamang nahuli: kung paano sila tinortyur ng kaaway; kung paano sila itinapon kung saan at natagpuang walang ulo, o kamay, o paa; kung gaano kagimbalgimbal ang kanilang pagkamatay. Hinihintay na lang niyang ituro siya ng konduktor at pumailanlang sa hangin ang mga katagang: “Yun hong lalaking pinapawisan ang  may dala niyan!”

At nagsalita na nga ang konduktor: “Hindi ko na ho alam kung sino.”

Nagulat ang sundalo. Nagulat si Ka Goying. Akala ng militar ay may dagli na silang huli.  Akala naman niya ay ipagkakanulo siya ng konduktor.

Tamangtama ang pagkawala ng kanyang kaba at paghinto ng tagaktak ng pawis, tumapat sa kanya ang nangangapkap na militar.  Mabuti na lang inipit niya sa isang markadong kopya magasin ang mensaheng ipinadala ni Ka Prising para sa asawa nitong mandirigma.

Nagsilapit na ang mga kaaway sa natagpuang talaksan ng magasin.  Dalawa sa kanila ang susuraysuray sa paglakad, halatang lasing tulad ng kanilang gawi anumang oras sa kanilang duty. Isaisa silang dumampot ng kopya at nagbuklatbuklat. Pero hindi nila inalis ang talaksan sa lalagyan ng bagahe.  Nilapitan ng sundalong nakadiskubre ng magasin ang kalalakihan.  Inisaisa ang mukha, tinitigan. Pero nakatuon sa lupa ang mga mata ng karamihan. Tamangtama lang ang gayon, naisip ni Ka Goying at ibinaba rin niya ang tingin. Wala tuloy mapagsuspetsahan ang sundalo.

“Kaninong kargada ‘yung mga magasin? Kanino?” pasigaw na tanong ng sundalo. Walang sumasagot.

Samantala, patuloy sa pagbabasa ang iba pang militar, laluna ‘yung dalawang lasing. Naupo pa ang dalawa sa pintuan ng bus.  Sa umpisa’y parang diringdiri ang dalawa sa pagbabasa. Untiunti, napangiti ang isa.  At mayamaya’y impit na itong napatawa. Napaismid ang katabi nito. Hinulaan ni Ka Goying kung ano ang bahaging nababasa ng napatawang kaaway: ang kwento ng CAFGUng si Pundoy na magnanakaw ng baboy. Nagtangka itong pagnakawan ng baboy si Ka Isidro na isang mangangaso at simpatisador ng NPA.  Plilano pa nang husto ni Pundoy ang pagnanakaw; isinaulo ang ayos ng kural na maraming seksyon at kulungan, bago ito sumalakay isang gabi.  Ang hindi nito alam, kung minsa’y naglalagay si Ka Isidro ng iba pang hayop na nahuhuli sa kagubatan.  Alamid ang nakalagay sa isang kulungan nang  gabing iyon.  At iyon ang nadakma ni Pundoy na magnanakaw ng baboy! Ay siya! Tinugis ito ng nabulabog na alamid, tinugis nang tinugis.  Sa sindak, nabitiwan ni Pundoy ang daladalang armalayt na kinabukasa’y nakuha ng masa at nagtatawanang ipinasa sa mga kasama.

Walang anuano, nag-aaway na ang dalawang magkatabing nagbabasa sa pintuan ng bus.

“Tumigil nga kayo d’yan, Pundoy!” sigaw ng militar na nagririkisa sa mga kalalakihan.

Gustong humalakhak ni Ka Goying, Si Pundoy pala ‘yung napaismid kanina. At kaya pala nagtatawa ‘yung katabi nito.  Akalain nga ba naman nilang mababasa sa Habi ng Himagsik ang naging karanasan ni Pundoy sa napurnada nitong pagnanakaw ng baboy. Ng baboy ng naging alamid!

Dahil parehong lasing, ano pa nga ba’t hindi mapigil ng dalawa sa pagbabangay. Nagsitayo na ang mga ito at nagtutukan ng kanyakanyang armalayt sa mukha.  Kinailangan na silang awatin ng mga nakainom din nilang kasamahan.

Marahil ay sa pagkapahiya, sinenyasan ng ilan sa mga tropa ang mga pasahero na magsibalik na sa bus.  Tumalima agad ang lahat, laluna si Ka Goying. Paakyat na si Ka Goying, siya namang pasimpleng pagsasara ng konduktor sa kinalalagyan ng mga magasing nakalimutan nang ibaba ng mga kaaway na ngayo’y parepareho nang nagsisinghalan.  Nagkatinginan si Ka Goying at ang konduktor at lihim na nagngisian.

Ilang sandali pa’y nakalayo na ang bus sa tsekpoynt.  Nakasungaw ang maraming ulo sa mga bintana, nililingon ang kulumpon ng kaaway na nagkakagulo: may nangangantyaw; may palingalinga’t tila hinahanap ang mga magasin; may nagsisihan. Mababakas naman sa mga mukhang nakasungaw sa bintana ng papalayong bus ang magkahalong ginhawa at tuwa. At naglaho sa mahaba’t likulikong karetera ang sasakyan patungong Timog Quezon.

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1